Salubong Liturgy
April 6, 2017 | Author: Jodict Delos Reyes | Category: N/A
Short Description
Download Salubong Liturgy...
Description
LINGGO NG PASKO NG MULING PAGKABUHAY (Madaling araw) SALUBONG Ito ay tanging kaugalian sa Pilipinas. Maaari itong ganapin sa hulihan ng Misa ng Gabi ng Pagkabuhay o sa unahan ng Misang ito sa araw ng Pagkabuhay. Sa unang Misa sa araw na ito, ang mga imahen ng Pagkabuhay (na maaaring magmula sa sementeryo ng parokya) at ng Mahal na Birhen (na magmumula sa Simbahan o sa bisita na malapit dito) ay magsasalubong sa isang pook na malapit sa simbahan o sa may harap ng simbahan. Ang dalawang imahen ay ipapasok ng mga nagpuprusisyon sa simbahan samantalang inaawit ang awiting Pambungad o ang Taludtod-Pambungad. Kaagad isusunod ang Papuri sa Diyos at ang Panalanging Pambungad (sulat buhat sa Roma na ipinadala rito noong ika-18 ng Marso, 1971). PAMBUNGAD Bilang mga Pilipinong Katoliko, naniniwala tayong si Jesus ay muling nabuhay at Siya ay napakita sa Kanyang inang si Maria. Madaling araw ng "Linggo ng Pagkabuhay" ipinagdiriwang natin ang pagtatagpo o sa mas kilalang tawag ay ang Salubong ni Jesus na Muling Nabuhay at ng Kanyang Inang si Maria. Ang Pagpuprusisyon ng dalawang napakagandang imahen, ang pagtatanggal ng belo sa namimighating si Maria at ang mga maliliit na mga batang gumaganap na mga anghel ang ilang dahilan kung bakit napakaganda at di kayang limutin ang pagdiriwang na ito ng Salubong. Subalit mainam din na tanungin natin ang ating sarili kung ano nga ba ang kahulugan ng ating pagdiriwang ng Salubong? Ito ay 'di lamang ang pagpapakita ni Jesus sa Kanyang ina kundi ang Kanya ring pagpapakita sa atin, 'di lamang sa ina kundi gayun din sa ating lahat na Kanyang mga kapatid.
Papaano Siya nagpapakita sa atin? Sa pamamagitan ng Kanyang mga Salita, sa pagdiriwang ng Banal na Misa, sa pagtanggap ng Banal na Komunyon Siya patuloy na nagpapakita sa atin. Subali’t atin din pakatatandaan na si Kristo ay nagpapakita sa atin sa tuwing tayo ay gumagawa ng mabuting bagay sa isa't-isa. Siya'y nagpapakita sa atin kung tayo ay nagtutulungan. Kung tayo'y humihingi ng tawad sa mga pagkakataong tayo'y nagkakasala, Si Kristo ay nagpapakita sa atin. Sa pagkakataong tayo ay nagpapatawad Siya ay nagpapakita sa atin. Kung tayo ay tapat sa ating pamilya, at tapat din sa ating Simbahan, si Jesus ay nagpapakita sa atin. Sa pagdiriwang ng Salubong si Jesus ay nagpakita kay Maria na Kanyang ina, subali’t ating pakatatandaan na ngayon si Jesus ay nagpapakita rin sa atin na Kanyang mga kapatid.
PASIMULANG PANALANGIN P. Sa ngalan ng + Ama at ng Anak, at ng Espiritu Santo. B. Amen. P. Sumainyo ang Panginoong muling nabuhay! B. At sumainyo rin. P.
Dapat nga tayong magalak at magpasalamat sa Diyos Ama at kay Jesukristong Anak Niya. Hinugasan sa dugo ni Jesukristo ang kasamaan ng sangkatauhan. Noong unang panahon, iniligtas ng Diyos ang Kanyang bayan mula sa pagkaalipin, itinawid sa dagat, at inihatid sa pangakong bayan. Sa bukang liwayway na ito ating ipinagdiriwang ang paglaya natin mula sa pagiging alipin ng kasalanan at ang pagtawid ni Jesukristo - kasama tayo mula sa kamatayan patungo sa Kanyang pagkabuhay. Ipagdiwang natin ang dakilang pag-ibig ng Diyos na nagpasyang tayo'y tubusin at ang Kanyang malasakit sa atin sa pamamagitan ni Jesukristo. Pakinggan natin ngayon ang salaysay mula sa Mahal na Pasyon ng Pagsalubong ni Kristo sa Kanyang Mahal na Ina.
Maaring awitin o basahin. Iminumungkahi na ang bahagi ni Kristo ay awitin ng mga lalaki at ang bahagi ni Maria ng mga babae. Sa dalawang unang taludtod at sa dalawang huling taludtod ay sabay-sabay na aawitin ng babae at lalaki ang koro sa masayang Tono ng Pasyon. Pagpasok sa dambana ng pari ay aawitin ang Papuri sa Diyos. ANG PAGSALUBONG NI KRISTO SA KANYANG MAHAL NA INA Koro:
Nang malabas na sa hukay At si Jesus ay mabuhay Ang una Niyang dinalaw Ay ang Inang namamanglaw Inaliw sa kalumbayan. Doon nga sa Senakulo Ay pinaroonan ni Kristo at binati nang ganito, yaong Inang nanglulumo lumbay ay di mamagkano:
Mga lalaki:
Aba, Ina Kong mapalad Karamay-ramay sa hirap Tanging yaring iyong Anak Loob ay nang lumuwag Sa kapighatia't sindak. Matuwa na't lumigaya Ang Poon Ko't Aking Ina Yamang, ang Aking naganap na Ang pagsakop Ko sa sala Sa tanang anak ni Eba. Napawi na't nakaraan Ang unos ng kasakitan Ngayon ang katuwaan, Ina ko'y siyang kamtan Nitong Aking pagkabuhay.
Mga Babae:
Ang Tugon ng Birheng Ina Aba, bunso ko aniya Loob ko'y nagkamit saya Buhay niyaring kaluluwa Sa iyo nang pagkakita. Yaong mga tinataglay Hapis at kapighatian Ng puso kong nalulumbay, Ngayo'y agad nahalinhan Ng malaking katuwa. Ano pa't ngayo'y nalubos Ang tuwa kong di matapos O Anak kong sinta't irog, Ang sukal ng aking loob Napawi ngayon tinubos.
Koro:
Halos di nalulubos pa Ang tuwa nang Birheng Ina Nang kanilang pagkikita. Ay pumanaw kapagdaka Si Jesus na Anak niya. Ang ina'y kaya nilisan Ni Jesus at pinananawan, Aaliwin Niya naman, Ang madlang kapighatian Nang kaniyang mga kawal.
Iinsensuhan ng Pari ang mga imahen sa saliw ng mga awit na: NABUHAY AKONG MULI Nabuhay Akong Muli, Aleluya Ako’y laging nasa ‘yo, Aleluya (Tatlong Beses) Ako’y laging nasa ‘yo, Aleluya REYNA NG LANGIT Reyna ng Langit, magsaya. Aleluya Anak mong dinala sa tuwa. Aleluya Ay nabuhay na magmuli. Aleluya Ipanalangin mo kami sa Ama. Aleluya Aleluya. Aleluya. Reyna ng Langit, magsaya. Aleluya Anak mong dinala sa tuwa. Aleluya Ay nabuhay na magmuli. Aleluya Ipanalangin mo kami sa Ama. Aleluya P.
Matuwa ka at magalak, O Birheng Maria, Aleluya.
B.
Sapagkat tunay na muling nabuhay ang Panginoon. Aleluya.
P.
Manalangin tayo O Diyos, na sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ng Iyong Anak na si Jesukristong Panginoon namin, minarapat Mong paligayahin ang mundo. Hinihiling namin sa Iyo na alang-alang sa Birheng Maria na Kanyang Ina ay makamtan namin ang kaligayahan sa buhay na walang hanggan. Sa pamamagitan din ni Kristong aming Panginoon kasama ng Espiritu Santo magpasawalang hanggan..
B. Amen. Aalisin ang lambong ng Birhen (Matapos alisin ang lambong ng Birhen)
P.
Bilang tanda ng pakikihati sa galak at saya ng ating Mahal na Ina sa Muling Pagkabuhay ng Kanyang Anak na ating Tagapagligtas ay pumalakpak tayong lahat.
View more...
Comments