PI 100 Etikang Tagalog
April 18, 2017 | Author: Rech Sarzaba | Category: N/A
Short Description
Download PI 100 Etikang Tagalog...
Description
Sarzaba, Rechelle Ann V.
Prof. Nilo Ocampo
2010-02743
PI 100- WFR2
PAGSASAALANG-ALANG SA SURING AKLAT: ETIKANG TAGALOG — ANG IKATLONG NOBELA NI RIZAL
I.
Layunin ng pagkasulat at Paano ito Natupad o Hindi Ayon sa pinakaunang bahagi ng libro, ang nobelang Etikang Tagalog na isinulat ng ating
bayaning si Jose Rizal ay may layuning paksain ang etika ng mga Pilipino; pawang mga gawi, katutubong ugaling Tagalog, kagandahang-asal at kasiraan ng mga Pilipino lamang ang paguukulan ng pansin rito. Labas rin ang politika sa pangunahing paksa ng kanyang akda di tulad ng kanyang mga nauna pa niyang mga nobela na Noli Me Tangere at El Filibusterismo. Sa aking pagsusuri, tunay ngang naipahayag ang layunin at natugunan naman ito sa pamamagitan ng pagsasalarawan ng bawat karakter ng nobela na likas namang sumasalamin sa totoong kaugalian ng mga Pilipino, hindi lang noon kundi pati ngayon. Mapapansin ang pinaka pinagtuunan ng pansin rito—relihiyon at kung ano ang naging relasyon ng papel ng mga karakter ukol rito. Ngunit, napansin ko na hindi pa rin labas rito ang politika dahil sa pinakita ng karakter nina Kapitan Panchong at Kapitan Crispin na pilit na nagpapaligsahan sa pagsisipsip sa Kura upang makuha ang loob nito at manalo sa darating na halalan. Sa pamamagitan nito, malaki pa rin ang epekto ng isang makapangyarihang imahe ng relihiyon sa politika ng bayan ng Pili. Sa kabilang dako, layunin din ng manunulat na pagyamanin ang sariling wika sa pamamagitan ng pagnanais nitong gamitin ang wikang Tagalog sa ikatlong nobelang ito. Para sa kanya, “ang pagpapanatili ng isang bayan ng kanyang wika ang siyang nagpapanatili rin ng sagisag ng kanyang kalayaan; tulad ng tao, nananatili rin ang pamamaraan sa pag-iisip ng bayan.” Dagdag pa niya, ang sariling wika ay dapat paunlarin, palaganapin at panatilihin sa sariling kaisipan at dapat mithiin bilang isang bansa at hindi sa probinsiya lamang. Subalit ayon kay Rizal: …gayunman pinaghihirap ako sa pagsulat ng librong ito, dahil marami sa aking mga naiisip ay hindi ko malayang naipapahayag, kung hindi man ay nagpapasok ako ng mga neolohismo; bukod dito, hindi na ako sanay magsulat sa Tagalog.
Sa pahayag niyang ito, bagamat tinangka niyang makapagsulat ng isang nobelang Tagalog na iaaalay sa kapwa niya Pilipinong nangangailangan nito, ay di niya na nagawa pang ipagpatuloy ang pagsusulat sa wikang Tagalog dahil na rin sa kanyang pagkasanay o pagkahiyang sa paggamit ng ibang wikang banyaga. Ayon sa libro, ito’y isang sitwasyong kinaharap din ng mga Pilipinong makakapag-aral at magdadalubhasa sa ibang bansa na maituturing na isang predicament o kabalintunaan ng lipunan hindi lang noon kundi maski sa panahon natin ngayon, na ilan nating mga kababayan ay nalilimutan na rin ang sariling wika sanhi ng matagal na pamamalagi sa ibang bansa.
II.
Ilugar kung Paano Naging Makabuluhan o Hindi sa Kabuuang Kurso Ang buong layunin ng nobelang ito ay kagaya nga ng nabanggit: ipakita at ilarawan ang
gawi at kaugaliang Pilipino. Ayon sa nagsalin, “kung buhay si Rizal ngayon, magsusulat siya muli ng nobelang nagbubunyag sa kasalukuyang katiwalian, patuloy na paghihirap at kawalang katarungan sa lipunang Pilipino.” Masasabing makabuluhan ang layunin ng nobelang ito dahil hindi maikakaila na ang suliraning kinaharap ng bansa noong dantaong 19 ay dinaranas pa rin ng bansa sa kasalukuyan. Sa kabilang dako, nakilala si Rizal bilang isang bantog na manunulat at bayani na inialay ang kanyang sarili para sa kasarinlan ng bansa. Sa pamamagitan ng kanyang mga akda, mas lalong nakilala ang mga Pilipino; ang kanilang mga hinaing, mga pagkukulang, mga kapintasan, mga magaganda at mayayaman na kaugalian, ang sariling wika at ang pagiging bansang lumalaban. Sa mga akda ni Rizal na gumising sa kamalayan ng kapwa niya Pilipino, ang nobelang ito ang naglarawan kung ano nga ba ang pagiging isang Pilipino at paano ito nahubog ng panahon. Sa angking kagalingan na ito ni Rizal naging makabuluhan ang pag-aaral ng kursong ito sapagkat siya mismo ang naglakas ng loob na ipakilala ang Pilipino kahit na wala tayong lakas ng loob dati na ipahayag ito. Siya ang nanguna sa pagbabago ng ating imahe bilang indiong walang alam, tamad at sunod-sunuran lamang. Sa nobelang ito inihayag rin ang pagnanais ng ating bayani na “magbarong tagalog muli, pero hindi ni siya sanay, dahil nahiyang na ito sa banyagang kasuotan”. Bata pa lang, hinikayat na niya ang kanyang mga kababayan na pahalagahan ang sariling wika, mahalin, paunlarin at magkaroon ng makabansang damdamin; ngunit gaya ng maraming nakapag-aral at nagpakadalubhasa sa ibang bansa ay mas napaunlad pa ang ibang wika maliban sa sariling
bayan. Makabuluhan din ito sa pagaaral ng kursong ito sapagkat napatunayan na walang bagay sa mundo ang hindi nagbabago, tunay ngang matibay ang kanyang pasya na bumalik sa “parang na paglalabanan” at pukawin ang mga kababayan sa kanilang wika bilang sandata ng pakikibaka sa pamamagitan ng nobelang Tagalog na ito, subalit nangyari nga na ang pagiging dalubhasa niya sa ibang bansa ay nagresulta sa alyenasyon sa kanyang bayan.
III.
Paanong Pansarili o Panlahatang Nakaapekto sa Kasalukuyan Ayon sa salin, “angkop samakatuwid na hinuhain kung ano ang gagawin ni Rizal kung
buhay siya, sapagkat sangkap ito ng pagpapahalagang pangkasaysayan tungo sa pananagutan ng kasalukuyan na tularan siya at lagpasan pa nga sa mga pagpupunyagi sa panlipunang pagbabago”. At dito na nga papasok ang nobelang ito ni Rizal, na marahil ay nararamdaman ng mambabasa ang setting na hindi lang pang19 dantaon kundi nasa pangkasalukuyan na rin dahil katulad ng nabanggit sa libro, totoo nga na sangkot pa rin ang isyu sa wika, simbahang Katoliko, kaugalian at kasiraang Pilipino gayundin ang hamon ng neokolonyalismo ngayon sa ating lipunan. Una na rito ang paggamit ng sariling wika sa ating bansa. Noong panahon ng mga dayuhan, lalong lalo na sa ilalim ng Kastila, “hindi kinakitaan ang mga namumuno ng pagmamalasakit at pagpapahalaga sa pagtataguyod nito, at sa halip ay kinokontra pa nga”. Sa paglipas ng panahon ay nakamit na rin natin ang kalayaan na mamuno sa ating sariling bansa. Subalit isa sa isyu na kinahaharap ng ating bansa ay ang pagkakaroon ng neokolonyal na pagiisip kung saan pumapasok ang problema sa paggamit at pagtangkilik ng sariling wika. “Aminin man natin o hindi, katulad pa rin ang karanasang Hispanisadong si Rizal sa mga marurunong at intelektuwal ng kasalukuyan sa pagkahirati sa banyagang wika kasabay ng kakulangan sa sariling salita”, (Ocampo, 2002). Masyado na ngang mataas ang tingin ng ilan sa sarili kung saan ang paggamit ng banyagang wika ay nagsisilbing label sa pagiging parte ng upper class at naging sanhi ng tuluyang paglimot sa kahalagahan ng sariling wika. Isa rin sa mga isyu sa nobela ang relihiyon at ang kaugnayan ng politika rito. Sa bansa natin kung saan tayo lang sa Asya ang may malawak na Katolikong paniniwala, masasabing makapangyarihan at nangingibabaw pa rin ito sa kaugaliang Pilipino. Sa Etikang Tagalog, naipakita ang ilan sa kaugaliang Pilipino noon na nangyayari pa rin sa kasalukuyan lalong lalo na
tuwing panahon ng halalan. Ang pagtutunggali nina Kapitan Panchong at Crispin ang nagbukas sa maraming paraan ng pandadaya lalong lalo na sa panunuhol ng mga mamboboto at pagsipsip sa Kura sa pamamagitan ng pagreregalo ng kung ano-ano upang makuha ang suporta ng pari at ng sa gayon ay mapadali ang pagkapanalo. Ganito rin ang nangyayari sa kasalukuyan; talamak na panunuhol, pagbili ng boto, paninipsip sa mga makapangyarihan at iba pang uri na pandaraya na masasabi nating natural na sa mga Pilipino kahit na kapintas-pintas man ito. Ilan pang kaugalian ay ang karakter ni Anday na sumasalamin sa kasalukuyang dalaga na naging mapusok, nagpadala sa bugso ng damdamin, maagang nabuntis at naiwanan ng responsibilidad. Isinasakatauhan din niya ang mga kasambahay ngayon na pinagmamalupitan at pinagsasamantalahan ng mga mapang-abusong amo gaya ng tauhan na si Kapitana Barang. Sila’y pilit na kumakayod mabuhay at mapangtustos lamang sa mga kapamilyang umaasa sakanila kahit na lubog man ito sa utang. Sina Ape at Silvino naman ay sumasalamin sa kabataan ngayon na minulat ng mga magulang sa pandaraya, pagbabasag-ulo at natuto ng masama sa mga nakakatanda kung saan negatibo ang naging epekto sakanila at patuloy na mabubulag sa kamalian. At panghuli si Padre Agaton, bilang imahe ng makapangyarihan at maimpluwensyang tao sa lipunan. Naglalarawan rin siya ng isyung pakikipagrelasyon sa kababaihan at kabataang lalaki sa sariling parokya at ang pag-coconsider sa pagpapakasal ng mga pari na hindi tanggap ng kaparian ng Katolisismo ngayon.
Sanggunian:
Ocampo, Nilo S. tagasalin. 2012. Etikang Tagalog: Ang Di-Tapos na Ikatlong Nobela ni Rizal. Lungsod Quezon: Lathalaing P.L
IV. A. Tulad ni Rizal, ganito ang maiisip-isip ng sinumang manlalakbay na Pilipino. Sabi ni Rizal, kung may malakas na kamalayan ang sinumang manlalakbay na Pilipino, karapat-dapat lamang na bumalik sa Pilipinas, sa parang na paglalabanan at paunlarin ang sariling wika, palaganapin, panatilihin ang bayan sa kanyang sariling isipan… magkaroon ng kaisipang malaya…
B. Kasuotan ng Obispo Alba (damit na mahaba na isinusuot ng Obispo), manipole at mitra (sinusuot sa ulo) C. Bersyon ng “Halika Iha” sa Nobela Mula sa pah.92, ang bersyon na ito ng nobela ay: Padre Agaton: Naparito ako para asikasuhin ang isang bagay. Sabi ni Cecilia, hindi niya maiaayos ng mga palaspas para sa Domingo de Ramos dahil hindi niya alam gumawa ng artipisyal na bulaklak. Pero tingnan ninyo, punong-puno ang hardin na ito. Gumawa ka na lang muna sa mga bulaklak dito. Bibigyan kita ng tatlumpung piso para sa magagawa mo para sa akin at limang piso para sa aking koadhutor. Ano? Maayos ba sa iyo yun?
D. Matematikal na formulang pagkakautang ni Anday at panahon ng paninilbihan Php70 (utang ni Anday)/Php3.88 (sweldo kada taon) = 18 taon pa ng paninilbihan Naging Php 74.50 / Php 3.88= di hihigit ng 19 taon at kalahati
E. Saan pa sa Pilipinas natatagpuan ang larong ito ng kabataan ng Pili Maliban sa Pili, matatagpuan din ang Tuktukan o Egg-boxing sa Ilocos Sur, lalo na sa bayan ng Magsingal.
F. Ito ang mga hayop na matatagpuan sa mga islang ito kung saan nabuo ng tanyag na sayantist ang kanyang teoryang mapanaklaw. Sa isla ng Galapagos kung saan matatagpuan ang mocking birds, pawikan at rhea, nabuo ang tanyag niyang teorya.
View more...
Comments