PI 100 Etikang Tagalog

April 18, 2017 | Author: Cris Reven Gibaga | Category: N/A
Share Embed Donate


Short Description

Download PI 100 Etikang Tagalog...

Description

Gibaga, Cris Reven L.

PI 100 WFV Unang

semestre 2014 – 2015 2011 – 07266

Dr. Nilo Ocampo

SURING AKLAT SA “ETIKANG TAGALOG: ANG IKATLONG NOBELA NI RIZAL” Ang Etikang Tagalog ang ikatlong nobela ng ating pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal. Ito ang kanyang pinakamahabang nasulat na di niya natapos. Ang nobela ay naganap sa bayan ng Pili. Pangunahing tauhan si Cecilia, anak nina Capitana Barang at Capitan Panchong. Ang kanilang kura na si Padre Agaton ay masasabi na may pagnanasa kay Cecilia. Naroroon din ang iba pang tauhan tulad nina Capitan Crispin, ang kalaban sa politika ni Capitan Panchong, Anday na katulong nina Capitana Barang at nabuntis ng anak ng kanyang dating amo, at Isagani na kasintahan ni Cecilia. Makikita sa nobela ang iba’t-ibang kaugalian ng mga tagalog noong panahon ng Kastila, maganda man o hindi. Matapos malimbag ang El Filibusterismo, naisulat ni Rizal ang akdang ito upang mapakita ang katutubong kaugalian at gawi ng mga Tagalog, maganda man ito o hindi. Kung ihahambing sa kanyang dalawang naunang nobela, etika at hindi politika ang tinatalakay ni Rizal sa nobelang ito. Nauna niyang ninais na maisulat ang kanyang ikatlong nobela sa Tagalog dahil ang kanyang pinag-aalayan ng akdang ito ay ang mga tagalog na hindi naman nakakaunawa ng wikang Espanyol. Ninais niyang makuha ang paningin ng mga tagalog gamit ang kanilang wika at bumalik sa “parang ng labanan”. Ngunit nabigo siya dito. Hindi na siya hiyang sa wikang Tagalog, isinulat niya ang akdang ito sa wikang Espanyol. Katulad nga ng paghahambing ng tagasalin, tila ba nangati si Rizal ng subukang magsuot uli ng Barong Tagalog kaya nag-overcoat na lamang siya uli.

Nabigo man siyang gumamit ng wikang tagalog, di naman siya nabigo na ipakita ang mga kaugalian at gawi ng mga Tagalog sa mga panahong iyon na masasabi na ang ilan ay nanatili pa rin hanggang sa ngayon ganoon din ang impluwensya ng simbahan, ang praylokasya na may malaking ambag sa mga gawi at ugali ng mga tao, ordinaryo man o nasa posisyon. Halimbawa ay ang paniniwala sa mga malas, na kahit walang matibay at siyentipikong dahilan ay pinaniwalaan ni Capitana Barang na malas si Anday at ang anak nito. Madami pa rin mga Pilipino ngayon ang naniniwala sa malas. Ganoon din ang impluwensya ni Padre Agaton sa mga pulitiko na tila ba pinagaagawan siya kasi panigurado kung sino ang kanyang susuportahan ay mananalo. Ganito pa rin ang mga pulitiko natin hanggang ngayon. Nabigong layunin ni Rizal na mapukaw ang diwa ng mga tagalog gamit ang wikang tagalog, tila tinupad ito sa pagsasalin ni Dr. Nilo Ocampo sa akdang ito sa wikang tagalog. Nasalin ng tagapagsalin ang akda sa wikang mauunawaan ng marami at mas higit na naunawaan ang nais iparating ni Rizal sa mga mambabasa gamit ang wikang tagalog. Mas higit din na naging madali ang basahin at unawain ang ikatlong nobela ni Rizal dahil bukod sa pagsalin, hinati din ng tagapagsalin sa mga kabanata na may mga pamagat, bukod na may mga larawan na nakatulong upang maghiraya ng kaganapan sa akda. Ang orihinal na ikatlong nobela ni Rizal ay walang pamagat. Napakainam ang pagkakapili ng may-akda na “Etikang Tagalog” ang gamitin dahil una, etika ang tinatalakay ni Rizal. Ikalawa, napanatili ang orihinal na intensyon ni Rizal na mga Tagalog ang kanyang pinag-aalayan. Hindi ito nangangahulugan na kwento lamang ito ng mga Tagalog. Pambansa ang kaisipan ni Rizal kaya ang Tagalog na tinutukoy niya dito ay ang mga Pilipino sa kabuuan. Sa pamagat pa lamang, magkakaroon ka na ng ideya kung saan patungkol ang akda. Malaki ang kaugnayan ng akda sa PI 100 dahil isa ito sa mga akda ni Rizal. Pagsunod din ito sa sinasabi ng Republic Act 1425 na nagsasabi na kailangan mapag-aralan sa unibersidad at kolehiyo ang buhay, mga nagawa

at mga akda ni Rizal. Napakita ng akda ang malaking pagbabago na nangyari sa buhay ni Rizal. Mula sa isang batang Tagalog ang wika na tagaCalamba na lumikha ng “Sa Aking Mga Kababata” sa edad na walo, naging Hispanisado siya pagpasok niya ng Ateneo. Naging bihasa siya lalo sa wikang banyaga nang siya ay magtungo sa Europa. Subalit nang subukan niyang bumalik sa nakagisnang wika, nahirapan siya.

Makikita na si Rizal bilang

isang manunulat na Tagalog na nabigong matapos ang isang akda dahil sa hindi na gamay ang wikang Tagalog. Napakita din ng akda ang praylokasya, ang namamayaning pwersa sa panahong iyon, na natalakay sa klase. Kahanay ni Padre Agaton sina Padre Damaso at Salvi ng Noli Me Tangere at si Fray Botod ni Jaena. Silang lahat ang pinakamakapangyarihan sa kanilang mga kwento at labis na ginagalang ng mga mamamayan. May mga lihim din na interes sa mga magagandang babae, kahit na pinagbabawalang magasawa. At nakukuha nila ang kanilang gusto. Makikita sa mga salita at kilos ni Padre Agaton ang pagnanasa niya kay Cecilia. Sayang nga lang kasi hindi natapos ang akda at hindi napakita kung ano sana ang magagawa ni Padre Agaton kay Cecilia. Malamang ay matulad si Cecilia kay Benedicta at kay Donya Pia na inabuso at pinagsamantalahan ng mga pari. Sa anotasyon ni Rizal sa Sucessos ni Morga, napakita niya ang magandang nakaraan ng Pilipinas bago dumating ang mga dayuhan. Sa akdang ito, napakita niya naman ang mga katutubong kaugalian ng mga Tagalog matapos masakop ng mga Kastila. Napakita niya ang nakaraan na etika ng mga Tagalog, may ilang magagandang etika at tradisyong nanatili pero may mga etika din na napasok na pinasama ng sistema ng praylokasya. Ang Noli ay isang romantic novel, ang Fili ay tumatalakay sa rebolusyon. Kakaiba ang ikatlong nobelang ito dahil ugali at gawi ang tema. Kung ang unang dalawang nobela ay nagpapakita ng malawakang kamalian sa lipunan bunga ng pang-aabuso ng mga nasa kapangyarihan at ang pagpukaw sa pangangailangan ng kalayaan, ang akdang ito ay tumatalakay din sa kamalian, pero hindi sa lipunan kundi sa ilan sa mga gawi at ugali ng mga Pilipino at ang pangangailangan ng kalayaan mula din.

Maraming pinakita ang “Etikang Tagalog” na kaugnay sa mga nagaganap ngayon. Madami sa mga kaugalian at gawi na nabanggit ni Rizal sa akda ang nawala na paglipas ng halos isang siglo. Kung noon ay itinuturing na kamalasan ang pagkakaroon ng anak ng di kasal (katulad ni Anday), ngayon ay tipikal na lamang ito na senaryo, ipinagmamalaki pa nga sa Facebook. Nag-iba na rin ang mga pananamit na nabanggit sa akda sa ngayon, ang mga saya ay naging T-shirt na lamang. Nawala na rin ang Tuktukan. Hindi na rin ito alam ng mga bata ngayon na ang mas alam laruin ay mga computer games. May mga kaugalian at gawi na hindi nawala katulad sa paniniwala sa mga tubig na makakapagpagaling ay buhay pa rin hanggang sa ngayon. Marami pa rin ang mga nagsisimba tuwing linggo. May isa pa din na hindi nawala at tunay na kapansin-pansin sa ngayon, ang impluwensya ng Simbahang Katoliko sa bansa. Hanggang ngayon ay malaki pa rin ang impluwensya nya lalo na sa pamahalaan. Labis ang paggalang ng mga pulitiko sa kanila dahil alam nilang sinusunod sila ng tao, katulad ng paggalang nina Capitan Panchong at Capitan Crispin. Hindi ba’t ang pinuno ng simbahan ang isa sa mga nagpasimula ng People Power 1 at 2? May ilan na takot pa rin sa mga pinuno ng simbahan kaya nga inabot ng isang dekada bago napasa ang Reproductive Health Bill. Pero kapansin-pansin na may ilan nang mga pinuno ang hindi nagpapasok sa nais nila tulad ni P-Noy. Kung medyo humihina ang impluwensya ng Simbahang Katoliko, may isang denominasyon ang unti-unting nagiging makapangyarihan dahil sa laki ng boto na mabibigay sa mga pulitiko sa eleksyon. Block voting ba naman eh. Kaya naman maraming pulitiko ang labis na gumagalang sa pinuno ng iglesyang ito. Nariyan na nagpapangalan ng kalsada sa tagapagtatag nito, at kapag may gawain sila ay ginagamit ang national road kahit na magtraffic. Binabati din sila ng mga pulitiko tuwing may importanteng pagdiriwang. Humihina man ang impluwensya ng Simbahang Katoliko, malakas pa rin ang impluwensya nila, kasabay ng paglakas ng impluwensya ng isa pang denominasyon. Hanggang ngayon din ay mayroon pa ring mga pari na dahil di nakapagpigil ay nagkaroon ng anak sa mga babae. Napalabas sa taong ito

sa “Kapuso Mo, Jessica Soho” ang kwento ng dalawang pari sa Visayas na may mga anak. Ganoon din, talamak pa rin ang mga pari na nang-aabuso ng mga kabataang lalaki. Sa Butuan nga noong 2011 ay may isang 17 anyos na lalaki ang inabuso ng pari. Sa loob ng isang siglo, may mga pari pa rin na katulad nila Padre Agaton. Isa pang makikita din ang naging kaso ni Rizal na nahirapang magsulat uli sa Tagalog. Nagpakadalubhasa sa wikang banyaga at nahirapan bumalik sa katutubong wika. Katulad din ito ng ilan sa ating mga kababayan ngayon na nagtutungo sa ibang bansa, nagpapakadalubhasa doon o di kaya ay nagtatrabaho doon ng matagal na panahon at pagbalik dito ay hindi na sanay na mag-Filipino. May mga kabataan din na hindi sanay magsalita ng Filipino at mas gamay ang English dahil pinasok sa mga paaralang English ang paraan ng pagtuturo. Sinanay kaya kapag nakikipag-usap sa kapwa niya Pilipino ay sobrang hirap. Maraming ganito sa UP. Mga Pilipinong magaling mag-English pero di makapagsalita ng Pilipino. Kung si Rizal, kahit na nahirapang bumalik sa pagtatagalog ay nagsikap bumalik at malaki ang malasakit sa wikang tagalog (gumawa pa nga siya ng ortograpiyang Tagalog), iba ang kalagayan ng mga Pilipino ngayon. Itinuturing na wika ng mababang uri ang Tagalog o ang Filipino, samantalang wika ng mataas na uri at ng may pinag-aralan ang English. Hindi ba pati ang CHED ay walang pagpapahalaga sa pambansang wika at nais pang tanggalin sa kolehiyo ang pagtuturo ng Filipino. Isa itong patunay ng neokolonyalismo ng Amerika. Ang wika nga ni Rizal ay “Ang wika ay pag-iisip ng mga bayan”. Kung ang mga nasa itaas at ang mga namumuno ay mananatili sa paniniwalang mas mainam na wika ang English kaysa sa Filipino, patuloy pa ring kinokontrol ang kanilang isip ng mga Amerikano na wika ang English. Patuloy pa rin ang kolonyalismo, ang pagkontrol. Ang etikang pagpapawalang halaga sa Filipino ay isang etikang masasabi na malaking kasiraan sa mga Pilipino at labis na ikalulungkot ni Rizal kung siya ay nabubuhay pa.

A. Ang bayani sa Deutsch (German) ay Held o Heros, sa Espanyol ay Héroe, sa Arabik ay ‫( بطل‬Al-batal), sa Manuvu ay Bahani at sa Vanuatu (Bilsama) ay Hiro. B. Makikita sa pahina 73 ang isang salita na nasa lakbay-aral. Ito ay ang Ilog Jordan na pinagmulan ng mahiwagang tubig ni Padre Agaton. (Ikalawang pagkalimbag, 2004) C. Si Capitan Panchong ang inadobo sa nobela. Wala pa akong nakikitang adobo na nilagyan ng mustasa. Pero meron isang artikulo sa Inquirer na nagpakita ng isang luto, “Adobong Tuna sa Puti” na kung saan ginawang pambalot ng tuna ang mustasa. May iba’t-ibang klase sa pagluluto ng adobo batay sa sangkap na gamit. May adobong suka lang ang meron (Adobong puti), may adobong may toyo at suka (Adobong itim), may adobo ding nilagyan ng patis o di kaya ay gata. Maaari ding iuri ang adobo batay sa karne na inadobo (eg, adobong manok) D. Ang wika ni Padre Agaton kay Cecilia ay ganito: “Naparito ako para asikasuhin ang isang bagay. Sabi ni Cecilia, hindi niya maiaayos ang mga palaspas para sa Domingo de Ramos dahil hindi niya alam gumawa ng mga artipisyal na bulaklak. Pero tignan ninyo, punung-puno ang hardin na ito. Gumawa ka na lang mula sa mga bulaklak ditto. Bibigyan kita ng tatlumpung piso para sa magagawa mo para sa akin at limang piso para sa aking koadhutor. Ano? Maayos ba sa iyo iyon?” E. Kung hugis itlog ang sasakyan at walang laman sa loob, pwedeng magkaroon ng sasakyang hugis itlog. Lulutang naman ito kasi yung may hangin sa loob at kapag may hangin, mas buoyant ito. Kung patayong itlog ang hugis ng barko, hindi pwede kasi masyadong malaki ang surface nito na lalaban sa tubig, mas mahihirapan itong umandar. Pwede ang nakahingang itlog kasi pahaba ang hugis nito (katulad ng mga hugis ng pangkaraniwang barko). Mas di nga lang efficient kumpara sa karaniwang barko dahil di patulis ang harap nito.

View more...

Comments

Copyright ©2017 KUPDF Inc.
SUPPORT KUPDF