Philosophy - 1st Long Test.pdf
October 12, 2017 | Author: Lyndon Sanchez | Category: N/A
Short Description
Download Philosophy - 1st Long Test.pdf...
Description
Lyndon P. Sanchez
Ph101-XX
133655
08:30-09:30 A.M. Aminin man natin o hindi, sa henerasyon natin ngayon, madalas tayong umasta na para bang alam na natin lahat
ng mga bagay na nakapalibot sa mundong ating ginagalawan. Marahil dulot ito ng makabagong teknolohiya o mas kilala bilang internet. Minsan, ni hindi man lang sumasagi sa isipan natin na limitado lang talaga ang ating nalalaman tungkol sa misteryo ng katotohanan sa ating buhay. At ito ay isa sa mga pangunahing isyung tinutuligsa ng Pilosopiya. Ngunit paano nga ba ang paraan ng pamimilosopiya? Kung mapapansin sa pelikulang The Motorcycle Diaries1, si Ernesto, na siyang gumaganap na bida rito, ay hindi sigurado sa kaniyang magiging buhay kinabukasan. Sa kaniyang paglalakbay sa hilagang bahagi ng Timog Amerika, kasama ang kaniyang kaibigan na si Alberto, hindi niya inasahang magkakaroon siya ng mga bagong karanasang makapagbabago sa kaniyang pananaw, dahil ang buong akala niya noong una, purong paglalakbay lang ang magiging layunin ng kanilang paglalakbay. Sa bawat lugar na kanilang hinintuan, may mga tanong na nangungusap sa mga mata ni Ernesto habang nakikita niya ang masalimuot na kalagayan ng mga iba’t ibang grupo o tribo ng mga tao. Dito rin napukaw ang damdamin at isip ni Ernesto upang mapagmunihan kung ano ang magiging bahagi ng kaniyang pagkatao upang matulungan ang mga taong lubos na nangangailangan. Katulad ng kilos ng pamimilosopiya, hindi naging malay ang bida sa pagtungo sa Pilosopiya. Sa bawat daang kaniyang tinatahak, kusa siyang namamangha sa mga panibagong bagay at karanasan na kaniyang nakikita. Kusa siyang namamangha sa mga tanong na nabubuo habang sinusubukan niyang unawain ang mga sitwasyong kinakaharap ng kaniyang mga nakakasalubong. At ang mga pagkamanghang ito ang siyang bumubulabog sa kaniya araw-araw upang humanap ng kasagutan sa mga problema ng kaniyang kapwa tao. Ang naging papel ng bida ay isang konkretong halimbawa ng kahulugan ng pamimilosopiya ayon kay Jaspers2. Nang lumalim ang relasyon ni Ernesto sa kaniyang mga nakilalang tao at lubusan niyang kinilala ang kanilang konteksto, ni minsan, hindi siya nagtakang tumakas sa mga pinapasang dalamhati ng bawat tribo. Bagkus, inilagay niya ang kaniyang sarili sa kanilang puwesto. Kusa niyang niyakap kung ano ang totoo, kahit pa man hindi niya magawang maunawaan lahat ng nilalaman ng katotohanan. Iyan ang kaniyang naging kaibahan sa mga taong gumagawa ng kanilang sariling katotohanan. Upang maging maliwanag ang puntong ito, halimbawa, sa mismong sarili ko, madalas kong iuwi ang pagkatao ko sa kung ano sa tingin ko ang kumportable para sa akin at madalas ding nabibiktima ako ng kumbensiyonal o awtomatikong paraan ng pamumuhay. Isang araw, humingi ng tulong sa akin ang isa kong kamag-aral noong elementarya. Wala raw siya kasing makain buong araw, at kailangan niya ng isang daang piso. Hanggang hayskul lamang ang kaniyang natuntong dahil sa kahirapan ng buhay. Ngunit tinanggihan kong ibigay ang kaniyang hinihingi dahil mayroon akong narinig na tsismis ukol sa kaniya; wika nila, bumibili raw siya ng droga. At dahil doon, napilitan akong husgahan siya at ang sarili kong kapakanan ang kaagad kong naisip. Baka kasi mapahamak pa ako kapag nagkausap kami nang matagal. Hindi ko inilagay ang aking sarili sa kaniyang lugar. At sa pamamagitan ng turo ng Pilosopiya, napagtanto ko na malaking pagkakamali ang aking nagawa dahil inilayo ko ang aking mismong sarili sa umiiral na katotohanan. Bukod pa sa mga natalakay na punto sa itaas, mapapansin din ang naging dedikasyon ni Ernesto sa pagkapit niya sa katotohanang namamayani sa buhay ng kaniyang kapwa. Hindi siya nagsawang unawain ang mga problema ng ibang tao. Sila ang kaniyang inuna bago ang kaniyang sariling kapakanan. Sa una, kahit na mayroong halong takot ang kaniyang intensiyong umunawa, ginawa pa rin niyang pagmunihan ang kaniyang nararanasan sa kaniyang kapwa. Naging matapat siya sa kaniyang bawat hakbang at itinapon niya ang kaniyang sarili sa isang sitwasyong napalilibutan ng mga bagay o karanasan na gigising sa kaniya upang dagdagan, o baguhin kung mayroon na, ang mga paniniwala niya sa buhay. Mula sa 1
The Motorcycle Diaries, directed by Walter Salles (Venezuela: FilmFour\Wildwood Enterprises\Tu Vas Voir Productions, 2004), PC. Jaspers, Way to Wisdom: An Introduction to Philosophy (New Haven, Connecticut: Yale University Press, 1960), 7-16.
2Karl
makitid na pagtingin sa mapa ng Timog Amerika bilang isang destinasyon lamang, nalaman niya ang iba’t ibang realidad na bumabalot sa bawat lugar dito. At nagawa lamang niya ito marahil hinayaan niya ang kaniyang sarili na maging parte ng buhay ng ibang tao. Kung baga sa wikang ingles, gumawa siya ng paraan upang maging immersed siya sa bawat makasalamuha niya. Magandang halimbawa ito para sa sanaysay na “Sapagkat ang Pilosopiya ay Ginagawa” na isinulat ni Father Roque Ferriols, S.J.3 Naging likas ang pakikipag-kapwa tao ng bida sa pelikula dahil hindi niya pinabayaang maging limitado ang kaniyang nakikita, nadarama, at nauunawaan. At bilang panghuling punto, napalaya ni Ernesto ang kaniyang sarili sa mga kumbensiyon sa buhay. Kagaya ng pagtalakay ni Father Kavanaugh, S.J. sa disiplina ng Pilosopiya4, sa pagkabulabog ni Ernesto sa mga tanong na pinanghuhugatan niya upang makahanap ng kasagutan, binibigyan niya ng kalayaan ang kaniyang sarili upang kuwestiyunin ang mga bagay na bumabaon sa mga taong nalulugmok sa kahirapan at kasakitan ng buhay. Subalit hindi roon nagtatapos ang lahat dahil hindi mga kasagutan ang kaniyang nahanap, bagkus, mga panibago’t walang katapusang mga tanong. At sa pamamagitan ng mga ito, nagkaroon si Ernesto ng ideya hinggil sa kung ano ang kaniyang kayang i-ambag para sa ikabubuti ng kaniyang kapwa. At kaniya itong ginawa nang bukal sa puso. Sa bandang huli, nahanap niya kung sino talaga siya at kung ano ang kaniyang papel sa mundong kaniyang ginagalawan. Nagkaroon ng patutunguhan ang kaniyang buhay dahil sa kaniyang walang-puknat na pagkapit sa katotohanan. Bilang pangwakas, tandaan na sa mundo ng Pilosopiya at iba pang aspekto ng ating buhay, makakamtan lamang ang tunay na kahulugan ng ating pagkatao kung hahayaan natin ang ating sarili na tuklasin kung ano ang totoo sa pamamagitan ng pagiging mulat sa mga pangyayari na nararanasan natin. Mahalagang matuklasan natin ang ating pagkatao upang higit na matanto kung bakit importante ang ating bahagi sa mundong ito, na siyang tatalakayin sa mga susunod na talata. Batay sa penomenolohiyang paraan ni Marcel, dalawang uri ng pagmumuni, una at pangalawa, ang ginagamit upang lubusang maunawaan ang pag-iral ng isang sumasakatawang-diwa na tumutukoy sa sariling buhay natin5. Sa pamamagitan ng mga paraang ito, mababatid sa ating pagkatao kung paano natin nararanasan ang ating sarili. Higit na maiintindihan ang nais ipaliwanag nito kung bibigyan natin ng pansin ang implikasyon ng proseso ng shedding, na hango sa pelikulang Self/less, sa kahulugan ng pagiging isang tao. Sa unang pagmumuni mahihinuha ang obhektibong kahulugan ng shedding. Ayon sa siyensiya, ito ang proseso ng pagpapalit anyo ng isang hayop. Kasabay nito ang pagpapalit ng hugis at sukat ng katawan ng nasabing suheto. Kung ilalagay natin sa konteksto ng tao ang kahulugan ng shedding, batay sa pelikula, isa itong proseso ng pagpapalit ng katawan ng dalawang tao. Dagdag pa ng mga eksperto, nagkakaroon ng paglilipat ng mga brain cells at neurons mula sa isang katawan patungo sa ibang napiling katawan6. Kung baga, ang mga katawan na sangkot dito ay para bang pinag-aaralan lamang para sa larangan ng siyentipikong pagsusuri. Katulad lamang ito ng isang ordinaryong katawan, na tinutukoy ni Marcel 7, na pinag-aaralan lamang at naaagnas sa kahuli-hulihang hininga. Samantala, sa ikalawang antas ng pagmumuni, doon dapat pumapasok ang tunay na kahulugan ng sumasakatawang-diwa. Halimbawa, akin ang katawan na aking pinagagalaw at inaalagaan, at dahil doon, ako iyon. Pare-pareho man ang kahulugan ng katawan batay sa siyensiya, ngunit magkakaiba ang mga sariling identidad na pumapaloob sa bawat katawan ng tao. Ngunit sa proseso ng shedding, nagkakaroon ng malaking problema dahil hindi nakukumpleto ang penomenolohikal na pagmumuni sa sumasakatawang-diwa ng tao. Hindi tayo aabot sa ikalawang antas ng pagmumuni kung papasok ang shedding sa ating buhay. Ibig sabihin, hindi maganda ang implikasyon nito sa kahulugan ng pagiging tao. Roque J. Ferriols, S.J., Sapagkat ang Pilosopiya ay Ginagawa (Quezon City: Ateneo de Manila University), 1-8. John F. Kavanaugh, S.J., “The Philosophical Enterprise,” in Philosophy of Man: Selected Readings, edited by Manuel Dy, Jr. (Makati City: Goodwill Trading Co., Inc., 2001), 17-22. 5 Nonna Peña, “Ang Bulagang Heto Ako! ni Gabriel Marcel,” in Pilosopiya ng Tao: Ilang Piniling Babasahin, Tomo I, edited by Antonette Palma-Angeles (Quezon City: Ateneo de Manila University, 1988), 113-131. 6 Self/less, directed by Tarsem Singh (Louisiana, USA: Endgame Entertainment/Ram Bergman Productions, 2015), PC. 3 4
Batay pa rin sa naturang pelikula, kung nanaisin mong maging isang imortal at mabuhay nang walang hanggan, papayag ka na sumapailalim sa proseso ng shedding. Dahil sa makasariling pagnanais na ito, magpapalit ang iyong katawan, mula sa isang matanda’t kulubot na anyo patungo sa isang mas bata’t malusog na katawan. Sa madaling salita, papasok ang iyong kamalayan sa isang katawang hindi mo lubusang kilala. At dahil hindi mo katawan iyon, mahihirapan kang kilalanin at pagalawin iyon sapagkat hindi magkatugma ang pandama ng iyong sarili at ng iyong panibagong katawan. Bukod pa roon, kasabay ng pagpapalit balat ang pagbabalat-kayo dahil hindi katanggap-tanggap sa lipunan ang pangyayaring iyon. Isipin mo, dapat ay patay ka na, ngunit nabuhay sa pamamagitan ng shedding, at bukod pa roon, kinuha mo ang isang katawan na pagmamay-ari ng isang taong may pamilya. Kaya’t sa pagkakaroon ng bagong katawan ay kaakibat nito ang pagbabago ng iyong identidad, na siyang nagdadala sa isang masalimuot na sitwasyon dahil alam mong hindi ikaw iyon at ang nag-iisip mong sarili ang siya pa ring umiiral. At hindi lang iyon, bagama’t may katawan ka nga, ngunit sa araw-araw mong buhay, palaging mayroong anomalyang nangyayari dahil kumikilos ang iyong pagkatao nang wala sa kaayusan. Mayroon ngang panahon kung kailan matutunan mo ring mapagalaw nang tama ang hiniram mong katawan, ngunit kaiba pa rin iyon sa tunay mong katawan dahil kailanma’y hindi naging pareho ang karanasan ng katawan “niya” at ng iyong katawan. Kung noon, natatangi ka, ngayon, nawala ang pagiging natatangi mo dahil ikinulong mo ang sarili mo sa isang kalagayang itinatakwil ang katotohanan. Tila wala na ang kalayaan, na tinalakay sa mga unang talata, mo bilang isang sumasakatawangdiwa. Ang katawan mo at diwa ay hindi na iisa hindi katulad nang dati. Umiiral nga ang bago mong katawan dahil nakatatapak ka pa sa lupa, o kaya naman, nakahahawak pa ng mga bagay ang iyong panibagong kamay, ngunit hindi ka pa rin kumpleto kahit na sabihin mo pang umiiral din ang iyong sarili sapagkat ikaw ay nag-iisip. Katulad ng nakita sa pelikula, tinamaan man ng bala ang isang taong pumailalim sa shedding, ngunit hindi siya mismo ang nasaktan, sapagkat ang katawan ng hiniraman niya ang nakaramdam nito. Gaano man natin ipilit na intindihin ang sitwasyon ng pagpapalit katawan, babalik at babalik lamang tayo sa unang pagmumuni. Marahil ang bagong katawan na ating tinutukoy ay hindi na kayang punan ang kahulugan ng ikalawang pagmumuni. Tanging isang kagamitan na ipinahihiram at pinag-aaralan na lamang kung maituring ang katawan na ito. Bukod pa sa mga nabanggit, pinaliliit ng proseso ng shedding ang mundo ng isang tao. Kung dati, mayroon siyang kalayaang siyasatin at tuklasin ang katotohanan, ngayon, nawawalan na ng saysay ang kaniyang buhay dahil sa mga limitasyong kailangan niyang sundin upang kahit papaano, umangkop ang kaniyang bagong katawan sa kaniyang sarili. Subalit kahit kailan, hindi matutupad ang ganitong klase ng pag-angkop dahil iba ang pandama mo sa pandama niya, at ng kaniyang katawan. Kung ganoon man, maihahalintulad tayo sa mga hayop na dumadaan sa proseso ng shedding. Nagkakaroon sila ng bagong anyo, na nagiging simbolo ng panibagong uri ng pamumuhay. Ngunit alam naman nating hindi tayo hayop. Iba tayong mag-isip at may kakayahan tayong umunawa. Ang katawang dala-dala natin mula pagkasilang ang siyang nagpamulat sa atin sa mundo sapagkat nagsisilbi itong tagapamagitan sa pagitan ng ating katawan at sarili. Tinulungan tayo ng ating katawan na maunawaan ang kamalayan natin at kung paano nga ba tayo umiiral. Kaya’t sa oras na iwanan natin ang katawan na ito at lumipat sa ibang katawan, para na rin nating itinapon sa kawalan ang lahat ng karanasan na mayroon tayo sapagkat hindi mo na mararanasan ang mga pangyayari na dati-rati’y iyong nararanasan. Bilang panghuling punto, nagiging isang helpless being ang isang taong pumailalim sa shedding. Sa gayong proseso, tinatanggal sa kaniya ang kaniyang karapatang magtanong ng mga makabuluhang tanong at saka tuklasin ito sa pamamagitan ng mga mahahalagang karanasan. Sumasalungat din siya sa daloy ng realidad sapagkat siya mismo, nililinlang niya ang kaniyang sarili. Pinipilit niyang paniwalaan na bago na ang kaniyang pagkatao, na para bang isang bagong silang na sanggol. At sa kalaunan, tila isa na siyang robot dahil nga limitado ang kaniyang kilos, at paulit-ulit niyang sinusubukang gawin nang tama ang mga kilos na iyon. Kaya’t sa kabuuan, hindi na isang sumasakatawang-diwa ang isang tao kapag dumaan siya sa proseso ng shedding. Kaakibat nito ang pagkawala ng kaniyang kahulugan sa mundong ito.
View more...
Comments