Para Sa Nag-iisa by Brian Vee

August 31, 2017 | Author: cuteMICHI | Category: N/A
Share Embed Donate


Short Description

Transcript ng Spoken Word Poetry ni Brian Vee na Para sa Nag-iisa Ginawan ko ng transcript kasi pinasuri ko sa mga es...

Description

PARA SA NAG-IISA sa panulat ni Brian Vee Isang madilim na gabi, Tatlong panaginip makalipas ang aking kaarawan, Naisipan kong kausapin ang buwan. Sa aming taimtim na pagsasalitaan, Naikuwento ko sa kanya ang tungkol sa ligalig na aking nararamdaman. Binuhos ang laman ng garapon ng nakaraan Noong mga panahon ang salitang ako, ang salitang pagod ay magkasingkahulugan Tinanong ko ang buwan: Napapagod ka rin ba? Kasi kahit gaano kadilim ang gabi Tuwing nakikita kitang nagsisilbi, Ang ibinabalik mo sa aking larawan ay mga labing nakangiti. Nakakaramdam ka rin ba ng lungkot? Kasi kahit gaano kalamig ang magdamag Tuwing nakikita kitang lagalag sa himpapawid, Tila hindi nanghihinawa ang liwanag mong hatid Nakakaramdam ka rin ba ng panghihina ng loob? Ng kawalan ng pag-asa? Kasi ako hindi ko na mabilang ang mga pagkakataong nalunod ako sa pagod. Mga gabi na sinubukan kong lumaban pero natalo ako ng takot. Sa totoo lang, minsan, nagsasawa din akong maging ako. Pero mas sawa na akong magpaalila sa mga kasinungalingang narinig. Tapos na ako sa mga lawiswis ng sanga at ingay ng mga kuliglig. Kaya’t kung meron kang sagot, handa na akong makinig. “Kaibigan,” sabi niya. “Nauunawaan kita... Noon ako rin ay tulad mo, maraming tanong. Hindi ko alam kung anong silbi ko sa mundo Kung bakit ako kakaiba? Kung bakit tila paikot-ikot lamang ang buhay ko sa mundo ng iba? Kung meron ba akong layunin? Meron ba akong dahilan? At kung meron man, kaya ko ba ‘tong gampanan?’ “Kaibigan, maniwala ka sa akin

Miski ang buwan ay marami ring kinatatakutan Pero ang lahat ng tanong ay may sagot Kung tama ang iyong paghuhugutan.’ “Napapagod din ba ako? Oo! Pero kaibigan ko ang mga ulap! At sa mga panahong kailangan ko ng masasandalan, Sila ay siguradong nandiyan. Handa akong saluhin mula sa lawak ng kalangitan. Handa akong ipagtanggol kapag ako’y nasasaktan Dahil may mga gabi na ang mundo ay sumusuntok din sa buwan.’ “Nalulungkot din ba ako? Oo naman! Pero kaibigan ko ang mga bituin! At sa mga gabing masyadong madilim ang langit para paliwanagin ko nang mag-isa, Dinadamayan nila ako sa aking pagkabalisa. Paalala na hindi ko kayang gampanan Ang aking layunin kung pipiliin kong humiwalay; Kung ang repleksyon ko lamang sa tubig ang pipiliin kong gabay.’ “Kahit ang buwan ay kailangan din ng mga bituin Kaya’t hinayaan kong mapalibutan ang sarili ko ng mga nagliliwanag na mga tala Tiwala na sila’y mga kaibigang handa akong itama Dahil oo, minsan, nagkakamali din ako.’ “Nakakaramdam din ako ng panghihina ng loob At alam ‘yan ng Maylikha Kaya’y binigyan niya ako ng isang matalik na kaibigang sisiguradong hindi ako magiisa, Dahil noong unang panahon – ako ay isa lamang bato na lumulutang sa himpapawid, Walang liwanag, walang kariktan. At palibhasa, napakaliit ko lamang kumpara sa santinakpan, akala ko ang buhay ko ay walang kabuluhan Pero simula nang nakilala ko ang Araw, ako ay naging buwan. Ang liwanag Niya ay naging liwanag ko. Ang ligaya Niya ay naging ligaya ko. Ako ay naging ako dahil binigay Niya sa akin ang Kanya. Ako ang liwanag ng gabi pero ang totoo –

Ang totoo inaaninag ko lamang Siya.’ “Ang Araw, ang mga ulap, at pulutong ng mga tala – Sila ang mga kaibigang binigay sa akin ni Bathala Kasi alam niya, kung ako lang mag-isa – matagal na akong sumukong paliwanagin ang mga gabi.

Pero kinaya kong umilaw hanggang ngayon, hindi ba? Kasi may mga kaibigan ako sa aking tabi,” ‘Yan ang sagot sa akin ng buwan. At ngayon, naiintindihan ko na Na kahit gaano pa katibay ang puso sa likod ng mga linyang kinabisa, Kahit gaano pa ako kalakas, Hindi ko kayang mag-isa.

View more...

Comments

Copyright ©2017 KUPDF Inc.
SUPPORT KUPDF