Para Kay B
March 19, 2017 | Author: Alvin Caril | Category: N/A
Short Description
Download Para Kay B...
Description
Precious Cielo V. Olegario BSA 2-11D
“Para Kay B” “Walang lugar ang isang munting kahon sa paglikha ng natatanging obra maestra.” Ito ang nabuo at kumintal na kaisipan sa aking diwa simula ng ako’y pumailalim sa kapangyarihan ng malikhaing pagsulat. Ilang sandali rin ang aking ginugol upang mapagtanto na ang isang tunay na manlilikha ay hindi nalilimitahan ng isang ideya. Hindi maitatanggi na ang sining ay hindi kayang ikubli o ikahon lamang sa isang maliit na espasyo. Isang simpleng estudyanteng, namulat sa isang mundong puno ng iba’tibang idelohiya, kanya-kanyang pananaw, magulong pag-iisip, mga pinaninindigang paniniwala, mga ipinaglalaban na opinyon at marami pang iba. Ilan lamang ang mga ito na maididikit sa realidad ng mundo. Malayo sa mga ito ay ang pag-iisip ng isang taong may malikot na imahinsayon. May kakayahan syang puntahan ang mga lugar na di kayang matanaw ng mga taong nakakubli lamang sa realidad ng buhay. Nabibigyan nya ng buhay ang mga bagay na walang hininga, nagiging kulay dilaw, asul at pula ang itim at puti. Napapalipad nya ang kalabaw at napapalaki nya ang langgam. Ang malungkot ay napapasaya at ang masaya ay lalong nagiging masaya. Ang ordinaryo ay nagiging kakaiba. Nakakarating sa mundong hindi pa nararating ng sinuman, Walang sulok ang kanyang pag-iisip,walang linya ang magsasabing, ito ang hangganan at wala ring tuldok na magsisilbing hinto sa daloy ng iba’t-ibang kaisipan. Ang imahinasyon ang syang nagpapalawak at nagbubuwag sa mga harang na nalilikha ng totoong buhay. Ito ang nagsisilbing takbuhan ng mga taong nakukulong sa kahon at ito rin ang pipiglas sa mga nakatanikalang kaisipan. Mula sa isang simpleng ideya ng mundo, ang imahinasyon ang syang huhulma, lililok, pipinta at susulat sa isang obra maestra. Isa sa tinuturing na sining ay ang pagsulat. Ang mga nababasang akdang-pampanitikan lalo na ang mga piksyon ay naisulat sa tulong pa rin ng imahinasyon. Marami rin mga akda ang naisulat sa Filipino at bilib ako sa mga may-akdang kayang lumikha ng sariling estilo ng pagsulat. Kung mapapansin natin, karamihan sa mga kilalalng manunulat sa Filipino ay sumusulat kung saan
ang kanilang akda ay sumasalamin sa buhay ng mga nakraraming Pilipino. Kadalasan ang paraan ng kanilang pagsulat ay pormal, at ang mga salitang ginamit ay pawing malalim at kinakailangan ng masusing pagintindi. Ngunit sinasabi ngang, walang permanente sa mundo kundi pagbabago. Kaya nga nama’y hindi malabong mangyari na magkaroon ng pagbabago sa estilo ang ibang mga manunulat. Lalo na’t nasa moderno na tayong panahon, asahan na nating ang paraan ng pagsulat ay inaangkop na sa kasulukuyang lasa ng mga Pilipino particular na ang mga kabataan. Umusbong ang mga manunulat na gumagamit na ng mga salitang balbal, kung saan karamihan ay kanilang mas naiintindihan, patok sa kanila sapagkat iyon ang uso at mas nakakaakit ng kanilang atensyon. Isa sa mga manunulat sa panahong ito ay si Ricky Lee. Kakaiba ang kanyang estilo at kakaiba ang daloy ng kanyang mga ideya. Ako’y naenganyo nang basahin ko ang kanyang ikalawang nobela, “Si Amapola sa ika-65 na Kabanata.” Sa ngayon naman ay kakabasa ko lamang ng kanyang unang nobela na pinamagatang, “Para Kay B.” Naalala ko lamang ang mga paulit-ulit na pinapaalala ng aking guro sa malikhaing pagsulat noong ako’y nasa hayskyul pa lamang. “Napakaimportante ng pamagat.” Ito ang kanyang paulit-ulit na pinapaalala sa tuwing gagawa kami n gaming sariling akda. Sapagkat ang pamagat ang magsisilbing taga-kuha ng atensyon ng mambabasa. Sinabi niya ring ito ang magbibigay ng interes kung ito’y unang Makita. Pamagat pa lamang ay nag-iiwan na ng tanong sa isip na mga tao kung ano nga ba ang nasa likod ng kwento, ditto pa lamang ay naeenganyo nang buklatin ng mga babasa ang bawat pahina ng iyong akda. Binigyang pansin ko rin ang pamagat ng libro ni Ricky Lee. Una pa lamang ay may tanong na ako sa aking isip. Bakit “Para Kay B” ang pamagat? Sino si B? Anong meron sa kanya? Babae ba o lalaki si B? Kaya naman, tama lang sabihing ang napili nyang pamagat ay angkop at may katangian ng isang magandang pamagat. Sapagkat bilang isang mambabasa ay nakuha kaagad ang aking interes para ipagpatuloy ang pagbabasa. Hanggang sa nakita ko na lang ang sarili ko, nakahiga sa kama at patuloy na binubuklat ang mga pahina ng kanyang libro. Ibig sabihin lamang ay kapanapanabik ang bawat eksena, kung saan nagbibigay ng kaunting bitin
na ipagpapatuloy naman sa mga sumunod na pahina. Kung titignan ang buong daloy ng kwento, ay masasabi kong may epekto ang paraan ng kanyang pagbibitin, sapagkat, nabubuhay ang kapanabikang matapos ang buong libro. Ngayon nama’y lulusong tayo sa mas malalim na aspeto ng kanyang libro, ito ay ang nilalaman, ang mga letra, mga salita’t pangungusap na pinagsamsama upang makabuo ng kakaibang ideya kung saan naniniwala akong ito ang nagbibigay ng buhay sa kanyang obra maestra. Nahati sa limang kwento ang buong libro, bawat kwento’y may kanyakanyang istorya, bawat kwento’y may kanya-kanyang bida. Hindi nawawalan ng mga ideyang talagang kikintal sa isipan ng bawat isa. Ang mga kwentong aking natunghayan ay hindi nalalayo sa mga karaniwang nangyayari sa mundo ngayon, ngunit dahil sa ginamitan ng kakaibang estilo ay pumaibabaw ang pagiging malikhain ng manunulat. Habang aking binabasa’y may tanong pa ring naiiwan sa isip ko. Parang may nais pa syang iparating. Akala mo’y tapos na, ngunit hindi pa pala. Akala mo walang kaugnayan ang bawat kwento, pero meron pala. Nagustuhan ko ang kanyang huling parte ng akda. Dumating sa puntong, ang mga pangyayari ay kanya ng minanipula. Para bang sasakyang, akala mo’y dirediretso lamang, pero kanyang napaliko. Ang mga tauhan ay sadyang pinagtuunan ng pansin, kaya naman ang bawat isa’y nagkaroon ng ugnayan bandang huli. Sina Irene, Sandra, Erica, Ester at Bessie. Mga babaeng, iba-iba ng personalidad, ngunit isa lang ang nagpapatakbo sa kanilang kwento, at ito nga ang pag-ibig. Pag-ibig na kumplikado. Bilang kabuuan, aking natipuhan ang kakaibang imahinasyon ng mayakda. Isang obra maestrang maituturing sa kasalukuyang panahon. Hindi nalimitahan ng isang kahon ang buong kwento kaya nama’y nakarating tayo sa kakaibang mundo, particular na ang magulo ngunit minsa’y makabuluhang mundo ng pag-ibig.
View more...
Comments