papa docs
January 3, 2018 | Author: Mae Montesena Breganza | Category: N/A
Short Description
papapapa...
Description
PANLINGGO LITURHIYA KAPAG WALANG PARI
I. Pambungad 1. Panimulang Awit Lalabas ang mga ministrong laiko at ang iba pang maglilingkod, luluhod sa kanang tuhod sa harap ng sakramentong naruruon, at tutungo sa kanya-kanyang lugar. Ang namumuno ay pupunta sa may ambo. 2. Pagbati Namumuno: Sa ngalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo. Lahat: Amen Namumuno: Sumaatin nawa ang biyaya at kapayapaan ng Diyos nating Ama at ni Jesu-Kristong Panginoon. Lahat: Amen Maaaring maikling ipaliwanag ang diwa ng pagtitipon Namumuno: Mga kapatid, bilang mga binyagan ay kailangan nating naririnig at pinagninilayan ang Salita ng Diyos, at kailangan din nating tumatanggap ng banal na pagkain. Marami tayong sumasampalataya, ngunit kakaunti ang ating mga pari. Kaya bagamat wala tayong paring makapagmimisa ngayon dito, ipinapayo sa atin ng Inang Iglesiya ang magtipon-tipon nang ganito, upang ang ating pananampalataya’y. Pagtibayin sa paraang nababagay. Buksan natin ang ating mga puso upang ang banal na Salita ay pakinggan; ihanda natin ang sarili upang ang banal na Komunyon ay tanggapin.
3. Pagsisisi ng Kasalanan Namumuno: Mga kapatid, bilang paghahanda natin sa pagdiriwang na ito, magsisi tayo’t humingi ng kapatawaran para sa ating mga kasalanan. Lahat: Ako ay nagkukumpisal sa Diyos na makapangyarihan at sa inyo, mga kapatid, na lubha akong nagkasala sa isip sa wika, sa gawa, at sa aking pagkukulang, kaya isinasamo ko kay Santa Mariang Birhen, sa lahat ng mga anghel at mga santo, at sa inyo, mga kapatid, na ako’y ipinalangin sa Panginoon ating Diyos.
Namumuno: Kaawaan nawa tayo ng makapangyarihang Diyos, patawarin ang ating mga kasalanan, at patnubayan tayo hanggang sa buhay na walang hanggan. Lahat: Amen Maaari ding gumamit ng ibang paraan ng pagsisisi kagaya sa pp 92-93 4. Awit Isang awit ng papuri o pagsusumamo ay maaaring kantahin dito ng bayan. Ang Gloria rin ay maaawit o madarasal, maliban kung panahon ng Adbiyento at Kuwaresma. Lahat: Luwalhati sa Diyos sa kaitaasan at sa lupa’y kapayapaan sa mga taong may mabuting kalooban. Panginoong Diyos, hari ng langit, Amang makapangyarihan sa lahat, sinasamba ka naming, pinasasalamatan ka naming, niluluwalahati ka naming, dinarangal ka naming dahil sa iyong kaluwalhatian. Panginoong Jesus-Kristo, bugtong na Anak ng Ama, Panginoong Diyos, Kordero ng Diyos, ikaw na nag- aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan, maawa ka sa amin. Ikaw na naluluklok sa kanan ng Ama, tanggapin mo ang aming kahilingan. Sapagkat ikaw lamang ang banal, ikaw lamang ang Panginoon, ikaw lamang ang kataas-kataasan, JesusKristo, kasama ng Espiritu Santo, sa kaluwalhatian ng Diyos Ama. Amen 5. Pambungad na Panalangin Namumuno: Manalangin tayo….. Kunin ang nauukol na panalangin para sa tumpak na araw ng Linggo mula sa Misal Romano o sakramentaryo. Hindi na kailangang itaas pa ang mga kamay katulad ng pari.
II. Liturhiya ng Salita 6. Mga Pagbasa
Kunin ang mga nauukol na pagbasa para sa araw na iyon ng Linggo mula sa leksiyonaryo. Ang paggamit ng mga panalangin at pagbasang nakatakda para sa isang araw ng Linggo ay nagpapakilala ng pakikipagkaisa ng sambayanang ito sa lahat ng katipunan ng mga sumasampalataya sa lahat ng sulok ng daigdig. Ang ebanghelyo ay maaaring isang lector din ang bumasa. Mauupo sa may lugar ng mga lektor ang namumuno, samantalang bumabasa sa ambo ang mga lektor. 7. Salmo at Pananawagan sa Ebanghelyo Ang salmo pagkaraan ng unang pagbasa at ang aleluya o pananawagan bago mag- ebanghelyo ay nasa leksiyonaryo rin. Kapuwa sila pagtulong upang mapagmuni-muni natin ang Salita ng Diyos. Dapat itong kapuwa inaawit, ngunit maaari na ring basahin lamang kung walang ibang paraan. Sila’y sa ambo rin ginagawa ng isang kantor o lektor. 8. Pagninilay Ito’y kailangang pinag- uusapan ng kura paroko at ng mga ministrong laiko kung papaano gagawin. Maaaring basahin ang isang maikling pagninilay tungkol sa pagbasa mula sa kura paroko, o gawa ng isang ministro ngunit ipinapakita sa kura. Maaari ding bumasa magbatay ng pagninilay mula sa aking aklat JESUS-KRISTO, ang Ebanghelyo sa Bawat Linggo at Dakilang Kapistahan. Ang pagninilay na ito ay dapat maikli lamang, mga 5-8 minuto. Maaari ding tahimik na magmuni-muni ang lahat. 9. Pagpapahayag ng Pananampalataya Maaari dito ang isang awit na naglalahad ng pananampalataya, o ang Credo Niceno o ang Credo Apostoliko: Namumuno: Mga kapatid, ipahayag natin ang pananampalataya na minana natin mula sa mga apostol. Lahat: Sumasampalataya ako sa Diyos, Amang makapangyarihan, na may gawa ng langit at lupa. Sumasampalataya ako kay Jesu-Kristo, bugtong niyang Anak, Panginoon natin. Nagkatawang-tao siya lalang ng Espiritu Santo at ipinanganak ni Birheng Maria. Pinagpakasakit siya ni Poncio Pilato, ipinako sa krus, namatay at inilibing. Nanaog siya sa mga yumao; ikatlong araw ay muling nabuhay; umakyat sa langit, at naluluklok sa
kanan ng Ama. Darating siyang muli upang hukuman ang mga nabubuhay at ang mga patay. Sumasampalataya naman ako sa Espiritu Santo, sa Santa Iglesia Katolika, sa kasamahan ng mga santo, sa kapatawaran ng mga kasalanan, sa pagkabuhay na mag-uli, at sa buhay na walang hanggan. 10. Panalangin ng Bayan Ang simula’t wakas ng panalangin ng bayan ay para sa namumuno; ang mga kahilingan ay sa isang katulong na tagaruon, kung maaari. Idagdag ang mga pangangailangang pangpook, kagaya ng binyag, kasal, patay, aksidente, atbp. Maaari ding gumamit ng ibang panalangin ng bayan. Namumuno: Sa ating pagtitipong ito bilang magkakapatid sa pananampalataya, alalahanin natin ang mga biyayang tinanggap natin mula sa Diyos at isamo natin sa kaniya ang mga pangangailangan pa ng kanyang bayan at ng sanlibutan. Katulong: Para sa ating Santo Papa si _________________, sa ating Obispo si ______________, sa lahat ng mga Obispo, pari at diakono, at sa lahat ng mga taong tinawag upang maglingkod at mamuno sa kapatiran ng mga sumasampalataya, manalangin tayo sa Panginoon. Lahat: Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin. Katulong: Para sa mga puno ng bayan at sa mga may katungkulan na pangalagaan ang pangkalahatang kapakanan, manalangin tayo sa Panginoon. Lahat: Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin. Katulong: Para sa mga puno ng bayan at sa may katungkulan na pangangalagaan ang pangkalahatang kapakanan, manalangin tayo sa Panginoon. Lahat: Panginoon, dinggin mo ang aming panalangin Katulong: Para sa ating mga sariling kahilingan….. Sandaling Tumahimik. Namumuno: Ama, pakinggan mo ang mga panalangin ng iyong bayan. Ano man ang aming mga pagkukulang ay iyo sanang punan, sa pamamagitan ni Kristong aming Manunubos. Lahat: Amen
Kung walang Komunyon ay anyayahan ang lahat na dasalin ang “Ama Namin”, pagkaraan ay lumaktaw kaagad sa bilang 15 sa ibaba.
III. Banal na Komunyon 11. Panalangin ng Papuri at Pasasalamat Ang mga Panalanging Eukaristiko na ginagamit sa Misa ay hindi maaaring gamitin dito. Sa halip nitong panalangin ng pasasalamat ay maaari ding umawit na lamang ng pasasalamat. Namumuno: Napakinggan natin at pinagnilayan ang banal na Salita ng Diyos. Bago natin ngayon tanggapin ang banal na Komunyon, magpasalamat tayo sa Panginoong Diyos dahil sa kanyang kabutihan sa lahat ng nilalang. Pumili ng isa mula sa A, B, K, D. Madaling malalagyan ng tono upang awitin ang mga ulit-ulit na sagot ng lahat. Kung aawitin, mainam na kantahin muna ng isang kantor at saka pa lamang uulitin ng lahat.
A Namumuno: Nagpapasalamat kami sa iyo, Panginoon naming Diyos, sapagkat ipinagkaloob mo sa amin ang daigdig na ito. Walang sawa mo itong binibigyan ng buhay at sa pamamagitan ng iyong mga gawa ay hinahangad mong lalo pang pabutihin. Lahat: Luwalhati sa Diyos sa kaitaasan. Namumuno: Nilikha mo ang tao na iyong kawangis. Ang bawat isa sa amin ay nagtataglay ng iyong anyo at may kakayahang makilala ka sa buhay ng aming mga kapatid. Lahat: Luwalhati sa Diyos sa kaitaasan. Namumuno: Ayaw mong mawalay kami sa iyo, kaya’t tinuturuan mo kaming kilanlin ka sa pamamagitan ng mga banal na kasulatan at ng mga propeta, na naglalahad sa amin ng kahanga-kahangang kasaysayan ng iyong pagmamahal. Lahat: Luwalhati sa Diyos sa kaitaasan. Namumuno: Sa pamamagitan ng iyong Anak na si Jesu-Kristo ay lalo ka pang sumaamin. Sa kanyang katauhan ay tinahak mo ang aming mga lansangan, minasdan kami ng iyong mga mata at sa maraming bagay ay
namuhay kang katulad namin. Dinulutan mo kami ng kagalakan sa mga hndi malilimutang pakikipagniig sa iyo. Lahat: Luwalhati sa Diyos sa kaitaasan. Namumuno: Pinakibahaginan mo kami ng iyong buhay sa pamamagitan ng kamatayan at muling pagkabuhay ng iyong Anak. Kung kaya’t ngayon sa pakiisa naming sa kaniya ay nabubuhay kami sa iyo sa kapangyarihan ng Espiritu Santo, nasa ami’y kaloob mo. Lahat: Luwalhati sa Diyos sa kaitaasan. Namumuno: Kaya kasama ng lahat naming kapuwa Kristiyano sa buong mundo, at kaisa ng mga santo, nananalangin kami sa iyo bilang iisang angkan mo: B Namumuno: Diyos naming Ama,nagpapasalamat kami sa iyo! Nilalang mo kami upang mabuhay nang maligaya sa iyong piling. Sa pamamagitan ni Jesu-Kristo ay binigyan mo kami ng landasing tatahakin. Pinagkalooban mo ng kahulugan ang aming buhay at pagkatao. Pinupuri ka namin. Panginoon. Lahat: Pinupuri ka naming, sinasamba ka namin, pinasasalamatan ka namin Namumuno: Binigyan mo kami ng kanya-kanyang angkan at pamilya bilang tanda ng iyong pagmamahal. Para sa lahat ng tao na humubog at nag-aruga sa amin; para sa pagkakaugnay-ugnay ng aming mga buhay; para sa aming pagbibigayan ng sarili; para sa pag-ibig at pagkakasunduan. Pinupuri ka namin, Panginoon. Lahat: Pinupuri ka naming, sinasamba ka namin, pinasasalamatan ka namin. Namumuno: Binigyan mo kami ng sariling kapasiyahan, pag-iisip at pagnanais na magsikap para sa sarili at sa aming mga minamahal. Binigyan mo kami ng talino’t kakayahan na gamitin ang daigdig para sa kabutihan, at maghanda para sa isang mas magandang kinabukasan. Pinupuri ka namin, Panginoon. Lahat: Pinupuri ka namin, sinasamba ka namin. Namumuno: Kalooban mong mamuhay kami sa lipunan, sa isang bansa, sa isang sambayanan. Para sa lahat na pagsisikap ng tao na paghariin ang pag-ibig at itaguyod ang katarungan, pinupuri ka namin, Panginoon.
Lahat: Pinupuri ka namin, sinasamba ka namin, pinasasalamatan ka namin. Namumuno: Tinipon mo kami sa iyong Santa Iglesiya at binigyan ng pananagutan para sa isa’t isa, upang maipahayag naming sa lahat ang hiwaga ng iyong pagmamahal. Sama-sama naming hinuhubog ang bagong santinakpan na bibigyan mo ng kaganapan sa iyong kaharian. Pinupuri ka namin, Panginoon. Lahat: Pinupuri ka namin, sinasamba ka namin, pinasasalamatan ka namin. Namumuno: Kaya’t kasama ng mga may katungkulang pangalagaan ang iyong Santa Iglesiya, ang mga tagasubaybay ng aming pagkakaisa sa pananampalataya;kasama ng lahat ng mga Kristiyano sa daigdig na nagdiriwang sa araw na ito ng iyong Anak na muling nabuhay; kaisa ng lahat ng tao sa bawat panig ng mundo na naghahanap sa iyo; nagkakaisa kami bilang magkakapatid na nananalangin sa iyo:
K Namumuno: Diyos naming Ama, sa paghanga naming sa hiwaga ng iyong sangnilikha, na nag-aanyaya sa aming ipagdiwang ang iyong kagandahang loob, nagsama-sama kami sa isang panalangin ng papuri. Salamat sa iyo, O Panginoon. Lahat: Niluluwalhati ka namin at pinasasalamatan, Panginoon. Namumuno: Para sa tubig na nagpapabunga sa lupa, at sa panahon na nagbibigay aliw sa aming buhay, salamat sa iyo, O, Panginoon. Lahat: Niluluwalhati ka namin at pinasasalamatan, Panginoon. Namumuno: Para sa mga binhing ihinahasik sa lupa, na nangangamatay at muling nabubuhay, at nagpapahayag sa aming lahat ng katotohanan ng kamatayan at muling pagkabuhay, salamat sa iyo, O, Panginoon. Lahat: Niluluwalhati ka namin at pinasasalamatan, Panginoon. Namumuno: Para sa pagsisikap ng mga tao upang ang lupa’y magbunga, na nagiging isang bagong alay sa pamamagitan ng JesuKristo, salamat sa iyo, O Panginoon. Lahat: Niluluwalhati ka namin at pinasasalamatan, O Panginoon.
Namumuno: Para sa mga ipinagkakaloob mong pagtatagumpay namin sa mga pagsubok at sa unos ng buhay; para sa mga balakid na aming napagwawagian sa pagtatamo ng kabuhayan; at para sa sangnilikha na sa iyong Espiritu ay nananangis at umaasa sa pagdating ng bagong langit at ng bagong lupa, salamat sa iyo, O Panginoon. Lahat: Niluluwalhati ka namin at pinasasalamatan, Panginoon. Namumuno: Masaya ka naming dinarakila sa pamamagitan ng awit ng pagpupuri ng iyong sangnilikha. Kaisa ng buong Santa Iglesiya na lumuluwalhati sa iyo ngayong araw na ito, bilang magkakapatid kaming dumudulog sa iyo:
D Namumuno: Panginoon naming Diyos, nagpapasalamat kami, humahanga at kumikilala sa bisa ng iyong Espiritu sa puso ng tao. Lahat: Hinuhubog ng iyong Espiritu ang puso ng lahat ng tao. Namumuno: Lagi kaming tinatawagan ng iyong Espiritu na pangibabawan ang pagkamasarili. Kung minsa’y halos hindi kapanipaniwala ang mga nagawa mo na para sa amin. Lahat: Hinuhubog ng iyong Espiritu ang puso ng lahat ng tao. Namumuno: Iminumulat kami ng iyong Espritu sa mga bagay na naghahanda sa paghahanda sa pagdating ng iyong kaharian. Araw- araw ay ipinamamalas mo sa amin ang nag-uumapaw mong pag-ibig sa pagtutulungan at pagkakaisa ng maraming tao. Lahat: Hinuhubog ng iyong Espiritu puso ng lahat ng tao. Namumuno: Sama-sama kami sa pakikibaka laban sa kapangyarihan ng kadiliman. At tulad ng pangako ng isang bagong ani, nagtatagumpay ang aming pag-asa,kasama ng pagsilang na muli ng aming pagtitiwala sa kaluwalhatian ni Kristong muling nabuhay. Lahat: Hinuhubog ng iyong Espiritu ang puso ng lahat ng tao. Namumuno: Kaya’t kaisa ng buong Santa Iglesiya na nagpapahayag sa sangkatauhan ng mga kababalaghan ng iyong pag-ibig, at kasama ng mga banal sa lahat ng panahon na naghasik ng Mabuting Balita sa bawat sulok ng daigdig, sama-sama kaming nananalangin: 12. Ama Namin
Maaari ding awitin. Lahat: Ama namin…… Pagkatapos ng Ama Namin ay ihahanda ang bilang ng siboryong kailangan sa pagpapakomunyon. Ipapatong ang mga ito sa ibabaw ng korporal sa altar.
13. Banal na Komunyon Namumuno: Tatanggapin natin ngayon ang banal na Komunyon, at sa ganitong paraan ay nakikiisa tayo kay Jesu-Kristo at sa kanyang pagaalay ng sarili sa Ama. Ang banal na pagkaing ating tatanggapin ay kinonsagra ng ating kura paroko (na si Padre _____________________) sa Misang ipinagdiriwang sa ating simbahan ____________. Makiisa tayo, mga kapatid ko, sa sakripisyo ni Kristo at ng kanyang Santa Iglesiya. Luluhod sa kanang tuhod ang namumuno, itataas ang isang Hostiya at sasabihin. Namumuno: Ito ang Kordero ng Diyos, na nag-aalis ng mga kasalanan ng sanlibutan. Pinagpala ang mga tinatawag sa kanyang hapag. Lahat: Panginoon, hindi karapat-dapat na ikaw ay tanggapin, ngunit sa isang salita mo lamang at gagaling na ako. Maaaring subuan na ng namumuno ang kanyang mga kasamahang tagapaglingkod. Maaari din namang pagkatapos na ng bayan, upang kung kailangan ay maubos ang Hostiya sa pagbibigay sa kanila at nang kung hindi naman karamihan ay wala nang balik pa sa simbahan. Ang namumuno ay susubuan ng isa sa mga ministro niyang kasamahan. Maaari may mga awit samantalang nagpapakomunyon. Linisin ng puripikador ang (mga) communion plate at siboryo. Kung may mga durog na Hostiya, tipunin sa siboryo, buhusan ng kaunting tubig, inumin at tuyuin ng puirpikador. Samandaling manahimik bago isunod ang pangwakas na panalangin. Maganda ring tugtugin nang mahina ang organo, kung mayruon. 14. Pangwakas na Panalangin Namumuno: Manalangin tayo…… Kunin ang nauukol na panalangin para sa araw na iyon ng Linggo mula sa sakramentaryo.
IV. Pagwawakas Ngayon maaaring sabihin ang mga pahayag o patalastas. 15. Panalangin ng Pagpapala Hindi maaaring magbigay ng bendisyon o pagbabasbas ang isang ministrong laiko. Pumili ng pagpapala mula sa A,
A. Namumuno: Patnubayan nawa tayo at ingatan ng Panginoon. Lahat: Amen Namumuno: Tanglawan nawa tayo ng kaniyang liwanag at maging magiliw nawa siyang lagi sa atin. Lahat: Amen Namumuno: Masdan nawa niya tayo nang buong awa, at pagkalooban ng kapayapaan. Lahat: Amen Kukurusan ng bawat isa ang sarili. Namumuno: Pagpalain nawa tayo ng makapangyarihang Diyos, ang Ama, ang Anak at ng Espiritu Santo. Lahat: Amen. B Namumuno: Pagpalain nawa tayo ng maawaing Diyos sa lahat ng bagay, at pagkalooban nawa niya tayo ng kapayapaan sa lahat ng araw ng ating buhay. Lahat: Amen Namumuno: Ilayo niya tayo sa lahat ng ligalig at bigyang-lakas ang ating puso sa kanyang pag-ibig Lahat: Amen Namumuno: Payamanin nawa niya tayo sa pananampalataya, pag-asa at pag-ibig, upang ang gawin natin sa buhay na ito ay makapaghatid sa atin sa kaligayahan ng buhay na walang hanggan. Lahat: Amen.
Kukurusan ng bawat isa ang sarili. Namumuno: Pagpalain nawa tayo ng makapangyarihang Diyos , ang Ama, ang Anak at ng Espiritu Santo. Lahat: Amen
K Namumuno: Ipag-adya nawa tayo ng makapangyarihang Diyos sa lahat ng masama at pagpalain tayo ng kanyang mga biyaya. Lahat: Amen Namumuno: Iukit nawa niya sa ating puso ang kanyang Salita at punuin tayo ng kagalakang walang kupas. Lahat: Amen Namumuno: Tahakin nawa natin ang kanyang mga landasin, na batid ang tama’t mabuti, hanggang ating makamtan ang pamana sa kalangitan. Lahat: Amen Kukurusan ng bawat isa ang sarili. Namumuno: Pagpalain nawa tayo ng makapangyarihang Diyos , ang Ama, ang Anak at ng Espiritu Santo. Lahat: Amen
16. Pagpapalisan Namumuno: Humayo kayo sa kapayapaan upang ibigin at paglingkuran ang Panginoon. Lahat: Salamat sa Diyos. 17. Pangkatapusang Awit
View more...
Comments