Pananamit Ng Mga Sinaunang Pilipino

September 4, 2017 | Author: James Hugo | Category: N/A
Share Embed Donate


Short Description

Download Pananamit Ng Mga Sinaunang Pilipino...

Description

Pananamit ng mga Sinaunang Pilipino Ang pananamit ng mga sinaunang Pilipino ay lubhang naiiba sa pananamit ng kasalukuyan. Noon, ang mga lalaki ay nakabahag ngunit may kanggan, na pang-itaas, na maikli ang manggas at itim o asul na kamisang walang kuwelyo. Ang kulay ng kamisa ang nagpapakilala kung ano ang antas o ranggo ng nagsusuot noon: kung pula ay nangangahulugang datu ang may-suot; kung asul o bughaw o kung itim ay nabibilang sa uring mababa kaysa datu. Sa kabilang dako, ang pananamit ng mga babae ay binubuo ng pang-itaas na kung tawagi‟y baro at ng pang-ibaba na kung tawagi‟y saya. Sa Kabisayaan, ang tawag dito‟y patadyong. Noo‟y walang sapatos ang mga tao, kaya‟t ang lahat ay nakatapak. Gayunman, ang ulo‟y may putong, na anupa‟t isang kayong damit na nakabilibid sa ulo. Sa kulay ng putong nakikilala ang “pagkalalaki”: kung pula ang putong, ang may-suot ay nakapatay na ng isang tao; kung may burda ang putong, ang may-suot nito ay nakapatay na ng maraming tao. Ang mga babae ay hindi naglalagay ng putong, ngunit ang kanilang buhok ay nakapusod. Pananampalataya ng mga Sinaunang Pilipino Ang sinaunang tao sa kapuluan ay hitik na hitik sa kaugalian at paniniwala. Sa lahat ng yugto ng kanilang buhay, mula sa kapanganakan hanggang kamatayan, ay kitang-kita ang kanilang mga pinaniniwalaan at pinipahalagahan. Ang mga babaylan at katalona na tumatayong tagapag-ugnay ng pamayanan sa mga espiritu at diyos ay naging malakas na puwersa na humubog sa pagkatao at tunguhin ng pamayanan. Patunay sa matibay na ugnayan ng sinaunang tao sa kanilang Lumikha ay ang kanilang mga paniniwala at pagpapahalaga sa mga espiritu, duwende, nuno at engkanto. Ang mga paniniwala at pagpapahalagang ito ang kanilang naging gabay sa kanilang pang-araw-araw na buhay. Naniniwala sila na ang lahat ng bagay ay may buhay katulad ng mga bundok, ilog, lawa, punongkahoy at iba pa. sila ay sumasamba sa espiritu ng namayapang kamag-anak. Naniniwala rin sila sa mabubuti at masasamang anito. Ang paniniwalang ito sa mga anito, ayon kay Salazar ay patunay ng malakas na impluwensiya ng mga Austronesyano sa pamumuhay ng mga sinaunang Pilipino. Bagama‟t naniniwala ang sinaunang tao sa maraming espiritu, naniniwala rin sila sa iisang itinuturing naman nilang pinakamakapangyarihang diyos, ang Bathalang Maykapal. Naniniwala sila na ang Bathalang Maykapal ang magpaparusa sa mga masasama at magbibigay gantimpala sa mabubuti. Ang debosyon ng mga sinaunang Pilipino sa kanilang mga namayapang kamag-anak ay kahanga-hanga rin, ayon sa salaysay ng mga Kastilang Historyador. Makikita ito sa kanilang paglilibing at sa kanilang madalas na paghingi ng gabay sa mga kaanak nilang namayapa na. naniniwala sila na may kabilang buhay kung saan ay ipagpapatuloy ng namayapa ang kanyang buhay. Dahil ditto, ang mga gamit ng namayapa ay kasamang inililibing ng kanyang labi, sapagkat kakailanganin daw ang mga ito ng namayapa sa kabilang buhay. Sa mga katutubong Bisaya, naniniwala sila na ang mga masasama ay magtutungo sa solad (impierno) at ang mabubuti ay sa ologan (langit). Kaugnay ng kanilang relihiyon, ang mga sinaunang Pilipino ay naniniwala sa mga pamahiin. Naniniwala sila sa anting-anting, agimat, at kahulugan ng mga panaginip.

james/ejp

Sa mga sinaunang Pilipinong naninirahan sa hilaga, labis nilang binibigyan ng paggalang ang tikbalang. Naniniwala sila na ito ay demonyong naninirahan sa kagubatan kaya nagpapasantabi sila sa tuwing daraan sila sa ilalim ng mga puno. Pinahahalagahan din nila ang buwaya na tinatawag nilang nuno. Naniniwala rin ang mga tribung Bisaya na ang lahat ng namatay sa pakikidigma o napatay ng buwaya ay nagiging diwata o anito. Edukasyon ng mga Sinaunang Pilipino Ang malalim na kaalaman sa pagbasa at pagsulat ng mga sinaunang Pilipino ay pinatutunayan ng mga tala ni Padre Chirino (1604), Dr. Antonio de Morga (1609) at iba pang mananalaysay na Kastila, ang mga nahukay na palayok sa Butuan at Batangas at ang Laguna Copper Plate Inscription. Nangangahulugan lamang na amg mga sinaunang Pilipino ay mayroon ng pamamaraan ng pagtatala ng kanilang kasaysayan. Sa Katagalugan at sa iba pang bahagi ng kapuluan, baybayin ang gamit sa pagsusulat. Ang mga anak na lalaki sa sinaunang pamayanang Pilipino ay sinasanay ng mga ama na maging mandirigma, mangangaso, mangingisda, minero, magtrotroso at manggagawa ng barko. Ang mga anak na babae naman at tinuturuan ng mga ina ng pagbasa at pagsulat, aritmetika, paggamit ng sandata at lubris (pag-aaral tungkol sa agimat). Mayroong sinaunang paaralan sa Panay na tinatawag na bothoan. Agham at Teknolohiya ng mga Sinaunang Pilipino Ang mga unang Pilipino ay may malawak ding kaalaman sa agham at teknolohiya. Ang ilang patunay ditto ay ang mga sumusunod:  Paggawa ng mga halamang gamut  Industriya ng seramiks  Ang pagprepreserba ng labi, na tipikal sa mga bulubundukin ng Cordillera, particular sa Sagada (mummification)  Ang kalendaryong Ifugao at Bisaya. Ang mga Ifugao ay may mga tagatala ng kalendaryo na tinatawag nilang tumunok. Ang sinaunang kalendaryo ng mga Bisaya ay may pitong araw sa isang lingo at labindalawang buwan sa loob ng isang taon.  Paglalagay ng ginto sa ngipin  Ang Hagdan-hagdang Palayan (Rice Terraces) Ekonomiya ng mga Sinaunang Pilipino Ang pamumuhay at kabuhayan ng mga sinaunang Pilipino ay hindi gaanong nalalayo sa pamumuhay at kabuhayan ng malaking bahagi ng mga Pilipino sa kasalukuyan. Ang malaking kaibahan ng dalawa ay nakasalig sa bilis ng pagkukumagkag ng mga tao ngayon, samantalang noon ang mga tao‟y hindi nagmamadali sa kanilang mga gawain. Ang pangunahing industriya noon, gaya ngayon, ay ang pagsasaka. Sagana ang bayan noon sa bigas, saging, bulak, niyog, dalanghita, abaka, at iba‟t ibang uri ng mga prutas at mga gulayin. Ang pagsasaka noo‟y may dalawang uri: una, ang tinatawag na pangangaingin (galing sa kaingin) at ang ikalawa‟y ang paglilinang. Sa una, ang lupa‟y nililinis sa pamamagitan ng pagsunog sa mga halaman at damo at pagkatapos nito‟y tatamnan ang lupa. Sa ikalawa, ang

james/ejp

lupa‟y inaararo at pagkatapos ay tinatamnan. Upang mapalaki ang ani ay naglalagay sila ng patubig, Ang pagmamay-ari ng lupa noo‟y may dalawang uri. Ang una‟y panlahat o publiko at nauukol sa mga lupang malapit sa kabundukan. Ipinalalagay na ang lupang ito‟y mahirap araruhin at ang sino mang may sipag at tiyaga ay maaaring magtanim at makinabang sa ganyang uri ng lupa. Ang ikalawa‟y ang pribadong lupa na ari ng mga datu. Ang lupang ito‟y mataba at maunlad na sapagkat naayos na ng datu sa tulong ng mga alipin. Sa ibang pook, ang ilang lagay ng lupa ay pinauupahan ng datu. Sang-ayon kay Padre Juan de Plasencia na nakasaksi sa mga kaugalian ng mga Pilipino nang dumating ang mga Kastila sa Pilipinas, ang matuwid kung bakit pinauupahan ng datu ang ilang lagay ng lupa ay sapagkat binili niya ang nasabing lupa sa datung dating may-ari nito at upang makuha ang kanyang ibinayad ay pinauupahan niya ang lupang nabili. Katulad ngayon, ang pagkain ng mga Pilipino noon ay nakasalig sa bigas, at ang ulam ay karaniwan nang isda at kung minsa‟y karne ng baboy o baka. Ang pag-inom ng alak (tuba) ay karaniwan, ngunit hindi sila nagpapakalasing. Bukod sa pagsasaka ay mayroon pang ibang industriya ang mga Pilipino noon, gaya ng paghahayupan, pangingisda, pagmimina, paghabi, paggawa ng mga sasakyang- dagat, at pangangahoy. Nag-aalaga rin sila ng mga manok, kambing, kalabaw, at kabayo. Mayroon din silang elepante, sapagkat ilan sa mga wika sa Pilipinas ang kakikitaan ng salitang gadya, na ang ibig sabihin ay elepante. Bukod diyan, ang Museong Pambansa ay nakatuklas ng mga buto ng elepante sa Hilagang Luson, bagay na nagpapatotoong may elepante sa Pilipinas noong unang panahon. Ang paggawa ng mga sasakyang-dagat na may layag ay isang maunlad na industriya ng mga unang Pilipino. Ang kapal ng kagubatang sagana sa matitigas na punungkahoy na sinasangkap sa paggawa ng mga sasakyang-dagat ay naging mapagpala sa mga Pilipino na sapagkat naninirahan sa mga tabing-dagat ay sanay maglayag. Nang dumating ang mga Kastila ay nagtaka sila sa iba‟t ibang uri ng mga sasakyang-dagat at bangka na ginagawa ng mga Pilipino. Dahil sa hindi alam ng mga Kastila ang pangalan ng mga sasakyang-dagat at mga bangka ay gumawa sila ng mga pangalan, gaya ng binta, birey, prau na ginawang paraw ng mga Pilipino, karakoa, at iba pa, bukod sa bangka at balangay. Ang paghahabi ng mga damit ay isang industriyang pambahay na maunlad na nang dumating ang mga Kastila. Sinamay, hibla ng saging, bulak, at sutla ang ginagamit sa paghabi. Dahil sa mga industriya ay naging maunlad ang komersiyo ng mga baranggay na ang ginagamit sa pagdadala ng mga produkto ay mga bangka at batel. Ang karamihan ng mga ilog ay naging isa sa mga dahilan kung bakit ang komersiyo ng mga baranggay ay naging hasi (mabili). Sinasabi ng matatandang kasulatan na nang dumating ang mga Kastila sa Pilipinas ay nakita nila ang maraming sasakyang-dagat sa Sebu na nagbuhat pa sa Maynila at iba pang bahagi ng Luson. Ang mga sasakyang iyan ay tigib ng mga bilihing dinadala sa mga pulo ng Kabisayaan at sa Kamindanawan, lalo na sa Butuan, ngayo‟y sakop ng Surigaw. Sang-ayon kay Padre Martin de Rada, sa isang sulat niya sa biseroy ng Meksiko, ay totoong maraming mangangalakal na tagaLuson, Hulo at iba pang mga pulo ang naglalayag sa malalayong bayan upang makipagkalakalan. Bukod sa komersiyo sa loob ng Pilipinas ay nagkaroon din ng pakikipagkalakalan sa iba‟t ibang bansa, gaya ng Hapon, Tsina, Siyam (ngayo‟y Taylandiya), Kambodya, Borneo, Sumatra, Haba, at sa iba pang pulo ng matandang Malaysiya. Noo‟y walang kuwaltang ginagamit ang mga tao. Ang paraan ng bilihan ay dinaraan sa tinatawag na palitan ng mga produkto. Halimbawa, kung ang isang tao‟y may kambing ay maaari niyang ipagpalit ito sa isang tiklis na isda. Kung minsan, ang ibinabayad ng mga Pilipino sa mga

james/ejp

Intsik na mangangalakal na dumayo buhat Tsina ay ginto o ano mang bagay na naiibigan ng mga Intsik. Sang-ayon sa isang manunulat na Intsik na nakarating sa Pilipinas noon taong 1209 at nanatili rito hanggang 1214, ang mga sinaunang Pilipino ay matapat sa pakikitungo sa mga mangangalakal na taga-ibang bansa. Ang mga Intsik, halimbawa, na kinukunan ng mga produkto ay hindi agad binabayaran kundi sa susunod na pagbabalik noon. Ang mga Pilipino ay kusang nagbabayad ng inutang nilang mga produkto at dahil ditto ang mga mangangalakal na dayuhan ay may malaking pagtitiwala sa kanila. Panliligaw at Pag-aasawa ng mga Sinaunang Pilipino May kaugalian ang mga unang Pilipino na mag-asawa sa babae o lalaking nabibilang sa uri ng lipunang kinabibilangan nila. Ngunit ang ganito‟y hindi mahigpit na ipinatutupad. Ang datu ay karaniwan nang nag-aasawa sa pamilyang nabibilang sa uring datu; ang mahadlika ay nag-aasawa ng mahadlika rin, at ang alipin ay nag-aasawa ng gaya rin niyang alipin. Ngunit gaya ng nasabi na, ang kaugaling ito‟y hindi lubos na sinusunod. Ang mahadlikang may hangad magasawa ng alipin ay hindi pinagbabawalang mag-asawa rito, at ang datung nais mag-asawa ng mahadlika ay malaya ring nag-aasawa ng nais niyang maging asawa. Ang babaing hindi asawa ng isang lalaki ngunit may di-karaniwang kaugnayan doon ay tinatawag na kaibigan, na kung bigkasin ay ka-ibigan, na ang ibig sabihi‟y kapwa nag-iibigan. Sa kanilang batas na batay sa kinamulatan at kinaugalian, ang mga anak sa asawa ay lehitimo o tunay, samantalang ang mga anak sa labas, wika nga, ay hindi tunay kaya‟t hindi maaaring magmana ng ari-arian sa kanyang ama. Ang pag-aasawa noong unang panahon ay hindi madali, sapagkat ang lalaki ay maraming pagdaraanang mga “baitang”, kung baga sa hagdan, bago maging karapatdapat sa mga magulang ng babaing pinipintuho. May ugali noon – na hangga ngayo‟y sinusunod sa isang liblib na pook ng Pilipinas – na ang nanliligaw ay maglilingkod muna sa mga magulang ng dalaga sa loob ng ilang buwan o kung minsa‟y mga taon. Mahirap ito, kung sa ngayon, ngunit noon ang mga lalaking umiibig ay handang magpakasakit at magtiis ng hirap alang-alang sa kanyang minamahal. Ang lalaki‟y nagsisibak ng kahoy, umiigib, at gumagawa ng ano mang bagay na iutos sa kanya ng mga magulang ng dalaga. Sa likod ng mataimtim na paglilingkod na ito ay hindi pinahihintulutang makipag-usap ang lalaki sa dalaga; mga mata lamang nila ang nag-uusap at napapahayag ng kani-kanilang dinaramdam. Walang pagkakataong magkausap ang dalawa sapagkat mahigpit ang mga magulang na ang mga mata‟y tinatalasan upang hindi sila masalisihan, wika nga, ng lalaking may kabilisan. Matapos matanto ng mga magulang ng dalaga na ang nanliligaw ay karapatdapat, ang pagsang-ayon ng mga yaon ay ipakikilala sa lalaki, datapwa‟t ang ganitong pagsang-ayon ay may kondisyon: siya‟y magkakaloob ng bigay-kaya o dote sa mga magulang ng dalaga. Ang bigay-kaya ay karaniwan nang lupa, ginto, o ano mang ari-ariang mahalaga. Bukod diyan ay magbibigay rin ang binata nang pang-himuyat sa mga magulang ng dalaga, na maaaring salapi, bilang bayad sa mga araw at gabi ng pagbabantay at pagpupuyat ng mga magulang mulang pagkabata hanggang magdalaga. Bukod pa riyan ay magbibigay rin ang kahabag-habag na binata ng tinatawag na bigay-suso sa nag-alagang yaya ng dalaga bilang ganti sa kanyang pagpapasuso rito. At bukod pa rin diyan ay magbibigay rin ang binata ng himaraw sa ina ng dalaga bilang bayad sa kanyang pagpapasuso sa dalaga ng ito‟y sanggol pa. Ang lahat ng ito‟y inaayos ng mga magulang ng dalaga sa kanilang pakikipag-usap sa mga magulang ng binata. Kung ang hinihiling ng mga magulang noon ay hindi maibibigay ng

james/ejp

mga magulang ng binata ay nagkakaroon ng tinatawag na tawaran hanggang sa pumayag ang panig ng dalaga. Ito‟y tinatawag na pamumulungan o pamamalae. Kapag naayos na ito, ang kasal ay isusunod. Ang paraan ng pagkakasal ay iba-iba ayon sa katayuan ng isang tao sa lipunan. Sa mga may dugong mahal, wika nga, ang panliligaw ay dinaraan sa tagapamagitan. Pagkatapos na maayos ng mga magulang ang tungkol sa pag-aasawa ng kanilang mga anak ay ipakukuha ang nobya sa isang tagapamagitan. Pagdating sa paa ng hagdan ng bahay ng lalaki ang dalaga ay magkukunwang nahihiya at hindi agad papanhik. Dudulutan siya ng ama ng lalaki ng isang regalo at siya‟y papanhik na. Pagkapanhik ay hindi tutuloy sa kalooban ng bahay hangga‟t hindi siya nadudulutan ng isa pang regalo. Pagkapasok sa loob ng bahay ay hindi uupo ang dalaga at bibigyan na naman siya ng isa pang regalo. Hindi kakain o iinom ang dalaga hangga‟t hindi nadudulutan ng regalo. Pagkatapos nito, ang dalaga‟t binatang ikakasal ay iinom sa isang tasa. Sa bahaging ito ay ipahahayag ng isang matandang lalaki na magsisimula na ang seremonya. Isang matandang babaing may tungkuling pagka-pari ang lalapit sa ikakasal, pagdadaupin ang kanilang mga kamay sa ibabaw ng isang pinggang bigas, at kasabay ng isang hiyaw ay ihahagis ang bigas sa mga panauhin. Ito‟y gagantihin ng malakas na hiyawan ng mga panauhin at ang kasal ay tapos na. Sa mga mahadlika, ang paghahagis ng bigas ay hindi ginagawa, samantalang sa mga alipin ang pagkakasal ay nagsisimula at natatapos sa tanong ng lalaki na “Pakakasal ka baga sa akin?” At kung umoo ang dalaga ay inaaring kasal na sila. Sa mga Moro sa Mindanaw, ang kasal ay halos kapareho ng sa mga mamamayan sa Luson. Ang tagapagsalita ng binata ay nagpapahayag sa mga magulang ng dalaga ng layunin ng binata na maging asawa ito. Ang mga magulang ng dalaga ay sasangguni sa kanilang mga kamag-anak at kung payag ang mga ito ay agad ipahahayag ang pagsang-ayon. Kasunod nito ang dote na ibibigay sa mga magulang ng babae. Sa bahaging ito ay may kinalaman ang datu, sapagkat siya ang makikipag-unawaan sa mga magulang ng dalaga. Matapos mapagkayarian ang dote ay isusunod na ang kasal, na ginagawa sa tahanan ng datu. Isang kamag-anak ng dalaga ang tutungo sa tahanan ng binata upang ihatid ito sa bahay ng datu. Pagkatapos ay kukunin ang dalaga ng isang kamag-anak ng binata at dadalhin din sa bahay ng datu. Uupo sa lapag ang mga ikakasal sa ayos na magkaharap. Sila‟y pangangaralan ng hadji o hukom at pagkatapos nito‟y makaitlong liligid ang binata sa dalaga. Samantalang ginagawa ito‟y pipilitin ng binata na hawiin ang belo ng dalaga, bagay na sinasabayan ng sigawan ng mga panauhin, sapagkat ang mga ito ang magsasabi kung kailan hahawiin ang belo. Pagkaraan ng ilang pagtatangkang hawiin ang belo, ang mga panauhin ay sesenyas na nagpapahayag na tuluyan nang hawiin ang belo. Sa senyas na ito, ang belo ay hahawiin na ng binata. Pagkatapos nito‟y babasahin ng hukom ang mga salitang nagbubuklod sa dalawa at pagkatapos ay babasbasan sila ng bendita. Ito‟y susundan ng anim na araw na pagdiriwang. Sa ikapitong gabi ay pahihintulutan na ang lalaking sumiping sa asawa. Haluang Kasal. – Kung ang mag-asawa ay nabibilang sa magkaibang uri ng katayuan sa lipunan, halimbawa‟y isang mahadlika at isang alipin, ang kanilang mga anak ay paghahatiin sa kanilang dalawa. Kung ang ama‟y mahadlika, halimbawa, at ang ina‟y alipin, ang pinakamatanda o panganay, ang pangatlo, ang panlima, ang pampito, at iba pa, anupa‟t ang mga gansal o nones, ay sa ama, samantalang ang pares – anupa‟t ang ikalawa, ikaapat, ikaanim, atbp. – ay sa ina. Sapagkat mahadlika ang ama kung kaya‟t mahadlika rin ang mga anak na nasa kanya. Gayon din ang sukat masabi hinggil sa mga anak na nabibilang sa ina: sila‟y ituturing na alipin. Kung bugtong (iisa) ang anak, siya‟y kalahating alipin at kalahating mahadlika. Kung gansal ang

james/ejp

bilang ng mga anak, halimbawa‟y pito o siyam, ang ikapito o ikasiyam ay ituturing na kalahating alipin at kalahating maharlika. Pamahalaan at Batas ng mga Sinaunang Pilipino Ang Pamahalaan. – Ang yunit ng pamahalaan ay ang baranggay, na binubuo ng mula sa 30 hanggang 100 kaanak. Ang salitang baranggay, na gamitin ngayon, ay sinasabing galing daw sa salitang Malayong balangay. Ngunit walang ganitong salita sa Malayong sinasalita sa Indonesya o maging sa Malaysiya. Ang salitang balang, na ang kahulugan sa Indonesya ay bangka, malaki man o maliit, na may isang layag, ang maaaring tunay na pinagmulan ng salitang Tagalog na balangay, na maaaring binibigkas noong unang panahon nang balang-ay, na nang lumaon ay naging balangay. Ito nama‟y ginawang barangay (bigkas: barang-gay) ng mga Kastila, sapagkat higit na magaang bigkasin ng mga Kastila ang r kaysa l o d. Nang lumaon, ang salitang balangay ay nagkaroon ng ibang kahulugan, at ito‟y sangay ng isang katipunan o asosasyon, gaya ng mga Mason na may kanya-kanyang balangay o branch. Walang tinatawag na hari noon, kundi datu o sultan. Ang bawat baranggay ay Malaya at nag-iisa, ngunit kung minsa‟y nagsasama-sama ang ilang baranggay upang maging kalipunan ng mga baranggay. Ang pangyayaring napakaraming baranggay noon ay nagpapahiwatig na walang kaisahan ang mga Pilipino at samakatuwid ay walang isang pamahalaang sentral. Tungkulin ng mga datu na pangalagaan ang kapakanan ng kanyang mga nasasakupan at ito nama‟y nagbabayad ng buwis sa kanilang datu. Noo‟y walang kuwalta, katulad ngayon, kaya‟t ang ipinambabayad ay mga produkto. Ang mga kamag-anak ng mga datu at ang kanilang mga anak ay pawang nabibilang sa dugong mahal at hindi pinapagbabayad ng buwis. Ang datu ay makapangyarihan sapagkat nasa kamay niya ang kilala ngayong ehekutibo, lehislatibo, at hudisyal. Ang relasyon ng isang baranggay sa kapwa baranggay ay nasasalig sa komersiyo at mga kasunduan hinggil sa pagkakaibigan at pagkakaisa. Ito‟y ginagawa sa pamamagitan ng tinatawag na sanduguan, na anupa‟t kumukuha ng dugo sa bisig ng nagkakaisa at inihahalo ito sa tuba. Ito‟y tinutungga ng nagsasandugo. Sa pagtunggang ito, ang dalawang panig ay kinikilalang magkapatid sa dugo. Ang pagpatay sa isang taong nabibilang sa ibang baranggay ay nagiging sanhi ng digmaan ng dalawang baranggay, pagpatay na wala naming sanhi. Ang isa pang sanhi ng digmaan ay kung tinangay ng isang lalaking nabibilang sa isang baranggay ang asawa ng lalaking nabibilang sa iba namang baranggay. Ang isa pang sanhi ay kung pinarusahan ng isang baranggay ang lalaking nabibilang sa ibang baranggay. Sa mga sanhi ng digmaan, maliwanag na walang pagtatangka noong daanin ang salitaan sa mapayapang paraan, na anupa‟t dinaraang lahat sa dahas at lakas. Benggansa o paghihiganti ang motibong nagtutulak sa mga mamamayan noon na tumungo sa digmaan. Mga Batas. – Ang mga batas noong unang panahon ay nakasulat o hindi nakasulat. Sa nakasulat o sa hindi man, ang mga yao‟y batay sa kinaugalian. Ang mga batas na nakasulat ay yaong pinagtibay ng datu at ng kanyang sangguniang binubuo ng matatandang mamamayan. Yao‟y nauukol sa panggagahasa, pagpatay ng kapwa, pangungulam, pag-insulto sa kapwa, pagdaraan sa bakuran ng may-bakuran nang walang pahintulot ito, at iba pang gawang ipinalalagay na mahalay at hindi mabuti. Ang taong makilalang gumawa ng mortal na kasalanan ay ipinapapatay o kaya‟y pinagmumulta nang malaki. Ang mga gumawa ng pagkakasalang hindi mortal ay pinarurusahan naman sa pamamagitan ng pagtatali sa langgaman, pagmumulta,

james/ejp

paghagupit sa likod, sa pagputol sa mga daliri ng isang kamay, o kaya‟y sa paglangoy sa loob ng ilang oras, ayon sa hatol. Ang mga kasalanang hindi mortal ay ang pangangalunya, pagdaraya, pang-uumit, pagsisinungaling, pambubulahaw sa gitna ng katahimikan ng gabi, at pagsira sa mga dokumentong ari ng datu. Ang batas ay ginagawa sa ganitong paraan. Tatawagin ng datu ang matatanda ng baranggay na tumatayong mga tagapayo niya at sasabihin sa mga ito na may naiisip siyang isang batas na dapat pagtibayin. Ang balak o panukalang ito‟y pag-aaralang mabuti ng matatanda at kung sila‟y sang-ayon, ang mga tadhana ng panukalang batas ay isusulat. Isang tagapagbalita, na ang tawag ay umaluhukan, ang magbabalita sa buong baranggay na may bagong batas na paiiralin ang datu. Dala ang isang kampanilya, ang umaluhukan ay pagkukulumpunan ng mga taong ibig makabatid sa mga tadhana ng bagong batas. Ang sino mang lumabag sa batas ay agad pinaparusahan ayon sa bigat ng pagkakasala. Ang Paghuhukom. – Saan man at kailan man ay hindi nawawala o naiiwasan ang pagtutunggali ng mga tao, na ang mga dahilan ay lubhang marami, gaya ng usapin sa pagmamanahan, usapin sa lupa, usaping kriminal at iba pa. Ang mga usapin noong unang panahon ay nililitis ng hukuman na binubuo ng datu bilang hukom at ng matatandang mamamayan ng baranggay na tumatayong hurado. Sa kabilang dako, ang usapin ng dalawang baranggay ay nilulutas sa pamamagitan ng arbitrasyon na binubuo ng matatandang mamamayan ng mga neutral na baranggay na siyang namamagitan. Ang paglilitis ay hayag at ang mga pasya o hatol ay agad ibinibigay upang maiwasan ang walang katuturang pagkabimbin ng usapin. Noo‟y walang abugado. Ang magkabilang panig sa usapin ay maghaharap na kasama ang kani-kanilang mga testigo. Upang ipakilala ang kanilang katapatan, ang mga testigo ay nanunumpa sa ganitong paraan: “Maanong lamunin ako ng buwaya kung hindi ako magsabi ng totoo”; “Maanong tamaan ako ng lintik kung magsabi ako ng kabulaanan” at iba pang gangganito. Pagkatapos makapanumpa ang mga testigo ay isa-isang mangangatuwiran ang magkabilang panig sa usapin, kasunod ang pagpapatibay ng kanilang mga saksi o testigo. Ang sino mang makapagharap ng higit na maraming testigo ay ipinalalagay na nanalo sa usapin. Kung ito‟y tawaran ng natalo, ang datu bilang huwes at ehekutibo ay magpapasyang dapat sundin ang hatol at sa ganito‟y papanig siya sa nanalo upang mapilitan ang natalo sa usapin na tanggapin ang hatol ng hukuman. Ang Pagsubok. – Ang mga sinaunang Pilipino, katulad ng mga Europeo noong unang panahon, ay mayroon din ng tinatawag na paglilitis-pagsubok (trial by ordeal). Sa uring ito ng paglilitis, ang paniwala ng mga tao ay nananalo ang kinakasihan ni Bathala. Ang paglilitis ay dinaraan sa pagsubok sa katatagan, katibayan, at katapangan ng nag-uusapin. Upang makilala kung sino sa nag-uusapin ang may-sala o kung sino ang walang sala ay ipinakukuha ang isang batong nakababad sa kumukulong tubig. Kung aling kamay ang napaltos ay ipinalalagay na maysala. Ang sino mang ayaw kumuha ng nasabing bato ay siyang may-sala. Ang isa pang uri ng pagsubok ay ang pagbibigay sa nag-uusapin ng ilawang may sindi. Ang ilawang mamatayan ng ilaw ang siyang may-sala. Isa pang pagsubok: ang nag-uusapin ay patatalunin sa ilog na may dalang sibat; kung sino ang unang lumitaw ay siyang may-sala. Isa pa ring pagsubok: ang naguusapin ay pangunguyain ng bigas at kung sino ang may laway na malapot ay siyang may-sala. Sa mga Ipugaw sa hilagang Luson, ang pagsubok sa pamamagitan ng pagtatagis ng lakas ay karaniwan. Ang buno ay tinatawag doong bultong, at kung sino ang matalo sa larong ito ay ipinalalagay na may-sala. Isa pang uri ng pagsubok ay ang tinatawag na alaw. Ito‟y paglalabanan ng dalawang armadong lalaki. Kung sino ang mapatay ay siyang may-sala.

james/ejp

Pagdadalamhati ng mga Sinaunang Pilipino Ang Paglilibing. – Sapagkat naniniwala ang mga sinaunang Pilipino sa kabilang buhay at sa relasyon ng buhay sa patay kung kaya‟t malaki ang paggalang nila sa alaala ng mga patay. Ang patay ay inilalagay sa kabaong na may kasamang damit, ginto, at iba pang mahahalagang gamit na umano‟y kakailanganin ng namatay sa kanyang pagtungo sa kabilang buhay. Sa matandang paniwala, ang patay raw na maraming dala-dalahan ay buong pusong tatanggapin sa kabilang buhay, samantalang ang walang dala ay makararanas ng malamig na pagtanggap doon. Maliwanag na hindi man sinasabi ay mahahalata naming may kinikilingan ang kabilang buhay, na anupa‟t ang mayaman o may-kaya ay nakalalamang na sa pagtungo sa kabilang buhay. Katulad ng karaniwang nakikita sa kasalukuyan ay katakot-takot ang iyakan ng mga kamag-anak at mga kaibigan. Bukod sa mga ito ay mayroon pang upahang tagaiyak na nagsasalaysay o umaawit ng mga kabutihang nagawa ng namatay. Sa mga taga-Luson, ang pagpapakilala ng pagluluksa ay hindi gaya ngayong itim ang damit na isinusuot, kundi puti. Sa mga lipi ng Mindanaw at sa ilang pulo ng Kabisayaan, ang pagdaramdam sa pagkamatay ng kamag-anak ay ipinakikilala sa pamamagitan ng paghuhuramentado o walang taros na pagpatay sa kapwa. Kung minsan nama‟y naglalagay sila ng galang na behuko sa kanilang mga paa‟t liig. Ang pagkain ng ano mang uri ng karne at ang pag-inom ng alak ay bawal sa panahon ng pagluluksa. Ang pagluluksa sa babaing namatay ay tinatawag na morotal, samantalang ang sa lalaki ay tinatawag namang maglahi. Sa kabilang dako, ang pagluluksa sa namatay na datu ay tinatawag na laraw. Kapag datu ang namatay, ang pangyayaring ito‟y agad ipinahahayag sa buong baranggay. Ang lahat ng pakikidigma, kung mayroon, ay ibibimbin; ang sibat kung dinadala ay kailangang nakatungo sa lupa; ang pag-awit ay bawal; baligtad ang paglalagay ng balaraw (daga) sa kaluban; at bawal ang magsuot ng damit na masagwa ang kulay. Sa likod ng mga pagbabawal na ito ay patuloy naman ang kainan at inuman ng alak ng mga tao. Gayunman, ang mga kamag-anak ng namatay ay nag-aayuno at ang kinakain ay pawang gulay. Sa mga Tagalog, ang pag-aayuno ay tinatawag na sipa. Kung ang namatay ay biktima ng masamang layon o kaya‟y namatay sa labanan, ang pagluluksa ay hindi natatapos hangga‟t hindi naipaghihiganti ang namatay. Ang paghihiganti ng mga kamag-anak ay tinatawag na balata. Karaniwang nagdaraos ng pasiyam, na anupa‟t nagdarasal at nagkakainan ang mga kamag-anak at mga kaibigan ng namatay sa ikasiyam na araw ng pagkamatay ng yumao. Kadalasa‟y nagtatanghal ng dula o drama na kung tawagin ay tibaw. Naniniwala rin ang mga unang Pilipino sa tinatawag na anting-anting o agimat. Marami sa pangyayari ang binibigyan nila ng kahulugan, halimbawa‟y ang pagkahol o pag-alulong ng aso, ang paglipad ng uwak, o kaya‟y ang paghuni ng butiki. Naniniwala rin sila sa manghuhula na kung tawagin noo‟y pangatauhan, na umano‟y nakahuhula sa mga darating na pangyayari. Naniniwala rin sila sa asuwang, sa mangkukulam, sa tikbalang, sa manggagaway, at sa tiyanak. Ang mga paniniwala at mga pamahiing iyan ay hindi nalipol ng pagdating dito ng kabihasnang Kanluranin. Ang ilan sa kanila‟y nanatiling buong-buo, samantalang ang ilan nama‟y nalahiran ng diwa ng Kristiyanismo at minana ng kasalukuyang salin ng lahi sa ganyang ayos. MARANGAL ang makain ng buaya, o mapatay sa saksak o tama ng mga palaso (flechas, arrows), ayon sa paniwala ng mga tao dito. Tuluy-tuloy silang lahat sa langit (cielo, heaven), dumadaan sa arco na nabubuo kapag umuulan (bahaghari, rainbow), at nagiging mga diyos.

james/ejp

Ang kaluluwa ng mga nalunod ay naiiwan sa dagat habang panahon (siempre, forever). Bilang parangal sa namatay, natatayo sila ng mahabang kawayan at isinasabit sa itaas ang damit ng namatay. Iniiwanan nila duon hanggang maagnas at maglaho na ang damit. Panawagan ng „baylana‟ Kung magkasakit ang mga anak o kamag-anak ng nalunod na tao, dinadala sila sa dagat, sakay sa bangka na tinatawag na baranggay. Kasama nila ang isang baylana, babae na pari nila, na nagtuturo kung saan sa dagat nila ihahagis ang isang tampipi (baul, chest) na may damit ng nalunod. Sabay sa paghagis, nagdadasal ang baylana at ang mga nakasakay sa bangka sa mga namatay nilang ninuno na pagpalain at iligtas sa panganib ang mga maysakit. Kapag namatay sa sakit ang isang bata, sinasabi ng mga Pintados (mga Visaya) na kinain ng mga mangalo (duendes, goblins) ang bituka (entranias, bowels) ng bata kaya namatay. Hindi kasi alam ng mga tagarito na ang baho ng bulok ang sanhi ng mga sakit. [ Munting paliwanag: Nuong panahon ng Espanyol, paniwala ng mga taga-Europa na ang mabantot o „masamang hangin‟ (mal aire, malaria) ang pinagmumulan ng mga sakit. Bandang panahon na ni Jose Rizal umunlad ang mga agham (sciences) at natuklasan na mga microbio (germs) pala ang sanhi ng mga sakit. ] Kung matanda naman ang namatay, ang sabi nila ay „tinangay ng hangin‟ ang kaluluwa. Ang mga namatay nang ganuon ay napupunta sa Arayas, ang mga baranggay ng patay sa tuktok ng Mayas, isang mataas na bundok sa pulo ng Panay. Paniwala naman ng mga Yligueynes (mga Iligan o mga tao ng ilogan o ilog) na taga-Cebu, Bohol at Bantay (sa tabi ng Cebu, Bantayan Islands ang tawag ngayon) na ang mga kaluluwa ng mga namatay ay nagpupunta sa sinapupunan ni Siburanen (si Buranen), isang diyos na nakatira sa isang mataas na bundok sa pulo ng Burney (Borneo). Sukat ng buhay Sabi-sabi nila, may isa pang diyos sa langit, Sidapa (si Dapa), na may isang matayog na punong kahoy sa bundok Mayas. Nilalagyan niya ng takda ang puno tuwing may ipinapanganak na bata, at pag laki nito at naabot ang tangkad ng takda, namamatay agad ang tao. Mayroon ding naniniwala rito na ang mga kaluluwa ng namatay ay napupunta sa „kabilang buhay‟ (infierno) na sakop ng 2 diyos duon, sina Simuran (si Moran) at Siguinarugan (si Ginarugan). Sabi nila, napapalaya uli ang mga kaluluwa kung mag-aalay (sacrificio, offering) ang mga kamag-anak sa mga pagdiriwang na tinatawag nilang maganito (mag-aanyito). Naghihirap ang mahirap. May Yligueynes (mga Iligan) na nagsasabi na ang mga kaluluwa ng namatay ay kinukuha ni Maguayen, isang diyos din, at dinadala sa kanyang baranggay na tinatawag na Sumpoy. Subalit hindi nagtatagal duon, sabi nila, at inaagaw ng isa pang diyos at dinadala kay Siburanen (si Buranen). Binibihag daw nang pantay-pantay, mabuti man o masama, ang lahat ng kaluluwa. Kailangan daw maganito (mag-anyito) upang mapalaya ang kaluluwa. Subalit ang mga mahirap, dahil walang nag-aalay ng maganito para sa kanila, ay naiiwang bihag habang panahon sa ilalim ni Buranen. Mula dito, nakikita na walang halaga sa kanila kung mabuti o masama ang tao. Nakikita rin ang muhi nila sa pagiging mahirap.

james/ejp

Babae ang pari, inuman ang „misa‟ Ang mga katutubo sa kapuluang ito ay walang takdang panahon ng pagsamba sa kanilang mga diyos. Wala rin silang takdang puok na pinag-aalayan o simbahan. Kung mayroon lamang na may sakit saka sila nag-aalay, o kung mayroong digmaan o bago magtanim ng palay. Ang pag-aalay ay tinatawag na baylanes (mga baylanan, tinawag ding nag-aanyito) at baylanes (mga baylan o babaylan) din ang tawag sa mga pari (sacerdotisas, priestesses) na namumuno sa pag-aalay. Makulay at magara ang suot ng mga baylan, may mga kuwintas na bulaklak (guirnaldas, garlands) pa sa ulo at maraming alahas na ginto. Nagdadala sila (sa bahay ng maysakit) ng mga pitarillas (isang uri ng banga o palayok) na puno ng alak (arrach, liquor) na gawa sa kanin (tinawag ding pitarilya,). Nagdadala rin sila ng kanin, mga ulam at isang buhay na baboy. Umaawit at nagdadasal ang mga babaylan, tinatawag ang multo (espirito, demon) na nagpapakita sa kanila, balot na balot ng ginto. Pumapasok ang multo sa katawan ng babaylan at bumabagsak siya sa lupa, kumikisay at tumutulo ang laway parang baliw. Habang „hawak‟ siya ng multo, ihahayag niya kung gagaling ang maysakit o mamamatay. Sa ibang pag-aalay, sinasabi ng babaylan kung ano ang mangyayari sa darating na panahon. Ang pag-aalay ay sinasaliwan ng tugtog ng mga kulingling (campanillas, bells) at mga gong (tambors, drums). Pagkatapos sabihin ng babaylan ang kanyang hula (prediccion, prophesy), tumatayo siya at kumukuha ng sibat (lanza, spear) at pinapatay ang baboy, sinasaksak sa puso. Tapos, nililinis ang baboy at niluluto upang ialay sa multo. Sa isang hapag pang-alay (altar), ilalatag ang nilutong baboy at lahat ng pagkain at alak na dala ng babaylan at ng mga kamag-anak ng maysakit. Ginagawa rin nila ito upang mapalaya ang kaluluwa ng namatay mula sa „kabilang buhay,‟ humihingi ng tulong mula sa kanilang mga ninuno na nagpapakita raw sa kanila at sinasagot ang kanilang mga tanong. Kung aalis sila upang lusubin ang mga kaaway, nag-aalay din sila kay Varangao, ang diyos ng bahaghari (rainbow), at 2 pang diyos din, sina Ynaguinid (Inang Ginid) at Macanduc. Walang katapusang daigdig. Paniwala ng mga tao na walang katapusan ang mondo. Sabi nila, si Macaptan ang nakatira sa pinakamataas na langit. Masamang diyos daw si Macaptan dahil naghuhulog ng sakit at kamatayan sa mga tao. Kasi, sabi nila, hindi siya nakakatikim ng pagkain mula sa lupa, at hindi rin umiinom ng alak na pitarilla. Kaya hindi niya mahal at pinapatay ang mga tao. Mayroon daw na babaing diyos sa pulo ng Negros, si Lalahon. Duon daw nakatira sa tuktok ng isang bulkan (volcan, volcano) na 5 leguas (bandang 24 kilometro) mula sa kabayanan (poblacion, town) ng Arevalo, at siya raw ang naghahagis ng apoy mula sa bulkan. Nagdadasal sila kay Lalahon tuwing panahon ng pag-ani. Kung ayaw daw ng diyosa (diosa, goddess) na bigyan sila ng mabunying ani, nagkakalat daw ng maraming balang (langosta, locust) upang kainin ang lahat ng palay sa bukid. Lamay at libing ng patay. Kapag may namatay dito, nagsisindi ng maraming siga (hogueras, bonfires) sa paligid ng bahay niya at gabi-gabi, nagbabantay ang mga tao, hawak-hawak ang kanilang mga sandata. Natatakot daw sila na baka may lumapit na mangkukulam (brujo, sorcerer) na hihipo sa kabaong (ataud, coffin).

james/ejp

Kapag nangyari daw iyon, sasabog bigla ang kabaong at aalingasaw ang amoy ng patay, at hindi na maaaring ibalik ang bangkay (cadaver, corpse) sa kabaong. Ang kabaong ay gawa sa inukit na punong kahoy na pinupuno nila ng mga damit at ginto ng namatay. Marami pang pagaari ng namatay ang inilalagay nila sa kabaong na inililibing sa tabi ng bahay ng patay. Kapag mayaman daw ang libing, mainam daw ang tanggap sa „kabilang buhay,‟ subalit matumal daw ang tanggap sa mga mahirap (pobre, poor). Inililibing pati ang alipin. May matandang ugali ang mga Dumaguet (Dumagiti, mga tao na natagpuan ng mga Espanyol sa pulo ng Negros, sa banda ng ngayong Dumaguete City). Kapag namatay ang isang pinuno, pumapatay din sila ng isang alipin nito upang magsilbi sa kanyang panginoon (amo, master) sa „kabilang buhay.‟ Hanggang maaari, ginagaya nila kung paano namatay ang pinuno, ganuon din ang ginagawa nilang pagpatay sa alipin. Dahil hindi naman sila lubusang malupit (severo, cruel), ang pinipili nilang alipin ay ang pinakamatanda at pinakamahirap, at isang tagalabas (estranjero, foreigner) at hindi tagarito (indigena, native). Sabi nila, matanda na ang ugaling ito, minana pa nila 10,000 taon na ang nakalipas mula sa isang pinuno, si Marapan. Minsan, nagpahinga raw si Marapan at humingi sa alipin niya ng damo upang punasan ang sarili. Hinagis daw ng alipin ang isang malaking talahib (elephant grass), tinamaan at nasugatan sa tuhod si Marapan. Dahil matanda na siya, nagkasakit at namatay si Marapan dahil sa sugat. Bago siya namatay, hinabilin ni Marapan na patayin din ang alipin at ang familia nito. Mula nuon, sabi ng mga Dumaguet, naging ugali na nila ang pumatay ng alipin tuwing mamatay ang isang pinuno. „Maglahe‟ at luksa sa patay. Kapag namatay ang magulang o malapit na kamag-anak, hindi kumakain ng kanin ang mga naulila, pulos saging (bananas) at camote lamang, at hindi sila umiinom ng pitarilla hanggang hindi sila nakakabihag o nakakapatay ng isang tao sa digmaan o dambungan (asalto, raid). Palatandaan ng kanilang pagluluksa (luto, mourning), nagtatali sila ng yantok (bejucos, rattan) sa buong bisig (brazo, arm), at nagku-kwintas din ng yantok sa leeg. Hinuhubad lamang nila ang yantok, at kumakain uli ng kanin sa babang luksa, kapag nakabihag o nakapatay na sila. Nangyayari na isang taon silang nagluluksa, at nanghihina silang maigi at nagiging malamya (debilitado, languid). May isang uri ng luksa na tinatawag nilang maglahe. Kung minsan, nagpapa-gutom hanggang mamatay ang isang pinuno na naulila, subalit agad liligid sa buong baranggay ang kanyang mga timagua (timawa, ipinaliwanag sa susunod na kabanata) at mga galipin. Mag-iipon sila mula sa mga tao ng mga pagkain at tuba, alak na gawa mula sa puno ng niyog (vino cocotero, palm wine). Pilit nilang pakakainin at paiinumin ang pinuno upang hindi ito mamatay at natatapos ang maglahe. „Morotal,‟ luksa ng babae. Kahawig ang pagluluksa ng sinusunod ng mga babae, na tinatawag nilang morotal, subalit sa halip na bumihag o pumatay ng tao, nagsusuot sila ng mga puting damit at dumadalaw sa baranggay ng mga kaibigan nila. Sakay sila sa isang bangkang pandagat, tinatawag ding

james/ejp

baranggay, kasama ang 3 magiting na indio - isang gabay (piloto, steersman), isang taga-limas (achico, bailer) at isang taliba (vanguard) sa harap ng bangka. Pinipili ang 3 lalaki na maraming tagumpay sa digmaan. Habang lumalaot, panay ang awit ng 3 indio tungkol sa kanilang maraming panalo, ang dami ng mga nabihag, at ang mga kalaban na napatay nila sa bakbakan. Inom nang inom silang lahat, ang mga babae at 3 lalaki, ng pitarilla at iba pang alak na dala nila sa bangka habang naglalakbay. Pagdating nila sa baranggay ng kaibigan, nagdidiwang sila, kainan at inuman. Inaanyayahan nila ang kaibigan na dumalaw din sa kanilang baranggay. Tapos, inaalis na nila ang puting damit at mga yantok na kuwintas at pulupot sa bisig. Ito ang katapusan ng luksang morotal. Nagsusuot na uli sila ng makulay na damit at kumakain na ng kanin mula nuon. „Larao,‟ luksa sa pinuno. May isang mabagsik na uri ng luksa, tinatawag na larao, na sinusunod ng mga tao kapag namatay ang isang pinuno at walang sumusuway sa mga utos:  

Bawal makipag-away habang nagluluksa, lalo ka sa araw ng libing. Sa ibaba dapat nakatutok ang tulis ng sibat kapag dala-dala. Ang balaraw o panaksak ay dapat nakasukbit nang baligtad sa baywang.  Walang dapat magsuot ng magara o makulay na damit.  Bawal umawit habang namamangka sa banda ng baranggay. Dapat tahimik ang lahat sa loob ng baranggay.  Gumagawa sila ng bakod paligid sa bahay ng namatay na pinuno. Bawal pumuslit dito, at sinumang bumastos, kahit na pinuno rin, ay pinarurusahan. Para malaman ng lahat ng tao na may luksa para sa pinuno at walang makapag-maangan na hindi nila alam, pinapaligid sa buong baranggay ang isang timagua na iginagalang ng lahat, upang ipaalam ang pagkamatay ng pinuno. Sinuman lumabag sa mga bawal ay pinagbabayad agad ng multa. Kung ang lumabag ay isang alipin, ang panginoon niya ang nagbabayad ng multa. Kung ang alipin ay tumarampoc, na may sariling bahay, siya ay ginagawang aliping ayuey pagkatapos bayaran ang multa, at kailangan na siyang magsilbi sa bahay ng kanyang panginoon. Sa mga Espanyol, lubhang malupit ang ugaling ito na sinusunod ng lahat, alipin, timagua at mga pinuno, subalit sabi nila na ipinamana itong mga gawi ng kanilang mga diyos, si Lupluban at si Panas.

james/ejp

Polytechnic University of the Philippines College of Engineering

Heograpiya at Kasaysayan ng Pilipinas

Assignment No. 3

Hugo, Eldrin James P. 2010-00723-MN-0 BSCE II-2

james/ejp

View more...

Comments

Copyright ©2017 KUPDF Inc.
SUPPORT KUPDF