Norman Wilwayco- Gerilya

February 27, 2017 | Author: leur141435 | Category: N/A
Share Embed Donate


Short Description

Download Norman Wilwayco- Gerilya...

Description

GERILYA NORMAN WILWAYCO

GRAND PRIZE CARLOS PALANCA AWARDS 2008

Kay Flash, balon ng pag-ibig at inspirasyon, di nagmamaliw, di natutuyo, parang agimat, parang rebolusyon.

i hope you like jammin’ too Gusto kong pasalamatan ang lahat ng magsasaka’t manggagawang bukid na nagbigay ng sagot sa mga tanong na kaytagal ding namahay sa utak ko. Binigyan nila ng katwiran ang mga paglalagalag, pagsasaliksik, at pagpupumiglas. Salamat din sa lahat ng tropang tumulong para magkahugis ang librong ito. Alam nyo na kung sinosino kayo! Salamat! At paalala sa mambabasa, kathang-isip lang ang nobelang ito. Di sinasadya ang anumang pagkakahawig sa tunay na buhay.

Hindi piknik ang rebolusyon. —Mao Zedong

Late Night Show Mabuhay ay langit sa sariling bayan Kung ang sambayanan ay may kalayaan Umaga ay tula ng kaligayahan At ang dapithapo’y awit kung pakinggan. —Awit ng Mendiola

Nag-uunahan ang mga talampakan niya, nagmamadaling nanunulay sa mga pilapil, inaarumba ang mga natutulog na makahiya, sinasagasaan ang mga bagong tanim na palay sa pitakan. Di niya alintana ang pabigat-nang-pabigat na mga talampakang bawat hakbang kinakapitan ng pakapal na pakapal na putik mula sa pitakan. Takot lang ng mga putang inang militar na sundan ako sa gubat. Hindi nila kabisado ang terrain dito. Sa di kalayuan, dinig ni Ala ang impit na tahulan ng mga aso. Tinatangay ng hangin ang mga ungol at galit, isinasayaw ng mga alingawngaw, at pinupunit ang payapa ng gabi. Bilis pa, bilis pa. Malapit na ang kaaway. Pinunit ng maliwanag na sibat ng flashlight ang pitakan. Dapa. Gapang. Kailangang marating ang hangganan ng pitakan ni Amba Dencio. Malapit na 1

ang gubat. Nasa sukal ang kaligtasan. Sa hangganan ng pitakan, isang higanteng sanktuwaryo na nakatanghod ang gubat. Tagos ang kasukalang ito hanggang sa kabilang bayan. Ang kabilang bayan, malayo sa kaaway, kubli sa matang nanunugis, isang sanktuwaryo, at ang pinto, narito sa hangganan ng pitakan ni Amba Dencio, na minana ng amba sa mga ninuno niya. Naka-iskedyul na ang paghahawan, ilang araw na lang at sisilaban ang sukal na ito para bigyang daan ang pagpupunla ng palay. Pero ngayon, sanktuwaryo ito para kay Ala. Dito siya bubutas ng daan patawid sa kabilang bayan. Lalong nagpalakas ng loob niya ang kumukulong adrenaline na umaandar sa mga ugat niya, parang gasolinang sinusunog sa pusod ng makina ng sasakyang pangarera. Mabilis manakbo ang mga binti niyang banat sa lakad. Malakas na malakas ang kabog sa dibdib niya. Malakas na malakas ang tv. Ang putang inang host at ang putang inang young actor na nagdadaldalan tungkol sa mga kahindutang pinaggagagawa ng mga militar na ito sa mga mamamayan. Mga putang ina n’yo! Malapit na siya sa gubat nang pumailanlang ang mga putok. Tumama sa kaliwang binti ni Ala ang isa sa mga halang na bala, mabilis ang pagpunit ng kirot sa katinuan niya, napahandusay siya sa pitakan, pumasok ang masangsang na tubig/putik sa ilong niya sa sumubsob niyang mukha. Naamoy niya ang matapang na sangsang ng dugong malapot na tumatagas mula sa hita niya, pahalo sa malapot na tubig/putik/burak ng pitakan. Posas. Kaladkad. Dugo sa lupa. Dugo sa binti. Sa 2

binting walang silbi. Sa binting kangina lang malakas na malakas. Malakas ang tawanan ng mga halang na militar. Dumadagundong sa pandinig niya ang mga hiyawan ng mga bandidong unipormado. At habang kaladkad siya sa magkabilang bisig, naramdaman niya ang mga pisil sa suso, puke, at puwit niya. Balewala sa mga tarantado kahit basang-basa siya ng dugo mula sa tama niya sa binti. Ang mga walanghiya, kahit sa laban puro kalibugan ang nasa isip. —Gahasain na natin ang putang inang rebeldeng ito! —Nasaan ang mga kasamahan mo? Ha? Ikaw putang ina ka, kababae mong tao, hindi ka magpirmi sa bahay! Dapat sa yo turuan ng leksyon. Basa. Dilang gumuhit sa leeg. Dilang malagkit at may kamandag. Dila ng sundalong hayok ang asal at bulok ang isip. —Makinis ang isang to. Mukhang estudyante. Taga-UP ka ba? Ano’ng pinakain sa yo ng lider n’yo at naisipan mong mamundok? Ha? Ha? Chinupa mo ba siya? Ha? Ha? Sinuso mo ba burat niya? Sampal. Suntok. Halakhakhalakhakhalakhak. Hahaha. Hahahahahaha. Naalimpungatan si Ala sa biglang paggapang ng ipis sa braso niya. Pinalis niya, kinilig. —Iniipis na kami. Umiikot ang paningin niya. Nilinga niya ang bedside table sa kanan. Halos magkalaglagan na sa mesa ang mga basyo ng gin, katabi ng nag-uumapaw na ashtray. Dinukwang niya ang kaha ng sigarilyo sa 3

tabi ng ashtray, kumuha at nagsindi ng isa. Sa kanyang paghitit, nabawasan ang sakit ng ulo. Bahagyang kumulo ang tiyan na agad ding nawala. Sinipat niya sa mga bote kung alin ang may laman. Isa rito nangangalahati pa lang, nakatulugan niya kanina. Tumungga siya ng alak mula sa bote. Tuloy-tuloy ang pagsasalita ng talk show host. Sa paningin ni Ala, parang bumubula ang bibig nito habang walang tigil ang dakdak at bungisngis. —Daig pa’ng puwet ng manok na may almoranas. Muli siyang uminom ng gin at tinaktak ang sigarilyo sa ashtray. May ilang upos na nalaglag sa bedside table. Nilingon niya ang umaapaw na ashtray. Napailing. Dinampot niya ang ashtray at ibinuhos ang lamang mga upos at abo sa sahig na nalalatagan ng luma at naninilaw na linoleum. —Wawalisin na lang. Inom. Hitit. —…you mean, if the girl breaks up with you, you’re going to let her go, just like that? —Of course. Kung ayaw na niya sa akin, bahala siya. Ayaw ko na rin sa kanya. —Ladies and gentlemen, Jake here just broke up with his girlfriend. —Correction. She broke up with me. Ako yung iniwan. —Buti nga sa ‘yo, gago! Hitit. Inom. —Let me ask you something, Jake. Why didn’t you go after her? You said kanina, you love her. Bakit di ka maghabol? Show her how much you love her.” —Ang point kasi, Mart, sabi niya, ayaw na niya 4

sa akin. Matagal na, actually. Ibig sabihin, matagal na niya akong niloloko. I gave her all my love pero hindi pala siya honest. That’s so f--king unfair! —Ooops, please, Jake, refrain from saying the f-word. We’re on national TV. —Sorry. Na-o-overcome ako ng emosyon, eh. Nakakainis kasi. Di ko mapigilan ang sarili ko. Sorry ulit. —It’s okay. As you were saying, it’s unfair? —Yeah, it’s so very, very unfair. —Ano ba ang fairness sa ‘yo, gago? Ang ibuyangyang sa buong madla ang nakaraan nyo ng ex mo? Iling. Hitit. Inom. Ano na ang nangyayari sa mundo? Bakit na kay Mr. Young Actor ang simpatya ng lahat? Hitit. Inom. Ang putang ina, kung pumorma, daig pa nilalagnat. Naka-jacket ng makapal at naka-sumbrero. Habang si host, naka-sleeveless. Ano na nangyayari sa mundo? Bakit mayroon nang mga lalakeng parang puwet ng manok ang bunganga kung dumaldal. Lalake ka ba? PUTANG INA KA, LALAKE KA BA? DAIG MO PA’NG MATRONANG KULANG SA KARAT! HINDOT! Nagbibigay na, sinasakal pa. Iyan ang Ginebra. Tinungga ni Ala ang natitirang alak sa bote at idinuldol sa ashtray ang sigarilyo. Pinagulong niya sa sahig ang bote. Dumukwang siya sa ilalim ng kama kinapakapa ang stock niya ng alak, kumuha ng isa. Kinagat 5

niya ang takip na tansan at sa pagkakabukas ng bote gumapang sa ilong niya ang sangsang ng alkohol. —Just the way I like it. Dahan-dahan, nagsalin siya ng konting gin sa tansan at bumulong ng animo isang orasyon: —Para sa mga gagong nanonood ngayon ng TV, huwag sana kayong makatulog… Pagkasabi nito, ibinuhos niya sa sahig ang laman ng tansan. —She’s so unfair! Life is unfair! —Whoever said that life is fair, asshole? —It’s okay. Hey, stay right there. We’ll be back. APPLAUSE! —Gago! Ang putang inang to, kumikita ng malaki sa pagsasabog ng laway. Tumatabo ng pera kahit di nagbabanat ng buto! Putang ina ka mamatay ka na hayup ka! Napansin niyang hawak niya pa rin sa isang kamay ang tansan. Pinitk niya ito sa ere.. Malutong ang pagtama ng tansan sa mukha ng tv. Bumalandra ito sa salamin at bumagsak sa sahig. Tinungga niya ang bote, hinayaang maglagos sa lalamunan ang pait nito. Bawat lunok, may pagmamadali, nag-aasam na lunurin sa tapang ng alak ang mga agiw ng utak. Unti-unting namigat ang talukap ng mga mata niya. At napapikit. At maya-maya, tumatakbo na siya. Inaarumba ang pitakang bagong tanim, palayo sa mga buwitreng humahabol, papasok sa sanktwaryong gubat… —Hahaha. That’s ridiculous, man! I mean, Mart, it never occurred to me that girls are like that. —Yah, it’s true. Take it from me. 6

—Well, siguro nga, sometimes, you can’t help but wonder. It’s a mystery, this woman nature. —That’s true. And most of the time, kahit kaladkarin mo sila, ayaw sumama. At maya-maya, kinaladkad siya sa pitakan ni Amba Dencio. Naisip ni Ala na Ito na siguro ang katapusan. Come on, baby, give it to me. Bigyan mo ko ng isang putok sa sentido. Hindi ko na masikmura ang kababuyan n’yo. Request lang, huwag n’yo na akong pahirapan. Tumatagas ang dugo mula sa binti niya, pakalat sa pitakan ni Amba Dencio. Hindi rin pala nasayang ang dugo ko. Kahit papaano, patatabain nito ang lupa, para sa pagsibol ng mga bagong tudling ng palay, ng buhay. Hirap na hirap na ako, latang-lata na ako, samantalang ang putang inang talk show host na ito, kumikita ng malaki sa kadadaldal ng mga istoryang walang kapararakan. At hinihingal pa sa kabubungisngis ang mga tarantado. —Haah… haah… (hingal, hingal) Hihihihihi!!! —Come on, Mart, give me a clue. Hingal. Tapos na ba ang bangungot? Makakapagpahinga sandali ang mga binting walang tigil sa pagtakbo. Naalimpungatan si Ala sa biglang paggapang ng ipis sa braso. Pinalis niya ito, kinilig. —Iniipis na kami. Sa tv, walang tigil ang salitaan ng dalawang alanganing lalake at alanganing matrona. —And we were having so much fun. God, I miss that moment. 7

—Yeah. Me too, have moments like that. Only a little different. But that’s another story. MUTE. —Well, you think girls will let you walk away with that? —Why not? Nanggigigil ang mga kamay ni Ala habang hawak ang remote control ng telebisyon. Nakapindot siya sa MUTE pero patuloy ang pagsasalita ng talk show host at ni Mr. Young Actor. Mula sa sala, tuloy-tuloy ang ingay ng tv papasok sa kuwarto. —Tony hinaan mo yang tv, anas niya. Walang nagbago, maingay pa rin ang tarantadong talk-show host at ang bobong daldalerong aktor. —Tony, hinaan mo sabi yang tv! Bahagyang humina ang tv. —Hinaan mo pa. Narinig niya ang papalapit na yabag ni Tony at ang paghaplit pasara ng pinto ng silid. Nawala ang tinig ng talk show host nang lumapat ang pinto. Ang tanging naiwan, mga impit na hagikgikan ng mga puwet ng matronang matatanda na pero heto pa rin sige ang hagod sa dibdib niyang nananakit na. Ang mga hayop na pasistang hindot na putang inang gobyernong hayup! Hayup! Mga animal! Tigilan n’yo ko! Pero ayaw nilang tumigil. Bingi sila sa pagmamakaawa niya. Ganito kalupit ang gobyerno ng Pilipinas. Ganito ito kalupit sa mga tulad niyang gusto ng pagbabago. Ganito ito kalupit sa mga mamamayang ayaw magpasupil, manhid na sa panloloko, pang-aapi, pagsasamantala, at gusto nang 8

tumindig at lumaban. At batid ni Ala, walang digmaang mapayapa. Ang liyong dulot ng alak, ang litanya ng mga gunita at panaginip, ang mahina ngunit pirming bumubulong na ugong ng syudad, pinaghele siya ng mga ito pabalik sa masalimuot na tulog.

9

Cityland Nights Kaytaas ng pader sa aking paligid Munting pisngi ng langit Ang tanging nasisilip —Mutya

Sa ibabaw ng centertable sa sala, maingat na hinihimay ni Tony ang hibla-hiblang tangkay ng marijuana. Buong ingat niyang inilalagay sa pipang yari sa tanso ang mga dahong nahimay. Nang mapuno ang pipa, sinindihan niya ito at hinitit. Malalalim na hinga, at unti-unting paglabas ng usok sa ilong. —Ahhh… God bless Tikboy… Kanginang hapon, paglabas niya galing sa opisina, nagdalawang isip siya kung saan bibili ng doobie. Inisip niyang puntahan ang isang source na kakilala niya na nakatira sa Sta. Mesa. Pero isang masid lang sa kalyeng puno ng mga sasakyang nagkasala-salabat sa traffic ng rush hour, nagbago ang isip niya. Naisipan niyang sa mas malapit na lang bumili. Lumutang sa gunita ang pangalan ni Tikboy. Sa mga ganitong pagkakataon, kapag nakakatamad pumunta ng Sta. Mesa, naaalala niya si Tikboy, isang kakilalang taga-UP na part-time pusher at part-time 10

student. Sa mga ganitong oras, malamang nakatambay si Tikboy sa UP lagoon at malamang, sabog. Putang ina, ang sarap ng buhay ni loko. Pa-chongki-chongki lang, pa-aral-aral ng konti, may allowance mula sa mga magulang sa probinsya, at may ekstrang kita sa pagbebenta ng weed. Tama, si Tikboy. Sabihin nang kung minsan konting magbigay, pero sa kasalukuyan, siya ang The Man. At ngayon, kasama na sa hinihitit niya ang mga libag at banil ni Tikboy na sumama’t kumapit sa damong tinda niya. —Tony hinaan mo yang tv, narinig niyang sabi ni Ala mula sa kuwarto. Patuloy siya sa paghitit. —Hinaan mo sabi yang tv! sigaw ni Ala. Hinagilap niya ang remote control at hininaan ang TV. Tumayo siya’t humakbang patungong silid, hinila pasara ang pinto. Bumalik sa inuupuan sa sala, humitit. —Ahhh… God bless Tikboy… God bless the whole fucking scene. Nanuyo ang bibig niya habang unti-unting gumagapang sa katawan niya ang tama ng ganja. Kasunod nito, gumaan ang katawan niya, na para bang kaya na siyang liparin ng hangin. Namula at namungay ang mga mata niya. Tumingin siya sa relo sa dingding. Alas-onse na ng gabi. —Kainitan na ngayon. Dinampot niya ang remote control at pinatay ang tv. —What a pathetic show. So long, fucker. Tiningnan niya ang kapapatay lang na tv, tinitigan 11

ang maliit na tuldok na kulay puti na biglang lumalabas kapag pinapatay ang tv. Isa ito sa mga inaabangan niyang palabas, ang papalayo nang papalayong tuldok na puti sa gitna ng screen, parang biyahe papalayo, papalabas/papasok ng ibang dimensyon. Natira ang blankong screen na parang isang higanteng mata na nakatitig sa kanya. Tumayo siya’t nagpunta sa banyo. Tiningnan sa salamin ang namumulang mga mata. Mula sa medicine cabinet, kinuha niya ang isang maliit na bote ng Visine at pinatakan ang mga mata. Isang patak bawat mata, tanggal ang pamumula. —Ahh… God bless Visine… Dinampot niya ang telepono at nag-request sa guard-on-duty na ipara siya ng taxi. Nagpalit siya ng damit. Nasapatos. Binuksan niya ang pinto ng silid at tiningnan ang hugis na namamaluktot sa kama, nakabalot ng kumot. Napansin niya ang pagtaas, pagbaba ng kumot, tanda na humihinga’t buhay pa ang nilalang sa ilalim nito. Lumapit siya sa kama at humalik sa noo ng natutulog. —Ala, alis muna ko. Nag-ring ang telepono. Nariyan na raw ang taxi, sabi ng guwardya. Nagsuot siya ng jacket at lumabas ng pinto. Sa elevator, nakasakay niya ang dalawang magsyotang Koreano. Di niya mawawaan ang mga salitang pinupukol nila sa isa’t-isa. Pero nababasa niya ang kahulugan ng mga ngiti, kindat, pisil. Punongpuno ng pag-ibig, na parang ang pagmamahal di lang isang tula. Binibigyang buhay ng magkalingkis na mga kamay, na tila lapat na lapat at mukhang sadyang 12

nagkahugis para hawakan ang isa’t isa. Huminto sa 8th floor ang elevator. Lumabas ang dalawang nakasabay niya. Hinatid niya ng tingin ang paglakad nila palayo, magkarugtong ang mga tingin at magkalingkis ang mga kamay, isang imahe ng pag-ibig, ng kaayusan, katiwasayan, hanggang unti-unting kitlin ang imaheng ito ng papasarang pinto ng elevator, at ang pagkaiwan niyang nag-iisa, nakatingin sa repleksyon niya sa salaming dingding, at ang mahinang ding! nito na parang amen sa dasal. Ako at ang mahinang ugong ng elevator. —Ooops… Reality check. Buti pa ang mga foreigner masaya sila sa Pinas. Bigla tinuhog siya ng lumbay, pinanlambot ang mga hita niya. Biglang naging kalbaryo ang paghinga. Pakiramdam niya, unti-unting umiipit sa kanya ang apat na dingding ng parisukat na kinalalagyan, kaytagal umilaw ng letrang G. Napapikit siya, kumirot ang dibdib niya’t biglang nangalay ang mga tuhod, sandal ng maige ang isang kamay sa dingding, nakasapo ang isa sa noong kumikirot. Reality check! You are just inside an elevator, you crazy fuck! Chill it, yo! —Inhale… Exhale… Inhale… Exhale… The walls, the friggin walls are closing in on me. It’s just the doobie, don’t be so fucking paranoid, you paranoid shit! Reality check!—Tony de Guzman, stoned, suffocated inside an antique elevator, tormented by reality, unreality and all the shit in between. Reality—Tony de Guzman, high-paying job, promising career, born for the revolution, stoner by choice, gone, dead, suffocated inside an antique elevator in Cityland Mandaluyong, modest starter 13

condos for the newlyweds, Tony, a very good software engineer, bright future, nice friends, vegetable wife in bed tormented by the past, twitching under the blanket, Marxist revelations dancing inside her head, TV blaring all day and all night, gin burns down her throat… Reality check… think positive… think God… Yes God. Dig God. Kaybagal ng takbo ng elevator. Idiniin niya lalo ang pagkakapikit. Pinilit isaksak sa isip ang imahe ng dalawang Koreano, mga kamay nila magkahawak, ang pag-ibig, kampante, payapa. Huminto ang pag-galaw ng elevator, Idinilat niya ang mga mata. Nakakasilaw ang patay-sinding ilaw ng letrang G. Nasa Ground Floor na siya’t bukas ang pinto ng elevator, nakamasid sa kanya ang dalawang batang singkit, nagtataka ang mga mata, marahil kung bakit tila namimilipit sa sakit ang mamang ito. —Hey, OK? Matipid na ngiti ang sagot niya. Narinig niya ang mahinang hagikgikan ng dalawang musmos habang walang tigil ang paglakad niya, palayo, bahagya siyang tumango sa guwardyang nakaposte sa labasan, tuloy-tuloy sa nakahintong taxi. —Ma, Anonas, ho. Hinimas-himas niya ang naninikip pa ring dibdib. Think God, Dig God. Sa pagmaniobra ng taxi, sa paglayo nito, nabasa niya ang neon sign sa ibabaw ng ng building: IN GOD WE TRUST. —God bless Cityland…

14

MASAKER SA GULOD Mabuhay ay langit sa sariling bayan Kung ang sambayan ay may kalayaan Umaga ay tula ng kaligayahan At ang dapithapo’y awit kung pakinggan. —Awit ng Mendiola

Sa dinami-dami ng pwede niyang samahang operasyon, dito pa siya nasama. Gusto sana niyang magpaiwan kanina sa bahay ng masa kung saan sila nakabase, pero di siya pinayagan ni Ka Ely. —Napagkaisan na natin ito, kasama. Yun lang ang sagot sa kanya ng iskwad lider. Tumalikod ito at umakyat ng bahay. Naiwan siya sa tabi ng kalan, binabantayang mainin ang sinaing. Ngayong gabi nakatakdang isagawa ang isang operasyon. Ang desisyon ng Partido, parusahan ang despotikong rancherong ayaw magbayad ng rebolusyonaryong buwis. Turuan natin ng leksyon ang putangina, dagdag pa ni Ka Ely kangina sa pulong. Turuan natin ng leksyon ang putangina, ulit pa. Turuan natin ng leksyon, mga kasama. Sa paanong paraan, kasama? Pumwesto tayo sa gulod at paulanan ng bala ang mga putangnang baka niyang nasa mga koral. Hah! Tanginang rancherong panginoong maylupa! 15

Makikita niyang hinahanap niya! Oras na para turuan siya ng leksyon. Masigabong palakpakan ang sumalubong sa ideyang ito. Pinagmasdan niya ang mga kasamang mandirigma. May ngiti sila sa mata, samantalang siya, nagkasamid-samid sa sobrang pagkabigla. Tama ba ang dinig ko? Raratratan namin ng bala ang mga baka? —Sa may gulod sa likuran ng rancho, doon tayo pumwesto, sabat ni Ka Mario. —Tama, sabay-sabay na sagot ng ilang kasama. —Ah, mga kasama, parang may mali yata sa planong iyan, sabat niya sa usapan. —Ano’ng mali? nakasimangot na tanong sa kanya ni Ka Ely, kunot ang noo’t salubong ang mga kilay. Natahimik ang lahat, lahat ng ulo napalingon sa kanya. Di siya makasagot. Ano nga ba ang mali? Kailangang parusahan ang maysala. Kailangang ipakita sa kanya ng Partido na dito sa kanayunan kung saan isinusulong ang pangunahing porma ng pakikibaka, batas ang salita ng rebolusyonaryong kilusan. Pero bakit mga baka ang pupuntiryahin? Kawawa naman ang mga bakang walang kasalanan maliban sa pag-aari sila ng rancherong salbahe. —Ano’ng mali, kasama? ulit ni Ka Ely, medyo mataas na ang boses. Ilang minutong tahimik ang lahat. Puro buntonghininga ang ingay na bumalot sa pulong. Nakatitig sa kanya si Ka Ely, at nagsalita. —Ilang beses nang kinausap ng Partido yang si Mr. Gomez. Ayaw talaga magbayad ng buwis. Hanggang sa mapagdesisyunan na sa taas na parusahan na siya. 16

Bahala na ang yunit natin magdesisyon kung paano. Naiintindihan mo ba, Ka Alma? Di siya kumikibo. Inulit ni Ka Ely ang tanong. —Naiintindihan mo ba kako, Ka Alma? Tumango siya. —Hirap sa inyong mga estudyanteng galing Maynila, akala nyo alam nyo na ang lahat. Panay naman galing sa libro. Pupunta-punta kayo dito sa kanayunan tapos gusto nyo pa kaming turuan kung paano makibaka. Eh matagal na kami rito, mas kabisado namin ang rebolusyon. Kung may reklamo ka, kausapin mo si Ka Mon. Paglubog ng araw, lalakad sila, magbibiyak sa dalawang yunit. Iisa lang ang pupuntahan, magkaiba ang dadaanan. Magkikita na lang sa target area. Pagdating doon, maghihintay ng hudyat mula kay Ka Ely. —Luto na ang sinaing, bulong niya sa sarili. Wala siyang ganang kumain. Pinatay niya ang apoy at nagtuloy sa batis, naghilamos, pilit binuburang parang libag ang pangamba sa dibdib. Nilublob niya ang ulo sa matining na tubig batis. Bumalot sa buo niyang katawan ang lamig ng tubig. Kahit sa ilalim ng tubig, nakikita niya ang papahaba nang papahabang mga anino ng puno, pinapahiwatig ang marahan ngunit tiyak na paglubog ng araw. Tapos nang kumain ang mga kasama pagbalik niya sa bahay. Nagsisipanigarilyo ang mga ito habang mga nakatayo sa tabi ng punong kaymito, nagpapababa ng kinain. Namataan niyang nakatingin sa kanya si Ka Ely. Inaya siyang kumain ni Ka Edgar pero umiling siya. Umakyat siya ng bahay at nagtuloy sa sulok na kinalalagyan ng backpack niya. 17

Bago pa man tuluyang lumubog ang araw at kainin ng dilim ang paligid, naglalakad na ang yunit nila papunta sa target area. Habang daan, palakas nang palakas ang kabog sa dibdib niya. Parang dagang gustong kumawala ang nerbyos niya sa dibdib. Sa isip, kaya niyang bigyang katwiran ang gagawing pagmasaker sa daan-daang hayop. Pero sa puso niya, di niya matanggap. Lalong nagpapabigat ng bawat hakbang ang pagtatalo ng mga katwiran sa isip, dinodoble ang pagod. Halos di na siya makahinga sa pagod at panimdim nang marating nila ang pupuwestuhang gulod. Mula rito kita ang mga koral sa gawing ibaba, tahanan ng daan-daang baka ng despotikong rancherong si Mr. Gomez. Na ayaw magbayad ng rebolusyonaryong buwis. Habang nakadapa sila sa damuhan at hinihintay ang hudyat ni Ka Ely, di niya mapigilan ang panginginig ng mga braso. Nadagdagan ng kung ilang ulit ang kabog niya sa dibdib. Pinilit niyang iwaksi sa isip ang nagtutunggaling mga pananaw. Sa liwanag ng buwan, kita niya ang makapal na bilang ng mga bakang natutulog sa loob ng mga koral. May ilang mga nakatayo, payapang nangingingain sa tanglaw ng nakalatag na liwanag ng gabi. Kita niya rin ang harutan ng ilang malilit pang baka. May mga naghahabulan, pumapasok sa pagitan ng mga hita ng naiiritang malalaking baka, pero di sila iniinda. Papasok sa binti ng isa’t lalabas sa binti ng iba pa. At paulit-ulit silang nagsasaya, walang pinag-iba sa araw ang turing sa malalim na gabi.

18

FIRE!

Nagulat siya sa sigaw ni Ka Ely. Hinudyat nito ang sunod-sunod na putukang halos magpasabog sa pandinig niya. Kinasa niya ang riple’t nakipagsabayan sa mga kasamang nagpaputok sa direksyon ng mga baka. Halos limang minuto ng walang puknat na putukan ang pinakawalan ng yunit nila. Kitang-kita niya sa liwanag ng gabi ang kisayan ng mga bakang tinamaan ng bala. Nakita niya ang pagkakagulo ng mga nagulat na hayop, ang pagwawala, takbuhan, bulagtaan. Nangingintab sa tama ng buwan ang dugong humalo sa lupa. Sa bawat putok ng baril niya, sunod-sunod naman ang pagtagas ng luha sa mga mata niya. Karipasan ng takbo ang mga baka. Nasira ang ilang koral at nagtakbuhan sa lahat ng direksyon ang daan-daang bakang di malaman kung saan susuling. Halos mangibabaw sa putukan ng mga baril ang malalakas na unga ng sugatang mga hayop na naglupasay sa lupa, natatapakan ng nagtatakasan nilang mga kasamahan. Halos mapisa sa takbuhan ang mga batang baka. Sa gulo ng takbuhan, natapakan ang maliliit ng malalaki. At gabundok ang patung-patong na mga bangkay na hayop na di na humihinga. May ilan na sa halip na kumaripas ng takbo palayo sa painanggagalingan ng putok, tumakbo ang mga ito papalapit sa kanila, paakyat sa gulod, paharap sa tiyak na kamatayan. Pinaputukan ito ng mga kasama. Hanggang sa di na niya kayang magpaputok. Binitiwan niya ang baril at sumubsob sa marusing niyang braso, humagulgol ng iyak. Di niya alam kung bakit siya naiiyak. Naaawa siya sa mga baka, naaawa 19

siya sa kanila na kailangang gawin ang ginagawa nila, naaawa siya sa sarili niya dahil naaawa siya, di na niya alam. Halos di siya makahinga sa tapang ng amoy ng hangin. Balaraw na humihiwa sa dibdib ang bawat lunok ng hininga. At masakit sa ilong ang lasong pulbos na galing sa sinunog na pulbura.

CEASEFIRE! Narinig niya ang sigaw ni Ka Ely pero di niya inintindi. Mariing nakapikit ang mga mata niya, hanggang sa unti-unting tumahimik ang putukan sa paligid. Nangibabaw ang iyakan at ngawaan ng mga bakang sugatan sa may baba ng gulod. Matapos ang putukan, nakahilera silang tumalilis pababa sa kabilang-gilid ng burol, palayo sa pinangyarihan ng operasyon. Nagbiyak sila sa dalawang yunit nang marating ang ibaba ng burol at naghiwalay ng tatahaking daan papunta sa napagkaisahang postehan pagkatapos ng operasyon.

20

digmaang bayan, ayon sa karanasan Halina, halina tayo’y maglakbay Patungo sa landas ng ating kalayaan Hawakan mo kasama ang iyong sandata Digmaa’y isulong hanggang sa tagumpay —Halina, Halina

Lahat ng kabadtripan sa pagpasok, nakalimutan ko nang makita ko si Ka Jules. Dalawa’t kalahating taon ang mabilis na lumikdaw nang huli ko siyang makita, at nakakainggit ang halos walang pinagbago ng pala-ngiti niyang mukha. Sa hitsura, parang mas malaki pa ang itinanda ko. Bago ito, nakakulong kami sa isang safe-house sa Maynila. Ako at dalawa pang mga naka-iskedyul sa pagsampa. Dalawang araw kaming nagpusoy, nagdebate, nagpunahan, nagkuwentuhan ng kanyakanyang mga drama, mga karanasan, hanggang sa mamulat ang isipan at magpasyang sumampa sa bundok at sumapi sa NPA. Matapos ang dalawang araw, nang medyo nagkakabadtripan na kami sa isa’t isa at tanging Marxistang idolohiya na lang ang nagpipigil sa amin para wag magsapakan, dumating din sa wakas ang 21

hinihintay naming kuryer. Siya ang maghahatid sa amin papasok sa sonang gerilya. Nag-umapaw sa galak ang puso ko, sa wakas, makakapasok na rin sa sona. Sa wakas, makakalahok na rin sa armadong pakikibaka. Sana magkakahiwalay na area ang mapasukan namin, ayokong makasama ang dalawang bugok na ito. Kay raming sana, habang nag-eempake at napupuno ng pananabik ang isip. Tapos sinabi ng kuryer na may mga aasikasuhin pa siya sa Maynila. Babalik siya matapos ang dalawatatlong araw. At saka kami sabay-sabay na aalis, luluwas ng Maynila at pupunta ng probinsya, papasok sa sonang gerilya. Umalis ang kuryer, hinatid namin ng simangot at pagdarabog. Di lang dalawa kundi tatlong araw bago siya dumating. Nauubusan na kami ng dahilan sa masang may-ari ng bahay na ginawa naming safehouse. Bakit wala pa ang sundo nyo? Hanggang kailan kayo dito? Hindi kaya nahuli na yung dapat sumundo sa inyo? Bakit kaya ilang araw na wala pa rin. Wala man lang pasabi. Hindi tumatawag. Hindi nagpaparamdam. Ah, eh, kasi po ate, baka abala lang po sa mga gawain niya dito sa Maynila. Kung nahuli man po ang kasamang kuryer, tiyak naman pong merong kokontak sa amin dito mula sa aming pamunuan. Hanggang sa kami mismo hindi na naniniwala sa mga sinasabi namin. Hanggang sa umabot sa puntong nagtanggalan kami ng mga prinsipyo sa katawan at naghamunan ng suntukan. Mga naturingang Marxista ng unibersidad, isang linggo lang nakulong sa loob ng bahay, nakalimutan na ang mga prinsipyong pinaglalaban ng patayan. 22

Sa wakas, dumating ang kuryer. Sinaksak ko lahat sa bag ang mga gamit ko, wala nang ayos-ayos. Di ko na nakuhang ayusin ang mga gamit dahil nagmamadali si Ka Ana. Pati ang masang kumupkop sa amin, halos ipagtabuyan kami sa gate nang magpaalam kami. Sumakay kami sa taxi na naghihintay sa labas. Isang oras ang lumipas at sakay kami ng matuling bus na biyaheng Bulacan. Panay tulog ang mga kasama ko, kami lang ni Ka Ana ang gising. Abala siya sa pagbabasa ng tabloid. Binuksan ko ang bintana at nilanghap ang sariwang hangin mula sa labas. Palayo kami nang palayo ng Maynila, nararamdaman ko ang pagpapalit ng klima, unti-unting bumakat ang mga utong ko sa kamiseta ko sa tindi ng ginaw. Dinukot ko sa bag ko ang luma kong sweater. Tumingin ako sa labas at nag-isip. Isa ako sa mga tibak na matagal bago nakapagdesisyong mamundok. Pero kahit na matagal akong nag-isip, kahit solido na ang mga katwiran ko kung bakit wasto at handa na ko sa armadong pakikibaka, nandoon pa rin ang pagsisisi, parang ipis na gumagapang sa gilid-gilid ng bagong walis na sahig. Hindi nakakasagabal pero napapansin mo. At maya-maya, di ka mapakali kase kailangan mo nang tapakan ang putanginang ipis. Kung para man lang wag nang malagyan ng mga alinlangan ang utak kong bagong walis. Pero maya-maya, makikita kong gumagalaw pa rin ang mga paa ng ipis. Buhay pa rin ang putangina kahit na anong gawin ko. Kailangan ko itong gawan ng paraan. Dapat mawala ang kaba ko bago pumasok ng sona. Alas-onse ng gabi nang dumating kami sa bayan 23

ng San Miguel, Bulacan. Nagising ako mula sa isang masalimuot na tulog nang tapikin ako sa braso ni Ka Ana. Nanlalata ang mga tuhod ko sa tagal nang pagkakatiklop, manhid ang puwet ko sa ilang oras na pag-upo. Pupungas-pungas kaming bumaba ng bus. Umandar ang bus nang makababa kami. —Kas, akala ko ba sa terminal tayo bababa? Bulong ko kay Ka Ana. —Ito na yun, sagot niya. Tumingin ako sa paligid. May nag-iisang vendor sa tabi ng poste, nalililiman ng isang lumang lona. May mangilan-ngailang bahay na magkakalayo ang natanaw ko sa di kalayuan. Lumapit kami sa vendor, ang nag-iisang liwanag sa gitna ng terminal na ito sa tabi ng highway. —Kumain muna kayo balut, sabi sa amin ni Ka Ana. Tumambay kami’t kumain ng balut. Nilapitan ko si Ka Ana at binulungan. —Kas, na-e-ebs na ko. —Pambihira ka naman. Walang CR dito. Di ka pa tumae doon sa Maynila. —Sorry, kas. Di na mapigilan talaga. Tumingin siya sa paligid. Tinuro ng daliri ang gawing likuran ng terninal. —Doon sa may likod, sa talahiban. Bilisan mo. Lakad/takbo ang ginawa ko. Pagdating sa talahiban, naupo ako sa lupa at dinukot sa bulsa ang dalawang joint na nakatago sa bulsa-relo ng kupas kong maong. Sinindihan ko ang joint at humitit ng malalim. Pinigil ko ang ubo sa lalamunan at mabilis na hinitit hanggang sa maubos ang kambal-jumbo. Pinakiramdaman ko ang sarili ko. Mabilis 24

kumalat ang tama ng damo. Unti-unting nalusaw ang kaba ko sa dibdib. Tumayo ako’t mabilis na bumalik sa puwesto nina Ka Ana. —Asan si Ka Ana? tanong ko sa dalawang kasama ko. —Naghanap ng sasakyan. Tulog na tulog na ang buong baryo kaya pati kami parang nahihiyang magkuwentuhan nang malakas. Pabulong ang mga salita namin. Iginala ko ang tingin sa paligid. Para kaming wala sa Pilipinas. Ibang-iba ang eksenang ito sa eksenang nakasanayan ko sa Maynila. Pinunit ang katahimikan ng maingay na garalgal ng lumang traysikel. Maya-maya, isang luma’t karagkarag na traysikel ang pumarada sa harap namin. Nakasungaw sa gilid ang ulo ni Ka Ana. —Halika, sakay na kayo, sabi niya. Tapos na kong makapag-inat-inat ng mga natutulog na masel. Lumilipad na sa alapaap ang isip ko. Excited na uli akong mag-adventure. Sumakay ang dalawang kasama ko sa loob, ako naman sa may likod ng drayber. Iniwasan ko ring malapit sa kanila dahil baka maamoy ako. Baka malusaw ang Marxismo nila sa amoy ng super-chongki na baon ko pa mula sa Maynila (inorder mula sa Baguio, garantisadong buntot-pusa). Habang daan, ninamnam ko ang bawat lubak, bawat lusong at ahon, habang naka-maximize ang mga butas ng ilong ko sa paglanghap ng malamig at mabangong hangin. Tapos iniisip ko, ito na iyon, ito na iyong matagal ko nang ipinaglalaban doon sa baba. Ito na iyong araw-araw naming ni-le-lecture sa mga tibak sa school. 25

Sarap ng tama ko. Tamang hardcore na nature trip. Bakit, totoo namang hardcore itong papasukin ko ah. Tangina may mas hardcore pa ba sa pagsapi sa NPA? Panis ang mga tarantadong aktibistang nakikipagbatuhan sa rally sa Maynila. Dito, narito sa kanayunan ang totoong pakikibaka. Dito sinusulat ang kasaysayan ng pambansa-demokratikong rebolusyon, motherfuckers! Matapos ang mahigit kalahating oras ng lusong at ahon sa pagiray-giray na daan ng baryo, narating namin ang hangganan ng kalsada. Dito na nagtatapos ang biyahe ng traysikel. Sa tanglaw ng bilugang buwan, naglakad pa kami ng mahigit isang oras sa madilim na daang kabayo, nakailang ahon at lusong sa mga gulod, bago marating ang destinasyon, isang kulumpon ng magkakalapit na lima hanggang anim na dampa. Ang bahay sa gitna ng kulumpong ito ang sadya namin. May maliwanag na ilaw ng gasera na naglalagos palabas ng bukas na bintana. Bukas ang pinto ng bahay at mula sa ilaw na naglalagos galing sa loob, tanaw ko ang hugis/anino ng isang taong nakatayo sa may pinto, kita sa dilim ang hugis ng armalayt na nakasukbit sa balikat niya. Kahit madilim at bahagyang natatakpan ng anino ang mukha niya, nakilala ko siya. Si Ka Jules, dati kong ka-kulektib sa Maynila. Lahat ng kabadtripan sa pagpasok, nakalimutan ko nang makita ko siya. Dalawa’t kalahating taon ang mabilis na lumikdaw nang huli ko siyang makita, at nakakainggit ang halos walang pinagbago ng palangiti niyang mukha. Sa hitsura, parang mas malaki pa ang itinanda ko. 26

Muli, naisip ko, ito na iyon, ito na iyong matagal ko nang ipinaglalaban doon sa baba. Ito na iyong arawaraw kong ni-le-lecture sa mga tibak sa school. Dati kasi, di ko ito nakikita sa ganitong anggulo. Ngayon lang, habang mainit akong kinakamayan ng isang pulang mandirigma, ang paligid balot ng huni ng mga kuliglig at panggabing hayop, malamig sa balat ang hanging amoy dayami, ipa, at mula sa bintana parang kulambong bumabalot sa amin ang mapang-anyayang amoy ng nilagang kape. Dito ko nakita ang katotohanan sa likod ng paniniwala ko. Sa tinagal-tagal ng pagkilos ko sa baba, ngayong gabi ko lang napagtantong totoo nga ang digmang bayan.

27

Semi-legal Masdan mo ang parang sa iyong paligid Lahat ay naririyan, anak mo ang papatid Sa kawing ng imperyalistang ganid Hanggang ang demokrasya’y maitayo nang tuwid.

—Awit ng Pagbabalikwas

Dinatnan niyang maganang kumakain ang pamilya ni Ka Manny. Hiyang-hiya siya, pakiramdam niya pusa siyang naka-amoy ng pagkain, at lumalapit kahit walang imbitasyon. Pero saglit lang ang hiya. Kase dito sa kanayunan, karamihan laging mainit ang tanggap sa mga bisita, sino man ito, saan man galing. —Nakow! Aba e tamang-tama ang dating mo, Ka Alma, bati sa kanya ni Ka Manny nang sumungaw siya sa bukas na bintana. Napalingon sa kanya ang mag-anak na maganang nagsisikain sa mesa. Napangiti ang lahat nang mapagsino siya. —Anak, mabuti naman at nagawi ka, bati sa kanya ni Inang Metring —matagal ka ring di napasyal. —Oo nga, ate, halos sabay-sabay na bigkas ng apat na dalagang anak nila. —Tuloy ka, Ka Alma, anyaya ni Ka Manny. 28

Isa sa mga anak nila ang nagbukas ng pinto, isa ang tumayo’t kumuha ng ekstrang pinggan sa paminggalan, isa ang nag-ayos ng mga plato sa mesa para bigyang daan ang isa pang kakain. —May kanin pa ba? narinig niyang bulungan ng magkakapatid. Ilang saglit lang at may nakahandang silya at espasyo sa mesa para sa kanya. Iginala niya ang tingin sa lahat, wala siyang makitang bahid ng kahit konting pagkainis sa naantala nilang salu-salo. Bakas sa mukha ng pamilya ang saya, naglalarawan ng pananabik sa muli nilang pagtatagpo. Sapat na itong imbitasyon para sa kanya. Inayos niya sa pagkakasukbit ang baril na nakaumbok sa may tagiliran niya at sinaluhan sa pagkain ang nag-iimbitang pamilya. Isa ang pamilya ni Ka Manny sa mga unang naorganisa dito sa may sentrong kabayanan. Mula nang mamulat ito, kusang-loob itong nag-alok ng anumang maitutulong sa ikasusulong ng rebolusyon. Karaniwan nang dito sa bahay nila nagpapalipas ng gabi ang ilang mga kasamang inabot ng gabi sa bayan. Mabilis niyang nakapalagayang loob ang buong pamilya ni Ka Manny. Wiling-wili sa kanya ang magkakapatid na para bang tunay na kapatid ang turing sa kanya. Sobrang galang at bait ng mga ito at kahit minsan di niya kinakitaan ng masamang ugali. Di niya maiwasang ikumpara sa mga kakilala niya dati sa Maynila. Unang natapos sa pagkain si Ka Manny. Nagpaalam at tumayo, magpapahangin at maninigarilyo sa labas. Naiwan siya kasama ang mga babae. —Mabuti naman at naisipan mong dumalaw, parang may tampo sa pananalita ni Ka Metring. —Pasensya na nay. Ngayon lang po ako nakalabas 29

ng yunit. —Ate Alma may boyprend na si bunso! report sa kanya ng panganay. —Talaga, bunso? —Talaga, sabay-sabay na sagot ng mga kapatid. Isang maingay na tuksuhan ang pinagsaluhan ng lahat. Kunwang naaasar pero nakangiti si bunso, samantalang pulang-pula ang mukha niya sa hiya. Pati si Ka Metring, sinasakyan ang kantyawan ng magkakapatid. Madalas, pinakamalakas ang tawa niya sa lahat, bagay na lalong kina-aasar/kina-tutuwa/ kinahihiya ni bunso. Sa gitna ng maingay na daldalan at tawanan nilang mga babae, di maiwasang kurutin siya sa dibdib ng mga ala-ala niya noong kasama pa niya ang sariling pamilya. Ganito sila noon ng mga kapatid niya. Puro babae rin sila. Ganito sila ka-ingay, ka-daldal, kakulit sa hapag-kainan. Ingay na di matagalan ng papa nila, kaya lagi itong nauunang matapos, at lumalabas ng bahay para magpahangin at manigarilyo. Tulad ng ginagawa ngayon ni Ka Manny. At maiiwan silang mag-iinang aabutin ng siyam-siyam bago magsitayo sa hapag. Tulad ng ginagawa nila ngayon nina Ka Metring. Kung susuriin palang mabuti, walang masyadong pinagkaiba ang buhay niya noon sa buhay niya ngayon. Bahagya siyang nakonsuwelo nang maisip ito. —Tama na yan, lumalalim na gabi, paalala ni Ka Metring —At pagod pa yang ate Alma nyo. Isa-isang nagtayuan ang mga magkakapatid, tulong-tulong silang nagligpit ng pinagkanan, may kanya-kanyang toka sa mga gawaing bahay. —Dito ka ba matutulog? bulong sa kanya ni Ka 30

Metring. —Dito na po, kung ayos lang sa inyo. —Susmaria, parang anak na kita ah. —Salamat po nay. —Sige na, labasin mong tatay mo doon sa labas at mukhang marami pa kayong pag-uusapan. Sa munting bakuran sa labas, namataan niya sa dilim ang baga ng sigarilyo ni Ka Manny. Nakatayo ito sa may tabi ng matandang punong acacia sa harap ng bahay. Lumapit siya rito. Inalok siya ng kuping kaha ng sigarilyo, may ilang laman pang natitira sa loob. Kumuha siya’t nagsindi ng isa, ibinuga ang usok kasabay ng mahabang hikab. —Nabusog ka ba, Ka Alma? tanong sa kanya. —Opo, tay, sagot niya. —Busog sa pagkain at busog sa kakatawa. Tumango-tango si Ka Manny, nakakunot ang noo. Ilang minuto muna silang tahimik, kapwa ninanamnam ang paghitit-buga ng usok, tanging liwanag na nagmumula sa mga sigrailyong mumurahin ang nag-uugnay sa kanilang dalawa. Mabigat ang mga buntong-hininga, pinipilit ikubli sa pagbuga ng usok. —May problema tayo dito, kas. Pinitik niya ang upos palabas ng bakod. Nasasanay na sa dilim ang mga mata niya kaya bahagyang naaaninag na niya ang kausap. —Ano po ang problema? tanong niya. Nagsindi ng panibagong sigarilyo si Ka Manny. Matagal muna itong tahimik, maingat na binubuo sa isip ang gustong sabihin. Di ito umimik hanggang maubos ang sigarilyong hinihitit. —Problema natin si Joseph. Ilang saglit siyang nag-isip, sinubukang hagilapin 31

sa memorya ang pangalan at hitsura ng taong nagngangalang Joseph. Wala siyang maalala. —Sino hong Joseph? —Anak ni Amba Dencio na taga-Bamban, sa may hangganan ng gubat patagos ng Garay. Saglit siyang nag-isip. Naaalala na niya. —Si Amba Dencio na sunog ang mukha? —Siya nga. —Ano po ang problema kay Amba Dencio? —Hindi siya, yung anak niyang si Joseph. Ngayon niya lang nalaman na may anak pala si Amba Dencio. Humingi siya ng sigarilyo sa kausap at hinintay itong magpaliwanag. —Yung mga pwersa natin sa bayan, hindi makapagpulong ng maayos. Lagi silang natitiktikan ng kaaway. —Si Joseph? —Aba’y sino pa? —Sigurado ho kayo? Paano nyo nalaman? Bahagyang nanginginig ang sigarilyong nakaipit sa mga daliri ng kausap habang ikinukumpas ang mga kamay, pagdidiin sa sinasabi. —Paano’y laging aali-aligid kung saan meron kaming pulong. Noong na kina Taburgo kami, nandoon siya sa may ilog sa labas, namamante kunware. Noong na kina Pareng Dak kami, nagpupulong para sa mga gagawin natin sa rally sa Maynila, nandoon iyang Joseph na iyan sa bilyaran, katapat ng bahay na siya naming pinagdadausan ng usapan. —Hindi ho papayagan ni Amba Dencio na gawin yun ng anak niya. —Kow e matanda na ang amba. Di naman na niya alam mga kalokohan ng anak niya. 32

—Sigurado ho kayo? paniniyak niya. Malalang paratang ang maging ahente ng kaaway. —Mas sigurado pa sa pagtaas ng presyo ng abono’t pestisidyo taun-taon. Mahirap ito, naisip niya. Kailangan niya itong ireport agad kay Ka Mon. —Heto pa, may bagong motorsiklo si Joseph. Panay pahambog ng ulol sa mga kaibigan niya. —Binilhan siya ni Amba Dencio? —Ano ipambibili ni Amba Dencio ng bagong motorsiklo? Nakita mo? Saan galing motorsiklo ni Joseph? Bakit meron siya noon? Saka hindi mo ba napansin yung suot? Bagong kamiseta, pantalon, tsinelas. Dami pa nga daw pera sabi ng mga tao sa bilyaran. At heto pa, may nakakita kay Joseph na nakatambay sa may ibayo, sa bagong checkpoint ng CAFGU. —Ano ho ba hitsura nitong Joseph? —Payat, medyo maputi, singkit. Malapad ang katawan. Barkada dati nina Tikboy na anak ni Ka Dadeng. Nagulat siya, kilala niya si Tikboy. —Barkada ni Tikboy? Eh kinse anyos lang iyon ah. —Siya nga. Bata pa itong si Joseph. Nagbibinata, maingay, makulit, malikot, mayabang. Noong nakaraang taon daw, nag-aaral pa ito sa bayan. Pero sabi ng mga napagtanungan ko, di na raw nag-aaral ngayon, huminto na. Di ko naman maharap ng deretsa si Amba Dencio at tanungin kung ang anak niya ba’y ahente ng kaaway. Matanda na ang amba, ayoko nang dagdagan pa ang problema. Kakamatay pa mandin ng asawa. 33

Napailing siya. Isang batang paslit ang sanhi ng pagkaudlot ng pagsulong ng digmaang bayan. Sigurado kaya si Ka Manny sa sinasabi niya? Dapat niya itong imbestigahang maige. —Sige Ka Manny. Ipaparating ko agad kay Ka Mon ang problemang iyan. —Sana, kasama. Kase nahihirapan kaming umiral dito, di namin alam ang gagawin. Gusto na nga ng ibang mga kasama na parusahan si Joseph. Pinigil ko lang. Kako’y sasabihin ko muna sa iyo. —Wag ka mag-alala. Pangako bibigyan kita agad ng sagot. Makakarating kaagad kay Ka Mon ito. —Salamat, Ka Alma. —Kumusta naman ho yung mga magsasaka natin sa tumana? Nakapagpulong ho ba sila? Umiling-iling si Ka Manny. —Hindi. Natatakot silang magpunta kina Kunsehal Eddie. Kilala daw sila ni Joseph, baka raw sila matiklo. Di siya makapaniwala sa narinig. Mas malala pala ang problemang ito kesa una niyang akala. —Yung mga kabataan naman natin sa may talampas, dapat meron silang nakatakdang ED. Hindi natuloy kase pagdating daw ng mga kabataan sa bahay nina Ople, pagtingin daw nila sa tindahan sa tapat, may motorsiklong nakaparada. Baka raw kay Joseph. Ngayong gabi rin, tatawag siya kay Ka Mon sa radyo. Siya mismo ang personal na nag-organisa sa mga kabataan sa talampas. Di niya hahayaang sirain ng isang batang walang isip ang lahat ng pagod na ipinundar niya sa solidong pakikisalamuha’t pagoorganisang ginawa niya sa komunidad. 34

—Hayaan nyo po’t makakarating lahat iyan kay Ka Mon. —Pumasok na kayo’t mahamog diyan sa labas, aya ni Ka Metring, nakadungaw sa bintana. Napansin niyang patay na ang karamihan sa gaserang bukas. Madilim na’t inaantok ang bahay kung titingnan mula sa labas. Maririnig pa rin ang mahihinang bungisngisan at tuksuhan ng magkakapatid, na sinusundan ng mabining saway ng ina. —Pumasok ka na sa loob, Ka Alma. Pumasok ka sa nanay mo’t nang makapagpahinga ka na. Bukas natin ituloy ang usap. Sige na. Di na niya nakuhang tumanggi. Bagamat gusto pa niya sanang makipagkwentuhan/konsultahan tungkol sa kanilang mga gawain, mas mapang-akit ang karinyo ng antok. Lalo pa’t naparami ang kinain niya. At kailangan niya pang rumadyo kay Ka Mon. —Sige po, paalam niya. —Mauuna na po ako. Naiwan si Ka Manny sa tabi ng puno. Sa paghakbang niya, narinig niya ang kiskis ng palito sa posporo at ang buntong-hininga sa dulo ng pagbuga ng usok.

35

Laki sa gubat, Dumagat! Ako, ama ang puputol sa lahi mong naiwan Sa lahi mong napako, hatid ko ay kalayaan Ako ang pupunit sa dahon ng kasaysayan Sa langit-langitang ating kinagisnan.

—Langit-langitang Kumunoy

Kung alam ko lang na aabutin ng maraming oras na lakaran ang gawaing ito, di na sana ko pumayag. Tangina mas masarap magkuyakoy sa duyan maghapon kesa maglakad na tanging ihi lang ang pahinga. Putangina iniwan pa ko ng “ka-buddy” ko. Putanginang si Archie. Petty-burgeosie-cocksuckingmotherfucker. Naturingan pang “kasama” ang putangina. Naturingan pang “pulang mandirigma” ang putangina. Pero asan siya ngayon? Tangina naroon naghihilik na malamang sa kampuhan. Putanginang motherfucker. —Malayo pa ba, kas, tanong ko kay Ka Luter. —Malapit na, sagot niya. Napabuntunghinga ako. Ang malaman lang na nalalapit na ang pagtatapos ng biyahe, laking ginhawa na sa pakiramdam. Parang nabawasan ang timbang ng katawan kong kanina pa namimigat sa walang tigil na paglalakad. 36

—Pahinga muna tayo, sabi ko. Inilapag ko ang pasan kong bigas at isinandal ko rito ang baril ko, sabay naupo ako sa lupa. Umupo na rin siya’t maingat na ipinatong sa damuhan ang hawak na M14. Halos sabay kaming naglabas ng maliit na balutan mula sa mga bulsa ng kanya-kanyang pack. Yung sa kanya, may lamang ikmo’t nga-nga, yung sa akin, damo. Nagdalawang-isip pa ko kung papalag siya, bakasakaling miyembro siya sa grupo ni Richard Gomez na mga crazy anti-drug motherfuckers, pero mukha namang hindi. Pag pumalag, eh di sasabihin ko gamot ko ito, nireseta ng doktor. Hehehe. Gaano ba kahirap paliwanagan ang isang Dumagat? Ilang minuto kaming tahimik, pabagal nang pabagal ang hininga kong nag-uunahan kanina lang, habang sa paligid namin, todo na ang chorus ng mga panggabing hayop sa gubat. Sa sobrang pagod, di ko na iniinda ang mga kagat ng lamok sa mga braso’t mukha ko. Sinilip ko sa liwanag ng buwan ang relo ko. Mag-aalas-diyes na ng gabi. Ibig sabihin, mahigit labindalawang oras na kaming naglalakad. Kaya pala parang malalagot na lahat ng ugat ko sa katawan. At may pasan pa kong isang sakong bigas, at backpack, ammo-belt at armalite ko. Habang ninanamnam ko ang tama ng joint, naisip ko ulit si Archie. Putanginang-selfish-petty-burgeosiekupaloids-motherfucker. Tanginang kupal at kalahati, puro kawag, walang bayag. Pupunahin ko talaga itong gagong kasamang ito pagbalik ko. Makikita niya. Ang yabang pa ng ulul kaninang umaga nang kausapin ni Ka Mon ang yunit namin. Akala mo kung sinong may itatagal. —Sino sa inyo ang gustong gumampan ng 37

gawaing edukasyon? tanong ni Ka Mon kanina sa mga pupungas-pungas naming mga mukha. Mag-dadalawang linggo na rin kami sa kampuhan. Inip na inip na ko. Gusto kong lumabas, maligo sa ilog, mag-explore sa gubat, pero di naman pwede, sobrang higpit ng security. Kahit na ano’ng gawin kong paliwanag kay Ka Jerry, na kesyo masisiraan na ko ng bait, kinakausap ko na ang mga bubuling pumapasok sa tent ko, etc. Ayaw pa rin akong payagan. Tanginang motherfucker. Kahit sa ilog diyan sa baba ng kampo, ayaw. Cheeky fucking bastard motherfucker. Naging OIC lang akala mo iskwad lider kung umasta. Pakiramdam ni gago IL siya ng isang SYP. ULOL! Tangina mo! Sandatahang Yunit Pampropaganda? Baka Sadistang Ypot ng Partido. Itong mga barok na kasamang ito, nagpopropaganda? Eh puta mga di nga marunong magbasa itong mga ka-yunit natin dito eh. Nakalimutan na ni gagong OIC lang siya ng isang yunit na pansamantalang binuo para bantayan ang seguridad ng pulong ng mga bosing sa regional committee. Tanginang power-tripping cocksucker kupal. Maghapon at magdamag wala kaming ginagawa. Puro na lang bate sa umaga’t bate sa hapon, ilang bate sa gabi sa kanya-kanyang tent. Kahit ayaw aminin sa isa’t isa, alam kong puro yon ang ginagawa ng mga putangina, kase yon din ang ginagawa ko. Nakakasawa na. At lalong sawa na ko sa adobong daga na araw-araw naming ulam. Ang mga putangina kasing mga kasama, ang tatamad magpunta ng kitchen para kumuha ng supplies. Apat na araw nang ubos ang pang-ulam namin, kaya apat na araw na ring naninilo ng mga dagang gubat si Ka Mario. 38

Kaya nang magtanong si Ka Mon kaninang umaga, isa ako sa nagprisinta. Wow, sa wakas, makakalayo rin ng ilang araw sa mga mababaho kong kasama sa yunit. Anim kami sa yunit 3, naka-istasyon sa may bukana ng kampuhan, sa may pag-akyat ng gulod pagahon ng ilog. Mula sa puwesto namin, kitang-kita kung may mga kaaway na darating mula sa magkabilang pampang ng ilog. Pero di rin kami masyadong nakaalerto kase, bago pa man makarating dito ang kaaway, naitimbre na ng mga kasama sa yunit 4, na siyang mauuna sa amin, na natimbrehan na rin ng yunit 5, 6, 7 hanggang 12, nakakalat sa buong gubat. Kami ang hari ng Angat Dam, motherfuckers! Ngayon subukan ng kaaway na umatake nang maranasan naman niyang mapulbos sa mga bala ng galit na mamamayan. Bwahahahaha!!! —Sino pa? tanong uli ni Ka Mon. Nagtaas ako ng kamay. Kumunot ang noo niya pero ngumiti, sabay nakipagkamay. —Ikaw yung taga-UP? tanong niya. —Ako po. —Ako si Ka Mon, pakilala niya. —Ako naman po si Ka Poli. Tumango-tango siya, akala mo kung sinong inspektor na nangingilatis. —Kumusta naman ang pagkilos mo dito? Hindi ka naman naiinip? Di naman nalulungkot? Magsasalita na ko pero sumabat itong gagong si Archie. —Inip na inip na yan, Ka Mon. Gusto na ngang mag-laylo eh. Bungisngisan ang mga kasama. Pinakamalalakas 39

ang mga bungisngis ng dalawang pinaka-nakakaasar sa yunit, si Ka Jerry at si Ka Archie. Mga putanginang motherfuckers. At nasaan ang dalawang yun ngayon? Nandoon naghihilik sa mga tent nila. Malamang nagbabanatan sa puwet ang mga tarantado. Sana mahuli sila ng ibang mga kasama sa akto ng kabastusan. Hehehe. Sana si Ka Joy, yung dating ministro ang makahuli sa kanila, at yung ibang mga homophobic sa grupo na malalaki ang mga katawan tulad nina Ka Mario, Ka Edgar, at si Ka Omar. —Magbaon kayo ng isang sakong bigas, pagkain nyo yan at ng mga masang tuturuan nyo. Panay tango ang sagot namin ni Archie kay Ka Mon habang apurahang iniinspeksyon ang kanyakanyang pack. Sobrang tagal mag-ayos ng pack ni Archie boy. Daming mga binabalikang mga brief sa sampayan. Iba-iba pa kulay. Doon pa sa harapan namin nina Ka Mon nagtiklop ng mga brief niya’t mahinahong isinilid sa plastik, isa-isa, bago ipinasok sa pack niyang busog na busog na. Di ko maintindihan kung bakit ang mga iyon ang huli niyang ipinasok sa pack bago ikabit ang sandosenang mga buckle, tali at zipper. Daig pa ang pack ng cafgung kulelat. Meron pang dalawang pares ng malilinis at bagu-bago pang degomang tsinelas na nakatali sa labas ng pack, parang mga dilang nang-aasar, ang sarap pigtalin at ipagtatapon sa ilog. Kung bakit may dalawang pares ng tsinelas ang isang naturingang komunista, isang pulang mandirigma pa man din ng New People’s Army, di ko na talaga kayang arukin sa isip ko, Archie boy. Napatingin siya sa tent niyang nakakabit pa rin at di pa natitiklop. Tumingin siya saglit sa amin, saka binalikan ang tent niya. 40

Habang naghihintay kami, naisip ko tuloy, kung noon pa lang kasama ko si Archie sa safehouse sa Maynila, noong di pa siya si Archie at siya si Allan, hindi NPA kundi CEGP, kung binaril ko siya sa ulo noong mga panahong iyon, tiyak na mas malaking pabor sa Partido at sa pangkalahatang pagsulong ng digmaang bayan. Sa wakas, natapos din si gago. Bumubuntonghininga na si Ka Mon, di na tinatago ang inip. —Doon kayo ng tatlong araw. Tutal wala naman kayong ginagawa rito. Maluwag naman ang security, di ganon ka-agresibo ang kaaway. Ibig sabihin, walang ka-alam-alam ang bobong gubyerno ng Pinas na nadito ngayon at nagsasagawa ng planning session ang mga boss ng mga boss ng pinakamakulit niyang kaaway. —Kasama nyo si Ka Luter. Siya ang guide nyo sa area. Nasa baba siya sa pampang ng ilog naghihintay. Napatingin ako kay Ka Jerry. Umiwas siya ng tingin. Para turuan ng leksyon ang mga tamad na kasama, pinasan ko ang isang sakong bigas na nakasandal sa tabi ng tent ni Ka Jerry. —Kasama, pahabol niya, —huling bigas na namin dito yan. —Eh di kumuha kayo sa kitchen. Kung dadaan pa kami doon lalo akong matatagalan. Di ba, Ka Mon? —Oo nga, Ka Jerry, sang-ayon ni Ka Mon, —maglakad-lakad ka paminsan-minsan para mabawas-bawasan yan, sabay turo sa malaking tiyan ni Ka Jerry, na bigla niyang hinugot papasok. Bungisngisan ang mga kasama. Pero saglit lang nang mapansing di nasasakyan ni Jerry boy kapag 41

nasa kanya ang sentro ng joke. Nang matahimik ang grupo, napatingin sa akin si Ka Jerry, sabay ngumiti. —Narinig nyo mga kasama, galing mismo kay Ka Mon. Maluwag daw ang security. Kaya pwede tayong… magswimming sa ilog!!! —Yehey!!! sagot ng mga kasama. Lahat nakatingin sa akin. Alam nilang araw-araw akong nagbabakasaling payagang maligo sa ilog. Ang akala yata ng mga hunghang, sasama ang loob ko. Di nila alam na kung sila rin lang ang makakasama kong mag-swimming, mas pipiliin ko pang magdoobie, magbate at matulog sa loob ng pribado kong tent/ paraiso sa kampo. Tuloy tuloy akong nanaog pababa ng gulod. Halos maglulundag ako sa tuwa, di alintana ang isang sakong bigas na pasan-pasan ko. Pagdating sa ilog, sa sobrang saya ko, kahit si Archie ang kasama ko, okey na rin. Sa baba ng gulod, gumawa kami ng stretcher para dalawa kami ni Archie na magbubuhat ng bigas. Nababasa ko ang sisi sa mukha ni loko. Nagpiyesta ko sa sama ng loob niya. Hah! Iyan ang napala mo, loko. Mahilig ka kasing magbida-bidahan. Bandang ala-una, tumigil kami ng paglalakad. Kumain kami sa tabi ng isang makipot na batis sa pusod ng gubat. Pinutakte kami ng malalaking lamok pero di namin ininda sa tindi ng pagod. Nagbukas si Archie ng apat na lata ng sardinas. —Ang dami naman, sabi ko. Dapat tipirin natin yan dahil wala na yang kasunod. Tatlong araw pa tayo doon. —Pambihira ka naman, kasama. Nakita mo nang pare-pareho tayong pagod. 42

Halos siya lahat ang kumain ng ulam. Mula iyon sa pack niya, kaya siguradong mas magaan na ang bitbit niya kesa sa akin. Pero di bale na, titipirin ko ang sandosenang sardinas na baon ko sa pack. Mahirap na, marami kami doon ng mga masang tuturuan ko, alangan namang ako lang ang kumain ng sardinas, di man lang mag-aalok. Matapos kumain, habang nagpapababa ng kinain, na inabot nang hanggang dalawang yosi ni Archie boy ng kanyang Winston na umano’y na-arbor niya kay Ka Jerry kaninang bago kami umalis. Halos tipid na tipid siyang mag-alok mula sa kabubukas pa lang niyang kaha. —Walang hingian, ha, kunwa’y biro niya, pero alam ko’t alam niya na alam ko, na ayaw naman talaga niyang mag-alok. —Sige, sagot ko. At inilabas ang kabubukas ko pa lang na kaha ng Marloboro na —hindi ko inarbor kundi binigay ng isang kasamang nagmamahal. —Sino? tanong niya. —Wala ka na roon, kasama, sagot ko. Halika na’t mahaba pa ang lalakbayin natin. Nanatili siyang naka-upo, halos humilata sa damuhan. Di na nakaalis sa pwesto niya mula nang sumalampak siya’t lumamon ng pananghalian. —Eh kasama, mukhang di ko na kaya eh. —Anong di mo na kaya? —Parang masama ang pakiramdam ko eh. —Ha? di ko maintindihan ang gustong palabasin ng tarantado. —Para kong lalagnatin eh. Iba na yung pakiramdam ko. Di ko alam ang isasagot ko. Ang gusto ko lang, 43

makarating sa patutunguhan. —Babalik na lang ako sa kampuhan. Pasensya na, kasama. Kanina pa ‘tong umaga. Nahiya lang ako kay Ka Mon kaya ako nagprisinta. Kase, alam mo na, baka walang magprisinta mula sa atin, mapapahiya si Ka Jerry kay Ka Mon. —Pano itong bigas? Di ko to kaya mag-isa. —Katulungin mo na lang iyang Dumagat. May isa pa naman siyang kamay eh. Di ko na naman alam kung ano ang isasagot ko sa kanya. Di pa man ako sumasang-ayon, mabilis na siyang nakatayo’t papalayo na ng lakad, pabalik ng direksyon. —Iwan mo yang radyo! —Gagabihin na ko sa daan, kasama, wala akong guide, sagot niya nang walang tingin-tingin. Tinapon ko ang stretcher at pinasan ang isang sakong bigas. At bago pa ko mabadtrip nang todo tinuloy ko na ang naantalang paglalakad, litong-lito sa inasal ng kasama. At di man lang naalalang iwan ang mga dala niyang sardinas. Alas-diyes y medya ng gabi nang marating namin ang komunidad ng mga Dumagat. Sikat na sikat dito si Ka Luter, parang artista ang turing sa kanya ng mga kaanak niyang sumalubong sa amin. Mula sa pagiging kimi sa kahabaan ng biyahe, naging masayahin at makuwento si Ka Luter. Nakapalibot sa kanya ang mga kaanak niya, dilat ang mga mata sa paghanga habang kinukuwento niya ang mga karanasan niya sa hukbo. Nagtuloy kami sa pinakamalaking bahay sa gitna ng kulumpon ng mga dampa. Mula sa bukas nitong pinto, nanununtok sa ilong ang amoy ng mainit na 44

kape. Nakangiting pinatuloy kami ng mga may-aring napag-alaman kong mga magulang ni Ka Luter. Niyakap siya ng matagal ng ama’t ina niya, halos maluha-luha ang mga ito. Matagal silang nanatiling magkakayakap, umiiyak at tumatawa, di pansin ang ingay ng mga nagsasayang kaanak sa buong paligid sa loob at labas ng kubo. Dito sa bahay na ito ako nagpalipas ng gabi. Sa kauna-unahang pagkakataon ngayong araw na ito, nagpasalamat ako’t wala si Archie. Buti na lang takot sa sakripisyo ang tarantado. Kinabukasan, sinama ako ni Ka Luter sa may tabi ng ilog, sa may malapad na hawang nalililiman at napapaderan ng nagtataasang mga puno, kung saan nagkabit siya ng tent na siyang gagawing blackboard. Nakaipon sa harap ng pisara ang mahigit tatlumpung mga Dumagat, nakaupo sa lupa’t nakatingala sa blankong pisara, handa na para sa kanilang kaunaunahang araw ng pormal na pag-aaral sa buong buhay nila. Halos maiyak ako sa determinasyon nilang matuto at kahit papaano maintindihan kung bakit at paano sila paulit-ulit na pinagsasamantalahan ng sistema. At gamit ang chalk, ito ang matiyaga kong pinaliwanag sa kanila. Sa pagitan ng mga drowing at eksampol, nadama ko bilang guro ang pagkatuto ng mga estudyante ko. Noong unang araw ng ED, alas-dos na kami ng tanghali nang mag-break. Inilabas ko ang mga sardinas ko sa bag, inilapag sa damuhan. Di ko muna binuksan tutal kakasalang lang ng sinaing. Habang naghihintay maluto ang sinaing, nagtakbuhan kami ng mga Dumagat sa ilog. Sa wakas, 45

makakapaligo rin ako sa ilog na nakikita ko lang araw-araw sa kampo pero di ko napagtatampisawan. Sumisid ako ng malalim sa tubig, biningi ang sarili sa ingay ng mundo. Nang umahon ako, naamoy ko ang bango ng inihaw na isda galing sa kampo. At totoo nga, may apat na malalaking karpa na ngayo’y nagmamantika habang pinapaypayan ni Ka Luter sa baga. —Saan galing ang mga isda? tanong ko. Tinuro niya ang ilog. Manghang-mangha ako. —Hinuli nyo sa ilog? Pano? Biningwit nyo? Takang-taka ko, sa sobrang enjoy ko sa malamig na tubig ng ilog, ni hindi ko napansing may fishing bonanza pala sa paligid ko. Nagtawanan ang mga Dumagat. Napailing na lang ako. At dahil ako pala ang hinihintay ng lahat bago magsikain, inunahan ko nang kumurot sa umuusok na laman ng matabang karpang nakahain sa hapag. Nabaliw ako sa sarap nakalimutan ko nang tanungin kung paano nila nahuli ang nilalantakan namin. Kinagabihan, inulit nila ang ginawa nila noong tanghali. Dahil di naman ako maliligo, pinanood ko sila. Nakita ko, totoo nga, sisisid lang sila, may dalang pana, pag-ahon, may dala nang karpa. Ang buong proseso, kakain lang ng humigit-kumulang sa isang minuto. Tatlong araw akong nagpiyesta sa ulam na ganito. Umaga, tanghali, gabi. Yung mga baon kong sardinas, di ko na napulot mula sa pinaglapagan ko noong unang gabi. Matapos kumain, mayroong naglabas ng isang lumang gitara mula sa isang maruming sako. Nandilat ang mga mata ko, naglaway sa nakita. Naisip ko, 46

ilang buwan na ba akong di nakakahagod at kalabit ng kwerdas ng gitara? Ewan ko, basta ang alam ko, matagal na. —Pahiram naman, kuya! Nanginginig ang mga kamay ko sa pananabik nang mahawakan ang gitara. Una kong tinugtog ang Stairway to Heaven. Sabit-sabit ang areglo ko pero okey lang, tutal mga Dumagat ang audience. Naisip ko, di naman siguro mataas ang kanilang ekspektasyon. Tinugtog ko lahat, mula Stairway hanggang Patience, mula reggae hanggang metal, mula Dire Straits hanggang Green Day. Nagkataon pang kakadoobie ko lang. Sabit-sabit lahat ng tinugtog ko pero maiyak-iyak ako sa tuwa. Sa pangalawang pagkakataon, nagpasalamat ako’t wala si Archie. Halos halikan ko ang gitara nang isoli ko sa hiniraman. Nagulat ako nang marinig ang intro ng Stairway to Heaven. Napatingin ako kung sino ang tumutugtog. Nanay ni Luter. Napatunganga ako sa ganda ng areglo ng gitara, na para bang sumasaliw ito sa mga kanta ng gubat, parang kasama sa mga sipol ng sariwang hangin, at mabining ugong ng mayamang ilog. Matapos ang kanta, pinagpasa-pasahan nila ang gitara. Natameme ako dahil lahat pala halos sa kanila, malupit maggitara, mapalalake o mapababae, mapabata o matanda. Matapos ang tatlong araw na ED, nagpaalam na kami. Pang-apat na araw ko na noon sa kanila. Lahat sila, mainit ang pakikipagkamay, para bang ito na ang huli naming pagkikita. Ibinigay ko sa kanila yung tirang bigas. Halos ayaw nilang pakawalan si Ka Luter, lalo na ng kanyang ina. Hinayaan ko lang sila, di ko inapura. Sa kahuli-hulihang pagkakataon, 47

naipagpasalamat ko na namang buti na lang, wala dito si Archie. Sobrang gaan ng pakiramdam ko habang naglalakad pabalik ng kampo. Nakapalagayang loob ko na si Ka Luter kaya habang daan, masaya kaming nagkukuwentuhan. Magtatakipsilim nang marating namin ang kampo. Nasugatan pa ko nang matalisod sa mga basyong lata ng sardinas na nadaanan naming nakakalat sa daan. Walang duda, ito yung mga sardinas na dala ni Archie, kinain lahat ng tarantado bago bumalik at magbate at matulog sa kampo.

48

sangay Ang masa, ang masa lamang Ang siyang tunay na bayani

—Ang Masa

Nasa labas pa lang siya, dinig na niya ang ingay ng pagtatalo sa loob. Mula sa bintanang bahagyang nakabukas, dinig ang mga pasigaw na salitaang nanggagaling sa kusina. Nangingibabaw sa lahat ang boses ni Tata Ikong. Naghubad siya ng tsinelas sa may pinto at pumasok sa loob. Natahimik ang mga nagtatalo sa loob nang makita siya. —Heto na pala si Ka Alma, bungad ni Papa Red. Akmang iinom ito mula sa basong tangan nang mapansin ang pagpasok niya. Inilapag nito ang baso sa mesa, tumayo’t humakbang palapit sa kanya, at nakipagkamay. —Kumusta na, kasama, bati nito. Sinakmal ng malalapad at anak-bukid na palad ni Papa Red ang maliit niyang kamay na bantulot niyang inalok. Halos ayaw nitong bumitiw, pinisil-pisil ang kamay niya. Nang mapansing walang balak bumitiw 49

sa pakikipagkamay si Papa Red, hinugot niya nang pabigla ang namumula nang kamay. Napakunot ang noo niya nang siya nang mapansin ang bukas na bote ng gin sa mesa. Mula sa bukas na bote, gumapang ang mga mata niya sa mga basong may laman, sa mga kamay ng mga kasamang may tangan sa mga ito, at sa mga mata nilang namumula, di niya alam kung sa puyat o alkohol. —Ang aga naman ng inuman nyo, nayayamot na bati niya sa tatlo. Humila siya ng bangko at dumalo sa mesa. Halos masuka siya sa amoy ng alak na sumisingaw mula sa bukas na bote, at mula sa mismong mesang mahabang panahon nang sumahod ng mga buhos ng alak na lumasing sa maraming mga magbubukid sa dampang ito ni Papa Red. —Nasaan po ang Inang Rosing? tanong niya kay Papa Red. —Nasa bayan, kasama ang mga bata, sagot ni Papa Red, —Naghatid sila ng saging. —Kaya pala kayo nakainom. Di niya tinago ang pagkayamot niya. —Kow, eh di naman kami naglalasing ah, katwiran ni Tata Ikong. —Siyang naman, sabat ni Ka Rey, —Pampainit la’ang ire. —Ang aga namang pampainit niyan. Maugong at matagal na tawanan ang sinagot sa kanya ng tatlo. —Kaya nga pampainit, Ka Alma, kase malamig sa umaga. Kay aga pa ah, kay lamig. Muli siyang natulala sa hagalpakan ng mga kasama. Pinigil niyang magalit. Magdamag siyang 50

naglakad para lang makarating sa pulong na ito ng sangay ng Partido sa baryo, at heto ang bubungad sa kanya. Mahirap pero kailangan niyang magtimpi. Kung sino ang kasamang mas sulong, siya dapat ang matutong umunawa. Hinintay niyang humupa ang tawanan sa paligid, bago nagsalita, pinilit na maging magalang sa abot ng pasensya niya. —Pambihira naman kayo, mga kas. May pulong tayo ngayon, ngayon pa kayo nag-inuman. —Makulit pala ang batang ire, nagkakamot ngulong pasigaw na salita ni Tata Ikong. —Kakapaliwanag lang sa iyong hindi kami naglalasing, nagpapainit lang, napakarami mo pang reklamo. Nagtiim ang mga bagang niyang sumagot. —Gawain ba ng totoong rebolusyonaryo iyan? Isumbong ko kaya kayo kay Ka Mon? —Aba, kami pa ang tinakot mo, magdahan-dahan ka, kasamang Alma. Ke bagu-bago mo rito sa area, kung magsalita ka, para kang supremo. Mas magalang pa sa iyo magsalita si Ka Mon at Ka Ely. Nanginginig ang boses ni Tata Ikong, di na tinatago ang yamot sa kanya. Namumula ang mukha nito’t nanlilisik ang mga mata. Walang dudang nasagasaan ang pride ng isang kasamang tinuturing nilang walang muwang at mahina. Una kase, bagong sampa lang, pangalawa, babae. Kahit mga naturingang Marxista, abot-langit ang pagsaludo ng uring magbubukid sa patriarchal na relasyon sa bahay at pamayanan. Na kesyo babae, mas mahinang klase. Di na siya nakapagtimpi, sinagot nang pasigaw ang kasamang sa tingin niya nagkamali na, ayaw 51

pang magwasto. —Di ko kayo tinatakot. Umaaksyon ako ayon sa mga patakaran ng Partido una hinggil sa kaseryosohan ng lahat ng kadre sa pag-gampan ng mga gawain, kasama na ang pakikipagpulong. Naramdaman niya ang himas sa likod niya. —Kasama, wag masyadong mainit, paalala ni Papa Red, habang malagkit na hinihimas siya nito sa likod. Pinalis niya ang kamay sa likod niya. Kumukulong galit na ang kanginang yamot niya. —Isa ka pa, singhal niya kay Papa Red. —Wala ka nang ginawa kundi manghipo! —Aba’t tarantadang ito… pakli ni Papa Red, dilat na dilat sa gulat ang malaki’t bilugang mga mata. —Bakit, totoo naman ah. Akala mo ba ako lang ang nakakapansin? Lahat ng mga kasamang kababaihan, iyan ang puna sa iyo. —Ang putang inang’ to! Nasa pamamahay kita, Ka Alma! Nagulat siya sa malutong na mura. Di niya inakalang mag-aasal nang ganoon si Papa Red. Di niya alam kung ano ang sasabihin. Di niya mahanapan ng katwiran kung bakit nagmumura’t sumisigaw si Papa Red, naturingang kalihim ng sangay ng baryo —Putanginang ‘to kung magsalita ka wala kang galang sa mga nakatatanda sa iyo! Putanginang ‘to! Kaya di tumagal sa iyo si Ka Ely eh. Kaya ka ginawang semi-legal ni Ka Mon eh. Di na makatagal sa kayabangan mo si Ka Ely. Tinungga ni Papa Red ang isang basong gin, di man lang nabawasan ang pamumula ng mukha sa galit at alam niya, sa kahihiyan. Kahiya-hiya nga namang 52

ang isang baguhan, nakakaisang-taon pa lang mahigit sa kanayunan, pupunahin ang mga beteranong mga kasamang magbubukid. At babae pa mandin. —Ang hirap sa inyong mga estudyanteng galing Maynila, pupunta kayo rito, akala nyo alam nyo na ang lahat. Tuturuan nyo pa kami sa mga gawain namin, eh ilang taon na naming ginagawa ito. Eksperto na kami sa pakikibaka, ika nga ng dati mong IL na si Ka Ely. Dumahak at dumura si Papa Red sa bintana. Dumugtong sa usapan si Tata Ikong. —Ke yayabang ninyong ‘ala pa naman kayong mga alam. Samantalang pagkatapos ng mga dalawatatlong taon, pupusta ko, laylo na kayo. Mapapalitan na ng mga bagong estudyante galing Maynila. Ganoon ulit, ke yayabang! Akala mo kung sinong mga henyo! Mga urong naman ang mga bayag kapag nariyan na ang kaaway! —Hoy, Ka Alma, itong tatandaan mo, hane, punong-puno ng pangungutya ang paaskad na salita ni Papa Red. —Ikaw bibigyan kita ng dalawa hanggang tatlong taon, maglalaylo ka na. Uuwi ka na doon sa mga magulang mong mayayaman. Magtatapos ng aral, magtatrabaho, walang nang pakialam sa bayan. Request ko lang, hane. Pag ika’y umasenso na, padalahan mo naman ako ng pera dine. Nang mabayaran mo naman ang pina-kape ko sa yo. —Ala naman kaming inaasahan sa mga tulad ninyo eh. Tumayo si Papa Red at lumabas ng bahay, sumunod ang dalawa. Naiwan siyang nakatunganga sa mesang maanggo, iniisip kung paano ire-report kay Ka Mon ang resulta ng pulong. Nang makalipas ang kalahating oras at di pa rin bumabalik sina Papa 53

Red, nagpasya siyang umalis. Kipkip ang supot na tanging dala niya nang dumating, mabilis niyang tinahak ang daan papunta sa bahay ni Amba Momoy, isang magsasakang panapanahon niyang binabasehan at kinukumusta. Dito sa bahay na ito siya humimpil, at nang mag-tanghaling tapat, nagkabit ng antena at rumadyo sa control. Makalipas ang ilang pindot at bulong, parang yelong bumuhos sa ulo niyang nag-iinit ang boses ni Ka Luz. —Magandang hapon sa iyo Alpha. Aba, gumaganda’t sumeseksi ang boses natin ah. —Salamat. Mag-uusap ba kayo ni Kilo Mike mamaya? —Bakit? —Meron sana akong bilin. —Go ahead. —Teka isusulat ko muna. —Oscar Kilo. Hihintayin ko. Kumuha siya ng papel at mabilis na ginawang code ang mensahe kay Ka Mon. DI NATULOY ANG PULONG. GALIT SANGAY SA AKIN. USAP TAYO. —Break… Makalipas ang ilang saglit, nagbalik sa ere ang boses ni Ka Luz. —Go ahead, Alpha. —27546-54788-64789-32147-32145-8798556487-99239-61828-32969 —Yun lang? —Yun lang. Salamat. —Walang anuman. Hoy Alpha, balita ko eh… hehehe… totoo ba ang aking nabalitaan? Ha? Kaya 54

ka ba gumaganda at sumeseksi? Alam niya kung ano ang tinutukoy ni Ka Luz. Kahit kailan, di siya naging game sa ganitong mga tuksuhan. Pinatay niya ang radyo, binaklas ang antena sa bintana at tiniklop, isinilid lahat sa dala niyang supot. Nanaog siya ng bahay at nagpaalam sa masa. Wala siyang planong magtagal sa lugar na ito, lalu pa’t hindi ito masyadong malayo mula sa bahay ni Papa Red. Binagtas niya ang daan palabas ng koral, iniisip kung saan siya pupunta para makikain, humimpil, magpahinga, at hintayin ang mensahe ni Ka Mon mamayang pagsapit ng takipsilim.

55

Prologo sa isang maka-uring kasal Sapagkat kayo’y mga tapat na kasama Masaya ang Partido, Hukbong Bayan at masa Ngunit kasalata’y di maipagkaila Kaya’t handog namin, lagom na ideya Una sa lahat, baya’y paglingkuran Mag-ambag ng salinlahi sa himagsikan Inyong pagmamahalan, gawing isang huwaran Dagdag na lakas sa pag-gapi sa kaaway

—Awit sa Kasal

Halos mapaiyak ako sa tuwa nang umupo sa hapag. Nakahain sa harap ko ang isang malaking mangkok ng umuusok na nilagang baka. Sa tabi nito may isang malaking plato ng puting-puti, katakamtakam at umuusok na kanin. May isang platitong patis sa tabi. At ang kakainan ko, malapad na pinggang babasagin, may kasamang luma pero nagkikintabang mga kubyertos. Halos mahalikan ko ang malinis at puting mantel ng mesa sa sobrang galak. Mahal talaga ng Diyos ang mga masisipag na komunista. Inisip ko tuloy, kelan ba ko huling nakakain ng nilagang baka? Di ko na maalala. Di na ko naghintay pang sabihan, nilantakan ko na ang pagkaing nakahain. Ang buong akala ko pa naman, sira na ang araw ko. 56

Nasa kasarapan pa ko ng tulog kanina nang gisingin ako ng mariing mga tapik sa pisngi. Nagulat ako nang mapagsino ko ang walang pusong gumambala sa tulog ko. Maliban sa ilang puting buhok at ilang gatla sa noo, parang walang nagbago sa hitsura niya, siya pa rin ang Anto na kilala ko. Tatlong taon na kaming di nagkikita, mula nang sumampa ako sa hukbo. Ni hindi rin ako nakapunta sa kasal niya sa Malolos noong nakaraang taon. —Kumusta na, bok, bati niya sa akin, —kilala mo pa ba ko? Parang nang-aasar ang tanong niya, kase pareho naming alam na kailangan akong mauntog nang malakas at magkaroon ng permamanenteng brain damage para makalimutan ko siya. At malamang ganoon din siya sa akin. Si Anto ang nagrekrut sa akin sa kilusan, siya ang unang nagtahi-tahi ng mga tanong sa utak ko, at naglapat ng kumpletong solusyong nagtanggal ng mga agam-agam ko sa pagkilos. Idol ko siya mula noon hanggang ngayon, at kung hindi siya hihinto sa pagkilos, malamang hanggang sa hinaharap. —Ano? Hindi ka na nakapagsalita. Hindi mo na ko kilala no? —Makakalimutan ng Pilipinas ang mga Marcos pero ang pagmumukha mong iyan, malabo ko yatang makalimutan, sagot ko, nakabalatay ang ngiti’t panis na laway sa mukha ko. —Kumusta na kasama, bati niya, sabay alok ng isang kamay. Mainit kaming nagkamay. Bumangon na ko’t tiniklop ang mga hinigan. Kasalukuyan akong nakabase ngayon sa kitchen. Sa gabi pag tapos nang 57

kumain ang lahat, nagsisilbing kama ko ang malapad na mesang gawa sa tinistis na mga punongkahoy. Mula nang bumalik ako ng kampo galing sa komunidad ng mga Dumagat, dito na ko dumiretso sa kusina, di na ko bumalik sa dati kong estasyon sa yunit 3 sa pamumuno ni dakilang Ka Jerry, at ng dakila niyang alalay na si Archie. Nagpaalam ako kay Ka Mon, na kung maaari, dito na ko sa kitchen bumase. Kako’y naiinip ako sa yunit 3, di tulad ditong masaya, laging may mga kasamang nagkukuwentuhan, may kantahan, at higit sa lahat, maraming tsibog. —Ano, di mo man lang ba ko pagkakapehin? tanong ni Anto. May malaking lata ng biskwit sa kalan at mula rito humahalimuyak ang singaw ng nilulutong kape. Kumuha ako ng dalawang tasa mula sa batalan sa tabi ng turaroy sa kusina at nagsalin ng kape, inalok ko kay Ka Anto ang isa. Payapa naming hinigop ang umuusok naming mga tasa —Di ka pa rin nagbabago, bati ko, —mahilig ka pa rin sa kape. —Kung may kape, di bale nang walang pagkain, sagot niya habang dahang-dahang hinihigop ang tasang mainit. —Kelan ka pa dumating? Di ka man lang nagpasabi na papasok ka ng yunit. Ginulat mo ko. —Di ko nga rin alam na ipapatawag ako rito eh. Ang sarap-sarap ng buhay namin sa TU office, may tatlong computer, may stereo, tv, at higit sa lahat, daming pagkain. Para kaming nasa bahay ni Fr. Emil. Tapos kagabi, pinasundo ako kay Ka Ana, yung naghatid sa iyo pagpasok mo. —Kumusta nga pala si Fr. Emil? 58

—Hayun, burat na burat na sa simbahan. Gusto nang sumampa pero siyempre ayaw payagan ng mga bosing. Sabi pa niya nang huli kaming magkausap : —Ayoko na sa gawaing ito. Di na ko naniniwala sa diyos eh. Niloloko ko na lang sarili ko dito eh. Pati masang nagsisimba, niloloko ko na rin. Alangan namang sabihin ko sa kanilang di totoo ang Diyos. Naubos ang kapeng di ko namamalayan. Kumuha ako ng refill sa kalan. Dumarami na ang tao sa kusina kaya lumipat kami ng pwesto sa may tabi ng isang malaking puno, naupo kami sa lupa’t itinuloy ang kuwentuhan. —Kumusta ka naman dito? tanong niya. —Ayos lang, natututo, nagwawasto, nakikibaka. —Balita ni Ka Mon, humahataw ka raw ah. Ikaw daw ang inaasahan pagdating sa laban. Lagi talagang nauuna ang reputasyon ko kesa sa akin. —Bakit, ano ba’ng mga naririnig mo? tanong ko. —Kunwari ka pa. Ikaw ang idol ng mga tibak sa lunsod. Umabot na sa iba’t-ibang unibersidad ang legend mo. Namataan kong papalapit sa amin si Ka Mon. —Nasabi mo na ba? tanong niya kay Anto. —Hindi pa, nahihiya akong magsabi eh, sagot ni Anto, —ikaw na lang. Di ko alam ang pinag-uusapan nila, taas-kilay lang ang reaksyon ko. —Meron ba kong dapat malaman? tanong ko, nagpalipat-lipat sa dalawa ang baling ng tingin. Nagsalita si Ka Mon. —Kasamang Poli, kase may request sana itong 59

si Ka Anto. —Ano yun, tanong ko kay Anto, —ba’t di mo pa sa akin sinabi ng deretso? —Kase, para sa kasal ni Ka Jules bukas, paliwanag ni Ka Mon, —Kase ninong si Ka Anto. Nananatiling nakataas ang kilay ko mula kanina. —Kailangan kasi natin ng marriage contract, yung pipirmahan nina Ka Jules at Ka Luz bukas sa kasal nila, at pati ng mga ninong at ninang. Wala tayong kopya ng marriage contract. —Eh di gumawa, sagot ko. —Kaso wala tayong kokopyahan, paliwanag ni Anto. —Dapat kase official, hindi yung iimbentuhin lang natin ang mga nakasulat. May naisip ako. —Di ba kinasal ka noong isang taon? —Oo, sagot ni Anto. —Eh di gamitin mo yung marriage contract mo. —Yun na nga eh. Di ko dala. Di ko naman alam na wala pala kayong marriage contract dito. Kung alam ko lang, tatlo-tatlo ang computer namin sa office, pwede na sana ko nag-print doon. Marami pang dokumento roon pwedeng pagkopyahan. —Ano ngayon, Ka Anto ang gusto mong gawin ko? Mag-magic ng kontrata? —Wala nang ibang pwedeng gumawa kundi ikaw lang. —Unang-una, hindi ako magician. Hindi pa ko kasal, ni hindi ko alam kung ano nakasulat sa marriage contract. Ano’ng magic ba ang iniisip mo? —Kunin mo sa amin ang marriage contract. Ilang saglit akong natahimik. Tama ba ang dinig ko? Isang gerilyang NPA, pupunta ng legal office sa 60

white area? —Sa TU office? —Hindi, sa bahay namin, namin ng nanay ko, sa Angat. Nakahinga ko ng maluwag. Akala ko pa naman kung ano na. Kung diniretsa nila ko kanina, di na sana ko kinabahan kung ano ang ipapagawa sa akin. Mga kasama talaga. —Bok, tanong ko, —bakit kaya hindi ikaw ang kumuha? —Kase kasama ko sa pulong mamaya. —Eh bakit di tayo mag-utos ng ibang kasama. Kakagaling ko lang sa community work sa mga Dumagat. Di ba ko pwedeng mag-relax muna ng ilang araw? —Bok bukas na ang kasal eh. Saka maliban sa akin, ikaw lang dito ang nakakaalam kung saan ako nakatira. Ikaw lang ang tibak na naisama ko sa amin. Nakatingin lang sa amin si Ka Mon, bahagyang nakangiti. Mukhang luto na ang desisyon bago pa man ako kausapin. Tipong wala akong kawala. Biglang napalitan ng asar ang tuwang naramdaman ko kanina nang makita si Anto. Ang ganda-ganda ng bati niya sa akin kaninang umaga, yun pala uutusan lang ako. At ginamit pa si Ka Mon. Duda akong wala siyang ideya kung ano ang saklaw ng pinapagawa niya sa akin. —Alam mo ba ang sinasabi mo, tanong ko sa kanya Di ko na siya hinintay sumagot. Pinaliwanag ko sa kanya. —Para kunin ang marriage contract mo sa inyo, 61

ganito ang mga steps na involved. Una, maglalakad ako mula rito sa kampo hanggang Matictic. Mga tatlong oras na lakad iyon. Pangalawa, pagdating sa Matictic, saka pa lang ako makakasakay ng traysikel. At di pwedeng basta traysikel. Dapat kilala natin ang drayber, dahil baka matiklo naman ako ng walang kahirap-hirap ng mga bobong kaaway natin. Kaya pangatlo, maghahanap ng traysikel drayber na kakilala. Kakain din ng oras iyon. Pag may traysikel na, saka ko pa lang tatahakin ang mahaaaabaaaang highway na tumatahi sa Garay at Angat. Kwarenta’y singko minutos, humigit kumulang ang kakaining oras nito. Tapos heto ang pinakamahirap. Kakausapin ako ng nanay mo, tatanungin ka sa akin, nasaan ka na, ba’t di ka tumatawag, etc. ano isasagot ko? Ngayon, kapag nasa kamay ko na ang dokumento, haharapin ko naman ang biyahe pabalik. Traysikel ulit mula Angat hanggang Matictic, pero may pagkakaiba mula kanina. Kase sa tantya ko, bandang hapon na kaya may jeep nang bibiyahe paakyat ng Baraka mula sa bayan ng Garay. Mababawasan ng mahigit isang oras ang lalakarin ko. Hinayang na hinayang ako sa mga plano ko ngayong araw. Plano kong maligo sa ilog mamayang tanghali matapos kumain, at mamitas ng pako, manisid ng tulya, at kapag napagod, maidlip sa ilalim ng punong kahoy, at pagsapit ng dapithapon humitit ng marijuana bago bumalik sa kampo at maghapunan, sabay magkabit ng duyan sa isang sulok at payapang itulog ang malamig na gabi. Ibinuhos ko sa damuhan ang lumamig kong kape at gigil na dinildil sa lupa ang upos ng yosi. Tumayo ako’t bumalik ng kusina para ihanda ang sarili sa 62

Mission: Marriage Contract. Parang pelikula ni Chuck Norris. Iisipin ko na lang na ang gagawin kong ito, para sa mga kaibigan at kasama kong sina Ka Jules at Ka Luz, sa pag-iisang dibdib nila bukas. Naalala kong ni-request nga pala ng dalawa na tugtugin ko sa gitara at kantahin ang Himig ng Pag-ibig. Sana pag-uwi ko mamayang gabi, may lakas pa ko para makapagensayo. At inumpisahan ko na nga ang biyahe, isang gerilyang buo ang loob na harapin ang simula ng mahaba’t solitaryong paglalakbay. Binagtas ko ang mahabang daang-kabayo pababa ng bundok. Tinuhog ko ang mahigit tatlong baryo bago sumayad ang nangangawit kong mga talampakan sa batuhing ibaba ng bundok. Mataas na ang araw nang sapitin ko ang poblasyon. Pinuntahan ko sa bahay at inabutang naghahanda nang pumasada ang isang kakilala kong drayber ng traysikel. Matapos ang ilang paki-usapan, pumayag siyang ihatid ako nang balikan sa bayan ng Angat. At katanghaliang tapat, narito na ko sa bahay nina Anto, sa bayan ng Angat, sa kusina ng maliit ngunit masinop na bahay ng nanay niya, sinisimot ang bawat litid ng mga ga-brasong buto ng nilagang baka. —Lagi akong may nilagang baka sa freezer kase di ko alam kung kailan uuwi si Robert. Basta na lang sumusulpot ang batang iyon. Madalas dis-oras ng gabi. Kaya lagi akong may nilaga, para pag dumating si Robert, iinitin ko lang. Saglit akong nagtaka kung sinong Robert ang tinutukoy niya. Tapos naalala kong Robert nga pala ang pangalan ni Anto sa labas ng kilusan. 63

—Kumusta naman siya, anak? Di naman nangangayayat? —Mabuti naman po, sagot ko sa pagitan ng mga pagnguya. —Sabihin mo sa kanya, mag-iingat siya parati. —Opo, makakarating. —At dalas-dalasan niya kamo ang dalaw niya rito sa bahay. Pakiramdam ko, sasabog na ang tiyan ko nang tumayo ako. Matapos kumain, pinaupo ako ni Inang Berta sa silyang tumba-tumba sa labas ng bakuran habang umano’y may mga ihahanda siyang ipapadala sa akin. Habang dinuduyan ng silyang tumba-tumba sa lilim ng mga punongkahoy, napatawad ko na si Anto. Nilagang baka lang pala ang katapat ko. Medyo nakakatulog na ako nang tapikin ako ni Inang Merting. —Ayaw sana kitang gisingin pero andiyan na yung traysikel na naghatid sa ‘yo kanina, yung pinabalik mo. Ayaw pang tumayo ng mga tuhod ko. Nararamdaman ko ang protesta ng katawan kong pagod at gusto pang sumandal sa makinis at nakahilig na silya at umugoy-ugoy sa ihip ng hangin. Inabot niya sa akin ang isang lumang knapsack. —Pakibigay na lang ito kay Robert, hane. Pagdating mo doon. Nariyan sa bulsa yung marriage contract. Binuksan ko ang zipper ng bulsa para makatiyak, at nakita ko ang isang lumang papel na nakabilot, natatalian ng pulang laso. —Mag-iingat kayo, mga anak. 64

Yumakap pa sa akin nang mahigpit at matagal si Inang Berta bago ako naka-alis. Sa isip niya, ako ang anak niyang si Robert, ang tanging bunso’t panganay niya, niluwal sa mundo’t pinalaking marangal, at ngayo’y susulong sa isang mapanganib na labanan. Di man gagap ng isip niya ang dahilan ng digmaan, ramdam niya sa puso niya ang kawastuhan nito. Habang nakasubsob ang ulo ko sa nakayakap niyang mga braso, sa amoy-kusina niyang damit at timpi ngunit mahabang mga hikbi, sa ilang segundo naming pagkakalapit, parang di na siya si Inang Berta sa akin. Parang naaalala ko si nanay, ang nanay kong nagluwal sa akin sa mundo’t nagpalaki sa akin ng marangal. Namasa sa luha ang mga mata ko at niyakap ko si nanay. Nagpaalam na ako’t lumabas ng bahay. Sumakay ako sa naghihintay na traysikel, at taglay ang lakas na dulot ng nilantakang karne at pagmamahal ng masa, sinimulan ko ang mahabang paglalakbay pabalik.

65

Buwis, Rebolusyonaryo Tamad na burges Na ayaw gumawa Sa pawis ng iba nagpapasasa

—Tamad na Burges

Mahigit limang minuto na siyang nagdo-doorbell bago niya marinig ang mga yabag na nanggagaling sa loob, papalapit sa lampas-taong tarangkahang bakal. —Sino po sila? tinig mula sa loob. Hindi muna siya nagpakilala. Luminga-linga siya sa paligid, sinipat na mabuti kung meron bang mga nagmamatyag. Sobrang tahimik ng kalye pati mga poste ng ilaw akala mo tulog. Walang mga sasakyang parating at madalang na madalang na rin ang mga naglalakad sa kalsada. Hinintay niyang makalayo pa ng kaunti ang nagdaang magbabalut, saka niya Inilapit ang ulo sa gate at bumulong. —Ubeng, si Ka Alma ito, bulong niya. Narinig niya ang tahimik na pagbukas ng gate mula sa loob. Para siyang mabibingi nang gumuhit sa tahimik na gabi ang ingit ng marahang pagbubukas ng tarangkahan. Mula sa siwang, sumungaw ang ulo ng isang babae. 66

—Ka Alma, magandang gabi. — Magandang gabi rin sa iyo, Ubeng. Nariyan ba si Uncle? —Nasa loob po. Tuloy po kayo. Nagtuloy siya sa loob ng maluwang na bakuran. Hinintay niya munang maisara’t maikandado ni Ubeng ang tarangkahang bakal, saka sumabay dito papasok sa malaking bahay. Nagtuloy sila sa sala. —Maupo ka muna, Ka Alma, ikukuha kita ng juice. —Salamat, Ubeng. —Sige po, hintayin n’yo na lang po siya dito kase may kausap lang po sa telepono. —Sige, salamat. Umupo siya sa sofa. Halos bumaon ang buong puwet niya sa lambot nito, habang lapat na lapat sa likod ang malambot ding sandalan. Iginala niya ang paningin sa loob ng bahay. Di niya maiwasang mapailing sa garbo’t ganda ng bawat gamit. Mula sa malalaking kurtina hanggang sa malambot na alpombra, mula sa mga mamahaling abubot na nakakalat sa buong kabahayan hanggang sa mga pinakamodernong mga appliances. Kahit saan niya ibaling ang tingin, puro ganda ang nakikita niya. Noong unang panahon, noong wala pa siya sa kilusan, parang ganito rin ang buhay niya. Sa burges na bahay na tinalikdan niya, bawat kulay, hugis, larawang nakasabit, antigong banga, ang lahat ng ito nagpapaganda sa pangkabuuan. Di niya maiwasang kuwentahin ang estadong panlipunan ng nakatira sa pamamahay na iyon. Makalipas ang dalawampung minuto, halos 67

pareho na sila ng basyong baso ng juice na nakapatong sa makintab na mesita sa tabi niya. Sawa na siya sa kakatingin sa paligid. Nakatingin na siya ngayon sa malaking relo sa dingding, tinititigan ang bawat igtad ng segundo. Dahil wala siyang kakilos-kilos, para na rin siyang kasama sa mga palamuti ng bahay. Naisip niyang maghintay pa ng hanggang limang minuto. Kung di siya haharapin ni Uncle, aalis na lang siya, tutal marami pang pagkakataon para makasalamuha niya ito. Tatayo na sana siya nang may bumukas na pinto sa may likuran niya. Humahangos na pumasok si Uncle sa sala at umupo sa isa sa mga bakanteng upuan sa harap niya. —Ka Alma, sabi ni Uncle nang makaupo na, —pasensya ka na’t marami kasing ginagawa eh. Ano ba maipaglilingkod ko sa inyo? —Uncle gusto ko lang i-follow-up yung sagot mo sa sulat ni Ka Mon. Nagsindi ng sigarilyo si Uncle, matagal muna itong tahimik, ninanamnam ang usok, bago nagsalita. —Sabihin mo kay Ka Mon, grabe naman yung hinihingi nyo sa akin. Ano ba tingin nyo sa akin, si Henry Sy? Pambihira naman kayo. Nagsindi siya ng yosi, binalangkas sa isip ang mga sasabihin. —Ako, gusto kong sumuporta. Makabayan ako. Mula pa sa mga lolo ko, hanggang tatay at mga tiyuhin at tiyahin ko, buong angkan namin symphatizers ng kilusan. Hindi kami pro-government. Pero kung ganyan kayo, ano pagpipilian ko? Alam nyo ba kung magkano halagang hinihingi nyo? Ikaw, Ka Alma, alam mo ba kung magkano ang hinihingi ni Ka Mon, 68

ng Partido? Alam niya, pero pinili niyang manahimik. —Limang M16, Limang M14, sampung 9MM, isang M60, mga granada, bala, radyo. Tapos may pera pa. Alam mo ba kung magkano? Isang milyong piso. Susmaryosep, saan ako kukuha ng ganoong halaga? Eh putangina daig nyo pa gobyerno kung mangurakot ah. Dinildil ni Uncle sa ashtray ang sigarilyo nitong nangangalahati at nagsindi ng panibago. —Ang yabang pa ng asta ni Ka Mon sa sulat, akala mo kung sinong siga. Samantalang hindi naman ganoon ka-lakas ang kilusan ngayon. Kitang-kita mo naman ang ebidensya. Hindi komo’t dumarami kayong mga aktibistang galing Maynila na sumasampa sa hukbo, hindi ibig sabihin na lumalakas ang pakikibaka, hindi ba? Blangko pa rin ang mukha niya, di kakikitaan ng pagsang-ayon o pagtanggi sa mga sinasabi ng kausap. Diretsong nakatama sa mga mata ni Uncle ang paningin niya. —Konting pang-unawa naman, mga kasama. Maliit na negosyante lang ako, purong Pilipino, walang dugong Intsik. Wala akong ginagawang ilegal, nagbabayad ako ng buwis, may mga permit ako mula sa gubyerno, na binayaran ko rin mula sa sariling bulsa ko. Hindi ako si Henry Sy o Lucio Tan. Yung kinikita ko sa quarry, bawing-bawi lang sa puhunan. May mga anak akong maliliit pa. Responsableng ama ko pagdating sa ganyan. Pati nga… —Pwede ba wag na tayo maglokohan? —Ha? Natameme ang pagputak niya. 69

—Pwede ba kong magsalita ng dire-diretso, walang interruption? Nakatingin lang sa kanya si Uncle —Unang-una, wala kang legal permit sa quarry operations mo mula sa kahit na anong ahensya ng gubyerno. Alam ko, alam mo, illegal ang operation mo. Naglalagay ka lang sa mga corrupt na opisyal ng gubyerno para makalusot ang mga bato mo. —Pangalawa, sobrang daming magsasakang naperhuwisyo ng hanapbuhay mo. Kaya plis lang wag mo sa akin sabihing makabayan ka. Yung mga taniman ng mga kapatid nating magbubukid, di na makakuha ng tubig na pang-irigasyon. Kase sobrang lalim na ng ilog dahil sa quarry operations mo. —Pangatlo, bukod sa quarry mo, may illegal logging ka. Dahil sa iyo, nauubos ang gubat, natutuyo ang mga ilog, namamatay ang mga hayop na walang matirhan. Pati kaming mga hukbo, wala nang maublagan. Wala kang ideya kung gaano ka-laking pinsala ang ginagawa mo sa lipunan. —Pang-apat, lahi kayo ng mga negosyanteng nakasuso sa burat ng mga lokal na politiko. Mula pa noong panahon ng lolo mo. Nagbibigay kayo sa amin hindi dahil naniniwala ka sa totoong hustisya’t pagkakapantay-pantay, kundi para wag namin kayong parusahan sa mga atraso nyo sa bayan. Napapalampas dati, nagkamali ang Partido. Pero dahil ang totoo’t tunay na Partido ng masa, maya’t maya nagwawasto ng mga pagkakamali, hindi ko masasabi kung mapapalampas pa namin ang mga kalokohan mo. —Panglima, alam namin na marami kang armas. Iyong mga hinihingi namin, kukunin mo lang lahat iyon mula sa personal mong koleksyon. 70

—Panganim, marami kang kabit, dito sa bayan, sa mga baryong kalapit, pati sa Maynila. Kung sinosino inaanakan mo, di mo naman sinusutentuhan. Tinatakot mo pa para wag magreklamo. Kaya wag mo kong hiritan ng pagiging responsableng ama mo. Wala kang iniwan sa bulugang baboy. —Pampito, yung perang ibibigay mo, ipagpapagawa ng mas malakas na irigasyon, para makabawi ang mga magsasakang nawalan ng kabuhayan dahil sa yo. —Marami pa akong masasabi pero alam mo na lahat iyon. Ang gusto ko lang iparating, may pinanggalingan ang hiling namin na iyon, hindi iyon hinugot mula sa hangin. Alam ng Partido ang lahat ng aspeto ng buhay mo, alam namin lahat ng mga katarantaduhan mo. —Hindi totoo yang mga paratang mo! sigaw niya, namumula ang mukha sa galit, kuyom ang mga kamao. Ininom kong parang malamig na softdrink ang galit na nag-uumapaw sa kanya. Alam ko, gusto na niya kong barilin pero wala siyang magawa. —Nabalitaan mo ba ang nangyari sa bakahan ng kaibigan mo sa San Miguel? Si Mr. Gomez? Tumango siya. —Heto sasabihin ko na sa iyo ang mga gagawin namin hanggat di mo binibigay ang hinihingi ng Partido. Una, pasasabugin namin ang isa sa mga back hoe na gamit mo sa quarry. Pag ayaw mo pa ring magbayad, magpapasabog ulit kami ng isa, hanggang sa maubos lahat ng traktora mo. Kung ayaw mo pa ring magbayad, papatayin ka na namin. —Hah! Ako pa tinakot nyo! Kung papatayin 71

nyo ko, tiyakin nyong walang makakakita kahit sino dito sa bayan. Dahil lokal at prominente ang pamilya namin. Ang mga tao rito, handang pumanig sa amin anumang oras. Hindi n’yo ba naiintindihan? Ako ang paboritong anak ng Norzagaray! May gawin kayong masama sa akin, madaming magagalit sa inyo, talo kayo! Tangina! Nanginginig sa galit ang boses ni Uncle, wala nang saysay para manatili pa siya rito, naiparating na niya sa antipatikong kausap ang mensahe ng Partido. Tumayo siya’t humakbang sa direksyon ng labasan, huminto sa may pinto at pumihit. —Tanong lang, Uncle. Tumingin sa kanya si Uncle, nanlilisik ang mga mata. —May ideya ka ba kung paano ka namin papatayin? Hindi na niya hinintay pang sumagot si Uncle. Dinildil niya ang nangangalahating sigarilyo sa antigo’t barnisadong mesita sa may pintuan, at mabils ngunit malinaw na nagbanta. —Papatayin ka namin paglabas mo galing sa simbahan, habang karga-karga mo ang bunso mo, at hawak ng asawa mo sa magkabilang kamay ang dalawa nyo pang maliliit na mga anak. Hindi mo alam, bigla ka na lang puputukan sa sentido, mamamatay ka sa harap ng pamilya mong takangtaka. Habambuhay na mananatili sa kukote ng mga anak mo ang masasaksihan nila. Hanggang sa paglaki nila, dala-dala nila ang bangungot ng madugong ala-ala ng pagkamatay ng tatay nila. Kung paano ka parang asong ulol na binaril at nagkikisay sa kalsadang maalikabok. 72

Tinuloy niya ang lakad palabas ng bahay, naghihintay sa gate si Ubeng. Bahagya nitong binuksan ang tarangkahang bakal para magkasya ang katawan niya palabas. Nang makalayu-layo siya, pinigil niyang matawa nang malakas. Di niya alam kung saan niya hinugot yung huling sinabi niya, yung tungkol sa malaGodfather na execution. Anumang pigil niya, di niya maiwasang kumawala mula sa bibig ang mga impit at pigil na hagikgik, lalo na nang maalala ang ekspresyon sa mukha ng binantaan niya. Di pa man siya nakakalayo, pagpihit niya, sarado na ulit ang gate, parang higanteng matang nakatanghod sa tulog na kalsada.

73

Taktikal na Opensiba Narito na ang pangkat namin Sa Gitnang Luson pa nanggaling Ang sanhi ng pagparito namin Ang pasista ay durugin

—Narito Na Ang Pangkat Namin

Pakiramdam ko sinlalaki ng kalabasa ang magkabilang bayag ko’t nakasabit sila pareho sa leeg ko. Sa taas ng level ng adrenaline, di ako mapakali, panay ang tayo ko’t lakad nang paikot-ikot sa maliit na sala ng bahay ni Ka Dado. Naaasar na sa akin ang mga kasamang nakaupo sa sahig, tulad ko ring naghihintay, nagpapatay ng oras. Kangina pa kaming madaling araw narito sa loob ng maliit na bahay ni Ka Dado dito sa pusod ng poblacion. Nasa loob lang kami, bawal kaming lumabas. Sarado ang lahat ng bintana at ang pinto ng bahay para di kami makita ng mga kapitbahay ni Ka Dado. Nasa kalagitnaan kami ng isang operasyon, di pwedeng sumingaw at mabulilyaso. —Kaya mahigpit na ipinagbabawal, mga kasama, bilin sa amin ni Ka Jaron nang dumating kami kanina. —Bawal lumabas, bawal dumungaw, bawal makita ng kahit na sino. Ang pamilya ni Ka Dado, doon 74

muna pupuwesto sa biyenan niya. Tayo lang ang narito. Ang alam ng mga kapitbahay, walang tao rito. Kaya di rin tayo pwedeng manood ng tv o makinig ng radyo. Walang magbubukas ng ilaw. Hihintayin natin hanggang mamayang mga alas-kwatro, pag tumawag na ang mga kasama, sinabing positive na sa area ang target, saka pa lang tayo lalabas. Tuloytuloy, sa sasakyan, walang tingin-tingin sa mga tao. Maliwanag ba? Nagtanguan kaming lahat, madarama sa hangin ang bigat ng adrenaline, at ang mapagpasyang pagpipigil ng gigil sa pagitan ng mga bulungan. Dumating kaming sakay ng jeep na na-commander nina Ka Mario kahapon. Hawak nila ngayon ang sasakyan, nakatago sa isang sikretong garahe, kasama ang tsuper, nakagapos at guwardiyado. Di pa sumisikat ang araw nang magbabaan kami sa jeep, may kanya-kanya kaming bitbit na mga sako, nasa loob ng mga ito ang mga baril namin. Tuloy-tuloy kami mula kalsada hanggang sa bukas na pintuan ng bahay ni Ka Dado. Nang makapasok ang lahat, isinara ang pinto at inumpisahan naming maghintay. Ang tantya namin, alas-kuwatro darating ang target. Pupuntahan namin at patitikimin ng naghuhuramentadong galit ng sambayanan. Bandang tanghali, di ko na matiis ang inip. At isa pa, gusto ko nang mag-doobie. Kung para man lang matanggal ang kabang walang tigil na tumatambol sa dibdib ko. Kaso nga, paano? Hindi pwede rito sa loob ng bahay dahil maaamoy ng mga kasama. May naisip akong paraan. Pumasok ako sa kuwarto. Naroon at magkatabing nakahiga sa kama sina Ka Aryan at Ka Donald, mga kasamang beterano 75

na sa laban. Nakapikit sila pero alam kong gising, nakikita ko ang paggalaw ng mga mata sa ilalim ng mga talukap. Tulad ko, inip na rin sila. Nahiga ako sa sahig, kunyari maiidlip. Mayamaya, dumapa ako’t kinapa-kapa ang sahig na kahoy, naghanap ng butas sa pagitan ng mga bukbuking tabla. Suwerte ko’t bukbukin ang ilang parte ng sahig. Bumutas ako sa isang sulok, gamit ang hintuturo. Nang makuntento ko sa butas, nagsindi ako ng joint, humitit, tinapat ang bibig sa butas sa sahig, doon ibinuga sa silong ng bahay ang eskandalosong usok ng ganja. Walang kamalay-malay ang dalawang kasamang nakahiga sa kama. Mabilis kong inubos ang joint at nagsindi ng isa pa. Inulit ko ang buong proseso hanggang sa maubos ang pangalawang joint. Itinapon ko sa silong ng bahay ang mga upos. Kumurot ako ng kahoy sa ibang bahagi ng sahig at sinaksak sa butas na ginawa ko. Harinawa’y manatiling lihim at tago ang ebidensya ng kaburgisan ko. Hehehe. Tumayo ako’t lumabas ng kuwarto. Nakapikit pa rin ang dalawa. Sa sala, nakipagpalitan ako ng bulungan sa mga kasamang tulad kong buryong na buryong na sa kapapaypay at kahihintay sa hudyat. Sa tama ng doobie, kahit papaano, nakontrol ko ang inip, lumipad ang utak ko. Inisip ko ang mga gagawin ko mamaya sa banatan. Inisip ko ang mga action films na napanood ko, mga moves na pwedeng gayahin. —Break! Break! This is Charlie. Halos mapalundag ang lahat sa mahinang bulong ng radyong nakapatong sa ibabaw ng telebisyon sa 76

gitna ng sala. Nakapalibot kaagad kaming lahat sa radyo, alerto ang bawat himaymay ng kalamnan sa mga katawan. Dinampot ni Ka Jaron ang radyo at sinagot. —Go ahead, Charlie. —Positive na kay Alpha yung Kilo. —Copy that, sagot ni Ka Jaron. Sumenyas siya sa aming lahat. Sa pangunguna niya, isa-isa kaming lumabas sa pinto, bitbit ang kanya-kanya naming mga sako. Halos masilaw ako sa liwanag ng araw sa dapithapon. Di pa sanay ang mga mata kong maghapon sa loob ng madilim na bahay. Damang-dama kong parang mga batong pinupukol sa akin ang mga suspetyosong tingin ng mga kapitbahay. Di ko pinansin, tuloy-tuloy ang lakad ko, sinusundan ko si Ka Omar. Sa labasan, naroon na ang pampasaherong jeepney na sasakyan namin papunta sa area, nakababa ang mga plastik na trapal sa magkabilang parihabang mga bintana. Nasa manibela si Ka Mario, sa tabi niya si Ka Sky. Mabilis kaming nagsakayan sa sasakyan at humarurot papunta sa area. Bago ang huling liko, maghihintay muna kami ng hudyat mula sa isang kasamang nakapuwesto malapit sa target. Rumadyo si Ka Jaron na nasa area na kami. Itinabi ni Ka Mario ang jeepney sa may lilim ng malabay na punong mangga. Dito kami humimpil. Inilabas namin ang kanya-kanyang mga armas mula sa mga sako naming dala. May dalawang kasamang bumaba ng sasakyan at tinanggal ang mga trapal na nakatakip sa mga bintana. Doon namin napansing wala sina Ka Aryan at Ka Donald. Malamang nakatulog ang dalawa sa loob ng kuwarto sa bahay ni Ka Dado. —Break! Break! This is Alpha! sigaw ng radyo. 77

—Go ahead, Alpha. —Oscar Kilo na. —Copy that, Alpha. Umandar ang sasakyan. Pumwesto na kami sa gitna, isang hilerang masinsin ang pagitan sa isa’tisa, nakaluhod sa sahig ng sasakyan, nakasungaw ang dulo ng mga baril sa kaliwang bintana ng jeepney. Pagliko sa kanto, kita na namin ang target, isang mobil patrol na may lamang apat na pulis. Nakaparada ito sa may lilim ng punong acacia, ilang metro ang layo mula sa paradahan ng mga pampasaherong sasakyan. Matagal nang inirereklamo ng mga masang tsuper ang gang ng mga tarantadong tulisang ito. Buwanbuwan umano ito kung dumalaw sa paradahan ng mga jeepney sa bayan. Limang libong piso nang limang libong piso palagi ang hinihingi ng mga buwitre sa kawawang organisasyon ng mga tsuper. Walang magawa ang masang anakpawis sa pagmamalupit ng mga unipormadong tulisan. Nananakot umano ang mga ito, kapag di sila nakakapag-abot. Nang di na makatiis ang kawawang mga tsuper, inilapit nila ang kaso nila sa kilusan. Sandali lang pinag-isipan ng Partido ang sumbong ng masa. Kahit saang anggulo silipin, dapat lang na parusahan ang mga kriminal na ito. At isa pa, may mga armas ang mga ungas kaya libreng armas din ito para sa kilusan pag nagtagumpay ang operasyon. —Fire! sigaw ni Ka Jaron nang matapat kami sa mobil patrol Pinaulanan namin ng bala ang buong kotse. Walang nagawa ang mga matatabang buwayang nakasakay sa loob, bulagta ang apat sa unang bagsakan. Di na kailangan pang mag-reload ng mga magazine. 78

—Ceasefire! sigaw ni Ka Jaron. Tumalon kami ng sasakyan ni Ka Omar at lumapit sa kotseng basag lahat ng salamin at tadtad ng butas ang buong tagiliran. Sumilip kami sa loob. Patay na ang lahat ng tulisan. Binuksan namin ang kotse at kinuha ang mga armas ng mga bobong ungas, at mabilis na sumakay pabalik sa jeepney. Wala pang tatlong minuto, humaharurot na kami palayo. Pigil ng lahat ang tuwa. Pilit pinapababa ang naguumapaw na adrenaline na gusto pang kumawala. Buti na lang at naka-doobie ako. Kahit papaano, kampante. —Break Charlie! sigaw ni Ka Jaron sa radyo nang makalayo kami. —Come in, Delta. —Yung dalawang estudyante ko naiwan sa opis mo. Pakihatid na lang sa school bus. —Ha? Naiwan? —Roger, naiwan, di nakasama, nakatulog yata eh. Baka umiyak yang mga iyan paggising, pakihatid na lang sa school bus. —Copy, copy. Huminto ang sasakyan sa tabi ng ilog. Naroon si Ka Nin, binabantayan ang nakagapos na tsuper na siyang nagmamaneho ng jeepney na ginamit sa operasyon. Bukod sa kanila, naroon din sin Ka Dado at ang dalawang kasamang nakatulog sa bahay niya’t di nakasama sa operasyon. Pinakawalan ni Ka Nin ang tsuper, binantaang papatayin kapag nagsumbong sa mga awtoridad. Nagbabaan kami ng jeepney at sumakay sa naghihintay na bangka, pabalik sa bundok, palayo sa pinangyarihan ng krimen. 79

TANDANG SORA Dugo at pawis ang pinuhunan Nang iluwal ang sanggol Kaya’t di tutugot, hanggat di maidulot Ang bukas na ligtas sa salot

—Awit ng Isang Ina

Pinara niya ang traysikel sa tapat ng isang maliit na tindahan, ilang kabahayan ang layo mula sa bahay ni Inang Goring. Bumili siya ng sigarilyo sa tindahan, sinindihan sa umaandap-andap na ilaw ng gasera, habang pinakikiramdaman/minamatyagan ang paligid. Hinintay niyang makaalis ang sinakyang traysikel bago siya naglakad papunta sa bahay ni Inang Goring. Tinapon niya ang di pa ubos na sigarilyo nang marating ang luma’t nilulumot na mga bakod na nakapalibot sa bahay. Nasa tarangkahan pa lang siya, nakita niyang nakadungaw sa bintana si Inang Goring, nakangiti nang maluwang. Pumasok siya ng bakuran, sinalubong siya ng matanda, mahigpit na tangan sa isang kamay ang lumang baton na yari sa yantok. —Kumusta na, anak? bati nito sa kanya. —Matagal-tagal ka ring hindi napasyal ah. —Opo, Inang Goring, sagot niya, —medyo 80

napalayo ho kasi ng destino. —Kumusta naman ang aking anak na si Rading? Nagkikita ba kayo doon? Sa taas? —Naku, eh hindi po. Magkahiwalay po kasi kami ng area. —Ganoon ba? Saan ba ang area niya? —Hindi po ako sigurado. Pero narinig ko ho minsan sa mga kasama na sa malayo nakadestino ang anak ninyo. Saglit na bumalatay ang lungkot sa mukha ng matanda, nangilid ang luha sa mga mata. Dumukot ito ng panyolito mula sa palda at pinahid ang naluluhang mga mata, at pilit ang ngiting inaya siya papasok ng bahay. —Ikaw ba’y kumain na? —Hindi pa po. Pero wag na po kayo mag-abala nay. —Dyaskeng bata ire! Umupo ka sa loob at ipaghahanda kita ng makakain. Kung anuman ang malalantakan diyan sa kusina ko. —Salamat po. Nagtuloy sila sa loob ng kabahayan. Mag-isa na lang si Inang Goring sa buhay kaya napakalaki ng bahay para sa solo niyang katawang bihira namang magkikilos. Sampung taon na siyang byuda, at kasapi sa bagong hukbong bayan ang kaisa-isa niyang anak. Naupo siya sa luma’t umuugang bangko sa hapag-kainan habang halos mataranta si Inang Goring sa pagpari’t-parito sa buong kusina, buong siglang iniistima ang panauhin. —Mabuti’t napasyal ka. Nagkikita ba kayo ni Rading? Doon sa taas? —Hindi po, magkaiba po kami ng area. 81

—Ganoon ba? O halika, kumain ka. Sabi mo di ka pa kumakain. Wala siyang nagawa kundi paunlakan ang panyaya. —Ikaw ba anak ay may sadya sa akin? —Napadalaw lang po, sagot niya, —makikigamit lang ho sana sandali ng bahay nyo, kung pwede po inang. —Aba’y bakit hinde? Kung ano ba ang maitutulong ko riyan sa ginagawa ninyo eh. Nakahain sa hapag sa kusina ang isang platong may lamang tatlong makunat at lumang tinapay, at sa tabi nito, may isang tasa ng maaligamgam na kape. Halos may amag na ang tinapay pero di niya ininda sa tindi ng gutom. Naalala niyang mahigit dalawampu’t apat na oras na siyang di kumakain. Habang kumakain siya, panay ang kuwento ni Inang Goring, ng kung anu-anong mga pinagkakaabalahan nito sa buhay. Panay din ang pangunugmusta nito sa kanyang anak na si Rading. Sa pagitan ng pagnguya ng tinapay, hindi niya halos maintindihan ang mga kwento ng matanda. Karamihan ng atensyon niya, nakasentro sa pagkagat, pagnguya, at paglulon ng pagkain. Nang maubos ang tinapay, tinungga niya nang tuloy-tuloy ang maaligamgam na kape. Abot hanggang tenga ang ngiti niya matapos kumain. Damang-dama niya sa buong katawan ang unti-unting panunumbalik ng lakas niya. Ginambala ang kuwentuhan nila ng mahinang katok sa pinto. —Ako na po ang magbubukas, Inang. Tumayo siya’t dinukot ang baril na nakasukbit sa 82

pantalon, at tinungo ang pinto. Sinilip niya sa bintana kung sino ang kumakatok at nang mapagsino, muling isinukbit sa pantalon ang tangang baril at binuksan nang maluwang ang pinto. Pumasok sa kabahayan si Ka Mon. —Kumusta, Ka Alma, bati nito sa kanya, —kanina ka pa ba? —Kani-kanila lang, Ka Mon. —Magandang gabi po, Inang, bati ni Ka Mon kay Inang Goring. —Si Ka Mon ba ire? Diyaskeng bata ka! Aba eh halos ‘sang taon kang hindi nagawi rito sa bahay ko ah. Huli kitang nakita’y noong nagdaang Pasko! Labing-isang buwan, aba’y mag-iisang taon na nga’t gawa nang Pasko na sa isang buwan. Saan ka ba nagsususuot bata ka ha? —Diyan lang ho sa tabi-tabi, Inang. —Halika nga rine’t nang maaninag ko yang pagmumukha mo! Dyaskeng bata ire! Lumapit si Ka Mon sa matanda at nagmano. Luhaang yumakap ang matanda sa kanya, isinubsob ang mukha sa puti niyang kamiseta. Maya-maya nahaluan ng mga tuyot na hikbi ang malabnaw na luhang tumagas sa magkabilang pisngi ng matanda. Tinapik-tapik/hinagod ni Ka Mon ng palad ang likod nito. —Tama na po iyang pag-iyak, Inang, alo ni Ka Mon. —Rading… anak ko… —Shhhh…. Inang, tama na po Inang, baka makasama pa sa inyo ang pag-iyak... —Sabik na sabik na akong makita ang anak ko. Ka Mon, dalhin mo naman ako sa kanya, ako na lang 83

ang dadalaw kung di siya makaka-uwi. —Naku, nasa malayo ho nakadestino ang anak ninyo. Baka po hindi ninyo kayanin ang biyahe. Bukod pa rito, masyado pong makilos ang kaaway doon sa area niya. —Saan ba ang area niya? —Hindi po ako tiyak kung saang probinsya, pero ang alam ko sa may Kabisayaan po. —Sa Visayas? Aba’y bakit naman doon siya inilagay ng kilusan? —Ang alam ko po, si Ka Rading mismo ang nagboluntaryong tumungo doon. Kilala nyo naman po ang anak ninyo. Kung saan mahirap, doon siya. Unti-unting nagliwanag ang mukha ni Inang Goring. Pinahid nito ng panyo ang mga mata. —Malaki po ang utang na loob ng buong kilusan sa anak ninyo. Isa siyang tunay na rebolusyonaryo. Lagi siyang handang magsakripisyo para sa ikasusulong ng digmaan. Ang lahat ng mahihirap na gawain, siya lagi ang nagboboluntaryong gumawa. Nag-umapaw sa galak ang damdamin ni Inang Goring sa narinig. Musika sa tainga ang balitang hinahangaan ng marami ang anak niya. —Mahal na mahal po siya ng masa doon sa Kabisayaan. Huwaran sa bait, sipag, tiyaga at higit sa lahat, tapang. Siya po ang kinatatakutan doon ng mga kaaway. Kapag naririnig ang pangalan niya, nagkukumaripas na ng takbo! Sinalamin ng maluwang na ngiti ang kanyang pagmamalaki sa kaisa-isang anak. —Ka Mon, sinasabi mong malaki ang utang ng kilusan sa anak kong si Rading, sasabihin ko naman sa iyong ako itong may malaking pagkakautang sa 84

kilusan. Mantakin mong noong di pa kumikilos iyang si Rading, nakow, ni hindi tumutulong sa ama niya sa bukid. Ni hindi ko mautusan dine sa bahay. Nakahilata buong araw. Sa gabi nama’y nasa galaan, kasama ang mga barkada. Uuuwi nang lasing. Nakow! Dyaskeng bata iyon. Laking sakit sa ulo naming mag-asawa. —Inang, hindi na po ganyan ang anak nyo. Nagbago na po siya. —Kaya nga laking utang na loob ko sa kilusan. Nadisiplina ninyo ang aming si Rading. Mula palamunin, naging tunay na mandirigma, hinahangaan ng masa. —Ang kuwento pa nga ng ibang mga kasama roon, sa sobrang sikat niya sa masa, pwede na siyang tumakbong meyor. —Ano? Pag ginawa niya iyan, pag siya’y sumapi sa mga gubyerno, ako mismong ina niya ang unang kukutos sa tuktok niya! Nagtawanan silang tatlo, pansumandaling napuno ng masaya’t malutong na halakhakan ang buong kabahayang kanina lang parang kasabay na umiiyak ni Inang Goring. Pakiramdam niya, parang mas lumiwanag ang mga bumbilya, nahawa sa saya, nagising sa tawanan nila. —Teka’t ipagtitimpla kita ng kape, Ka Mon. Medyo nahuli ka ng dating, naubos na ni Ka Alma ang tinapay! —Okey lang po ako, Inang. Ang totoo po’y galing pa po ako sa kainan. Bertdey po kasi ng anak na dalaga ni Amba Luis, yung may-ari ng kiskisan diyan sa may Lawasan. Medyo naparami na po ang kain ko. —Baka naman ika’y maimpatso! Dyaskeng bata 85

ire! Baka mamaya mo dyan, biglang magdatingan ang mga sundalo, hindi ka makatakbo! —Oo nga ho eh. Kapag po ganoon ang nangyari Inang, pwede po bang magtago na lang po sa loob ng aparador nyo? —Nakow! Idadamay mo pa ang mga pang-alis kong baro! Baka ratratan iyan ng bala, magkabutasbutas pati yung nakatagong barong ng tatay mo! Dyaskeng bata ire! Wala nang bahid ng pananamlay si Inang Goring. Masiglang-masigla ang matanda, tuwang-tuwa’t narito sa pamamahay niya ang mga kasamahan ng kanyang anak. Ang kanyang si Rading na ngayo’y hinahangaan na ng marami dahil sa mabuting gawa. Matapos ang isang mahabang pakikipagbuno sa masasal na ubo, nagpaalam sa kanila si Inang Goring. —O, siya, maiwan ko muna kayo. Mag-aalas-sais na, ako’y sisimba. —Sige po, Inang Goring, paalam niya,—Ingat po kayo. Bumaling sa kanya si Ka Mon. —Isasakay ko lang ng traysikel ang Inang. Hinatid niya ng tingin ang dalawa palabas ng bahay. Naka-alalay si Ka Mon sa bawat hakbang ng matanda. Sa labasan, pinara ni Ka Mon ang nagdaraang traysikel at inalalayan sa pagsakay si Inang Goring. Bahagya niyang narinig mula sa bukas na bintana ang paalaman ng dalawa. Bumalik siya sa kusina at naupo sa inuupuang bangko. Ilang saglit pa’t narinig niya ang mga yabag ni Ka Mon pabalik. —Ano yung sinusumbong sa akin ni Papa Red? tanong ni Ka Mon pag-upo nito sa harap niya. 86

—Bakit, ano ba ang nakarating sa iyo? —Sinermunan mo raw yung buong sangay ng Binagbag. Tapos sabi pa ni Papa Red, sinigawan mo daw siya ng manyakis. Pinagmumura mo daw siya. Totoo ba iyon? Di siya makapaniwala sa narinig. Kung sino pa ang may mga atraso, siya pang may ganang magmalaki at mag-imbento ng kwento. Sa pagkakatanda niya, pinilit niyang maging magalang kahit galit na galit na siya. Pigil na pigil ang pagtataas niya ng boses, eksaktong kabaligtaran ng nagmumura’t sumisigaw niyang mga katalo. Naramdaman niyang unti-unting umaakyat ang galit mula sa nakakuyom niyang mga kamay, pagapang sa mga braso, paakyat sa sentido. —Talaga namang manyakis siya eh. Mahilig manghawak, kahit ayaw mong pahawak. Nagsindi siya ng sigarilyo, sinikap pakalmahin ang sarili, pinipilit bale-walain ang daan-daang tambol na nagko-korus sa loob ng yayat niyang dibdib. —Sabihin na nating pilyo sa babae si Papa Red, wala ka pa ring karapatang punahin yung kasama, lalo na sa harap ng kulektib niyang pinamumunuan. —Bakit, Ka Mon, komo ba bago lang ako, wala akong karapatang mamuna ng mga kasamang nagkakalat? Kesyo ba sila Papa Red, matatagal nang kumikilos, pwede nila kong bastusin? Kesyo ba mga miyembro sila ng sangay, di na sila susunod sa mga patakaran? —Binastos ka nila? Paano? Hinipuan ka? —Hindi. —Paano ka binastos? Nagsindi siya ng sigarilyo bago sumagot. 87

—Yung pag-iinuman nila kaninang umaga, noong mga oras na dapat sana nagpupulong kami. May nakatakdang pulong tapos di pa man nag-uumpisa, umagang-umaga pa lang, di pa nga ako dumarating, nag-iinuman na sila. Hindi ba pambabastos iyon? HIndi ko maintindihan, kasama. Porke ba’t babae ako, pwede akong tratuhin ng ganito? Ipaliwanag mo nga sa akin, Ka Mon. Kase di ko talaga maintindihan. Matagal na tahimik si Ka Mon, tinitimbang sa utak ang mga sasabihin. —Hindi mo maintindihan, puwes, ipapaliwanag ko sa iyo na para kang nasa-grade one. Nagtitimpi siya sa galit. Halos magutay ang filter ng sigarilyong kagat-kagat niya sa mga ngiping nagngangalit. —Ikaw ang mas sulong na elemento ng Partido kaya ikaw dapat ang umunawa. Parang binuhusan ng nagyeyelong tubig ang galit niya. Parang si Inang Goring, kagyat ang pagpapalit ng timpla ng damdamin niya mula asar/galit tungo sa pagkamangha/pagkapahiya. —Di ba narito tayo para magsilbi sa masa? Si Papa Red, Tata Ikong, Ka Rey, mga masang magsasaka ang mga iyan. Kahit pa sabihing mga miyembro sila ng Partido, masa pa rin sila. Dito sila sa lupa nakaugat. Kabilang sila sa milyon-milyong Pilipino na pinagsasamantalahan ng sistema. Oo nga naman, kaya siya sumampa sa hukbo para paglingkuran ang masa. —Ito’ng tatandaan mo, kasama. Ang mga magsasaka, sobrang sensitive. Kase karamihan sa kanila, di marunong bumasa’t sumulat. Alam nila, sobrang baba ng level nila sa lipunan. Dahil ignorante 88

sila, kaya silang lokohin at pagsamantalahan ng kahit na sino. At ginagawa ito sa kanila, araw-araw. Niloloko sila ng gobyerno, mga negosyante, mga nagpapautang, mga ahensyang kunyari tumutulong, mga pekeng NGO. Lahat na ng pwedeng makinabang, nakinabang sa kanila. Nagsindi ng sigarilyo si Ka Mon at itinuloy ang paliwanag. —At alam nilang lahat ito. Alam nilang niloloko sila. Kaya sila super-sensitive. Kaya sila madaling magalit. May masabi ka lang na kung ano, sumasama na loob nila. Kaya dapat, maingat tayo palagi sa pagsasalita. Ang tunay na Marxista, lumalangoy sa hanay ng masa, hindi nakahiwalay na parang tagapagligtas mula sa langit. Ikaw na sana, kasama ang magpasensya. Tutal, nanumpa ka sa kilusan na isasabuhay ang mga batayang prinsipyo ng komunismo. Oo nga naman, kaya siya narito sa kanayunan, para makipamuhay sa masa, lumahok sa produksyon, turuan at sanayin ang masang palayain ang sarili nito mula sa mga kuko ng mapanupil na sistema. —Alam mo naman kung gaano kahirap ang buhay ng mga magbubukid, di ba? Sobra na silang mamad sa kahirapan, kahit minsan sa buong buhay nila, di sila nakatikim ng ginhawa. Ginhawang malamang tinatamasa mo noong di ka pa kumikilos. Ngayon, may nagbigay sa kanila ng alak, ininom nila, pampainit ‘ika nga. Sana naman yung mga ganoong bagay, pinagbibigyan mo na. Tao rin naman sila tulad nating lahat, marupok din. Napayuko siya sa inuupuan, di makuhang tumingin ng diretso sa kausap. Hiyang-hiya siya 89

kay Ka Mon. Hindi niya maiwasang ikumpara ang buhaghag niyang pagkilos sa gahiganteng mga tungkuling ginagampanan nito bilang political officer ng buong distrito. Nakakahiya kay Ka Mon. Si Ka Mon na larawan ng tunay na rebolusyonaryo, si Ka Mon na parang anak kung ituring ng masa, si Ka Mon na kahit maraming naghihintay na gawain, handa pa ring maglaan ng panahon para paliwanagang parang nasa grade-one ang isang naguguluhang kasamang tulad niya. —Okey lang yun, kasama, sambit ni Ka Mon. Kasunod nito, naramdaman niya ang mabining tapik sa balikat niya. Malayong-malayo ang tapik na ito sa mariin at malisyosong himas/hagod ni Papa Red sa kanya noong nakaraang pulong. Noo’y kinilabutan siya habang ginagaygay nang papisil ang buong palad sa likod niya. Para siyang nasusuka pag naaalala. Di niya napigilang mapaiyak. Biniyak ng daan ng luha ang magkabila niyang pisngi. Hinintay ni Ka Mon na humupa ang mga tuyot niyang hikbi, bago muling nagsalita. —Maiba ko, Ka Alma. Ano yung sinabi mong problema sa Bamban? Ipinaliwanag niya kay Ka Mon ang problemang inihapag ni Ka Manny tungkol kay Joseph na anak ni Amba Dencio, na umano’y ahente ng kaaway. Dahil kay Joseph, natatakot nang dumalo ng mga pulong nga mga masang inoorganisa ng kilusan. Tulad niya noong unang marinig ang problema, hindi rin makapaniwala si Ka Mon. —Imbestigahan mo muna nang maigi. Huwag ka basta-basta naniniwala sa mga sumbong ng masa. Minsan gusto lang nilang gumanti sa mga may atraso 90

sa kanila, kaya nag-iimbento sila ng kuwentong ikapapahamak ng mga kaaway nila. At ginagamit pa ang kilusan. —Kailangan na nating aksyunan ito, Ka Mon. Nahihirapan akong mag-organisa sa baryo dahil sa kanya. —Wag tayong magpadalos-dalos. Dapat muna tayong makatiyak. —Naiinip na ang masa. Gusto nga nila, sila na ang bumanat kay Joseph, pinigilan lang ni Ka Manny. —Masyadong mura pa ang imbestigasyon kay Joseph. —Ka Mon, pumayag ka lang, ako ang uutas sa hayop na yon. Putangina niya, magbubukid na nagtaksil sa uri niya. —Ka Alma, huwag padalos-dalos. Unti-unting nanumbalik ang galit niya. Nababagalan siya sa burukratikong makinarya ng kilusan sa pagdedesisyon. Naiinip siya sa tagal magpasya ng mga kasama. At habang tumatagal, nauunsyami ang pag-oorganisa niya sa mga mamamayan sa baryo. —Hindi lang tayo ang nagdedesisyon sa kilusan. Meron tayong mga kulektib, sangay, higher organ na gumagabay sa atin. Hindi tayo mga insureksyunista. Oo nga naman, hindi pinamumunuan ng isang tao lang ang Partido. Kung gayon ay wala na itong pinagkaiba sa diktadurya. Napagpasyahan nilang magsagawa muna ng masusing imbestigasyon, inisyatiba na mismo ng kilusan, para mapatunayan kung totoo nga o hindi ang paratang sa batang si Joseph. Marami pa silang pinag-usapan, mga tungkuling 91

dapat gampanan, mga pagsusuring di pwedeng ipagpaliban. Bagama’t natambakan siya ng gawain, magaan ang loob niya nang matapos silang mag-usap. Dumating siya kaninang bagsak ang moral, pero aalis siya ngayong may bagong-silang na kapasyahang magpunyagi, umigpaw sa mga balakid, at matapat na isulong ang digmaang bayan sa abot ng makakaya. —Maya-maya na tayo umalis, sabi sa kanya ni Ka Mon nang matapos silang mag-usap, —hintayin muna natin ang Inang Goring. Ganitong oras, malamang pauwi na iyon. —Kawawa naman ang Inang Goring, no? Magisa na lang sa buhay, wala man lang kasama sa bahay. Sana minsan dalawin siya ng anak niya. —Patay na si Rading, sambit ni Ka Mon. Limang taon nang patay. Wala ka pa rito sa kanayunan. Hindi alam ni Inang Rosing. At napagpasyahan na rin ng Partido na huwag nang ipaalam. Nagulat siya sa narinig. Sa tingin niya, karapatan ng kahit na sinong magulang na malaman kung buhay pa o patay na ang ang kanilang mga anak, lalo pa’t ang mga anak nila, buong tapang na sumapi sa hukbo at ipinaglaban ang kapakanan ng sambayanan. —Ang kilusan ang pumatay kay Rading. Ilang saglit siyang di nakapagsalita. Matagal bago rumehistro sa utak niya ang narinig. —Bakit? —Naging ahente ng kaaway. Mula sa loob narinig nila ang pag-ingit ng mga bisagra ng lumang tarangkahan sa labas, kasunod ang maingay at pakaladkad na yabag ng bakya ni Inang Goring papasok ng bakuran. Tumayo si Ka Mon at pinagbuksan ang matanda. Naiwan siyang nakaupo tuliro ang isip. 92

Baraka Chinso Masaker Sa hanay ng masa kami ay nagpunta Mga magsasaka ay pinagkaisa Ang layunin namin ay palayain sila Sa kuko ng mga mapagsamantala

—Pukawin ang Magsasaka

Lawit na ang dila ko sa pagod at sumisigaw na sa ngalay ang mga balikat ko sa bigat ng pasan kong backpack. Mahigit sampung oras na kaming naglalakad sa gubat, bumubutas ng daraanan. Basangbasa na ang kamiseta ko sa pawis na parang gripong tumatagas mula sa balat kong pagtong sa araw. Nang abutan ng tanghaling tapat, nagpahinga kami sa tabi ng isang sapang kulay kalawang ang tubig. Ibinaba namin ang kanya-kanyang mga dalahin at nagsalampakan sa mamasa-masang lupa. Wala ni isa man sa aming nakaisip maghanda ng pagkain. Mas masaklaw ang pagod kesa gutom. Katumbas na ng nilagang baka ang saglit na paghinto ng mga binti at iba pang ngalay na kalamnan. Naghubad ako ng sapatos at isinawsaw sa sapa ang mga paa kong parang longganisa sa dami ng paltos. Napahiyaw ako sa sakit na gumuhit sa mga talampakan, paakyat sa lulod at tuhod, hanggang sa 93

mga binti. Isa lang ang alam kong solusyon sa lahat ng pahirap sa mundo. Nilapitan ko si Ka Jaron at nagpaalam. —Kasama, eebak lang ako. Ni hindi na nakuhang magsalita ni Ka Jaron, tumango lang ito. Mabilis akong lumayo at pumasok sa kasukalan, kubli sa mga kasama. Dinukot ko sa bulsa ang dalawang lukot na joint at sinindihan. Damang-dama ko ang paggaan ng pakiramdam nang tumama sa utak ko ang usok ng ganja. Nagpalipas muna ko ng ilang minuto bago bumalik sa mga kasama. Nakasalampak silang lahat sa lupa. Nakiupo na rin ako, ginawa kong unan ang mamasa-masa’t namumutok kong pack. Maya-maya’y napipikit na ang mata ko. Sinabayan ng indayog ng doobie ang pagpapahinga ng pagal kong katawan. Galing kami sa dalawang araw na pagtatanim ng palay sa pitakan ni Tata Ikong. Imbes na umupa pa ng manggagawang bukid ang matanda, napagkaisahan naming lahat sa yunit na magboluntaryong magtrabaho sa bukid. Makakatipid na ang masa, makaktulong pa kami. Nakapagpropaganda pa habang tumutulong. Ginulantang kami ng andar ng motor sa dikalayuan. Alertong napatayo ang lahat, nalimutan ang pagod na kanina lang parang mga kumot na nakatalukbong sa amin. Mabilis akong nagsapatos, di alintana ang hapdi ng mga namumulang sugat sa magkabilang paa. —Motorsiklo? nagtatakang sambit ni Ka Mario, —Sa gitna ng gubat? —Tanga, chinso yun, sagot ng isang kasama. 94

Pinakinggan namin kung saan nagmumula ang ingay. Sumenyas si Ka Jaron. Sumunod kaming lahat. Halos pagapang naming tinungo ang pinagmumulan ng ingay. Sa isang hawan sa gitna ng gubat, tatlong tao ang tulong-tulong na nagbubuwal ng isang malaki’t malabay na puno. Hawak ng isang binatilyo ang isang chinso habang ang dalawang kasama nito nakahawak sa dulo ng kableng nakatali sa tuktok ng puno, ginigiya ang pagbuwal nito. Di nila namalayan ang pagdating namin. Parang paggapang ng ahas sa talahiban ang tahimik naming paglapit. —Ihinto nyo yan! sigaw ni Ka Jaron. Di nila kami narinig sa ingay ng chinso na lumalagare sa punong malapit nang mabuwal. —Itigil nyo yan! ulit na sigaw ni Ka Jaron. Di pa rin nila kami narinig. Dahan-dahang lumapit si Ka Sky sa likod ng binatilyong may hawak na chinso at hinampas ng puluhan ng baril ang batok nito. Nabitiwan ng binata ang chinso at sumagi ito sa tagiliran niya bago bumagsak sa lupa at namatayan ng makina. Nakabakat sa matatalim na mga ngipin ang hibla-hiblang laman mula sa tadyang ng binatilyong kanina lang buong husay na nagpapaandar nito. Binulahaw ang buong kagubatan ng malakas na hiyaw ng binatilyo, kipkip ng kamay ang tagilirang may mahabang punit at sumasargo ng dugo. Napalingon ang dalawang kasama nito at nagtakbuhan palapit sa kanya. Napahinto ang mga ito nang tutukan ng baril ng mga kasama. —Maawa na po kayo, huwag nyo po kaming patayin… sambit ng pinakamatanda sa tatlo. 95

—Tay, ungol ng pinakabata. Samantala, di pa rin tumitigil sa pagpalahaw ang binatilyong sugatang naglululupasay sa lupa. Nilapitan ito ni Ka Jaron at binayo ng puluhan ng armalite sa mukha. Kinilabutan ako sa tunog, parang biglang pagnguya ng malutong na kutkutin. KRASSKK! Natahimik ang pagpalahaw, tumagas ang makapal at malapot na dugo mula sa basag na ilong ng binatilyong sugatan. Pilit nitong tiniis ang sakit, kagat labing pinigil ang paghiyaw. Nanginginig itong sumiksik sa tabi ng isang puno, ginuguhitan ng dugo ang pinaggapangan. —Maawa na po kayo sa amin, muling sambit ng isa. Bilang sagot, binayo siya sa tiyan ni Ka Omar ng puluhan ng M14. Napaluhod ito, sapo ang sikmurang binuntal ng baril. Namimilipit itong gumapang palapit sa binatilyong sugatan. Biglang pumalahaw ng iyak ang isa pa nilang kasama. Babanatan dapat ni Ka Omar tulad ng ginawa niya sa isa, pero natigilan siya nang mapansing bata pa ito, di lalampas sa labindalawang taong gulang. Ibinaba niya ang naka-ambang baril at mariing sinampal ang batang umiiyak. Bumagsak ito sa lupa, sapo ng kamay ang isang pisngi. —Ako na lang po ang patayin nyo, huwag na ang mga anak ko, pagmamakaawa ng pinakamatanda. —Bakit kayo nagpuputol ng troso? paaskad na tanong ni Ka Jaron. —Hanapbuhay lang po, ser. Ito po ang kinabubuhay namin ng mga anak ko. Mga anak ko po 96

ang mga ito. Ser maawa na kayo. Ako na lang po ang parusahan ninyo. —Putangina kang tarantado ka! sigaw ni Ka Jaron, —Illegal logger ka no? —Maawa na po kayo ser, di na po ako uulit. —Talagang di ka nauulit! Dinampot ni Ka Jaron ang chinso na nakahimlay sa lupa, binitbit sa gitna ng hawan. Binuksan niya ang takip ng tangke at ikiniling patiwarik ang lagare. Tumagas ang gasolina pakalat sa kabuuan ng chinso. Nang masaid ang gasolina, ubod-lakas na binagsak ni Ka Jaron ang chinso sa lupa. Namataan niya ang plastik na galon ng gasolina sa di-kalayuan, reserbang baon ng mga illegal loggers. Kinuha niya ito at ibinuhos ang laman sa chinso. Parang noon lang naintindihan ng ama ang gagawin ni Ka Jaron. Halos mangiyak-ngiyak itong nagmakaawa. —Ser, parang awa nyo na. Yan lang po ang kinabubuhay naming mag-aama. —Tangina kayo inuubos nyo mga puno! Di nyo ba naiintindihan na pag naubos ang gubat, tapos na rin tayong mga taong umaasa sa biyaya nito? Ha? Di nyo ba naiintindihan? —Patawarin nyo na po kami ser, wala na po kaming ikabubuhay. Wala na po kaming lupa, nailit na ng bangko. Ito na lang po ang bumubuhay sa amin. Ser maawa na po kayo. Dumukot si Ka Jaron ng posporo mula sa bulsa at sinindihan ang chinso. Halos umabot sa tuktok ng mga nakapaikot na puno sa gubat ang unang bugso ng silab mula sa singaw ng umaapoy na gasolina. Walang nagawa ang mag-aama kundi pagmasdan ang 97

pagkatupok ng kabuhayan nila. Itinuloy namin ang naantalang paglalakbay. Iniwan namin ang tatlong magkakayakap sa gitna ng gubat, nakamasid sa nasusunog nilang kabuhayan, humahagulgol sa balikat ng isa’t-isa.

98

Reunion Tulog na bunso ang iyong ama ay Nasa malayong bayan Ang gawain niya ay di maiwan Para sa sambayanan Kung malaki ka na’t may isip na Ika’y susunod na rin ba? Sa iyong ama at ibang mga kasama Pinaglilingkuran ang masa.

—Tulog na Bunso

—Malayo pa po ba, Ate Alma? tanong ni Maricar sa kanya. Natigil siya sa paglalakad, napapihit ng tingin sa paslit sa likuran. Ngayon niya lang naisip na baka napapagod na ang bata. Tumingin siya sa relo, mahigit dalawang oras na pala silang naglalakad. Basang-basa na ng pawis ang damit ng bata, sayang ang postura nito. Dinukot niya sa bulsa ang panyo at pinahid ang pawis sa noo ng bata. —Gusto mo bang magpahinga? —Gusto ko na makita si tatay. —Magkikita kayo ng tatay mo. Pangako iyan. Malay mo, pagdating natin doon sa pupuntahan natin, nandoon na siya. Nagliwanag ang buong mukha ni Maricar. Napapalakpak ito sa tuwa’t pananabik. Natawa siya nang bilisan nito ang paglalakad, nauna sa kanya ng 99

ilang hakbang. Makalipas ang kalahating oras pa ng paglalakad sa bulubunduking daang-kabayo, tanaw na nila ang bahay ni Tata Fred. Halos takbuhin ni Maricar ang nalalabing distansya sa sobrang pananabik. —Taaaay!!! Tatay! sigaw nito pagtapat sa bintana. Sumungaw ang ulo ni Tata Fred, napangiti ito. —Kahapon pa narito ang tatay mo, sagot nito sa batang nakatingala. Nanaog si Tata Fred ng bahay at sinalubong sila. —Kumain na ba kayo? tanong nito sa kanya. —Hindi pa, sagot niya. —Sige’t bahala ka na muna riyan, susunduin ko lang sa kubo sina Ka Edgar. —Sino-sino po silang nandoon? —Silang dalawa la’ang. Si Ka Edgar at Ka Poli. Lumundag ang puso niya nang marinig ang pangalan, pero di siya nagpahalata. —Sige po. Maghahanda na ko ng sinaing. —Nakahanda na, nakahain na sa mesa. Kayo na nga lang talaga ang hinihintay. Biglang naglaway ang bibig niya sa narinig. Bahagyang nanginig ang mga tuhod niya nang maamoy ang halimuyak ng inihaw na manok mula sa bukas na binatana. Inakay niya si Maricar paakyat ng hagdan. Nagtuloy sila sa hapag. Nagtatalon sa tuwa ang bata nang makitang may birthday cake sa gitna ng mesa at may mga kandilang di pa nasisindihan. Binilang ni Maricar ang mga kandila. Siyam lahat, dahil ngayong araw na ito, siyam na taong gulang na siya. —Nasaan na ang tatay? tanong nito sa kanya. 100

—Parating na siya, sinundo na ni Tata Fred. —Nasaan ba siya? —Nandiyan lang iyon sa tabi-tabi. Gusto mo na bang kumain? —Hihintayin ko si Tatay. Maya-maya nakarinig sila ng mga kaluskos sa labas. Dumungaw siya sa bintana at nakitang papalapit sina Ka Edgar, Tata Fred at si Ka Poli. Sumasal ang tibok ng puso niya. Lumingon sa kanya si Ka Poli, ngumiti nang maluwang. Naramdaman niyang nagtayuan ang mga balahibo niya sa batok at mga braso. Nagtatakbo pababa ng bahay si Maricar, pasalubong kay Ka Edgar. Nagyakap ang mag-ama sa bakuran, walang mapaglagyan ng nag-uumapaw na mga pananabik. Inilabas ni Ka Edgar mula sa isang maruming sako ng bigas ang isang malaking regalo. Halos lumuwa ang mga mata ni Maricar sa tuwa. Nagsi-upo na sila sa hapag. Sinindihan ni Ka Edgar ang mga kandila sa cake at inumpisahan ang pagkanta ng Happy Birthday, na sinabayan ng lahat. Hinipan ni Maricar ang mga kandila at bumulong sa sarili. Nilantakan nila ang nakahaing pagkain habang abala naman ang bata sa pagbubukas ng regalo. Nagtatalon ito sa tuwa nang iluwal ng balutan ang isang malaki at magandang manika. Hanggang sa pagkain, di ito mabitiwan ng paslit. Aliw na aliw itong parang di makapaniwala sa laruang hawak-hawak. Matapos kumain, nanaog ng bahay sina Ka Edgar at ang anak nito, para mag-usap sa labas. Si Tata Fred nama’y paroroon sa bayan para mamili ng mga gamit na dadalhin ng mga kasamang hukbo pagbalik 101

sa yunit. Naiwan sila ni Ka Poli sa loob ng bahay. Pinagtulungan nilang iligpit at hugasan ang mga pinagkanan. —Kumusta? tanong niya nang matapos silang maghugas at naka-upo sa may sala, naninigarilyo habang nakaharap sa nakabukas na bintana. Malamig ang simoy na pumapasok sa buong kabahayan. —Mabuti naman, sagot ni Ka Poli. Tumayo siya’t nagtaktak ng abo sa bintana. Nakita niyang magkatabing nakaupo sina Ka Edgar at anak nito sa mahabang silya sa silong ng malabay na punong kawayanan sa bakuran ni Tata Fred. Bahagya niyang nauulinigan ang mga kuwento ng batang sabik na sabik sa ama. —Natanggap mo ba yung padala kong yosi? tanong niya. —Oo. Salamat ha. Tagal din bago ko naubos. —Walang anuman. Patlang. Pinagmasdan niya si Ka Poli. Napakarami niyang gustong sabihin sa kasamang ito. Napakaraming pagkakataong sa mga pasanda-sandaling pamamahinga ng utak niya, iniisip niya ang kasamang ito, ang kaligtasan niya, ang kanyang niloloob, politika, perspektiba sa pagkilos. Minsan, naiiisip naman niya panay pisikal, sekswal, at iba pang lantad na katangian. Ngayong nasa harap na niya si Ka Poli, di niya alam kung paano sisimulan. At kung alin lang ang mga puwede niyang ikwento, itanong. Sa sobrang tagal bago sila nagkita, parang nakalimutan na niya ang ilan. At dahil nga matagal na, kung anuman iyon, parang di na rin masarap ikwento. Lumapit siya sa 102

babahan ng bintana at nakipanungaw kay Ka Poli. Pinitik niya sa lupa ang upos ng sigarilyo. Mahabang patlang. Para bang ang mangilan-ngilang pagkakataong nagkikita sila, sa halip na kwentuhan, puro mahahabang patlang lang ang nag-uugnay sa kanila. Para bang ang hirap simulan ng mga salita, at kung masimulan naman ang hirap i-sustine. At di rin mawari kung paano tatapusin ang mga pangungusap. Kaya ang patlang, laging nariyan. Mabuti na lang at kahit papaano, napagtatakpan ng huni ng mga kuliglig. At napapansin lang sa mga sandaling biglang sabay-sabay na humihinto sa paghuni ang mga kulisap, para bang nang-aasar, nananantiya, nambubuking ng mga sikreto. Nagsindi uli siya ng sigarilyo. Humitit-buga muna nang malalim, saka pumihit ang tingin sa katabi. Magsasalita na sana siya nang mapansing bahagya itong nakatingala, pinagmamasdan ang bilugang buwang sumisilip-silip mula sa makapal na ulap. Nasalamin niya sa mga mata ng kasama ang sobrang paghanga, nahiya siyang gambalain ang mundo nito. Nakisilip na rin siya, hinuli ang mailap na buwan na panay ang kubli sa makapal na ulap. Hanggang sa tuluyan itong magtago sa likod ng mga ulap. Mayamaya narinig nila ang tikatik sa bubong ng mahinang ambon. Narinig nilang nananakbo paakyat ng hagdan ang mag-ama. Sinara nila ang mga nakabukas na bintana nang lumakas ang hangin. Tinungo niya ang kusina para magtimpla ng kape para sa kanilang tatlo. Mahabang patlang, lahat sila nakatingin sa batang naglalaro sa sahig, may kanya-kanyang hawak na tasa 103

ng umuusok na kape. —May payong ba rito? tanong sa kanya ni Ka Poli. —May nakita ko sa may kusina, sagot niya. —Bakit? —Lalabas lang ako sandali, check ko lang ang perimeter. Tumayo si Ka Poli at tinungo ang payong sa kusina. Sa batalan na ito nanaog palabas ng bahay. Tahimik nilang inubos ang mga tangang kape, kuntento na sila ni Ka Edgar sa mahabang katahimikang nag-uugnay sa kanila, habang pinapanood si Maricar sa sahig, subsob sa sariling mundo ng solitaryong laro. Ginulat sila ng sunod-sunod na katok sa pinto. Di nila narinig ang paglapit ng kung sinumang panauhing ito, na napasugod sa gitna ng nagsusungit na panahon. —Mga kasama! Buksan ninyo itong pinto! Madali kayo! Nagkatinginan sila ni Ka Edgar. Sumenyas si Ka Edgar, nginuso si Maricar na natigil sa paglalaro nito, tumango siya. Inakay niya ang bata at gumapang sila patungong batalan. Tahimik na tumayo si Ka Edgar, binunot ang kwarenta’y singko na nakasukbit sa pantalon, marahang lumapit sa pinto. —Mga kasama! Buksan nyo tong pinto! Alam ko nandiyan kayo sa loob! Binaril si Tata Fred! Mga kasama, binaril si Tata Fred! Nagkatinginan sila ni Ka Edgar. Binuksan nito ang pinto at humangos sa loob ang isang magsasaka, putikan ang mga paa’t basang-basa sa ulan. —Mga kasama… mga kasama… sambit nito sa pagitan ng paghingal. 104

Inalalayan ito ni Ka Edgar, inupo sa kahoy na upuan. Muli silang nagkatinginan ni Ka Edgar, pareho nilang di kilala ang panauhin. Kinuha niya mula sa balutan niya ang isang malinis bagamat lumang bimpong pamunas at inialok sa panauhin. Di pa man ganap na humuhupa ang paghingal nito, tinuloy nito ang sinasabi kaninang pagdating. —Ako si Ka Rading, mga kasama. Diyan ako nakatira sa may kubo sa hulo ng sapa. Tumango siya, alam niya ang kubong tinutukoy. —Kasabay ko sa sasakyan sa bayan si Tata Fred kanina noong pauwi na siya. Bago umalis ang pampasaherong jeep, may mga sundalong dumating, mga kasama, ininspeksyon lahat ng laman ng sasakyan. Nakita ang dalang bigas ni Tata Fred. Pati ang mga kamisetang bago. Nagduda ang mga putragis, nagkasagutan sila Tata Fred, mga kasama. Nakasakay po ako noon sa jeep. Nakita ko po’t narinig nang barilin sa dibdib si Tata Fred. Namumula sa galit ang magsasakang nagkukuwento, tiim ang mga bagang at kuyom ang mga malalapad na kamay. —Salamat po sa inyo, kuya, sabi ni Ka Edgar. —Sige po, umalis na kayo’t kami na po ang bahala. Nang makaalis si Ka Rading, mabilis silang kumilos. —Magpapakabait ka, ha, bilin ni Ka Edgar sa anak. Tumango ang bata, nangingilid ang luha sa mga mata nito. —Kelan po tayo magkikita ulit? tanong ni Maricar. 105

—Sa anibersaryo ng Partido, susunduin ka ng ate Alma mo, isasama ka niya sa loob ng yunit. Doon, matagal tayo magkakasama, mahigit isang linggo. —Matagal pa yun eh. Sa Pasko pa iyon. —Malapit na iyon. September na ngayon. O, bilangin mo, tatlong buwan na lang. Di napigil ng anumang pangako ng ama ang pag-iyak ng paslit. Kinarga niya ang batang umiiyak, inalo’t hinimas-himas ang likod. —Shhhh…. Shhhhh…. Magkikita naman kayo ulit ng tatay mo eh. Tahan na. Wag ka na umiyak. Ilang saglit at pumasok ng kabahayan si Ka Poli, walang malay sa pagdating at pag-alis ng panauhin at ng masamang balita. Napansin niya ang batang umiiyak, naramdaman ang maselang galaw ng tingin ng mga kasama. Nagtanong ang mga nakataas niyang kilay. —May masang dumating noong nasa labas ka. —Sino? —Yung nakatira diyan sa kubo sa may pag-ahon ng sapa. Nakasabay niya raw sa jeep sa bayan si Tata Fred. Binaril daw ng mga sundalo. —Asan na yung masa, tanong ni Ka Poli. —Umalis na, pinaalis ko. Ang tagal mo naman, saan ka ba galing? —Umebak. —Lika na, alis na tayo. Balik tayo ng yunit ngayong gabi. —Paano sina Ka Alma? —Pupunta sila kina Inang Dalisay, doon sila magtatago’t maghihintay ng direktiba. Parang hilong taranta si Ka Poli, parang wala ito sa sarili habang palinga-linga sa kanilang dalawa. 106

—Tara na! sambit ni Ka Edgar, at nanaog ito ng hagdan. Napatingin ito sa kanya, ilang saglit na nanatiling nakaupo, di marahil alam kung ano ang gagawin. Mula sa bintana, napalundag sila sa sigaw ni Ka Edgar. —Ka Poli, tara na! Ano pa hinihintay mo diyan? Ilang saglit na napatitig sa kanya si Ka Poli, bago nagmamadaling bumaba. Hinabol niya ito hanggang sa pinto. —Kasama, mag-iingat kayo, bilin niya. —Ikaw din, sagot nito. Nang makaalis ang dalawa, wala siyang inaksayang sandali. Inayos niyang lahat sa isang maliit na bag ang mga gamit ng bata. Namataan niya ang plastik na mantel ng mesa. Kinuha niya ito’t ibinalabal kay Maricar. Mahirap na, baka lagnatin ang bata, problema pa niya at ng masang paglalagakan niya rito. —Ate Alma, saan po tayo pupunta? —Uuwi ka na kina Inang Dalisay, ihahatid kita. —Akala ko ba, bukas pa. Akala ko ba, sabi mo, dalwang araw kami magkasama ni tatay. Hindi niya alam kung paano ipapaliwanag sa batang pinangakuan na minsan talaga, ganoon. Minsan, nagbabago ang plano, nag-iiba ang ginagawa ng mga tao. Madalas, hindi natin ito gusto, kaya nga tayo nagplaplano para gawin ang mga gusto natin. Pero di pa rin maiiwasan ang pagdating ng mga di inaasahang pagkakataon tulad ngayon. Nakatitig sa mukha niya si Maricar, naghihintay ng tapat na sagot. —Kase… Napayuko siya, di niya alam kung ano ang 107

sasabihin. Siya na isang mahusay na kadre, kinapos ng salita, nagkulang ng paliwanag sa isang batang paslit. Di niya maisip kung paano ilalarawan sa inosenteng kausap ang maraming kontradiksyon ng ginagawa nilang pakikibaka. Paano niya bibigyan ng batang boses ang idolohiyang mismong siya kayrami pang tanong na di masagot. —Bakit umalis na si tatay? Akala ko ba bukas pa? Akala ko ba dal’wang araw kami magkasama? Di niya maisip kung paano bibigyang katwiran ang kalagayang di niya kasama ang tatay niya sa kanyang paglaki, at marami na ang lima-anim na beses sa isang taon kung magkita sila. —Saan pupunta si tatay? Babalik pa ba siya dito, ate Alma? Bat umalis na si tatay? Akala ko ba hanggang bukas pa kami magkasama? Naiiyak na naman ang timbre ng boses ni Maricar. Nakalimutan na nito ang panandaliang aliw na bigay sa kanya kanina ng manikang laruan, na ngayo’y nakahimlay sa kahoy na sahig. Paano niya ipapaliwanag na ang buong kilusan, ang buong saysay ng pakikibaka, ang kabuuan ng sosyalismong matagal na nilang pinapangarap, na ang lahat ng ito para sa batang tulad niya. Para lumaki siya sa lipunang walang pang-aapi, walang pagsasamantala. Isang lipunang walang biktima at walang api. —Bakit, ate Alma? Ang sagot, di niya alam. Sa kauna-unahang pagkakataon sa buong kasaysayan ng pagkilos niya, kinapos sa sagot ang Marxismo. Sa loob ng kalahating segundo, nagbago ang posisyon niya mula kadre naging estupido, mula rebolusyonaryo naging inutil. 108

—Kailangan na nating umalis, sabi niya sa bata. Pinatay niya ang ilaw at hawak kamay silang tumalilis paalis. Sinibat ng mga balingkinitan nilang katawan ang makapal na dilim.

109

Engkwentro Masdan mo ang iyong paligid Tumigil na ang pananangis Ang pighati naming lahat Tapang ang pumalit Tulad ng aming kapatid Na nagbuwis na ng buhay Ang buhay naming lahat Sa iyo, inay, alay

—Alay

Nakapagtatakang tanaw na namin ang bahay ni Par Queen pero wala ni isang batang sumalubong sa amin. Dati-rati, malayo pa lang kami, kapag natunugang parating ang yunit namin, ma-ulan man o ma-araw, sinasalubong kami ng apir ng mga batang musmos, mga anak lahat ni Par Queen, isang magbubukid na may dalawang asawa, dito sa kaharian niya sa tuktok ng bundok ng bulubunduking Bangkal. Narating namin ang hawan sa gitna ng gubat. Tatlong bahay ang magkakalapit na nakatayo sa may pagpasok ng hawan, isang malaking bahay na napapagitnaan ng dalawang mas maliit. Nakatira sa bahay sa kaliwa ang isang asawa ni Par Queen, at ang isang asawa naman niya sa bahay sa kanan. Si Par Queen mismo sa gitnang bahay nakatira. Dito ngayon nakabase ang yunit namin ni Ka Edgar. Dito sa bahay na ito kami kumalas ng yunit 110

para sa naka-iskedyul na dalaw ni Ka Edgar sa anak niya, at dito rin kami nakatakdang pumasok pabalik ng yunit, bagamat napaaga ng isang araw. Alam na ng mga kasama na parating kami, nairadyo ko na kay Ka Jaron ang nangyari kay Tata Fred. Nakadungaw si Par Queen at Ka Jaron sa bukas na bintana. Bakas ng pag-aalala ang nakapinta sa mga mukha nila, na kung tutuusin, salaming repleksyon ng kung anuman ang nakapinta sa mga mukha naming basa. Pumasok si Ka Edgar sa loob, sumunod ako. Nasa loob ang lahat ng mga kasama. Lahat sila, may kanya-kanyang pinagkaka-abalahan. May naglilinis ng baril, may nag-aayos ng mga laman ng pack, may nagkakarga ng bala sa magasin, may nagtitiklop ng duyan. At napansin kong wala kahit isang bata sa loob ng bahay. Dati kapag dito kami kina Par Queen nakabase, karaniwan nang naglisaw ang labing-anim na anak ni Par Queen, nanonood sa ginagawa ng mga kasama, lalo na sa mga naglilinis ng kanilang armas. Pero ngayon, wala ni isa. Pagpasok ko pa lang, naramdaman ko agad ang kakaibang timpla ng hangin sa loob ng kabahayan. Wala ni isa man sa mga kasamang nag-angat ng mukha para batiin ang pagdating namin. Sa isang sulok, napansin kong tahimik na nag-uusap sina Ka Mon at Ka Jules. Namumula ang mukha ni Ka Jules, naisip kong malamang pinuputakte ng puna ng PO. Lumapit ako kay Ka Jaron. Inalok niya ko ng sigarilyo’t sinindihan ito habang nakasungalngal sa nanginginig kong labi. Medyo nabawasan ang ginaw ko, salamat sa mainit na usok na bigay ng kasama. Gusto ko sanang itanong kung ano ang meron, ano ang bago, bakit nakakapanibago ang kundisyon 111

ng yunit, malayung-malayo sa lagay nitong masigla’t masayahin, nang kumalas kami kahapon. Pero hindi ginagawa ang ganoon sa hukbo. Kapag di sinabi sa iyo, ibig sabihin di para sa iyo at di mo na kailangang malaman. Maya-maya, nakita kong tumayo sa pagkakaupo sina Ka Mon at Ka Jules, tapos nang mag-usap. Napansin ako ni Ka Jules, lumapit siya sa akin at mainit kaming nagkamay. —Kumusta, kasama? bati ko. —Ok lang, sagot niya, di siya nakangiti. Napansin ko ang laki ng itinanda niya mula nang huli ko siyang makita. Noong kinantahan ko sila’t ginitarahan habang ikinakasal ng kilusan, mahigit isang buwan na ang dumaan. Wala sa hitsura niya ang kagagaling lang sa honeymoon. Para siyang di dumanas ng mahabang bakasyon. Tahimik kaming nanigarilyo sa may bintana sa kabilang panig ng bahay. Di ako nagtatanong at di rin siya nagkukuwento. Nangangalahati ang pangatlong sigarilyo ko nang dahan-dahang tumila ang ulan at ilang saglit pa sumilip ang araw sa biglang humawang mga ulap. Nakita kong palabas ng bahay si Ka Oman, may dalang maruming sako. —Ka Omar, saan ka pupunta? tanong ko. —Sa sapa, huhugasan ko ito, sagot niya, nginuso ang dalang sako. —Ako na lang, kasama, sabi ko. Bantulot siyang pumayag, alam niyang kadarating ko lang, ni hindi pa nakakapagpalit ng tuyong damit. Para di na siya mag-isip, tumayo ako’t kinuha sa kamay niya ang tangang sako at lumabas ako ng bahay. Walang nagawa si Ka Omar. 112

—Sama ko, sambit ni Ka Jules. Mabilis itong tumayo at humabol sa akin palabas. Sa may mababaw na parte ng sapa, tinaktak ko ang laman ng sako. Naglaglagan ang mga tinapang isda sa malinaw na tubig. Inuuod na ang mga ito pero pwede pang pagtiyagaan, linisin lang ng mabuti. Pinagtulungan naming hugasan ang mga isda. At siniyasat na wala nang gagapang-gapang na uod bawat isda. Matapos ang paglilinis, naupo kami sa malaking bato, nagsindi ng sigarilyo. —May doobie ka? tanong niya sa akin. Tumango ako, sabay dinukot sa bulsa ang isang lukot na joint, inabot sa kanya. Sinindihan ni Ka Jules ang joint gamit ang baga ng sigarilyo niya. Halos maubos niya ang kalahati ng joint bago niya i-alok sa akin. Humitit ako nang dalawang malalim at ibinalik sa kanya ang umuusok na joint. —Ubusin ko na to, sabi niya, —meron ka pa naman yatang reserba eh. Tumango ako. Tuloy-tuloy niyang hinitit ang joint hanggang sa maubos, nilamukos at pinitik sa malayo ang roach. Di na ko nakatiis sa katahimikan niya. —Ano problema mo, bok, tanong ko. Matagal bago siya sumagot. Pulang-pula ang mga mata niya sa tama ng marijuana. —Buntis na si Luz, sabi niya. —Eh di mabuti, sagot ko, —magiging tatay ka na. Matagal ulit bago siya nagsalita. —May doobie ka pa? tanong niya. Dumukot ako ng joint sa bulsa, pero di ko agad ibinigay sa naka-amba niyang palad. 113

—Bago ko to ibigay sa yo, babala ko, —dapat sagutin mo muna ang mga tanong ko. Alam kong bawal siyang magkwento ng mga usaping di ko dapat malaman, mga isyu nila sa loob ng sarili niyang kulektib, pero wala akong pakialam. Mas matimbang sa akin ang pinagsamahan namin ni Ka Jules mula pa noong magkakulektib kami sa unibersidad. Di siya sumagot, mapungay na nakatingin sa hawak kong joint, na iwina-wasiwasiwas ko sa mukha niya. —Bakit ka nandito? tanong ko, —nilipat ka na ng yunit? Ibig bang sabihin magkakasama tayo ng yunit? Bakit mag-isa ka lang? Nasaan ang yunit mo? Panay matamlay na iling ng ulo ang sagot niya sa akin. —Buntis na si Luz. Mahigit dalawang buwan. Di ko agad naintindihan ang sinabi niya. Saka ko lang naisip na isang buwan pa lang mahigit silang kasal. —Ma d-da ka? tanong ko, —kaso mo PMS? Umiling siya. Inabot ko sa kanya ang joint at sinindihan niya. Walang pahinga niya itong hinitit hanggang sa maubos. —Di ako tatay. Di naman kami nag-PMS eh. Natigilan ako sa sinabi niya. —Sino tatay? tanong ko. —Eh ikaw ang una’t huli niyang syota, bago siya ikinasal sa iyo. —Tara na, aya niya, —baka nagugutom na ang mga kasama. —Sagutin mo muna tanong ko. Kilala mo ba kung sino ang tatay? Sinabi ba ni Ka Luz? Tumango siya. 114

—May doobie ka pa? tanong niya. Umiling ako, hinintay na magsalita siya. —Tatay niya, sagot niya. Dinampot niya ang mga hinugasang tinapa at isinilid lahat sa loob ng sakong hinugasan at pinatuyo sa damuhan. Nanatili akong nakaupo sa ibabaw ng malaking bato, taas at salubong ang mga kilay, gulat na gulat sa sinabi niya at di alam kung ano’ng nararapat na sabihin o itanong. —Kasama, sambit niya nang umahon ng sapa, —Napagdesisyunan na ng Partido. Paparusahan natin ang tatay. Bahagyang nabiyak ang boses niya pero kagatlabi niyang sinikil ang naka-ambang iyak. —Isa ko sa mga magpaparusa, dagdag niya, sabay turo ng daliri sa dibdib ko. —Kasama ka. Nauna na siyang bumalik sa bahay, dala ang sako. Dinukot ko sa bulsa ko ang huli kong joint at malumanay na hinitit. Iniisip ko ang napakalaking implikasyon sa kilusan ng sinabi ni Ka Jules. Nasa bakuran na ko ng bahay nang mapansin ko ang paparating na mga sundalo. Dumapa ako’t mabilis na gumapang palapit sa bahay, pumasok sa nakabukas na pinto sa kusina sa likod, tuloy-tuloy sa kung saan nakasandal ang baril ko. —May mga kaaway! babala ko sa mga kasama. —Saan? tanong ni Ka Jaron. Di ko na kailangang sumagot. May bigla kaming narinig na tawag mula sa labas. —Tao po! sigaw mula sa labas. Nagtinginan kami sa loob. Sumenyas si Ka Jaron, pumusisyon ang lahat ng kasama ayon sa senyas ng 115

iskwad lider. Walang kamalay-malay ang mga bobong sundalo sa labas na may mga gerilyang nakabase sa loob. —TAO PO! mas malakas na sigaw mula sa labas. Sa hudyat ni Ka Jaron, ako at apat na kasama ang dumungaw sa bukas na bintana, naka-amba ang mga armas at pinaulanan ng bala walang kamalay-malay na mga sundalo. Isa-isang nagbagsakan ang mga sundalo. Ang di namin alam, mayroon palang kasunod na yunit ang mga naunang sundalo. Bigla kaming inulan ng bala sa loob ng kubo. Sabay-sabay kaming nagdapaan. Sa mga siwang ng nipang dingding, nakikita kong di lang ang bahay ni Par Queen ang pina-uulanan ng bala kundi pati rin ang dalawang bahay sa magkabilang gilid, at mula sa mga ito naririnig niya ang palahawan at iyakan ng mga batang paslit. Di namin makita kung saan nanggagaling ang mga putok. Natigil ang mga putok makalipas ang mahigit limang minuto. Nakabibingi ang biglang latag ng katahimikang biglang binasag ng iyakan ng mga batang sugatan at naulila. —Retreat! sigaw ni Ka Edgar. —Sa kusina! Napalingon ako, nakita kong nakabulagta sa sahig si Ka Jaron, sabog ang ulo sa tama ng baril sa noo. Si Ka Edgar ang tumatayong pangalawang iskwad lider kaya mabilis nitong hinawakan ang liderato ng yunit. Sa may paanan ni Ka Jaron, nakadapa si Par Queen, di kumikilos, tumatagas ang dugo mula sa tama ng baril sa dibdib. Nangingibabaw sa ingay ang iyakan ng mga bata sa mga katabing kubo. 116

—Bilis! Sa kusina! Isa-isa kaming tumalilis patakas sa pinto sa kusina, nauna si Ka Mon, huling lumabas si Ka Edgar kasunod ko. Nakapila kaming nanakbo sa gubat, patungo sa bahay ni Ka Miguel, isang mangangahoy na nakatira sa may dulo pa ng sapang pinaghugasan namin ng tinapa. Ito ang napagkaisahang tagpuan sakaling may aberya, bago pa man kami bumase kina Par Queen. —Teka, may sumusunod sa atin, sambit ni Ka Edgar sa akin. —Mauna na kayo, titingnan ko lang para sigurado. Bantulot akong sundin siya pero tumalikod na siya’t tumalilis pabalik. Wala akong ibang nagawa kundi humabol sa mga nauunang mga kasama dahil naiiiwan na ako. Di pa man ako nakalalayo, narinig ko ang sunod-sunod na mga putok ng armalite. Napahinto ako sa pagtakbo at napatingin sa likod, hinintay kong iluwa ng gubat si Ka Edgar. Pero di siya sumunod. Bantulot akong bumalik, o tumuloy na sa postehan. Naghintay pa ako ng ilang saglit umaasam na susunod siya, pero di na siya nakasunod. Tumalilis na ako palayo, sumunod sa mga kasamang nauna na. Pagdating na pagdating namin sa postehan, dagli naming tinasa ang kundisyon ng buong yunit. Patay na si Ka Jaron. At malamang patay na rin si Ka Edgar. Isa sa amin ang sugatan, si Ka Sky, may nakabaong bala sa tadyang nito. —Kailangan madala agad si Ka Sky sa bayan, para magamot, sabi ni Ka Mon. —Ako na ang maghahatid, sabi ko. —May kabayo ang masa, pwedeng hiramin, dagdag niya. 117

Isinakay ng mga kasama si Ka Sky sa kabayo. —Mamaya, kitain mo si Ka Alma, bulong sa akin ni Ka Mon. —Iwan mo si Ka Sky kay Inang Dalisay, alam na niya ang gagawin. —Saan ko kikitain si Ka Alma? tanong ko. —Sa bahay ni Inang Goring sa bayan. —Nandoon siya? paniniyak ko. —Oo. Kami dapat ang magkikita, pero ikaw na lang ang pumunta, ibigay mo sa kanya itong sulat. Iniabot niya sa akin ang tiniklop na papel, nababalutan ng plastik na mula sa kaha ng sigarilyo. Makalipas ang dalawang oras, hila-hila ko ang patpating kabayo patawid ng masukal na gubat. Nakasakay si Ka Sky, nagdidiliryo sa sakit, nakayakap ang magkabilang braso sa leeg ng kabayo. Ako man, dalawang oras na ring minumura ng mga talampakan kong walang sapin. Sa pagmamadali kanina sa pagtakas, nakalimutan kong magsuot ng sapatos. Nagtatakbo ko sa gubat nang nakapaa. Dahil sa nangyaring engkwentro, naglisaw ang mga sundalo sa buong baryo. Daan-daang puwersa ng gubyerno ang pinadala para takutin isa-isa ang mga maralitang magbubukid, tamnan ng kilabot ang pamumuhay nila, ipamukha sa kanilang walang kahihinatnan ang pagsuporta nila sa rebolusyonaryong kilusan. Marami nang mga inosenteng magbubukid ang dinampot at dinala sa munisipyo sa bayan, para lalo pang takutin, bantaan, saktan, alipustahin at patayin ng mga opisyal ng militar. Kung saan-saan kami lumusot para makaiwas sa nagpapatrolyang mga sundalo. Takot ang naging pangunahing nagtulak sa akin para ituloy ang paglalakbay. 118

Alam kong natatakot si Ka Mon lumabas ng lungga kung kaya ako ang pinalakad para kitain si Ka Alma. Tang ina niya. Crazy faggot coward motherfucker. Pero okey lang sa akin. Kase maliban sa takot, napakalaking motibasyon ang isiping magkikita kami mamaya ni Ka Alma.

119

Taksil Mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan Sandata ng himagsikan Handang lumaban magpakailanman Pagkat mulat sa prinsipyong kanyang ipinaglalaban.

—Mandirigma ng BHB

Mahigit dalawang oras na siyang gising, hinihintay na marinig ang katok ni Roman sa pinto. Kanina pa siya inip na inip, palakad-lakad sa gitna ng sala, patingin-tingin sa labas mula sa bukas na bintanang natatakluban ng manipis na kurtina. Kumakabog sa kaba ang dibdib niya, pero kasabay nito, kumukulo rin sa galit ang dugo niya. Galit siya dahil sa sinapit ni Ka Jaron. Galit siya dahil may ilan sa mga masang pinaglilingkuran niya ang mas pinili pang kumampi sa kaaway, kapalit ng kaunting baryang ninakaw rin naman ng mga tarantadong opisyal na nagpapasweldo sa kanila mula sa kaban ng bayan. Paggisa sa sariling mantika. Nagtimpla siya ng kape, pangatlong tasa na niya ngayong umaga. Nagsindi siya ng sigarilyo, pangsampu niya di pa man sumisikat ang araw at pormal na nagsisimula ang umaga. 120

Tumingin siya sa relo sa braso. Mag-aalaskwatro na ng umaga. Mabilis niyang hinitit paubos ang sigarilyo at mabilis ding hinigop at sinimot ang kape. Binalikan niya ang mga pangyayari kahapon. Payapa’t tahimik siyang nagkakape sa bahay ni Inang Goring, hinihintay ang pagdating ni Ka Mon. May usapan silang magkikita para magkonsultahan sa mga gawaing ginagampanan niya sa kinikilusang area. Naririnig niya ang hilik ni Inang Goring mula sa silid, at nagdaragdag ito ng katiwasayan ng tahimik na kabahayan. Binulabog ang kapayapaan ng sunod-sunod na katok. Tumayo siya’t binunot sa tagiliran ang baril, dahan-dahang lumapit sa bintana, sinilip kung sino ang kumakatok. Napalukso ang puso niya sa nakita, dagling isinukbit ang baril at binuksan ang pinto. —Kumusta, kasama, nakangiting bati sa kanya ni Ka Poli. Di agad siya nakasagot. —Mabuti, maya-maya’y nasambit niya. Pinapasok niya si Ka Poli at ipinagtimpla ng kape. Inilapag niya ang umuusok na tasa sa maliit na mesita sa sala, sa tabi ng nangangalahating tasa niya. —Nasaan ang Inang Goring? —Nasa kuwarto, natutulog. Kaya huwag kang maingay. Nagkangitian sila nang walang dahilan. —Nasaan si Ka Mon? tanong niya. —Di makakarating. Napalaban kami. Halos mabilaukan siya ng ininom na kape. —Ha? Kailan? Humigop muna si Ka Poli ng kape bago 121

sumagot. —Kahapon, pag-dating namin kina Par Queen. Inilapag niya ang kape, tumayo’t nilapat pasara ang pinto ng kuwarto ni Inang Goring, at bumalik sa upuan, pinakinggan ang ulat ng kasama. ikinuwento sa kanya ni Ka Poli ang nangyaring engkwentro sa bahay ni Par Queen. Iniulat nitong patay na si Ka Jaron at malamang si Ka Edgar dahil di ito dumating sa tipanan. Matagal siyang tahimik nang matapos magsalita ang kasama. Maraming bagay-bagay ang mabilis na naglalaro sa utak niya. Unang-una sa mga ito ang batang si Maricar na ngayo’y ulila na. At si Tata Fred, na di mahanap ng mga kaanak kung saan dinala ng mga sundalong humuli rito. Di mapakali ang mga anak niya kung buhay pa o patay na ang tatay nila. At si Ka Manny na umano’y di na makakilos ng maayos sa baryo dahil minamanmanan daw ang bawat kilos niya ng batang si Joseph na umano’y kumpirmado nang ahente ng kaaway. —Nasaan si Ka Sky? tanong niya. —Na kina Inang Dalisay, hinatid ko roon. Sabi ni Ka Mon, alam na raw ng matanda ang gagawin. Tumango-tango siya, sa di mabilang na mga pagkakataon, laging masa ang sumasalba sa mga suliranin ng kilusan. Sa pagsusulong ng rebolusyon, lagi silang kasangkot, sa lahat ng larangan. —May sulat nga pala sa iyo si Ka Mon, dagdag ni Ka Poli, sabay abot sa kanya ng kapirasong papel na nakatiklop at nakabalot ng plastik. Tumayo ito’t pumunta ng kusina, dala ang dalawang basyong tasa. Binulatlat niya ang balutang plastik, inilatag sa 122

mesa ang papel at marahang binasa nang dalawang ulit ang mensahe. Matapos basahin, sinindihan niya ng lighter ang liham at inilaglag sa ash tray na lata sa mesa. Pinanood niya ang pagkatupok nito hanggang maging abo at durugin ng hangin at ng sarili nitong bigat. Nasa sala na ulit at nakaupo sa harap niya si Ka Poli. —May pinapagawa si Ka Mon, sabi niya sa kasama. —May kailangan akong puntahan. Aabutin ako nito hanggang bukas. Saka may hinihingi ring mga suplay. —Saan kita pwedeng kitain bukas, tanong ni Ka Poli. —Magkita na lang tayo kina Ka Bench, sa Matictic. —Sige. Sabay silang tumayo. Hinatid niya sa pinto si Ka Poli. —Mag-iingat ka, kasama, sabi niya. Tumingin ito sa kanya ng matagal. Napatingin lang din siya, di nila alam kung ano ang sasabihin sa isa’t-isa. Hinawakan siya ni Ka Poli sa kamay, at mahinang nagsalita. —Mag-iingat ka rin, kasama, sabi ni Ka Poli, —higit kanino man, ikaw ang pinaka-ayaw kong mawala sa mundo. Di niya alam ang isasagot doon, di na lang siya nagsalita. Gusto niyang yakapin ang kasama, ipadama rito na wala talagang madali sa rebolusyon, pero ang mahalaga’y patuloy itong umuusad. Ginantihan niya ng pisil sa palad ang mga salita ng kasama. 123

Basang-basa niya sa nangungusap nitong mga mata ang bumubugsong damdaming gusto nitong sabihin. Pero siyempre, di nito masabi. Tulad ng di niya rin ito mayakap kahit gustong-gusto na niya. Naisip niyang di na rin kailangan. Mas nagkakaintindihan ang mga binibigkis ng magkatuwang na pag-iisip kesa nagbubulungan ng mga romantikong salitang hungkag at walang saysay. Hinatid niya ng tingin ang paglabas ni Ka Poli ng tarangkahan. Tumawid ito ng kalsada at pumara ng nagdaraang traysikel. Pinanood niya ang papalayong sasakyan, wala sa sariling tahimik na umusal ng maikling panalangin para sa kaligtasan ng kasama. Papasok na siya ng pinto nang mamataan ang bagong motorsiklong kulay berde na nakaparada sa harap ng isang tindahan. Nakita niyang sumakay rito ang isang binatilyo, at pinaandar ang motorsiklo, sumunod sa dumaang traysikel na sinasakyan ni Ka Poli. Pamilyar sa kanya ang binatilyo. Ito ang anak ni Amba Dencio. Biglang sumabog ang nag-aalimpuyong galit sa dibdib niya. Pumasok siya ng bahay at isinara ang pinto. Kinuha niya ang radyo at tumawag sa control. —Go ahead, Alpha, maya-maya sumagot si Ka Luz sa control. —Kase yung ym na kasama ko kanina, may sumunod eh. —Copy, mga bisitang di iniimbitahan? —Roger. —Yung ym mo bang kasama, si Papa Lima? —Roger. —Oscar kilo. Makakarating maya-maya. Ano 124

pa?

—Yun lang. Pinatay niya ang radyo at muli, wala sa sariling umusal ng maiksing panalangin para sa kaligtasan ni Ka Poli. Naghanda na siyang umalis, naghilamos at nagbihis. Sinilip niya sa silid ang matanda, mahimbing pa rin ang tulog nito. Walang nagbago sa ritmo ng paghilik nito mula kanina. Lumabas siya ng bahay maya-mayang kalat na ang dilim. Naglakad muna siya ng ilang kabahayan bago pinara ang nagdaraang traysikel. —Sa Lawasan, sabi niya sa drayber. Habang daan, iniisip niya ang gagawin. Simple lang ang mensahe ni Ka Mon. Kumpirmadong ahente ng kaaway ang batang si Joseph. May teoryang malamang si Joseph ang nag-tip sa mga kaaway na na na kina Par Queen ang buong yunit noong araw na sinalakay sila ng mga sundalo at walang saysay na namatay si Ka Jaron. Natutuwa siyang binigyan siya ng basbas ng Partido na parusahan ang taksil na ito, sa ngalan ng kilusan at ng rebolusyon. Pinara niya ang traysikel ilang bahay mula sa bahay nito. Hinintay niya munang makalayo at makaliko ang sasakyan bago niya itinuloy ng lakad ang natitirang layo sa pupuntahan niya. Pumasok siya sa isang madamong bakuran, tuloy-tuloy na pumasok sa nakabukas na pinto. Naisip niyang sa mga panahong ito ng ligalig, ang pagsasayang ng kahit isang segundo sa labas ng bahay, pwede nang maging katumbas ng buhay. Paminsanminsan sinusuwerte ang mga sundalo. Isinara niya ang pinto nang makapasok, at saka 125

nag-tao-po sa mga nakatira sa loob na nagulat sa bigla niyang pagsulpot. —Patutuluyin sana kita, bati ni Roman, —pero dahil ika’y nasa loob na, halika rine’t saluhan mo kami sa konting hapunan. —Hindi po ako magtatagal, sagot niya sa masa. Nakatingin sa kanya ang asawa ni Roman, at ang mga anak nitong nagambala sa pagkain. —Sandali’t tatapusin ko lang ang pagkain ko, sabi ni Roman. Umupo siya sa sala’t naghintay. Maya-maya kaharap na niya si Roman at solo nila ang sala. —Pasensya ka na, naabala ko ang pagkain mo, sabi niya. —Wala iyon, sagot ni Roman, —ano’ng sa atin? —Napalaban ang yunit. Nadale si Ka Jaron. At baka pati si Ka Edgar. Natigilan ang kausap niya, napatingin ng ilang segundo sa mata niya ng walang kurap. —Si Ka Omar? tanong ni Roman —Okey siya, buhay at ligtas ang kapatid mo, sagot niya. Napabuntunghininga si Roman nang matagal bago ulit nagsalita. —Ano’ng gagawin natin? —Pwede mo bang sunduin si Ka Manny? Dito na tayong tatlo mag-usap. —Pwede, kaso baka aali-aligid sa labas si Joseph. Delikado, kasama. —Si Joseph nga ang pag-uusapan natin ngayon. Pumayag na ang kilusan na parusahan natin. Napangiti si Roman. —Aba eh, panahon na, kasama. Buti’t nagising 126

kayong mga nasa kilusan at nakilala ang totoong salot ng lipunan. Lumabas ito ng bahay at makalipas ang wala pang sampung minuto, nakabalik na’t kasunod si Ka Manny. Kinamayan niya ang matanda. —Balita ko, kasama, sabi sa kanya, —nagising din ang kilusan at nakapagdesisyon na. —Opo, Ka Manny. Papatayin na natin si Joseph. Pinalabas ni Roman ang mga kasambahay, inutusan ang mga itong manghingi ng kaunting gulay sa tiyuhin nilang may tumana, sa may pagtawid ng ilog. Tahimik silang nag-usap-usap sa sala kung ano ang gagawin. Makalipas ang tatlong oras, nang marinig nila ang maingay na mga yabag ng pabalik na mga kasambahay, buo na rin ang sa tingin nila solido nilang plano. Nagpaalam siya sa masa at umalis. Kalat na kalat na ang dilim sa labas ng bahay. Naglakad siya ng ilang kabahayan at saka pinunit ang dilim ng malamlam na liwanag ng ilaw ng karag-karag na traysikel. Parang hikang garalgal ang ingay nitong pumupunit sa tahimik na gabi. Pinara niya ang sasakyan at nagpahatid sa bahay ng isang kakilala. Doon siya magpapalipas ng gabi, at ayon sa plano, susunduin kinabukasan ni Roman, at dala ang traysikel nito, aabangan nila si Joseph, sakay ng motorsiklo nitong bago. Halos di siya nakatulog buong gabi. At kay-aga niyang nagising, parang di man lang napahinga ang katawan at isip niyang pagod. Dahil dito, naisip niyang napakalaki ng kinalaman ng poot sa gagawin niyang misyon. Sa mga pagkakataong tulad nito, poot ang pinaka-maaasahan niyang motibasyong magtutulak 127

sa kanya sa kabila ng sanlaksang balakid. Halos mapalukso siya nang marinig ang mahinang mga katok sa plywood na pinto. Dinukot niya ang baril sa bulsa at lumapit sa pinto. —Sampaga, sambit niya. —Dagang-bukid, sagot mula sa labas. Binuksan niya ang pinto at lumabas ng bahay. Tulog pa ang masa sa bahay na binasehan niya, at wala itong alam sa nakatakda niyang gawin ngayong umaga. Kinabig niya pasara ang pinto at humkabang palapit sa aninong naghihintay sa kanya sa dilim sa may paglabas ng pinto. Isinara niya ang zipper ng suot na jacket nang sakmalin siya ng ginaw. —Larga ba tayo, tanong sa kanya ni Roman sa dilim nang malapit siya. —Oo, sagot niya. Binagtas nila ang daan papunta sa nakaparadang traysikel sa di kalayuan. Sumakay siya sa loob at pinaandar ni Roman ang sasakyan. Pinarada niya ito sa isang kubling hawan sa may gilid ng daan, di kita ng mga paparating na motorista. Dito sila naghintay, hanggang sa sikatan sila ng araw. Pareho silang naghihintay ng mensahe mula sa nakabukas na radyo. Tirik na tirik na ang araw bago nila marinig ang basag na boses ni Ka Manny mula sa radyo. —Break, Alpha, sabi nito. —Come in, Mike November, bulong niya sa tangang radyo. —Positive na, Alpha. Pinaandar ni Roman ang trayskel at inilabas ito mula sa hawan, pinaandar ng katamtamang bilis sa 128

baku-bakong kalsada. Maya-maya narinig nila ang andar ng motorsiklo sa likuran nila. Sinilip niya sa butas sa likod ng sandalan ang paparating na motor. Walang duda, ito ang anak ni Amba Dencio na si Joseph, papunta sa tinatambayan nitong bilyaran sa bayan para sa maghapon na namang pakikipagyabangan nito sa mga barkadang malamang sa hinde, mga ahente rin ng putanginang kaaway. At siyempre, habang nakatambay, nakikiramdam kung nasaan ang mga pwersa at masa ng kilusan. Handang ibenta sa among gahaman kung saan naglulungga o nagpupulong ang mga organisado. At kung saan dumaraan ang mga semi-legal na tulad niya, kung paano sila kumillos, sinu-sino ang mga binabasehan sa gabi at sa araw? Katapusan mo na ngayon, gago, bulong niya sa sarili, walang kurap na nakatitig sa likod ng target na nakasakay sa motor, mahigpit na nakahawak sa baril na nakaturo sa pagitan ng mga hita niya. Nilagpasan sila ng motor. Humabol ang traysikel nila at nang masabayan sa gawing kanan ang motorsiklo ni Joseph na kumikinang sa tama ng araw, eksaktong sa may di-mataong bahagi ng kalsada, sumungaw siya sa sasakyan at inilabas ang baril na kangina pa nakahanda. Di niya natantya ang ingay ng putok ng baril na madalang niyang gamitin. Halos mabitiwan niya ito matapos ang unang putok na tumama sa leeg ng binatilyo, at gumewang ito’t bumagsak sa lupa. Tumilapon sa malayo ang motorsiklo at umikotikot ito nang patagilid sa gitna ng kalsada, bago malunod sa gasolina’t mamatayan ng makina. 129

Samantalang tuloy-tuloy naman ang andar ng sinasakyan niyang traysikel, halos lumipad ito sa mabilis na andar. —Di ko napuruhan! sigaw niya kay Roman. —Balikan natin! Parang di siya narinig ni Roman, ni hindi ito nagmenor. Nakatitig ito sa dinadaanan, di pinapansin ang mga kalabit niya sa braso nito. At bingi sa mga sigaw niyang balikan nila si Joseph. —Roman, mag-u-turn ka! Balikan natin! Di ko napuruhan! Di pa rin siya pinapansin ni Roman, di pa rin nababawasan ang bilis nila mula kanginang tumakas sila sa pinangyarihan ng operasyon. Kung di pa niya tinutok ang baril sa sentido ng nagmamaneho, di ito susunod sa sinasabi niya. —Natatakot ako, Ka Alma. —Tangina ngayon ka pa aatras kung kelan nakasubo na tayo. Ikinasa niya ang baril sa mukha ni Roman. —Gusto mo ikaw ang barilin ko? tanong niya rito. Umiling-iling ito nang mabilis, nagtalsikan ang butil-butil nitong pawis sa noo. —Pwes, balikan natin. Di ko napuruhan eh. Baka mabuhay pa. Bantulot na nagmaniobra pabalik si Roman, di niya inaalis sa pagkakatutok sa ulo nito ang mainitinti na dulo ng hawak niyang baril. ] Pero anumang bilis nito sa pagtalilis kanina, siya namang kabaligtaran ng bagal nitong magmaneho pabalik. Nahalata iyang nilalamon na ng takot at nerbiyos si Roman. 130

Nang makabalik sila sa binagsakan ni Joseph, marami nang taong nakapaligid dito. At may ilang barangay tanod na binabakuran ng pisi ang palibot ng nahandusay at naghuhumiyaw sa sakit na binatilyo sa gitna ng kalsada. Hinarang sila ng isang barangay tanod. —Di kayo makadadaan. —Bakit ho, tanong ni Roman sa tanod. — Doon kayo umikot sa may Hulo, dagdag ng isa pang tanod. —Ano po ang nangyari? pangungulit ni Roman sa isang tanod. —May binaril diyan sa kalsada. Iniimbestigahan pa. Parating na rito ang ambulansya galing sa munispyo. Sapat na ang impormasyong binigay sa kanila ng tanod. Bumwelta sila pabalik, hinayang na hinayang siya sa kapalpakan ng ginawang misyon. Pihadong mananagot siya nito kay Ka Mon at sa buong kilusan. Sinasabi ng lakas ng palahaw ni Joseph kanina sa kalsada na malayo pa ito sa hukay, at baka mabuhay pa nang matagal. Galit na galit siya parang gusto niyang barilin si Roman. Parang gusto niyang isisi lahat dito ang kapalpakang sinapit ng operasyon. Alam niyang mali ito pero di niya maiwasan. Kung bumwelta man lang sana sila agad, habang wala pang mga taong nag-uusyoso, malamang napuruhan niya pa sana ang target. Malamang na malapitang nabigyan niya ito ng tingga sa ulo, garantisadong pamatay-tao sa lahat ng panahong nagdaan, dumaraan at dadaan. . Nabasa ito ni Roman sa mga titig niya ang 131

pagkadismaya sa inasal ng tsuper. Kaya di na rin ito umimik sa kahabaan ng biyahe. Nagpahatid siya sa bahay nina Inang Goring. Naisip niyang doon na muna magpalamig. Doon muna siya magpapalipas ng init, makikiramdam sa anumang epekto sa kilos ng kaaway ng ginawa niyang pagbira sa isa sa mga mababahong galamay nito.

132

Ang pulitika ng ampalayang ligaw Manggagawa at magsasaka Kabataan at propesyunal Mga alagad ng simbahan Negosyante at pinunong makabayan. Tayo na at magkapit-bisig Tapusin ang daan-taong pananahimik Panahon na upang ang ating tinig Ay marinig sa buong daigdig

—Martsa ng Bayan

Kagabi pa ako nandito sa bahay ni Ka Bench. Parang ayaw ko ngang dito kami magkita ni Ka Alma kase bagamat malayo ito sa bahay ni Par Queen, kung saan naganap ang engkwentrong umutas kay Ka Jaron, dito ang daan kung papunta sa gawing iyon ng bundok. Pero si Ka Alma ang nagmungkahi ng lugar kaya okey na rin sa akin. Malaki ang tiwala ko sa kasama. At naisip ko ring baka mahihirapan akong pumunta rito sa umaga dahil mas makilos ang mga tarantadong kaaway sa araw kesa sa gabi. Sa kahabaan ng maghapon, naglisaw ang mga unipormadong tulisan sa buong bayan, hanggang paakyat sa mga hangganan ng mga baryo, tinatakot ang masa’t pineperhuwsiyo ang kanilang kabuhayan. Pero sa gabi, nagkukulong sila sa kanilang mga baraks, lukot ang mga nanlalamig 133

na mga bayag sa takot sa mga gerilyang NPA. Kaya gabi ako nagpunta kina Ka Bench, sukob ng kumot ng dilim. Tumambay muna ko sa bahay ni Amba Dencio noong hapon, para maghintay ng pagkalat ng dilim. Nabalitaan kong nasa ospital ang anak niya, binaril daw ng kung sinong gago sa may malapit sa bayan. Sobrang lublob sa mga alalahanin ang matanda kaya di ako masyadong inatupag. Okey lang din sa akin, halos dalawang oras akong nag-monitor sa radyo, nakinig sa daldalan ng mga nagsasalita sa ere, mga miltar at sibilyan, kriminal at hindi, nakiramdam sa mga nangyayari sa bayan, sa munisipyo, at iba pang lupalop. Nang kumalat ang dilim, binagtas ko ang madilim na daan paakyat ng bundok. Sa may pag-ahon ng matarik na lambak, sa may itaas ng rumaragasang ilog, nakatanghod sa ibabaw ng malaki’t malapad na bato ang dampa ni Ka Bench, nakaharap ang maluwang na bintana sa daan, kita ang sinumang dumarating paakyat sa matarik at baku-bakong kalsada. Lawit ang dila ko nang mabanaag sa dilim ang malamlam na ilaw na isinasabog ng bukas na bintana. Bagamat mahina ang bombilya nito, para itong 7-Eleven sa dulo ng madilim at tahimik na kalye na humihinga ng init/panganib sa mga taynga ng paisaisang naglalakad. Walang hinto kong ininom ang isang pitsel ng tubig na inialok niya sa akin. matapos inumin ang tubig, nahiga ako sa duyang nakasabit sa may puno sa labas ng bahay, at nakatulog. Umaga na akong nagising, nang sundutin ng kislap ng liwanag ng araw ang mga mata ko sa nakasaradong mga talukap. Hiyang-hiya ako sa masa. Ni hindi ko na nagawang 134

magmagandang-gabi nang dumating ako. Nakiinom lang ako’t nakitulog na nang wala ni ha ni ho. Pero sinalubong niya ko ng ngiti at sang tasa ng umuusok na kape, nagsasabing, naiintindihan niya ang inasal ko kagabi. Kung magagalit siya, maiintindihan ko. Para nga naman akong sundalo ng kaaway sa mga ikinilos ko. Habang nagkakape, pinag-usapan namin ni Ka Bench ang nangyaring engkwentro. May balita siya galing sa bayan, sa panig ng mga sundalo. Noong hapon daw na iyon, dala ng mga kaaway ang bangkay ni Ka Jaron, binagsak ito nang padapa sa harap ng munisipyo, pagkain sa mata ng mga masang nag-uusyoso. At lima raw ang patay sa hanay ng kaaway. Mula sa sinabi niya, naalala kong parang sine ang nangyari sa amin noong engkwentro, nang patalilis na kami ni Ka Edgar, nang bumalik ito at narinig ko ang sunod-sunod na putok ng armalite. Akala ko noon, napatay si Ka Edgar. Pero iba ang sinasabi ngayon ni Ka Bench. Ayon sa balitang munisipyo, nakuha ng mga sundalo ang bangkay ng kilalang iskwad lider na si Ka Jaron. Nasaan si Ka Edgar? —Teka, may sumusunod sa atin, naalala kong sambit ni Ka Edgar sa akin. —Mauna na kayo, titingnan ko lang para sigurado. At ang paglamon sa kanya ng talahiban, at ang mga putok. Kung di siya nakuha ng kaaway, malamang ang mga putok na narinig ko, galing sa kanya. Ang putok na iyon, na akala ko tumapos sa buhay ni Ka Edgar, umutas pala sa buhay ng isang sundalong animal. 135

Kaya buhay si Ka Edgar dahil kung patay siya, katabi siya dapat ni Ka Jaron sa harap ng munisipyo. At pwedeng isa sa mga dahilan kung bakit di siya nakasipot sa kitaan matapos ang pangyayari, malamang sugatan siya’t nagtatago sa mga sukal ng gubat. Dapat malaman agad ito ng mga kasama. Dapat makapag-organisa agad ng operasyon para hanapin si Ka Edgar sa mga kasukalan malapit sa pinangyarihan ng engkwentro. Kailangang masabihan ang mga masang magbubukid na nakatira sa mga kalapit na baryo para makatulong sa paghahanap. Sana kung sugatan man si Ka Edgar, maabutan namin siyang buhay. Sana makita siya ng masa at mailigtas sa kapahamakan, hanggang sa matugunan ng kilusan ang sitwasyon. Maya-maya, nagkahulan ang mga aso. Alerto akong sumilip sa bintana, nakahimlay sa puluhan ng baril ang kanang kamay. Nakita kong parating si Ka Alma. Kumaway siya sa akin. Nakangiti siya pero nabasa ko ang lungkot/pagaalala sa mukha niya. At nakita ko rin kung paano niya ito maskarahan ng mga tuyong ngiti. Tinitigan ko siya nang matagal, sinisikap impukin sa memorya ang mga detalye ng kasamang naglalakad, mula sa berdeng tubaw na nagtatakip sa malabay niyang buhok na laging nakapusod, sa salamin niya sa mata na para bang pinipilit itago ang mapungay at singkit na mga matang sibat kung tumingin, hanggang sa simpleng kasuutan, lumang backpack, sa pantalon at lumang tsinelas, determinadong naglalakad, matapat na nagsusulong ng mga pangarapin ng bawat-isa sa kanila, di alintana ang tumatabal na alikabok na 136

hinahalukay ng mga paa niyang sanay na sa lakad at iba pang sakripisyo, at naisip kong handa akong ibuwis ang buhay ko para sa kasamang ito. —Magandang umaga, Ka Alma, bati ko sa kanya. —Magandang umaga din sa yo, kasama, sagot niya. Huminto siya sa harap ko, di ko naiwasang bumaba ang tingin sa humihinga niyang dibdib, at sa halip na maasar, natawa siya, at natawa rin ako. Pero kahit pa, naroon pa rin ang lungkot/pagaalala, nakapinta di lang sa mukha niya kundi pati na rin sa laylay niyang mga balikat at hapong mga paa. Kinuha ko sa likod niya ang suot niyang backpack, at di siya tumanggi, bagkus winagwag ang mga braso para kumawala sa sakal ng mga strap. —Salamat, sabi niya. Pumasok kami ng bahay. Nakita kong ipinagtimpla siya ng kape ni Ka Bench, at nagsisi akong di ko unang naisip iyon. Inilapag ko ang backpack sa sahig at inalok siya ng kahoy na upuan. Pasalampak siyang umupo, sinubsob ang mukha sa magkabilang palad, at umiyak. Nilunod ng mga hikbi niya ang katahimikan ng buong kubo sa umagang ito. Nagkatinginan kami ni Ka Bench, di alam kung ano ang gagawin. Marahan ko siyang tinapik sa likod, at dinukot ko sa bulsa ang panyo kong marumi, at inalok sa kanya. Napatingin muna siya rito, bago singahan at ibalik sa akin, hawak sa dulo ng mga daliri. Ibinulsa ko ang panyo ko’t tinuloy ang pagtapik ng palad sa likod niya. Makalipas ang mahigit kalahating oras, unti-unti 137

siyang natahimik. Tinigil ko ang pagtapik sa likod niya, umupo sa harap niya. —Sorry ha, paliwanag niya, —di ko kinaya eh. —Okey lang, sabi ko, —di kita pupunahin, nakangiti ko pang dagdag. Hindi siya natawa kaya tumahimik na lang ako, hinintay na siya ang unang magsalita. —Pakisabi kay Ka Mon, negative, mahinang sabi niya. Tumango ako. Di ko alam kung ano’ng kukumustahin sa kanya dahil alam kong siya mismo, hindi okey. At wala akong alam sa trabaho niya. —Nandiyan sa pack yung mga suplays na hinihingi niya. Pakisabi, yung mga sapatos, susunod na, di ko kasi alam kanina kung ano ang mga sukat ng mga paa ninyo. Matagal kaming tahimik. Naririnig namin mula sa labas ang mga sibak ng palakol ni Ka Bench habang nagtatrabaho sa isang hawan sa di kalayuan. Hinawakan ko siya sa kamay, sinalubong niya. Punong-puno ng emosyon ang dibdib ko, di ko alam kung ano ang gagawin. Pinisil ko na lang ang mga palad niya, na ginantihan niya rin ng mga pisil. At naisip ko, kahit di ko siya masyadong kilala, lahat ng nalalaman ko base lang sa mga sabi-sabi ng masa’t mga kasama na kalimitan eksaherado, kahit pa, handa na kong mamatay para sa kasamang ito. Tumingin kami sa labas. Biglang bumaklas sa pagkakalingkis ang mga kamay namin. Kita namin mula sa bukas na bintana ang paparating na army jeep, may lamang mga nakatayong sundalo, may naka-ambang machine gun sa tuktok ng sasakyan. Sabay kaming bumunot ng 138

baril. Gumapang ako papunta sa likod ng bahay, dinakma ang backpack, tumalon sa bintana nagtatakbo pababa ng gulod habang isinusuot sa likod ang pack, hanggang sapitin ko ang malapad na batong nakanguso ang dulo sa malalim na parte ng rumaragasang ilog sa ibaba. Tatalon dapat ako sa bato nang maalala ko si Ka Alma. Napalingon ako sa pinanggalingan ko. Bumwelta ako ng takbo. Habang-daan, sinusundot ako ng kunsensya ko at ipinapaalala sa akin na kanina lang, handa akong ibuwis ang buhay ko para sa kanya. Pero heto ko’t naunang tumalilis, walang paki-alam sa kasamang babae pa man din, at malabo ang mga mata. Gumapang ako nang marating ang hangganan ng talahiban, at nakita ko siyang kinakapa ang lupa, hinahanap ang salaming nalaglag siguro mula sa mga mata. —Psst… ipit na sigaw ko. Tumingin siya sa direksyon ko. At may nakapa siya sa lupa, at isinuot ang salaming basag ang kaliwang mata. Payuko siyang nanakbo sa pinagtataguan kong talahiban. Nang malapit siya, hinawakan ko siya sa kamay at sabay kaming nanakbo papunta sa direksyon ng ilog, di na nakuhang mamilapil, at sinagasaan ang isang pitakang bagong tanim. Malapit na kami sa batong malapad nang makarinig ng mga ingay. Sumuot kami sa ilalim ng kawan ng mga ampalayang ligaw, nakiramdam. Mula sa pinagtataguan namin, nasilip namin ang kapirasong hawan sa labas ng kawan ng ampalayang ligaw, at nakita nang iluwa ng gubat ang isang grupo ng mga Rangers na nagpapatrulya sa mga kasukalan 139

sa gilid-gilid ng mga bundok. Maingay na nag-usap ang mga sundalo. May dalawang umihi sa may ampalayahan malapit sa amin. Naalala ko bigla ang sinapit ni Ka Jaron, at pinigilan ang sailing barilin ang mga putangina. Gusto kong magwala, pagbabarilin ang mga animal. Bagkus, niyakap ko si Ka Alma, dinama sa mga braso ko ang sasal ng hininga’t halimuyak ng kaba niya habang marahang nakapatong sa balikat ko ang ulo niyang natatakpan ng berdeng tubaw, binibilang ng mga tenga ko ang galaw ng hangin ng marahas pero tahimik na paghinga, at sinaklaw na ang isip ko ng samu’t saring usapin. At naisip ko ang dating niya sa masa. Siya na isang kolehiyalang nagsakripisyong iwan ang lunsod at sumapi sa hukbo para maglingkod sa masa. At inilagay ko ang sarili ko sa masang minumulat niya tungkol sa kung bakit kami naghihirap, kung bakit kami imposibleng yumaman, na wala kaming ibang kailangang tunguhin kundi ang pambansa demokratikong rebolusyon. At bilang masa, nabighani ako sa lambot ng sayaw ng boses niya sa hangin, isang libreng kapritso habang ipinapahinga ang pagal na katawan. At untiunti, hiniwa ng mga usapin ang isip ko, ginambala ang tahimik na yugyugan ng idolohiya’t praktikang pinipilit bigyang katwiran ng araw-araw na paghihimagsik. At bilang aktibistang kritikal, nakita ko rin kung paano ito gamitin ng kilusan sa ikasusulong ng digmaang-bayan, kung paanong kaming mga makikinis na estudyante ang laging nakaharap sa masa, kung paanong kaming mga lider-estudyanteng galing 140

sa syudad ang malimit nagpapaliwanag, nanghihingi, nagbibigay sa masa, kung paanong karamihan sa amin may nag-uumapaw na karisma sa tao, kung paanong aliw na aliw sa amin ang masa, tinuturing kaming parang mga anak, parang pagka-aliw ko kanina kay Ka Alma nang lumangoy ako mula sa paa ng masa at tingnan siya mula sa perspektiba sa labas. At kung paanong iba sa inaasahan ang nakita ko. At kahit anumang pilit na iwaksi sa isip ang mga usapin, ayaw akong tantanan ng mga imahe ng mga makikinis na kabataang galing sa syudad, alam lahat ng bagay, mahusay magsalita, malikhain sa mga pamamaraan ng pagpapaliwanag, kung paanong kinawiwilihan kami ng masa, at kinumpara ko ang imaheng ito sa grupo naman ng mga tulisang sundalong sweldado ng gubyerno, kung paanong mukhang kontrabida silang lahat, sa unang tingin di na pwedeng pagkatiwalaan, at sinubukan kong itabi ang tulisang sundalo sa kadreng gerilya na malinis ang gupit, ahit ang bigote’t balbas, alaga’t mabango ang hininga, malinis kahit luma ang suot, ang matikas na porma dala pangunahin ng higpit ng paniniwala sa mga adhikaing isinusulong. At wala akong makitang anumang punto para ikumpara ang dalawa dahil malinaw pa sa pelikulang Pilipino na dito sa kanayunan, mukhang bida ang mga NPA at mukhang kontrabida ang AFP. Dito sa kanayunan, pogi ang kodang tawag ng masa sa mga kasama at pangit naman ang sa mga sundalong bandido. Mula sa kanayunan ding ito, kanayunang sinumpaan kong gumampan ng rebolusyonaryong gawain, mula sa bukluran ng matatabil na dila ng 141

komunidad, napag-alaman ko ang masigasig niyang pagkilos, at alam kong binabakuran siya ng mga kasama’t masang malalapit sa teritoryong kinikilusan niya, at marami pang kwentong ibang panay kadudaduda kung totoo o hindi. Tahimik siyang umiyak. Di ko alam kung bakit para kong bangang binibiyak ng mga impit niyang hikbi. Wala akong magawa kundi marahang hagurin ng bahagya kong nanginginig na mga palad ang likod niya. Hinalikan ko siya sa labi, di ko alam kung gaano katagal. Ang natatandaan ko lang, tumigil ang paggalaw ng mundo mula sa kinalalagyan namin, at huminto ang lahat ng ingay sa paligid, pati ang walang-pahingang alingugngog ng agos ng tubig sa ilog, at naramadam ko ang iisang bagay lang, na pinagsasaluhan naming dalawa. Naramdaman ko ang tibok ng dibdib namin, habang pinagsasaluhan ang saglit na sandaling pagtigil ng pag-inog ng buhay at rebolusyon, saglit na pamamahinga sa idolohiya’t pagbibigay sa kapritso ng damdamin. Ilang saglit siyang humikbi matapos ang halik. Maya-maya, wala nang bakas ng mga napadaang sundalo. Dahan-dahan akong sumilip mula sa pinagtataguan. —Wala na sila, bulong ko. Di siya sumagot. Nakahawak pa rin sa braso ko. —May doobie ka ba? tanong niya. Di na ko nagulat sa tanong niya, sa halip parang nakahinga nang maluwang dahil alam ko nang di ko kailangang itago sa kanya ang relihiyon kong Marijuana. Dinukot ko sa bulsa ko ang dalawang higanteng joint na kaka-rolyo ko pa lang kaninang 142

umaga habang nagkakape. Walang kibong tinaggap niya ang mga ito at ibinulsa. Payuko kaming lumabas ng ampalayahan, malapit na kami sa hawan nang ihinga ng hangin sa direksyon namin ang kakaibang amoy, parang karneng naiwan sa araw at binulok ng langaw, uod, hangin at lupa. Nagkatinginan kami. Tahimik kong hinawan ang amplayahan, tungo sa pinagmumulan ng amoy, humakbang kami base sa dikta ng mga ilong. Muntik na akong matisod sa nakausling paang nilalangaw. Hinawan ko ang makapal na kawan ng ampalaya at tumambad sa amin ang bangkay ni Ka Edgar, naglalabasan ang mga uod sa mukha niya, kasinlalaki ng upos ng sigarilyo. Nakasapo sa kanang tagiliran niya ang isang palad, at may bakas ng tuyong dugo sa bahaging iyon ng damit. Napapatungan ng ga-kamaong bato ang isang pirasong papel na nakatiklop sa gitna, nakapatong di kalayuan sa kasamang habambuhay nang nakahimlay, nakatago sa masukal na amplayahan, di man lang makalabas pati amoy ng pagbalik niya sa kalinga ng lupa. Kinuha ko ang papel, nakitang sulat ito ni Ka Edgar para sa anak niyang si Maricar. Tiniklop ko ang liham at ibinulsa. Naisip kong siguro, gusto ito ni Ka Edgar, ang walang makakita sa kanya. Bigla kong naisip kung ano kaya ang iniisip niya sa mga huling sandali, habang nakikita niyang iniinom ng lupa ang mapula’t rebolusyonaryo niyang dugo. Namatay kaya siyang rebolusyonaryo sa isip? Ibinalik ko ang sukal ng ampalayahan, tinago ang bangkay, at payuko kaming lumabas ng ampalayahan, 143

nakiramdam, at nagtatakbo papuntang ilog. Nang marating ang batong malapad, magkahawak dapat kaming tatalon nang matigilan siya. —Di ako marunong lumangoy, sabi niya. Natigilan ako. Mula sa di kalayuan, narinig namin ang ingay ng tahulan ng mga aso. Isa lang ang ibig sabihin, may mga sundalo na sa pinanggalingan namin, malamang naka-amoy na sa pagtakas namin. —Yumakap ka sa akin, sabi ko, —sabay tayong tatalon. Wag kang bibitiw. Napatingin siya sa akin. —Poli, baka pareho tayong malunod, sabi niya. At naisip ko ang inasal ko kanina, ang pagliligtas sa sarili ko nang walang pakialam sa kapakanan niya, at heto siya ngayon at iniisip pa rin ang kapakanan ko. At sa di ko mawaring dahilan, musika sa tenga ko ang pagtawag niya ng pangalan ko nang walang Ka sa umpisa. —Kung mawawala ka, ayoko na rin, sabi ko. Yumakap siya sa akin, mariing pumikit. —Ready na ko, bulong niya. —Huwag kang magpapabigat, sabi ko. At magkayakap kaming tumalon mula sa batong malapad tungo sa rumaragasang ilog. Tinakpan ng ingay ng agos ang malakas na tiling sumabog mula sa bibig niyang nakatapat sa tenga ko. Hinigpitan ko ang yakap sa kanya, di ko binitiwan hanggang maramdaman ng katawan ko ang pagkumot sa amin ng malamig na tubig, at pag-init ng katawan kong nakadikit sa katawan niya. At sabay kaming sumikad paitaas.

144

Kapos sa pag-iingat Dapat nating malaman Na ang sandata ay isang bagay Na mahalaga sa digmaan Ngunit hindi ito ang bagay na mapagpasya Ang mga mamamayan hindi ang mga bagay Ang mapagpasya

—Tao ang Mahalaga

Wala si Inang Goring nang dumating siya. Pumutol siya ng kapiranggot na alambre mula sa dulo ng kalawanging sampayan sa loob ng bakuran at ito ang ginamit na panungkit sa padlock. Matapos ang ilang subok, kumalas sa loob ang kandado at nabuksan niya ang pinto. Pumasok siya sa bahay, isinara’t kinabig ang kapirasong kahoy sa may pinto na nagsasara rito mula sa loob. Napaupo siya sa sahig, sumandal sa pinto, at doon nanatiling walang imik sa loob ng ilang oras. Paulit-ulit na bumabalik sa isip niya ang pangyayari. Mahimbing ang tulog niya nang gisingin siya ng masa. —Kasama, bulong nito sa kanya, —may mga parating na kaaway. Kinapa niya ang baril sa ilalim ng unan niya. Wala siyang nakapa, napa-upo siya’t hinablot ang 145

unan, bumulagta sa kanya ang lumang banig. —Nasaan ang baril ko? tanong niya kay Tandang Mario. Di ito sumagot sa kanya. Lumabas ito ng kuwarto. Lumabas siya ng kulambo, tumayo’t lumabas ng silid, kasunod ni Ka Mario. Sa munting sala ng bahay, may isang magsasakang nakaupo sa sulihiyadong sofa, hinihingal na nakatingin sa kanya. —Magandang gabi, kasama, bati nito sa kanya. —Magandang gabi rin po sa inyo, sagot niya. —Ano po ang sadya ninyo’t napasugod kayo rito ng disoras? Ilang saglit na di sumagot ang panauhin. Gumagapang ang kilabot sa katawan niya. —Aba eh kasi ang anak nitong si Ka Mario, nahuli diyan sa tindahan sa may hulo. —Nahuli? tanong niya. —Aba eh nagpaputok daw ng baril nang magkalasingan silang magbabarkada. Naalala niya ang baril niyang nawawala. —Hayun at nahuli daw ng mga sundalo. Iniimbestigahan daw ngayon sa baraks. Napatingin siya kay Ka Mario. Nakayuko ito, iniiwasan ang tingin niya. Maya-maya, nagkahulan ang mga aso sa labas. At ang biglang pagbukas ng pinto, at pagtalon niya sa bintana, pananakbo sa pitakan. At ang sakit sa binti niya. Ang pagkaladkad sa kanya papasok sa kamalig. At ang panggagahasa. Makalipas ang mahigit dalawang oras, nagising siya sa pagmumuni-muni at dahan-dahang tumayo, nakaalalay ang mga kamay sa dingding. Kinapa 146

niya sa dingding ang switch ng ilaw at binuhusan ng sepiang liwanag ang palibot ng kabahayan. Naupo siya sa upuang kahoy sa sala ng bahay, dahan-dahan niyang hinubad ang pantalon, tumambad ang benda sa binti niya. Kinalas niya ang nakabilot na tela sa binti at ininspeksyon ang sugat. Alam niyang malalim ang sugat niya, sinasabi ito ng lakas ng kirot na tumatagos sa buo niyang katawan. Mula sa dala niyang pack, dinukot niya ang maliit na first-aid kit, tinatabi niya para sa mga pagkakataong tulad nito. Mula rin sa pack, kinuha niya ang isang mahabang gulok, pabaon sa kanya ng masa bago siya tumakas. Naalala niya ang joint na bigay sa kanya ni Ka Poli. Kaninang lalango-lango siyang tumayo matapos lapastanganin, nakita niya ang isang joint sa lupa, ibig sabihin, isa lang ang sinindihan ng mga gumahasa sa kanya. Pinulot niya ang joint at ibinulsa nang nakabihis na siya’t paalis na. At ngayon, sinindihan niya ang tangang joint at humitit nang malalim. Pinuno niya ng mabangong init ang buong hininga, at saka dahan-dahang ibinuga sa ilong ang nakaliliyong usok. Inulit niya ito ng ilang beses bago pinatay ang umuusok na joint. Gamit ang mga natutunan sa kolehiyo, inopera niya ang sarili. Inumpisahan niya sa bala. Gamit ang dulo ng gulok, dinukot niya sa ilalim ng punit na binti ang tinggang nakabaon. Di niya makapa ang bala. Binitiwan niya ang gulok, ipinasok ang hintuturo sa sugat at ginalugad ng daliri kung saan humantong ang bala ng kaaway. Matapos ang makailang pangangapa, natumbok niya ng daliri ang matigas na tingga na siyang sentro 147

ng sakit sa binti niyang baldado. Gamit ang gulok, nilaslas niya ang sariling binti at unti-unting sinungkit palabas ng laman ang yupi-yuping bala. Mabilis niyang tinahi ang sugat, di matuwid ang daan dahil sa panginginig ng mga daliri niya sa sakit. Pinitik niya sa sahig ang tingga, tumalbog ito palayo, papasok sa ilalim ng lumang aparador. Balang galing sa buwis ng mamamayan, ngayo’y bumalik sa mamamayan. Sinundan niya ito ng tingin. At nakatulog siya sa sahig. Makalipas ang isang oras, nagising siyang minumura ng sariling binti. Pinigil niya ang sigaw na gustong kumawala sa bibig niya. Nakita niya ang tirang joint sa sahig, sinindihan. Naghalungkat siya ng anti-biotic mula sa pack niya, nilunok nang tuyo ang dalawang tabletas. At humiga uli sa sahig, hinintay umepekto ang hinitit na damo. Maya-maya, naramdaman na niya ang tama ng narkotiko. Paika-ika siyang tumayo at pinatay ang ilaw. Binalot ng dilim ang buong kabahayan. Nahiga siya sa sahig, at marahang binalikan sa isip ang mga pangyayari. Dumating siya sa bahay ni Ka Mario bandang alas-diyes ng gabi, naki-usap na kung puwede siyang makitulog. Di tumanggi ang matanda. Pinaghanda pa nga siya ng hapunan. At naalala niya noong kumakain siya, ang paglapit ni Lando, ang binatilyong anak ni Ka Mario. —Ate Alma, pwede bang hiramin yang baril mo? tanong nito sa kanya. Natigil ang pagsubo niya. Mabilis siyang umiling. 148

—Sige na, pamimilit ng kausap. —Hindi pwede. Hindi akin ito, sa kilusan. Pinagbuwisan to ng buhay ng ibang mga kasama. Gumuhit ang maktol sa mukha ng binata. —Aanhin mo ba, tanong ko. —May tatakutin lang akong mayabang na gago diyan sa may tindahan. —Hindi pwede, sagot ko. At hinintay lang pala siyang makatulog. Pinasok siya sa silid ng pilyong binatilyo, at “hiniram” ang baril niya’t pinagmayabang sa mga kaibigan sa tambayan. At nagkalasingan. Nagpaputok. Nahuli ng mga CAFGU. Tinakot. —Saan galing yang baril mo? NPA ka, ano? —Hindi po! —Kaninong baril ito? Sumagot ka! sabay bayo ng puluhan ng 9mm sa pisngi ng binatilyo. Napaiyak. Pinakawalan ng bawat hikbi ang pagsisisi sa pagkakamaling nagawa. At dinala sa baraks, ginulpi at umamin. Lahat naman maaaring umamin, lalo na’t nasasaktan. At talagang nasaktan siya, ang binatilyong si Lando. Basag-basag daw ang mukha nito sabi ng masang nakakita, bago ito iposas ng mga sundalo sa haligi ng baraks nila. At ang pag-gising sa kanya, ang pagtalon niya sa bintana, ang habulan sa pitakan. Ang panggagahasa sa kanya sa loob ng kamalig. Ang pagliligtas sa kanya ng masa. At masa pang may malaki siyang atraso. Inubos niya ang joint at pumikit. Maya-maya pinamanhid ng ganja ang sakit ng sugat niya at ipinaghehele siya ulit sa malalim at 149

mahabang tulog. Todong pahingang umabot ng dalawang araw at dalawang gabi. Aabutin pa sana ng tatlong araw pero nagising siya nang may kumatok sa pinto. Kinapa niya sa dilim ang baril, iika-ikang sumilip sa bintana, sinino ang di-inaasahang panauhin. Kahit sa dilim, kilala niya kung sino ito. Binuksan niya ang pinto, matagal na tinitigan ang panauhin, bago nagsalita. —Magandang gabi, Ka Poli, bati niya. —Sabi ko na nga ba, nandito ka, sagot ng kasama. —Nasaan ang Inang Goring? maya-maya tanong ni Ka Poli. —Wala. Ako lang ang tao rito. Malamang nasa San Miguel ang inang, dumalaw sa mga kamag-anak niya roon. Parang nabanggit niya sa akin kamakailan lang na may balak siyang ganoon. Pinagtimpla siya ni Ka Poli ng kape. At habang hinihigop niya nang paunti-unti ang mainit na tasa, ikinuwento niya sa kasama ang nangyari sa kanya. Kung paano siya nahuli’t kung paano nakatakas. Hawak siya nito sa kamay habang nagsasalaysay siya. At paminsan-minsang hinahaplos ng hagod ang likod niya, lalo’t binabayo siya ng mga hikbi sa gitna ng mga pangungusap. Kundi dahil sa mga tengang iyon na nakinig sa litanya niya, malamang na nasiraan siya ng ulo. At humantong sila sa kuwarto, pinagsawaan ang katawan ng isa’t isa habang sabay na umiiyak at naglalabas ng mga galit, pag-ibig, prinsipyo at sama ng loob. Labag sa batas ng kilusan ang ginawa nila dahil 150

di naman sila magkarelasyon. Mas reaksyunaryo pa sa simbahang katoliko ang pananaw ng kilusan sa premarital sex. May katapat na kaparusahan ang ginawa nilang kapusukan. Iyon ay kung may ibang makakaalam. Bahala na, sabi niya sa sarili habang sinisiil siya ni Ka Poli ng halik sa leeg. Sa kauna-unahang pagkakataon, bumigay ang pundasyon ng Marxismo niya. At dahil lang ito sa tawag ng laman.

151

Rebolusyonaryong hustisya Iwagayway ang bandilang pula Ng armadong pakikibaka Ating iwagayway ang bandilang pula Tungo sa tagumpay Imperyalismo ay dudurugin Bayan ay lalaya rin

—Iwagayway ang Bandilang Pula

Anim kaming hukbong naatasang gumampan ng gawaing pagparusa kay Papa Red. Kaming dalawa ni Ka Jules at apat na kasamang hukbong galing pa sa ibang probinsya, pinadala dito ng kilusan para sa maselang gawaing ito. Kinailangan pang kumuha ng mandirigma mula sa ibang lugar sa simpleng dahilang wala ni isa sa aming gustong magparusa kay Papa Red na ama-amahan kung ituring ng lahat ng hukbo sa parteng ito ng larangan. Ako man, ayaw kong sumama, pero mapilit si Ka Jules at di na ko makatanggi. Alam kong ayaw niya rin at kailangan niya ako kaya niya ko pinipilit magprisinta. At napilit naman ako, kaya heto ko’t kasama sa paglalakad ng yunit sa gubat, tungo sa pusod nitong kubli sa tanaw at gambala ng kahit na sino sa kasalukuyan at sa darating pang sandaang taon. Kamatayan ang laging hatol ng Partido sa 152

kasong panggagahasa. Ayon sa salaysay ni Ka Luz, ang kasamang napangasawa ni Ka Jules, na anak ni Papa Red na siyang tumatayong kalihim ng sangay sa baryo, apat na taong gulang pa lang siya, ginagahasa na siya ng ama. Hanggang sa magdalaga siya. At hindi lang siya kundi pati na rin ang dalawang babaeng kapatid niyang sumunod sa kanya. Ang bunso nilang kasalukuyan ngayong pitong taong gulang, ang siyang paboritong galawin ngayon ng tatay nila. Nagkwento sa akin ni Ka Jules nang magpahinga kami sa ilalim ng malabay na puno malapit sa maburak na sapa. Habang naninigarilyo kami’t pinapahinga ang pagod na mga binti, parang walang damdaming kinwento niya sa akin ang mga pangyayari. Umiiyak si Ka Luz habang sinasabi sa kanyang buntis siya, pero di siya ang ama. At ang pagkagalit niya, at pagyugyog sa mga braso ni Ka Luz, pasigaw na inaalam kung sino ang nakasalisi sa kanya, at nabitiwan niya ang asawa nang tukuyin si Papa Red, isang beteranong kasamang kinikilala na niya ngayong tunay na ama mula nang ikasal sila ni Ka Luz. Tinuloy namin ang paglalakad. Pinangungunahan ni Ka Jules ang hanay, kasunod ako, kasunod ang tatlong kasamang kilala lang namin sa mga alyas, ang sumunod ang bihag na nakagapos ang mga kamay at hila-hila ang lubid na nakapulupot sa braso ng sinusundang kasama. At sa buntot ng hanay, matamang nakabantay ang isang kasamang di-palakibo na tulad ng tatlo, kilala lang din namin sa alyas. —Mga kasama, maawa na kayo sa akin, narinig naming sabi ni Papa Red. —Ka Jules, anak, patawarin mo na ko. Di namin pinansin ang mga paki-usap, nagpatuloy 153

kami sa paglalakad. —Mga kasama, buong buhay ko, inalay ko na sa kilusan, patawarin n’yo na ko, parang awa n’yo na, mga kasama. Ang hirap sa kalooban ko nitong gagawin namin. Mabuti na lang, naka-chongki ako bago kami maglakad. Pero kahit pa, parang di ko yata kayang di pansinin ang mga pagmamakaawa ng matanda. Para lang maituloy ang kapasyahang isakatuparan ang misyon, kinailangan kong isipin palagi ang kaso ni Papa Red, kung bakit ito kailangang parusahan, kung paanong kahiya-hiya sa pangalan ng Partido at ng mga organisasyong masa ang malamang may ganitong tinatagong kalansay ang isa sa mga inaakala nilang matatatag na liderato. —Parang-awa nyo na, mga kasama. Matanda na ko. Kung gusto n’yo, lalayo ako, di na ko babalik. Hindi na ko magpapakita. Sabihin n’yo sa mga kasama, pinatay n’yo ko. Parang awa nyo na, mga kasama. Tutal pinatuloy ko kayo sa pamamahay ko, pinakain ko kayo sa hapag ko, pinatulog sa bahay… Biglang pumihit si Ka Jules, mabilis na naglakad palapit sa bihag at dinumbol ito ng puluhan ng armalayt sa nguso. —Putanginamo manahimik ka! sigaw niya kay Papa Red. Sumargo ang dugo mula sa bibig ng matanda, habang pabagsak ito sa lupa. Napasapo sa bibig ang isang palad nito, habang ang isa itinukod pa-suporta sa katawan, habang nagpupumilit makatayo. Binayo ni Ka Jules ang siko ng matanda at bumagsak ulit ito sa lupa. —Dito na natin ito todasin, sabi niya, —pwede 154

na rito. Naglapitan ang mga kasama, paikot kaming pumwesto sa nakalupasay na bihag. May dinukot sa pack niya ang isang kasama, hinugot ang isang malit na palang de-tiklop, inilapag sa paanan ng bihag. —Maghukay ka na, sabi ng kasama. Marahang bumangon si Papa Red, dinampot ang pala, sinimulang maghukay. Gamit ang napulot na bato, gumuhit sa lupa ang isang kasama, tinantya ang laki ni Papa Red, at ang guhit na ito ang sinundan ng bihag sa paghuhukay ng sariling libingan. Umiiyak si Papa Red habang naghuhukay. Walang tigil ang paghingi nito ng tawad at pakikiusap sa amin. Samantala, bawat salita niya, nagpupuyos sa galit si Ka Jules, nagpipigil lang na bayuhin siya uilit ng baril sa bibig. —Parang awa n’yo na, mga kasama. Tusok ng pala, baon sa lupa, tapon sa gild. —Matagal na rin akong kumikilos. Marami na akong kasamang natulungan. Tusok ng pala, baon sa lupa, tapon sa gild. —Parang mga anak ko kung ituring ang mga kasama. Buong-buo ang puso ko sa pagsuporta sa kilusan. Tusok ng pala, baon sa lupa, tapon sa gild. —Intindihin n’yo naman ako, lalaki rin naman kayo ah. Mga anak… —Di mo ko anak, gago! sigaw ni Ka Jules, akmang babayuhin na naman ng armalayt ang bihag pero pinigilan ko. Maya-maya, tumigil sa pagmamaka-awa ang 155

bihag. Tanggap na niya ang bigat ng parusang naghihintay sa kanya. Makalipas ang mahigit isang oras, natapos din ang paghuhukay. —Pakisabi na lang sa mga anak ko, bulong niya, —mapatawad sana nila ko. Isa sa mga kasamang dayuhan ang nagboluntaryong gumawa ng aktwal na pagpatay sa bihag. —Akina yung kutsilyo, sabi nito, nakatingin kay Ka Jules. Umiling si Ka Jules. —Wala akong kutsilyo. —Sino ang may kutsilyo? tanong niya sa ibang mga kasama. Nagkatinginan kaming isa-isa. Sinasabi ng mga matang, wala kahit isang nakaalala sa aming magdala ng kutsilyong panaksak sa bihag. Dahil sa kalagayang may posisyon si Papa Red sa kilusan, napagpasyahang huwag nang gawing hayag ang parusang ipapataw. Missing-in-action na lang ang mangyayari sa nahatulang bihag. Hahayaan na lang ng kilusang mag-isip ang komunidad na marahil nahuli ng mga kaaway ang kanilang lider. Panibagong kaso ng decaparecido. Kaya pagkatapos saksakin, ibabaon sa lupa. At ngayon, nakapuwesto na ang bihag sa bukana ng hukay, handang tanggapin ang pamatay na tarak ng balaraw sa dibdib niya, rebolusyonaryong hustisya ng kanayunan. Pero wala nga ni isa sa amin ang may dalang kutsilyo. Isa sa mga kasama ang naghalungkat sa loob ng kanyang pack. Makalipas ang ilang minuto, hinugot nito mula sa isa sa mga bulsa ng pack niya ang isang 156

malaking nail-cutter. Hinila niya palabas ang maliit na lansetang matalim na nasa loob nito, ibinigay sa kasamang naka-pwesto sa harap ng bihag. Nagkatinginan kaming lahat, pati ang biktima. At bigla, walang sabi-sabing sinaksak ng kasama ang bihag sa dibdib. Napatingin kaming lahat sa untiunting kumalat na dugo sa kamiseta ng bihag. Siya man nakatingin din sa sariling dibdib na kasalukuyang ginigripuhan gamit ang isang maliit na lansetang parang di tumatagos sa loob ng balat niya. Inulit-ulit ng kasama ang pagsaksak. Di pa rin bumabagsak ang bihag. Hinugot nito sa tagiliran ang nakasukbit na 9mm at binaril ang bihag sa noo. Sumabog ang utak ng bihag at natilansikan ako sa bibig, pinahid ko sa manggas ng suot kong kamiseta. Bumagsak ang bihag.sa hukay. Walang salitaang tinabunan namin ang hukay, ibinalik ang lupang inalis mula sa pinagkunan, tinakpan ng mga baging ang mga bakas ng hukay sa ibabaw, hanggang sa wala na kaming makitang anumang bakas ng nangyari. Ilang sandali kaming nagpahinga, nagpalitan ng buga ng mga usok ng sigarilyo, habang hinahanda ang mga katawan sa mahabang paglalakad pabalik. —May balita na ba kay Ka Alma? tanong sa akin ni Ka Jules. Napakunot ang noo ko. —Bakit may nangyari ba kay Ka Alma? —Hindi raw nagpaparamdam sa ere, sabi ni Ka Luz. At naalala kong asawa niya nga pala si Ka Luz, ang tumatayong control sa radio network ng pulang larangan. Siguro nagkukuwentuhan ang mag-asawa 157

ng mga detalye ng kanya-kanyang trabaho. Sa pagkakataong ito, ipinagpasalamat ko ang kahinaan ng idolohiya nila. —Ano pa ang sabi ni Ka Luz? tanong ko. —Yun lang, ilang araw nang di niya mahagilap sa ere. Di rumaradyo. Pati si Ka Mon hinahanap na siya. Wala akong ka-alam-alam sa nangyari. Bigla akong kinabahan kay Ka Alma. Napapikit ako’t naisip na sana, saan man siya naroon, sana ligtas siya. Sana walang mangyaring masama sa kanya. Sana di siya nahuli ng mga kaaway. Sana buhay pa siya. Sa kalagitnaan ng biyahe, kumalas ako sa hanay. Nagpaalam ako kay Ka Jules, nagdahilang kailangan kong bumaba ng bayan, gumampan ng solong gawain. Taas ng kilay ang sinagot sa akin ng kasama, pero di ako pinigilan. Halos takbuhin ko pababa ang bundok, naghahabulan ang mga daga sa dibdib kong puno ng takot/pangamba. Habang daan, tuliro ang isip ko, di alam kung saan sisimulan ang paghahanap kay Ka Alma sa malawak na kabayanan.

158

Bagong Yugto II Nagugul’han pa ako ngayon Naghihintay na sila doon May panahong magduda at magtanong Ngayon ay panahon ng pagharap at pagsulong Pagtatanong ay huwag lubayan Tunggalian ay walang katapusan

—Awit ng Peti-burges

Pinatay ni Ala ang pihitan ng shower nang maramdamang namamanhid na ang buong katawan niya sa lamig. Ilang saglit muna siyang di kumilos, hinayaang gumapang sa katawan ang mga patak ng tubig na ilang araw din niyang di naramdaman sa balat niya. Nanatili siyang nakasandal sa malamig na sementong dingding, pikit ang mga mata, sarado ang pandinig sa ingay ng mundo. Ilang minuto ang lumipas at bigla siyang dumilat. Alam na niya ang gagawin. Kakaiba ang naramdaman niya nang biyakin ng masayang ngiti ang mukha niya. Sa tagal ng panahong di niya pag-ngiti, parang nakalimutan na niya kung gaano ito kagaan sa pakiramdam. Makalipas ang mahabang panahon sa dilim, parang sumisilay na ang liwanag. Aandap-andap sa umpisa, pero alam niyang iisa ang direksyong 159

tutunguhin nito. At kung nasaan ang liwanag, doon siya. Muli niyang ipinikit ang mata, mariin, malalim. Nakikita niya ang umuugoy-ugoy na bumbilyang nakasabit sa pamakuan ng kisame. Di niya kayang iwasan ang liwanag ng bumbilya, anumang diin ng pagkakapikit. At naririnig niya ang halakhakan ng mga putangina. Nilaliman niya pa lalo ang sisid ng mga mata sa ilalim ng mga balisang talukap. At nadarama na niya pati ang sakit ng binting binulok sa halip na pagalingin ng ilang taong pamamahinga. Pero ngayon sariwa ang sugat, damang-dama niya. At ang lasa ng putik sa pitakan, ang amoy ng tuyong damo, ang maiinit na hininga, ang mga dilang naglalaway, ang mga bastos na kamay ng mga tulisang sweldado ng gubyerno. Ang mga putanginang mangmang na inarmasan ng tarantadong gubyerno para apihin ang mamamayan at pahabain ang paghahari ng iilan. —Rumadyo ka na sa bayan! May bonus tayo nito! —Wag muna, nasisiraan ka na ba ng bait? Tikman muna natin. Di niya nakayanan ang bugso ng mga larawan sa isip. Kinapa niya ang bukasan ng shower at itinodo ito. Gusto niyang lunurin sa tubig ang untiunting gumagapang na lungkot/kilabot/takot sa nangangaligkig na niyang katawan. Damang-dama niya ang paggapang ng malamig na tubig sa balat niya, nililinis ang anumang madaanang bahid o ni anino ng dumi. 160

—Tama! Dalhin natin diyan sa kamalig, pagsawaan muna natin! Hehehe. Mga putanginang demonyong CAFGU, mga istambay sa baryo na biglang nagkaroon ng kapangyarihang manakot, manakit, mamaril ng kapwa. Mga bandidong sweldado ng bobong gubyerno ng bansang Pilipinas, wala nang ginawa kundi abusuhin ang labis-labis na kapangyarihang ipinagkaloob sa kanila. Naramdaman niya ang mga pisil ng maruruming kamay sa iba’t-ibang bahagi ng katawan niya, habang kaladkad siya ng tatlong bandidong hayok, mga lawit ang dila sa kalibugan. Pinagpasa-pasahan siyang parang manika, nilamas, dinilaan, dinaliri, sinupsop, kinantot sa lahat ng butas ng katawan. Parang nakikita niya ang sarili niya ngayon, walang anumang ekspresyon sa mukha, nakatitig sa bumbilyang umaandap-andap, umuugoy-ugoy mula sa pinagsasabitan nito, at ang malulutong na halakhakang bumabalot sa lahat. —Aha! sigaw ng isa, —Tingnan mo kung ano nakuha ko sa bulsa ng komunistang iyan. Hawak ng isang sundalo ang joint na bigay sa kanya ni Ka Poli. Iwinawagayway ito sa harap ng dalawang kasama. Ang isa, kasalukuyang nakapatong sa kanya, ang isa naman nasa likod nito, nakapila. At ang isa, patuloy sa paghahalungkat ng iba pang laman ng bulsa ng maong niyang duguan. Nang malimas ang mga bulsa, nilamukos nito ang pantalon at ibinalibag sa isang sulok, sabay nanood sa ginagawa ng kasama niyang umiindayog, at inilabas ang ari at puwersahang isinubo sa bibig niya, naglabas-masok, nagdikitan sa dila niya ang mga ali-aligasgas na mapanghe’t amoy 161

ihing natuyo, at ang isang nakapila, di na nakatiis pa, nakilamas na rin sa mga suso niya, nakisupsop, at maya-maya nadama niyang may titi sa lahat ng butas niya, punong puno siya ng titi, sa puke, puwet at bunganga, at ang lahat ng ito, habang walang kakurap-kurap siyang nakatitig sa umiinda-indayog na bumbilya. At sinapak siya ng isa sa magkabilang mata, at napapikit siya, at di na niya nakita. Pinatay niya ang shower nang maramdaman ang bahagyang pagkirot ng kaliwang hita niya. Hinilothilot niya ito ng mga palad, pinakalma ang giniginaw na laman, pinigil ang panginginig dulot ng ginaw at galit. At muli siyang pumikit. At ang mahabang patlang. Paglalakad sa dilim nang walang tiyak na patutunguhan. Hanggang mamulat siya sa marahang tapik sa kanyang mga pisngi. At ang una niyang napansin, ang amoy ng ganja na nakabimbin sa hanging tigil sa loob ng kamalig. Sa halos di maidilat na mga mata, nakilala niya si Amba Dencio, marahan siya nitong tinatapik sa pisngi. —Ka Alma, gising. Ka Alma, gumising ka. Ungol lang ang kaya niyang isagot. Iginala niya sa paligid ang halos pikit na mga mata. —Magbihis ka’t tumakas na, bulong sa kanya ni Amba Dencio. Akop na ang bahala dito. Pero di siya makakilos. Parang di na siya handang harapin ulit ang mundo pagkatapos ng impiyernong dinanas. —Tumakas ka na! sigaw ni Amba Dencio. Saka lang siya parang natauhan. Nakita niya sa sahig ang mga katawan ng tatlong sundalong 162

gumahasa sa kanya. May gatla sa leeg ang bawat isa. Di siya makatinag sa pagkakahiga. Mabigat na bakal ang biglang dumagan sa dibdib niya. —Magbihis ka na, Ka Alma, at tumakas ka na ngayon din, pangungulit ni Amba Dencio. —Paano kayo, tanong niya. —Hindi naman rumadyo itong mga tangang ito eh. Hindi alam ng mga kasamahan nila na nandito sila. Mga sabog pa sa marijuana. Kaya nga mabilis kong nailigpit. Mabilis siyang nagbihis, di ininda ang sakit ng katawan. —Ano gagawin n’yo sa mga bangkay? —Ako na ang bahala. May pinsan akong nagtatrabaho sa unibersidad sa Maynila. Sa laboratoryo, taga-laga ng mga bangkay na pinag-aaralan ng mga estudyanteng magdodoktor. Pagkakakitaan ko ang mga hinayupak na ire’t nang magkaroon naman sila ng silbi sa bayan. Kailangan ko ng pera’t nasa ospital ang anak ko. Tiningnan niya sa mata si Amba Dencio. —Kumusta po ang anak ninyo? —Hayun, medyo ligtas na. Pero baka baldado na ang kalahati ng katawan. Binabantayan ngayon ng kapatid kong nasa Maynila. Napatingin siya sa isang gawi ng kamalig, nakaparada roon at natatakpan ng lona ang motor ni Joseph. —Di na niya magagamit ang motor niya. Ibebenta ko na lang. Pagkakataon na para tanungin ang amba. —Saan po galing ang motor ni Joseph? —Binigyan siya ng pera ng ate niyang nasa 163

Hongkong, katulong sa ospital ng matatanda. Natigilan siya. —Di ko po alam na may isa pa kayong anak. —Kow, mahabang kuwento. Doon lumaki sa tiyahin niya sa Maynila ang panganay na anak kong iyon. Iyon ang sinundan ni Joseph. Inabot sa kanya ni Amba Dencio ang isang lumang sako. —Heto yung mga baril nila. Dalawang maigsi saka isang mahaba. —Salamat po, Amba Dencio. Di ko po madadala lahat iyan. Kukunin ko na lang po yung 9 mm ko na inagaw sa akin. Pakitabi na lang po iyang sako, ipagbibilin ko na lang sa mga kasama na daanan sa iyo. Pag malamig na ang kundisyon. —Pag malamig na ang kundisyon, ulit ni Amba Dencio, naniniyak. —Opo, sagot niya. —Mag-iingat ka, kasama. Di na siya makasagot, di na rin makatingin. Ilang hakbang na ang layo niya mula sa bahay ni Amba Dencio nang marinig niya ang sitsit sa likuran niya. Lumingon siya, alertong nakahimlay ang kamay sa puluhan ng baril na nakasuksok sa suot niyang pantalon. Patakbong sumusunod sa kanya ang amba. —Kasama, hintay. Sinalubong niya ang humhingal na matanda at inalam kung bakit. —Di ko naitanong sa iyo kanina. Ikaw ba’y may pera? Hetong konti, pamasahe. At hetong gulok, magagamit mo sa paggaygay sa gubat. Bantulot niyang tinanggap ang inalok ng masa. Ibinulsa niya ang pera at isiniksik sa duguang pack 164

ang gulok. Di niya napigilang dumulas sa mga pisngi ang mga luha, sa kagat ng kunsyensya at himaya ng pasasalamat. Ibinulsa niya ang pera at lumabas ng bahay, palinga-linga sa buong paligid. Tangan niya sa isang kamay ang saklay na gawa sa yantok, mabilisang ginawa ni Amba Dencio kanina lang para sa kanya. Muli, di niya ma-arok kung bakit ganito katalino ang uring pinaglilingkuran niya. —Mag-iingat ka. Ka Alma. Malikot ang kaaway ngayong mga panahong ito. Tango lang ang sagot niya. Wala na siyang lakas para magsalita’t ipahayag ang abot-langit na pasasalamat. Kailangan niyang magpahinga. At dinala siya ng mga talampakan niya papasok sa gubat, patawid ng mga ilog, hanggang sa bayan, sa tahanan ni Inang Goring. Bago kumatok, napansin niya ang kandado sa pinto. Wala ang Inang Goring, walang tao sa loob. Bago siya lumabas ng banyo, ginawa niya ang matagal na niyang di ginagawa. Tiningnan niya ang sarili sa salamin, nakita ang malaking pagbabago/ pagtanda ng hitsura niya. Di niya maalalang kilala niya ang babaeng nakatingin sa kanya. Di niya ito nakita sa kahit na anong larawan kahit kailan. Gusto niyang isipin na hindi siya ang nakikita niya. Ang totoo, kailangan niya lang ng pahinga. Ano ang solusyon sa pagod? Eh di pahinga. Kung napapagod ka, magpahinga ka. Pag hindi ka na pagod, saka mo ituloy ulit kung anuman ang ginagawa mo. At ngayon, makalipas ang tatlong taong pamamahinga, pakiramdam niya lalo siyang nawalan ng pahinga. Pakiwari niya, parang lalong nadagdagan ang mga pasanin niya sa buhay. At alam niya, na 165

walang kinalaman ang pilay niya sa binti, wala itong kinalaman sa pagbagsak ng kalusugan niya. At lalong walang kinalaman ang pagkasunog ng baga niya sa walang tigil na pag-inom ng alak mula umaga hanggang gabi. At wala ring kinalaman ang paghihiwalay nila ni Tony. Ang tanging bagay na responsible dito, walang iba kundi idolohiya. Muli siyang napangiti. Alam na niya ang gagawin niya. Inumpisahan niya sa salamin. Binuksan niya ito at tumambad sa kanya ang maraming mga malilit na plastik na boteng may iba’t ibang lamang kung anuanong mga gamot na ang tanging silbi, pampalimot ng sakit. Kinuha niya ang mga ito at itinapon lahat, pati mga lalagyan, sa nakangangang basurahan sa loob ng banyo. Nilimas niya ang laman ng medicine cabinet. Muli niyang nakita ang sarili nang isara niya ang medicine cabinet at pumwesto sa harap ng mukha niya ang salamin. Pero ngayon, nakita niyang may nagbago sa hitsura niya. Parang nabawasan ang mga gatla niya sa noo, umimpis ang umbok ng salubong niyang mga kilay, gumaang ang pakiramdam niya. Muli siyang napangiti sa sarili. Sumisipol-sipol siya nang magbihis. Isinuot niya ang luma niyang maong, tinamasa ang sarap sa pakiramdam ng hagod sa balat ng lumang telang kumorte na sa binti niya. Kinuha niya mula sa ilalim ng mga nakatiklop na damit sa tokador ang isang luma pero matalim na gulok. Nang hawakan niya ang puluhan nito, parang nakikita niya sa isip ang dalawang araw na ginamit niya ito sa paglikha ng landas sa masukal na gubat, 166

tungong liwanag at kalayaan. Sa kabila ng sakit ng bendadong binti, parang ulol na winasiwas niya ito. Kailangan niyang marating ang hangganan ng gubat. Naroon ang kaligtasan. Kailangang makalabas siya ng buhay sa gubat na ito. —Tama! nasabi niya ng malakas sa sarili. —Kailangan kong makalabas sa gubat na ito. Mula sa isa pang sulok ng aparador, hinugot niya ang isang lumang backpack, may malabong mantsa ng dugong natuyo. Niyakap niya ito, nilanghap ang amoy ng digma na hanggang ngayon, kahit nalabhan na’t ilang taon na sa loob ng aparador, sariwa pa rin ang magkakahalong amoy ng palay, lupa at pulbura sa binubuga nitong halimuyak. Mula sa bukas na aparador, kumuha siya ng ilang kamisetang madidilim ang kulay at mahahaba ang manggas. Pumili rin ng ilang lumang pantalon. Pinili niya ang mga nylon na madaling patuyuin. Tiniklop niya ang mga ito at isinilid sa backpack, lumabas ng silid. Iginala niya ang paningin sa buong kabahayan. Damang-dama niya ang lungkot na parang kantang isinisipol ng patay na hangin sa buong kabahayan, bumabalandra sa mga makinis at pinturadong dingding. Dati na itong malungkot, naisip niya. Kahit noong nagsasama pa sila ni Tony. At lalo na ngayong wala na si Tony. Dumoble/ triple ang lungkot na hinihinga ng mga dingding. Naisip niya, sana magtagumpay si Tony. Tutal, marami na rin naman siyang naisakripisyo para sa bayan. Sana, pagpalain siya ng kapalaran. Napangiti siya nang maalala ang pagpapaalam ni Tony isang gabing umuwi itong lasing na lasing, pero 167

gising at malalim ang andar ng utak. Tumabi ito sa kanya sa kama at buong magdamag silang nag-usap, bagay na matagal na nilang di ginagawa. Tandang-tanda niya bawat salita, bawat kuwit at hibik, sinok at linghap, talsik ng laway at salita. Iyon ang araw na nagpaalam sila sa isa’t-isa. Iyon ang sandaling inamin nila sa isa’t isa na may iba pa silang gusto, may iba pa silang hinahanap. Kung anuman, tutuklasin pa nila. Sa isang banda, naiinggit siya kay Tony. Kahit papaano, natutunan nitong umangkop, lumangoy sa sistemang umiiral sa labas ng kilusan. At gustonggusto na nitong mag-umpisa, lumaya sa kahong kinapipiitan. At nang mag-umaga, habang dahan-dahang nagpapaalam ang gabi, nang magkahawak-kamay nilang sinalubong ang pag-gising ng araw, kapwa naubusan na ng sasabihin sa isa’t-isa at kuntento na sa init ng katahimikang nag-uugnay sa kanila, sinabi sa kanya ni Tony ang desisyon nito. Nagresign na si Tony sa trabaho. Gagamitin niya ang konting perang natitirang naka-impok sa bangko, bilang panimulang panggugol sa papasuking panibagong buhay. —Saan ka pupunta? tanong niya. —Di ko pa alam eh. Baka sa Batanes, sa Bohol, o baka umuwi na lang ako sa amin sa Surigao at magaral ulit ng surfing. Siguro naman, malayo mararating ng fifty thousand. —One hundred thousand ang balance natin sa bangko. —Kalahati lang ang kukunin ko, kunin mo ang kalahati. 168

—Tony, halos sa iyo lahat iyon. Ikaw ang mas matagal nagtrabaho. Saka sa pupuntahan ko, di ko kailangan ang maraming pera. Nakapikit siya nang sa kahuli-hulihang pagkakataon, naghalikan sila sa labi. Habang nakapitikit, nag-alay siya ng maiksing panalangin na sana, saan man makarating si Tony, magtagumpay ito, mahanap ang matagal nang hinahanap, makamit ang matagal nang inaasam. Isa siyang mabuting tao. At minahal niya si Tony nang higit pa sa pagmamahal sa isang asawa o katipan. Minsan sa buhay niya, minahal niya ito bilang kasama sa mapagpalayang kilusan. Sa may pinto, saglit siyang natigilan, napatingin sa kanang binti. Naisip niya ang sakripisyong haharapin ng pilipit na laman sa gagawin nitong paglalakbay. Kaya kaya niyang magbiyahe? —Bakit, isang sakay lang naman ang Angat mula sa EDSA, ah. Kaya pa kaya niyang manimbang sa mga pilapil, gumaygay sa mga sapa, tumahak ng mga gubat. —Siguro naman, may paglalagyan ang babaeng pilay sa rebolusyonaryong kilusan. Di talaga maalis ang alinlangan. Sobrang hirap bigyang katwiran ang isang bagay na alam niyang gusto niya. Isa na namang tanong na kailangang resolbahin sa sarili. At alam niya, kahit naroon na siya, tuloy pa rin ang pagsibol ng pag-aalinlangan. Pero alam niya ring natural lang iyon, at dapat lang. Dahil hindi piknik ang digmaan. At saan ba mainam magresolba, magbura ng mga agam-agam sa isip, magbalangkas ng mga perspektiba’t mga plano. May iba pa ba? At ang napakalaking atraso niya sa masang nag169

iisang tumulong sa kanyang tumakas mula sa mga tulisang sundalo. At naisip niya ang masang kumupkop at nagmahal sa kanya, at ang walang tigil na pagsasamantala sa kanila ng naghaharing uri. At naniniwala siya, sa isang rebolusyong matapat na isinusulong ng mamamayan, laging may papel ang sinumang handang yumakap sa mga prinsipyong pinaninindigan nito. Totoo, maraming pagkakamali ang kilusan, pero walang tigil din naman itong nagwawasto. Sa lahat ng organisasyon sa buong bansa, o maging sa buong mundo, ang kilusang kilala niya ang may pinakamatapat at determinadong mga patakaran at disiplina sa malimit na pagpuna sa sariling pagkakamali’t walang katapusang pagwawasto ng mga ito. Huminga siya ng malalim at binuksan ang pinto. Nangilo siya sa ingit ng mga bisagra, pero nagaanyaya sa halip na nambibigo ang ingay ng pintong binuksan. Kipkip sa kanang kili-kili ang lumang saklay na yantok, walang lingon niyang nilisan ang tahanang panandaliang kumupkop sa kanya sa mga panahong nalilito siya’t nakalimot na tanging pambansa demokratikong rebolusyon lang ang huling himlayan ng isang kadreng tulad niya. Sa labas, napangiti siya. Nanibago siya sa pakiramdam ng tama ng araw sa balat niya. May mga pedicab na nakaabang sa labas ng gusali, sumesenyas sa kanya ang mga nagmamaneho nito kung gusto niyang sumakay. Umiling siya. Malapit lang naman ang EDSA mula sa kinatatayuan niya. At doon, may dumadaan nang bus papuntang Angat. Sa kanayunan kung saan sinusulat 170

ngayon ang kasaysayan. Sa sonang gerilya kung saan mapula ang langit at nagbabaga ang himagsik sa dugo ng bawat aping magbubukid

171

Bagong Yugto I Bangon sa pagkakabusabos Bangon alipin ng gutom Katarunga’y bulkang sasabog Sa huling paghuhukom

—Ang Internasyunal

Kanina pa siya palakad-lakad nang paikaika sa harap ko, walang tigil ang katok ng saklay niya sa kahoy na sahig. Alam kong nag-iisip siya, nagdadalawang-isip pa nga, sa gagawin namin. Di ako nagsalita, tahimik na pinanood ang pari’t parito niya sa sala. —Nagdadalawang-isip ka ba? tanong ko. Natigil siya sa harap ko, tumingin sa akin. Nabasa ko sa mga mata niya ang di niya kayang sabihin. Na naguguluhan pa rin siya, na di pa rin siya talaga resolbado sa gagawin naming pagluwas sa Maynila at pag-alis sa kilusan. —Kung gusto mo, ako na lang, sabi ko, —Maiwan ka dito. Di siya makasagot. Nagtitigan kami ng matagal. Kagabi pagdating ko, di na ako nagulat nang siya ang magbukas ng pinto. Malakas ang kutob kong dito ko siya matatagpuan. 172

Parang ganito rin, nagtitigan kami ng matagal. —Magandang gabi, Ka Poli, bati niya. —Sabi ko na nga ba, nandito ka, sagot ko. —Nasaan ang Inang Goring? —Wala. Ako lang ang tao rito. Malamang nasa San Miguel ang inang, dumalaw sa mga kamag-anak niya roon. Parang nabanggit niya sa akin kamakailan lang. Patlang. Mahabang mga patlang habang nagkakape kami’t nagpapahinga. Mahahabang patlang na nauwi sa hawakan ng kamay, yakapan, halikan, hanggang sa humantong kami sa kuwarto ni Inang Goring at pagsaluhan ang linamnam ng mga katawan namin. Noon ko napansin ang mga pasa niya. At gumapang ang tingin ko sa saklay na nakasandal sa dingding. —Napaano yang mga mata mo? Bakit ka may black-eye? Kanino yang saklay? —Nasuntok. —Nino? At kinuwento niya sa akin, ang paglapastangan sa kanya ng tatlong CAFGU. At kung paano siya niligtas ng masa. At kung paanong nakatulong din yung higanteng joint na bigay ko sa kanya noong huli naming pagkikita. Sabog ang mga animal kaya di nahirapan si Amba Dencio na gilitan ang leeg ng mga putang ina habang nagpipiyesta sa katawan niya. Isinalaysay niya lahat, habang tahimik na iniluluha, ang mga pasakit at pahirap na malamang ngayon lang niya naihihinga sa iba. Magdamag naming pinagsaluhan ang munting langit na katawan ng isa’t isa, ang rebolusyonaryong 173

libog na matagal kinimkim, at proletaryong laway mula sa mga naghihimagsik naming kalooban, habang pareho naming iniingatan ang katawan niyang tadtad ng pasa. Tapos naisip namin, napakasarap pagsaluhan ng mga pagkakataong tulad nito, panandaliang sangktuwaryo sa puspusang pakikibaka. Di man namin agad inamin sa isa’t isa, gusto namin itong gawin nang paulit-ulit, sa anumang oras na gusto namin. At di lang dahil sa damdaming nararamdaman namin sa isa’t-isa, kundi kung para man lang maipahinga ang pagal na isip at katawan na walang humpay na gumigiling/pumapalo sa marahan ngunit masigasig at tuloy-tuloy na andar ng makinarya ng rebolusyon. Sabay naming sinalubong ang pagsikat ng araw, di makakilos ang mga ngalay na katawang magdamag nakipagpalitan ng lakas at libog sa isa’t-isa. —Gusto ko nang maglaylo, sabi niya sa akin. Di ako nabigla sa sinabi niya, parang inaasahan ko na ito. Kahapon ko pa napapansin sa matamlay niyang kilos na bagsak ang moral niya at walang lagablab ng rebolusyon sa malamlam niyang titig. Pasalampak siyang umupo sa tabi ko, pabagsak na inilapag sa sahig ang tangang saklay, bumuntonghiniga nang malalim, ipinikit ang mga mata. At saka ko lang nakita ang matagal-tagal na rin niyang tinatago. Tulad ko, siya man pagod na rin. —Ako din, sagot ko. Napansin ko ang pagkabigla niya. Akala niya siguro, bilang isang tunay na kasama sa rebolusyon, patataasin ko ang bulagsak niyang moral, patatabain ko ang namamayat niyang idolohiya, palalakasin ko 174

ng pulitika ang pagod niyang katawan. Dahil isa akong kasama. At ang isang tunay na kasama sa digmaan, di pahihintulutang panghinaan ng loob ang mga kapwa niya rebolusyonaryo. Batas na ito ng MarxismoLeninismo-Kaisipang Mao Zedong. Pero ang problema, ako man pagod na rin. Ako man, nalilito at bagsak ang moral. Nahihirapan nang pagaanin ng pulitika ang mga pisikal na dinaramdam ko sa katawan kong tatlong taon ding walang pahinga sa pagsasapraktika ng prinsipyong: Simpleng Pamumuhay, Puspusang Pakikibaka. Nadarama ko na ang hapdi ng mga sugat ko sa paang nakakulob sa init ng luma kong sapatos na de goma. Nadarama ko na ang sakit ng mga singit kong tadtad ng buni. Nadarama ko na ang kati ng bumbunan kong pinuputakte ng makapal at mamasamasang balakubak. Nadarama ko na ang lahat ng hirap at sakripisyo. —Kung maglalaylo ka, sasama ko, sabi ko sa kanya. Tumingin siya sa akin, malakas ang pag-agos ng luha mula sa mga mata niya. Niyakap niya ko ng mahigpit. —Bahala na, bulong niya, —Magkasama naman tayo eh. Di ko na rin napigil ang pag-iyak. Naisip kong matapos ang tatlong taon sa kanayunan, parang walang ka-abug-abog na bigla ko na lang iiwanan ang rebolusyon, parang kamisetang maruming huhubarin at itatambak sa isang sulok. Pakiramdam ko, di ako naging tunay na rebolusyonaryo kahit kailan. Hinalikan ko siya sa labi. At ginawa namin ulit ang paulit-ulit naming ginawa kagabi, habang 175

sabay kaming lumuluha. Mga utak namin, parehong nilalagari ng pag-aalinlangan. At matapos ang mahabang palitan ng laway at lakas, di na namin kailangan pang pag-usapan. Di man sabihin, pareho naming alam na gusto na naming bumaba, makipagsapalaran sa loob ng sistema, mabuhay ng tahimik at mapayapa, lumikha ng sarili naming mundo na pwede naming pagsaluhan sa lahat ng oras, sa lahat ng araw, sa mga nalalabi pang mga taon ng buhay namin. —Aayusin ko lang mga gamit ko, sambit niya. Noon ko naisip ang isang dapat kong gawin bago umalis. Bilang pasasalamat sa masang kumupkop sa akin, gagawin ko ang matagal na nilang request sa kilusan, na matagal na rin naming iniisnab. —Aalis muna ko, sabi ko, —May kailangan lang akong asikasuhin bago umalis. —Saan ka pupunta, kailan ka babalik? —Sa Binagbag. Sandali lang ako. —Bakit? tanong niya. Nabasa ko ang alinlangan sa mga mata niya. —Basta, maliit na bagay lang, naipangako ko sa isang kaibigan. Di na siya nagsalita, di na nagtanong. Itinuloy niya ang pag-eempake. Nagbihis ako’t lumabas ng bahay. Ni hindi siya nag-angat ng tingin, nanatiling nakatungo sa mga damit na isa-isang tinitiklop. Sumakay ako ng traysikel sa labasan. Habang daan, pasasal nang pasasal ang kabog ng punyetang daga sa loob ko. Nagsisi ako’t di ako nakapagbaon ng weed. Pinara ko ang sasakyan ilang kabahayan ang layo mula sa pupuntahan. Itutuloy ko ng mahahapdi kong mga talampakan ang natitirang distansya. Sa 176

isang liko pa, kita ko na ang bahay ni Kardo. Sobrang bilis ng pulso ko, halos di ko na ito maramdaman. Dinukot ko ang baril sa pantalon ko nang pumasok ako sa bakuran. Nilinga-linga ko muna ang paligid, paniniyak na walang nakapansin sa pagpasok ko sa bakuran. Niroska ko ang silencer ng baril, tinanggal ang safe at ikinasa bago kumatok sa pinto. —Sino yan? tanong mula sa loob. —Si Poli, sagot ko. Bumukas ang pinto at tumambad sa akin ang butuhang mukha ni Kardo, kilalang distributor ng shabu sa bahaging ito ng Angat. Napalis ang ngiti niya sa mukha nang mapansin ang tangan kong baril. Nakita ko sa galaw ng nakausli niyang lalamunan ang biglaan niyang paglunok ng tuyong laway. Tinutok ko ang baril sa mukha niyang tulala, pumatong ang hintuturo ko sa gatilyo. —Kasama, maawa ka sa akin. Maraming umaasa sa akin. Pumasada sa utak ko ang lahat ng reklamo ng masa hinggil sa putang inang drug dealer na ito. Muli kong narinig ang mga hagulgol ng mga ina sa balikat ko habang sinasalaysay ang kinahinatnan ng mga anak-anak nilang nalulong sa droga at karamihan nagtatrabaho ngayon bilang mga delivery boy/runner ni Kardo. At naisip kong kung papatayin ko siya, malaking bagay sa masa, pwede nang kabayaran sa napipinto kong pamamaalam sa paglilingkod sa sambayanan. Kung hihintayin kong umaksyon ang Partido, baka maging adik na ang lahat ng kabataan sa parteng ito ng Angat. Kaya ang pagpunta ko rito, sarili kong desisyon, walang basbas ng kilusan. Naisip ko, tutal 177

naman paalis na ko, parusahan ko muna itong salot ng lipunang ito. Siguro naman, mapapalampas ng Partido ang kapusukan kong ito. Kinalabit ko ng dalawang beses ang gatilyo. Una sa dibdib, para sigurado, tapos sa noo. Napaatras siya papasok ng bahay, halos walang ingay na lumagapak sa sahig ang pagbagsak ng patpatin niyang katawan. Luminga-linga ako sa paligid, tiniyak kung may nakapansin sa ginawa ko. Nakalutang sa hangin ang nakasusulasok na amoy ng pulbura. Mabilis kong tinanggal ang silencer, binulsa ang kapirasong tanso at isinuksok patago sa pantalon ang mainit-init na baril. Mission accomplished, naisip ko. Mabilis akong lumabas ng bakuran at naglakad palayo sa pinangyarihan ng krimen. Pinara ko ang paparating na traysikel. Habang daan, pagaan nang pagaan ang pakiramdam ko, unti-unting nawawala ang kaba sa dibdib. Hanggang sa maging parang ala-ala na lang ito nang bumaba ako ilang bahay mula kina Inang Goring. Pagpasok ko ng bakuran, dumungaw si Ka Alma sa bukas na bintana, nagtama ang mga mata namin. Lumukso ang puso ko sa tuwa. Halos magtatakbo ako papasok sa loob ng bahay para yakapin siya nang mahigpit. Natigilan lang ako nang mapansing naka-upo sa sala si Inang Goring, kararating lang mula sa isang linggong pagbisita sa mga nalalabing kamag-anak nito sa San Miguel. —Tuloy ka, Ka Poli, aya sa kanya ng masa. Lumapit siya sa matanda, inabot ang kamay nito at nagmano. —Kanina pa kami nagkukuwentuhan nitong si Ka Alma. Ang sabi niya’y darating ka nga raw. Kagabi 178

pa nga raw kayo narito. Mabuti’t madaling sungkitin ang kandado ng luma kong bahay. Tumingin ako kay Ka Alma, gumapang ang tingin ko sa sahig, nakalapag sa may paanan niya ang backpack naming dalawa. Habang wala ako, inempake na niya ang pati kakarampot kong gamit. —Parang may nararamdaman akong kakaiba sa inyong dalawa, biglang sambit ni Inang Goring. Nagkatinginan ulit kami ni Ka Alma. Nagpalipatlipat ang tingin ni Inang Goring sa akin at sa kanya. Nagsalita siya. —Inang, magpapaalam na po kami sa kilusan, sabi niya sa matanda. Tahimik lang si Inang Goring. Tumingin ito sa labas ng bukas na bintana. —Iiwan namin sa inyo ang mga baril namin at mga radyo, sabi ko sa matanda. At sulat po ni Ka Edgar sa anak niya. Pakibigay na lang po kay Ka Mon kapag nagawi siya dito. Matagal na di tumitinag si Inang Goring, parang walang narinig. —Kung diyan kayo sasaya, garalgal ang boses na nasambit ng matanda. Marahan kong inilapag sa mesa ang 9 mm na naka-isyu sa akin, at radyo. Sumunod si Ka Alma. Bukod sa armas, maingat niyang pinatong ang sulat ni Ka Edgar sa anak niya. Matapos ang mala-ritwal na pangyayaring ito, sinenyasan ko siya, tara na, sabi ng mga kilay ko. Pero bantulot siya, parang may gusto pang sabihin sa matanda. —Inang, may ipagtatapat po ako sa inyo, wag po kayong mabibigla. 179

Nakatingin sa mata niya si Inang Goring, naghihintay sa sasabihin niya. —Patay na po ang anak ninyong si Rading, mahinang sambit niya, —ang kilusan po ang pumatay sa anak ninyo, inang. Di po maiwasan, naging ahente po ng kaaway ang anak ninyo. Napaiyak siya. Nabasa ko ang pagsisisi sa mata niya, na sana di na lang niya sinabi. Napakalaking konsuwelo na ng matanda ang isiping isang magiting na pulang mandirigma ang kanyang si Rading. Nagulat kami nang biglang magsalita si Inang Goring. —Lumayas kayo sa pamamahay ko, ngayon din! Mga animal. Gusto nyo lang maglaylo, pati mabuting pangalan ng kilusan, pati pangalan ng anak ko, sisirain nyo pa! Tanginang mga anak-mayaman ng siyudad, di kayo kailangan dito! Alis! Alis! Layas! Humihingal si Inang Goring, nanginginig ang boses sa galit. —Mga putangina n’yo! Isusumbong ko kayong dalawa kay Ka Mon! Lumayas kayo sa pamamahay ko! Ngayon na kundi tatawag ako ng mga pulis at ipapahuli ko kayong dalawa! Nagkatinginan kami, at sabay tumayo. Binitbit ko ang dalawang pack at inalalayan ko siya sa paglakad palabas. Pinara ko ang isang nagdaraang traysikel. —Kuya, sabi ko sa drayber, —sa terminal ng bus, paluwas ng Maynila. Tahimik kami habang daan. Di na kailangang magsalita. Di na kailangang sabihin ang mga alinlangan dahil nilalarawan na ang mga ito ng bawat pisil at haplos ng mga daliri ng magkalingkis naming mga palad. Pag-ibig kapalit ng pulitika. 180

Binasa ko ng malakas ang humihiyaw na signboard sa salamin sa harap ng nakahimpil na bus sa terminal. Nanibago ko sa karanasan, parang di ko ito araw-araw ginagawa dati.

CUBAO Bago sumakay ng bus, hinawakan niya ko sa braso, inilapit ang mukha niya sa mukha ko, at bumulong. —Mula ngayon, wag mo na kong tatawaging Ka Alma. Ako si Ala. Saglit akong napa-isip bago nakasagot. At napangiti ako. —Mula ngayon, huwag mo na rin akong tatawang Ka Poli. Pinisil ko ang mga palad niya. —Ako si Tony, dagdag ko. Taglay ang lahat ng inip at pananabik, tuwa at pag-aalinlangan, takot at lakas ng loob, sumakay kami sa bus at sinimulan ang mahabang paglalakbay pauwi.

181

Magkakaroon ng rebolusyon, simulan ko na kaya ngayon. —Dong Abay

182

WASAK

183

ANG MAY-AKDA Ako po si Norman Wilwayco, kwentista, nakatira sa Quezon City. Tulad ng karamihan ng Pilipino, pangarap kong magkaroon ng sariling bahay at lupa dito sa sarili kong bansa. Sa nagbasa ng librong ito, salamat sa oras mo. Sana nasiyahan ka sa kuwento.

184

Kung gusto mo ng librong ito, maaari kang bumili ng kopya sa www.bookay.multiply.com.

View more...

Comments

Copyright ©2017 KUPDF Inc.
SUPPORT KUPDF