Nando
January 25, 2017 | Author: RannyGee | Category: N/A
Short Description
Isang maikling kwento. Nanalo ito sa Palanca....
Description
Nando Hindi mapigilan ni Nando ang ‘pag paroo’t parito sa pasilyo ng ospital. Parang sinusukat ang sahig gamit ang kanyang mga hakbang. Habang si Karen naman ay patuloy din ang pag-ire at pagsigaw para mailuwal ang kanilang unang supling. Lumilipas ang pagpatak ng mga segundo at nagpatuloy sa pagsusukat si Nando, at si Karen naman ay sa pag-ire— sa pagsigaw. *** “Aaaaaaaaaahhhhhh!” Sigaw ni Nando sa kalaliman ng gabi. Sa lakas ng pagsigaw niya, malamang ay narinig na siya ng kanilang mga kapitbahay. Tiyak, siya na naman ang paksa sa inuman ng magkakatropa bukas. “Bakit mo kinagat?” pinipilit kalamayin ni Nando ang kanyang loob habang hinihimas ng kanyang asawa ang kanyang ari. Hindi ito ang unang pagkakataon na sumigaw si Nando sa ganitong alanganing bahagi ng gabi at hindi na rin bago ang pagkagigil ni Karen sa pagkalalaki ng kanyang asawa. Nung una, buong akala ni Nando ay normal lang na dumalas ang pagkain ng kanyang asawa sa kanyang ari dahil sa pagdadalantao nito. Baka gusto lang niya punan ang pagkukulang niya at responsibilidad sa kama at siguro may pangangailangan din siya, ito ang mga naglalaro sa isip ni Nando sa mga panahong nahihimasmasan na siya sa pagsigaw. Baka nga naman makaapekto pa sa kanilang magiging anak kung magtatalik pa sila, pahabol pa ng kaniyang isip. Normal naman kung paano dinidilaan ni Karen ang punong ulo ng ari ng asawa pababa sa katawan hanggang sa pagitan ng itlog papunta sa may butas ng puwet at pabalik at pahimpil muli sa kanyang dalawang itlog. Normal din naman kung paano niya lawayan ang lahat ng rutang daraan ng kanyang dila. Normal din kung gamitin niya ang kanyang mga kamay para himasin ito hanggang sa salsalin niya habang dinidilaan. At normal din kung paano niya lunukin ang lahat ng lalabas na katas mula dito. Pero ang i-baby talk ito, kwentuhan ng pagdurusa ng prinsesang bihag
ng kalungkutan sa malamig na tore at ang ipaghele pa bago matulog— ay mukhang kalabisan na yata sa pagiging normal. Walang magawa si Nando kundi pagbigyan ang kanyang asawa sa mga ganitong pagkakataon. Iniisip niya na lamang na ang lahat ng ito ay para rin naman sa magiging anak nila. Nagsalpukan ang tinidor at babasaging platito nang hatiin ni Mang Nestor ang pinupulutang longganisa. Na sumakto naman sa pagdaan ni Nando sa umpukan ng tropa. “Pare, shot muna!” alok kay Nando ni Mang Felipe habang kinakagat ang nahating longganisa. Nagpipigil ng tawa ang magkakatropa. “Hindi na muna pare, sa uulitin na lang.” Tumalikod na si Nando at naglakad palayo. Bago pa siya makatawid, narinig niya ang mga insulto ng mga kapwa niya barako. “ARAY KO!” Sabi nung isa. “Bakit mo kinagat?” sabi naman nung isa pa sabay kain sa kalahating longganisa, at nagsitawanan silang lahat. Magkakamukha ang bawat umaga ni Nando, gigising sa umaga, tatanggalin sa bibig o sa kamay ng asawa ang kanyang ari, maliligo, kakain ng almusal at papasok sa trabaho. Yung mga kantyawan na kagaya nito ay okasyunal lang tuwing may pambihirang sigaw siya sa alanganing bahagi ng gabi. Nasa ikatlong buwan na si Karen sa kanyang pagbubuntis sa kanilang unang supling at mas dumadalas na ang pagsulyap nito sa salamin. Pipisilin nito ang kanyang pisngi. Ang dumodobleng baba hanggang sa nawawalang leeg at sa dibdib. Itataas niya ang mga braso at sisipatin ang kanyang kilikili. Aamuyin at kakalikutin, alanganing may hinahanap na kung ano at alanganing nilalaro ang sarili. Titingin siya sa asawang si Nando gamit ang mga matang nangungusap. Tila nagtatanong: maganda pa rin naman ako di’ ba? Mukha pa rin naman akong bente otso di’ba? At iba pang tanong na naniniguro at nagtatapos sa di’ba. Sa mga ganitong tingin na nagsisimula ang mga maiinit na tagpo. Walang pasintabi kung nasaan si Nando. Sa kusina, habang nagluluto ng hapunan, sa sala habang nagbabasa ng tabloid o sa kubeta habang tumatae. Minsang umiinom si Nando sa hapag ng mga magkakatropa. Nilabas siya ng asawa at sinabing tumatawag yung boss niya sa cellphone. Nagmamadaling nagpaalam si Nando sa tropa
na nagpaabot naman ng ngiti. Pagkasara ng kanilang pinto, kumawala ang isang malakas na sigaw. At kumampay ang magkakatropa. Walang kahit na sino ang nakakita kung paano lumuha ang prinsesa Walang kahit na sino ang may kayang patahanin ang prinsesa Dahil nga, wala namang nakakikita sa pagluha ng prinsesa Dahil, walang makakikita sa prinsesa Siya’y nasa mataas na toreng walang bintana Walang anino ‘pagkat walang liwanag May hari at walang reyna May hari at walang reyna *** Alam niya anumang oras ay bigla na lang magtetext ang kanyang misis ng: “Nandz, bili mo ako ng manggang hilaw, yung may bagoong” o kaya durian, dragonfruit, makopa o barbecue, kasoy at brazo de mercedez. Kaya medyo takot siyang gumastos nang gumastos. Tiyak na mauubos ang kanilang ipon para sa araw ng panganganak ng kanyang asawa. Pero kung para naman sa paglilihi, bakit hindi? Pero lumipas pa ang dalawang buwan, wala pa ring text na natatanggap si Nando tungkol sa kung ano ang gustong mapaglihian ng kanyang misis. Siya na lang ang walang maibida sa umpukan ng magkakatropa. Yung kay Mang Nestor, sa tustadong bahagi ng barbeque. Kaya kinakantyawan siya na baka magmukhang negrito ang kanyang anak. Mansanas naman yung sa asawa ni Mang Felipe. “Tang ‘na! Imported ang paglilihi ng misis mo a! Baka imported din ang nakabuntis!” Hagalpakan ang kasunod ng mga kantyawan. Buti na lang at sa umpisang bahagi ng inuman ang kantyawan, kaya wala pang mga tama at hindi pa magkakatamaan. Nakasagot na ang lahat ng ama sa magtotropa at si Nando ay naiwan lang na nakatingin sa skinless na longganisa. Napaisip siya—hindi naman siguro. Minsan sinubukan niyang bumili ng manggang hilaw na may kasamang bagoong. Naisip niya, baka nahihiya lang magpabili ang kanyang asawa dahil sa kakarampot niyang kita. Pero nang umuwi siya at malambing na iniabot ang pasalubong niya e ibinato lang ito sa kanyang pagmumukha at sabay sabing: “may babae ka noh?!” Bukol ang inabot ng kanyang ulo at mantsa
naman ng bagoong ang sa kanyang uniporme. Pero nagpapasalamat pa rin siya at hindi durian ang nabili niya. Gabi-gabi kung isubo ni Karen ang pag-aari ng asawa niya. Dila-subo-lunok-kanta-kwento-hele. Takot man si Nandong isipin at tanggapin, pero mukhang sa kanyang pagkalalake naglilihi ang kanyang misis. Bago matulog si Karen ay isusubo niya muna ang ari ng kanyang asawa. At ‘pag nagpakawala na ito ng katas, agad niya itong sisipsipin. Sa pagkaubos nito ay kasabay ring mauubos ang lakas ng sandata ng asawa niya. Dito na magsisimulang masahihin ni Karen ang mga natutulog na kalamnan ng asawa. Kung mabuhay ay may round 2, kung hindi ay tsaka niya sisimulan ang kuwento ng malungkot na prinsesa. Sa sobrang epektibo ng hele at oyayi ni Karen, kasabay na nakatutulog ang kanyang asawa. Kung siya ang nagpatulog sa kanyang asawa, siya rin lang ang may karapatang gumising dito. May mahika ang kanyang dila at bibig para ihatid sa rurok ng sensasyon ang kanyang asawa. ‘Wag lamang manggigil, dahil tiyak na sisigaw na naman ang kanyang mister sa kalagitnaan ng madaling araw. Walang araw at gabi para sa prinsesa Walang pagdilat at pagikit Walang bahaghari at tala O gasera O kandila Sumisigaw ang prinsesa Paulit-ulit na tama na Gusto niyang tawagin ang reyna Pero wala na ang kanyang ina Naroon ang hari Naroon ang hari *** Hindi malaman ni Nando kung problema nga bang maituturing itong pinagdadaanan niya. Ang alam niya, siya lang ang unang nobyo ng kanyang asawa. Kaya hindi niya malaman kung saan ito natutong magpaligaya sa kama. Hindi lang din siguro siya sanay na gabi-gabing nakapasak ang kanyang ari sa bibig ng kanyang asawa. Nasasarapan naman siya pero—napapagod lang siguro. Hindi maiwasang mainggit ni Nando sa mga sausage na isinasalansan niya sa mga lata sa
pabrikang pinagtatrabahuhan niya. Pakiramdam niya, kumpara sa kanyang alaga e, mas higit na malaya ang mga ito. Inihahatid ito ng mga makina sa kanyang harapan at saka niya inilalagay sa loob ng lata at saka pupunta sa susunod na yugto ng pagpoproseso. Tapos ihahatid na sa mga grocery at palengke. Bibilhin at kakainin. Tapos na. Isahang paghihirap lang. Wala nang tsetse buretse pang kesyo kukuwentuhan at ihehele pa. Sinubukan niyang ikuwento sa mga katrabaho niya sa pabrika at sa mga kainumang katropa niya, pero malaki ang takot niya na baka tawanan at kantyawan lang siya. Hanggang sa hinatid siya sa palengke ng kanyang pag-iisip. “Magkano po dito sa talong?” Nawiwirduhan ang ale sa kanya. Nariyan kasing sukatin niya ang haba nito. Itatatapat niya sa may kanyang ari at saka tatantyahin kung alin ang pinakaakma sa sukat ng sa kanya. Sinusundan ng ale ang lahat ng kilos ni Nando, hindi malaman kung maiinis o matatawa. Kasabay ng isang malalim na buntong hininga, sa wakas nakapili na rin si Nando: “Pabili nga po nitong isa.” Bumusangot ang ale at iniabot ang sukli ng kanyang isandaan. Hawak niya ang isang piraso ng talong sa kanyang pag-uwi. Naisip niya, ano bang meron sa alaga niya na wala ang talong? Pareho itong mahaba at mataba. Ano bang malay niya sa lasa? naisip niya. “Pero atleast ito ‘pag kinagat niya, pwede niyang lunukin.” Magaan ang loob niya nang pumasok sa pinto. Dinatnan niyang nanonood ng TV si Karen. Hindi matago ni Nando ang kanyang ngiti sa pagbungad pa lang niya sa kanyang asawa. “May surprise ako sa’yo” Lumapit siya at pumunta sa likuran ng asawa. Wala namang kibo si Karen at nakatutok pa rin sa kanyang pinapanood. Inilabas ni Nando ang talong mula sa kanyang likod at itinapat sa may mukha ng kanyang misis. Kinuha nito ang talong at tumayo sa harapan ni Nando. “Salamat a!” sabay ngudngod ng talong sa bibig nito. “Kung ayaw mo ipagamit ‘yang iyo, edi ‘wag!” Umiiyak itong pumasok sa kwarto at pinakalabog ang pinto. Katahimikan. At binasag lang ng patalastas ni Aljur ang tagpo — hotdog na may tuna. ‘Pag ganito ang tagpo, automatic na yun. Ibig sabihin, sa sala na siya matutulog. Malungkot pero parang nangibabaw yung kapanatagan sa puso ni Nando, sa wakas sa loob ng mahabang
panahon, maipapahinga na rin niya ang kanyang alaga. Ilang buwan na rin siyang nagigising na nanghihina dahil sa panggabing aktibidad ng kanyang asawa. Ngayon niya lang napuna na marami pala itong maliliit na sugat. Nakatulog siyang nakakulong sa kanyang mga palad ang kanyang manoy. Sa loob ng mahabang panahon, pag-aari niya nang muli ang kanyang ari. Si Karen, ‘pag nagalit parang unlimited na promo sa text. Good for 2 days pero puwedeng maextend. Kaya kahit walang kasalanan, umagang umaga pa lang ay humingi na si Nando ng tawad sa kanyang asawa. Maaga siyang nagluto ng maaalmusal nila. Nang gumising si Karen, agad itong dumirekta sa lababo para maghilamos. Todo irap pa rin ito sa kanya. “Sorry na hon!” “Ikaw e!” “Iyo lang ‘to.” “Anong ulam?” “Tortang talong” Lumipad ang stainless na baso sa ulo ni Nando. Sa gulat, nabitawan niya ang pot holder at napaso ang kanyang braso sa mainit na kawali. Papa-walk out na sana si Karen nang harangin niya ito. Nagpupumiglas ito. Hindi alam ni Nando kung ano ang uunahin niya sa dalawa, ang paso sa kamay o ang bukol sa ulo. Parehong masakit pero mas mahirap naman kung mag-aaway na naman sila maghapon ng kanyang asawa. Binitawan niya ang asawa at iniwan siya nito papunta sa kanilang kwarto. “KAREN!” Napasigaw nang malakas si Nando at napalingon naman sa kanya ang kanyang misis. Mabilis niyang ibinaba ang kanyang shorts kasama na ang brief. Napabuntong hininga si Nando —napangiti naman si Karen. Isinayaw ng hari ang prinsesa Hindi natatapos May musika man o wala May ritmo man o wala Bahala na kung masaktan Sa mga nangagkaliwaang mga paa Pagod na pagod ang prinsesa
Wala siyang magawa Kundi sumayaw Nang sumayaw Nang sumayaw Kasama ang hari ‘pagkat wala ang reyna *** ISANG ARAW NG QUIAPO, humiling si Karen kay Nando na bumili ng sampaguita para sa poong Sto. Nino sa kanilang altar sa bahay. Edi bumili. Nang magutom, humiling naman ito ng kwek-kwek. Edi bumili ulit. Nakaubos siya ng isa, dalawa, tatlo at apat. Biglang sumagi sa isip ni Nando ang panalangin niya sa Poong Nazareno kanina lang. Ibinubulong niya ang kanyang problema sa kanyang pagkalalaki. Napangiwi pa nga ang Nazareno sa kanyang pedestal, hindi dahil sa bigat ng krus kundi sa bigat ng problemang dinaranas ng kanyang alagad. Bumulong si Nando na sana magkaroon ng ibang mapaglilihian ang kanyang asawa o kung hindi man, sana maging matino na lang ang itsura ng kanilang unang anak. Sabi niya pa, kahit tuluyan na niyang itigil ang lahat ng kanyang bisyo at kahit pa maglakad siya nang paluhod sa entrada ng simbahan hanggang sa altar tuwing araw ng Quiapo para lamang maging matiwasay ang pagdadalantao ni Karen. Nakakalimang kwek-kwek na ang kanyang asawa nang bigla itong mag-ayang manood ng sine sa may Recto. Buti na lamang at mayroon siyang extrang budget mula sa pag-oovertime. Kaya sige. Lakad sa may Raon hanggang sa panulukan ng Recto. Pagakyat sa 4th floor tumambad ang mga dambuhalang poster ng mga pelikula at ang mga pamagat ng mga nakalinya sa now showing: Toreng Bato ni Pedrong Maskulado, Tindig Balahibo at Sampung Pulgada. Napaantanda ng krus si Nando at nagsambit ng panalangin sa Itim na Nazareno. Sabay hawak sa kanyang ari.-- at hindi nga siya nagkamali sa intensyon ni Karen sa sinehan. Iika-ikang lumabas ng sinehan si Nando. Bigla namang dumighay si Karen at nagyaya muling kumain ng kwek-kwek. Nilakad nila ang Avenida. Nagpaalam muna si Karen para makigamit ng banyo sa fastfood chain. Si Nando nama’y naiwang nakatitig lamang sa bangketa
—bumabawi pa rin ng lakas. “Tang’na, mababaog ata ako nito!” napabulong siya sa sarili. Hanggang sa unti-unti siyang napangiti sa tinda ng matandang lalake. Sakay sila ng dyip pa-Monumento. Magkaharap sila ng upuan sa may likod ng drayber. Palibhasa araw ng Quiapo, kaya punuan ang mga pampasaherong sasakyan sa iba’t ibang ruta. Sinamantala naman ito ng isang pulubing umakyat sa dyip para punasan ang mga sapatos ng mga pasahero at humingi ng limos. “Akin na ‘yang paper bag, may kukunin ako.” Hindi magkandaugaga si Karen sa paghahanap ng binili niyang panyo. Ayaw ibigay ni Nando ang paper bag at nagkukunwari lamang itong walang naririnig. “Nando! Akin na kako yung paper bag at may hinahanap ako.” Tumaas na ng isang baitang ang tinig ni Karen. Sa mga ganitong pagkakataon, mabilis ang proseso ng pag-akyat ng kumukulo niyang dugo sa kanyang ulo. Pinagpapawisan ng malamig si Nando. “Bayad po, Tayuman lang.” Pakisuyo ng isa sa mga pasahero. Iniabot ito ni Nando sa drayber. Akala niya abswelto na siya. “PUNYETA! ANO BA? AKIN NA SABI ‘YANG BAG E!” Walang pasabi, nasa ikawalong palapag na siya ng pagkabuwisit sa asawa niya. Nangangatog na si Nando at pinagtitinginan na siya ng mga pasahero. “Sukli o.” Pakisuyo ng drayber. “Bayad po. MCU, estudyante.” Paabot ng bagong sakay na estudyante. “Akin na yang bag!” Si Karen, hinablot yung bag mula sa kamay ni Nando. Wala na itong nagawa laban sa kanyang asawa. Halos mapunit ito sa kamay niya, Nagulat ang lahat nang malaglag ang isang mahabang kulay pink na dildo. Ang lahat ng mata ay tumuon dito, matapos ay kay Nando na nakapikit na sa sobrang takot. Sinundan ng lahat ng mata ang pagyuko ni Karen at ang pagpulot ng sex toy sa sahig. At sabay-sabay ang mga itong napangiwi sa paghambalos nito sa mukha ni Nando. “Bayad po. R. Papa lang.” iniabot ni Nando ang bayad ng pasahero gamit ang kanang kamay habang ang kaliwa’y hinihimas ang bukol sa may noo. At ang
laruang iyon? Dinampot na lamang ng batang nagpupunas sa mga sapatos ng mga pasahero ng dyip matapos ipukol sa ulo ni Nando. Nakuha naman ni Karen ang panyo at mabilis na pinunasan ang papakawalang luha. …wag ka sanang magalit sa akin Tuwing ang birdie ko ay aking hihimasin Sana’y maunawaan mo… Nagkakantahan ang magkakatropa nang dumaan ang mag-asawa. Mga limang hakbang siguro ang kanilang pagitan. Siyempre nauuna si Karen na panay pa rin ang pagluha. Pinipilit siyang habulin ni Nando na iika-ika pa rin sa paglakad. Kumalabog ang pinto at natigilan ang mga tropang nagkakantahan at nilingon ang naghahabulang mag-asawa. Pumasok si Nando at pinakalabog din ang pinto. Dinatnan niyang humahagulgol ang asawa sa sulok ng kama. Lumpit siya pero binarikadahan siya nito ng unan. “Tang ina, nakakapagod din ang gabi gabing pagtsupa mo sa akin. Hindi na ako makaihi ng maayos. Hindi ka naman dating ganyan a. Ano bang problema?” Ito ang unang sigaw sa pugad lawin ni Nando. Tila ba nagdedeklara sa isang giyera para sa kanyang pagkalalake. Pero nananatiling umiiyak si Karen. “Hiyang hiya ako sa ginawa mo kanina sa dyip. Hindi mo man lang naisip yung sasabihin ng iba.” “Hindi mo ako naiintindihan.” Kumawala sa barikada ng mga unan ang basag na tinig ni Karen. Kung anong bilis ng kanyang pagdedeklara ng giyera ay siya rin namang bilis ng pagsuko niya sa iyak ng asawa. Nagtangkang lumapit si Nando. Uupo sana at pipiliting intindihin ang mga napakawalang mga salita. “Ano bang problema?” Isa pang unan ang iniumang ni Karen para mapagtakpan ang kanyang mga luha. Tatanggalin sana ito ng kanyang asawa pero nanaig siya sa piling ng kanyang, iwan mo muna ako. Walang magawa si Nando kundi lumabas muna at magpalipas. …and it will go.” Sa outro ng kanta ang tagay ay nasa kamay na ni Nando.
“Pare! ‘Tang ina! itong kumare niyo e nagbago na naman ang pinaglilihian. Ok na yung tustadong barbeque e. Ngayon naman e bunga ng aratilis, e kapuputol lang ng puno namin nung isang linggo. ‘Tang ina talaga!” “Buti yung akin mansanas pa rin. Problema e hindi naman inuubos. Kinakagatan lang tapos iniiwan na sa ref. Tapos kakagat ulit ng bago. Pambihira. Ako rin ang umuubos.” “Edi para kang litson ‘nun p’re.” “Gago.” “Ikaw p’re si Karen anong trip?” Usisa ni Mang Nestor. Pumintig-pintig ang ari ni Nando. Parang gustong sumigaw. Ako! Ako! Ako yung trip ng punyemas niyang asawa. Pero mapagtimpi si Nando. Sumagot siya pagkalagok ng tagay sa kanya— “sa cheesedog mga p’re.” “CHEESEDOG??” Parehong nanlaki ang mga mata ng makatropa. “Pucha! Kakaiba rin yang misis mo p’re.” “Ano na lang magiging itsura ng junior mo niyan?” “Ang cheesy niyo p’re.”Ang daming reaksyon ng tropa na may kasamang halakhakan pero naging bingi na si Nando sa lahat. Inako niya ang lahat ng paikot na tagay. Malinis ang bawat lagok na pumupuno pa sa malaki niyang tiyan. Magpapaalam na sana siya sa tropa na uuna na siya, dahil may tama na. Pero naunang dumating ang dalawang buntis na asawa ni Mang Nestor at Mang Felipe. “Punyeta ka! Andito ka lang palang hayop ka! Walang makain yung mga anak mo dun inom ka pa ng inom!” Sabi nung isa. “‘Tang ina mong lalake ka. Hindi mo na inisip na may buntis kang asawa. Lakad, uwi!” Sabi naman nung isa pa. Kulang na lang pingutin pauwi nung mga babae ang kanilang mga tomador na mga asawa. Pawang nakayuko at iniiwasan ang mga dagok ng kani-kanilang mga asawa.
Panay ang kanilang yes-honey-yes-honey. At si Nando naman ay naiwan sa piling ng mga bote ng Ginebra at dalawang pirasong longanisa. Dito na siya inabutan ng umaga. Yun na ang huling gabing sinubukan ni Nandong umisip ng paraan kung paano ililihis ang paglilihi ng kanyang asawa. Ilang araw lang ang lumipas at nag-expire na rin ang galit ni Karen.Wala na uling unang bumabarikada sa kanilang mga katawan kung gabi. Bati na ulit sila, pati ang bibig ni Karen at ang ari ni Nando. Ang kaibahan nga lang, ang dating gabi-gabi ay nagkaroon ng paminsan minsang laktaw sa mga pagitan nito. At naging dalawang beses sa isang linggo at isa sa isang linggo. Padalang nang padalang. Minsan dadatnan ni Nando ang asawang maagang natulog. Kung hindi naman, may sapi at hindi makausap. Pero sa mga araw na nangangailan si Karen, nanunumbalik ang lahat ng mga datihang seremonya ng pagkukuwento, paghehele at pag-aalo sa ari ng kanyang asawa. Naging manhid ang prinsesa Nasanay sa sayaw Minahal ang pagsasayaw Hanggang sa mawala ang hari Isinilang ang araw at gabi natutong dumilat at pumikit may bahaghari may tala may kabalyero at ang prinsesa’y natutong pumana may palaso at espada wala na ang reyna patay na ang hari --buhay pa ang hari *** “Ang labo naman nun? Akala ko ba patay na yung hari, E ba’t buhay pa yung hari?” Napakamot ng ulo si Nando na sa tinagaltagal nang nakikinig sa kuwento ng kanyang asawa e, ngayon lang natutunang magtanong. “Ewan ko, malay mo, bukas o kaya sa isa pang bukas, tuluyan na siyang mamatay.”
“Ah! E san mo ba kasi nakuha ‘yang kwentong ‘yan?” Nagkatamaan ang kanilang mga mata. Naghihintay si Nando. Hindi sumasagot si Karen kasabay ng pangingilid ng kanyang mga luha. Nang mapansin ito ni Nando mabilis niyang inilihis ang usapan. “O magmumog ka na dun, para makatulog na tayo.” Tumayo ito at kinumutan ang pagkalalake ng kanyang asawa. Lumipas pa ang ilang buwan. Kabuwanan na ni Karen. Nananatili pa rin pero dumalang ang pagiging parausan ng ari ng kanyang asawa. Mas lamang na ang wala sa meron. Nagtataka naman si Nando kung bakit tumigil na ang kanyang asawa sa kanyang paglilihi sa ari nito? Dahil kaya sa mga nasabi niya dati? O napapagod na rin ito. Sa kabilang banda, kahit paano gumaan na ang loob niya at ng kanyang alaga. Nagigising na siya sa umaga dahil sumapat na ang tulog niya at hindi dahil sa biglang nasarapan o biglang nakagat ng kanyang misis ang kanyang ari. Naisip niya, maipanganak lang ang kanilang junior, makakarami na uli siya sa asawa niya gaya ng dati. Matatapos na rin ang kuwento ng kalungkutan ng prinsesa. Isisilang naman ang kuwento ng prinsepe, at ng kanyang pagkalalaki. Nagsimula nang ihele ni Karen ang ari ng kanyang asawa sa isa sa mga maiinit na gabi, at gaya ng dati, sabay na makatutulog si Nando at ang kanyang sandata. Panay ang mahihinang tapik ni Karen sa ulo ng alaga ng kanyang asawa. Sa sobrang inam ng mga tapik na ito, mapagtatagpo nito si Nando at ang ari nito sa panaginip. Naroon sila sa parehong kama at pinagtutulungang banatan ang kanyang asawa. Panay ang ungol ni Karen at mahigpit ang pagkakakapit sa headboard ng kama. Tumatagaktak ang pawis niya. Samantalang sabik na sabik sa bawat bayo si Nando. Alam niyang malapit na niyang maipunla ang kanilang ikalawang anak. Umuungol siya. Sila ng kanyang asawa. Sa wakas, ngayon niya na lang ulit narinig ang ungol ng kanyang asawa, dahil wala na itong subong kahit na ano. “Daddy! Daddy! Daddy!” may paslit na kumalabit sa kanyang likod. Kaya naman umurong ang lahat ng dapat na umurong sa kanya. Ang asawa naman niya ay parang makahiyang biglang binawi ang pamumukadkad ng sensasyon sa katawan. Napapalatak si Nando, “Ano ba yun?”
Nilingon niya ang mga kalabit. At ang kanyang tanong ay nasundan ng isang sigaw, “Aswaaaaaaaaaaaaang!” Nabunot niya ang kanyang ari sa pagkababae ng kanyang asawa at napatalukbong sa ilalim ng kumot. “Anak natin siya Nandz!” Dahan dahang lumabas sa kumot si Nando at iminulat ang kanyang mga mata, nabuo ang larawan ng kanyang anak, ng anak nila ni Karen. Malaki ang ulo nito, malapad ang noo, kalbo, balbas sarado (bagamat bata pa) at maugat ang buong katawan. Muli siyang napapikit at sa pagdilat niya, dinatnan niya ang asawang mahimbing na natutulog sa kanyang tabi. “Panaginip lang pala.” Naibulong niya. Nakaramdam siya ng kakaibang sensasyon sa natutulog niyang asawa. Matagal niya itong hindi nakitang ganito ka kalmado. Sinuklay niya ang mga buhok nito gamit ang pagitan ng kanyang mga daliri. Hinalikan niya ito sa noo, pababa sa ilong, sa mga nakasarang mga mata at sa pisngi. Nang dumapo ang kanyang mga labi sa labi ni Karen. Nagulat na lang siya na naitindig na ng kanyang libog ang tore ng kanyang pagkalalake. Ang daming tumakbo sa kanyang isipan. Parang biglang nagkaroon ng sunog at naghahanap siya ng paraan kung paano maaapula. Paano na ako ngayon? Ako ang nangangailangan, naisip niya. Tumayo siya, at naglakad sa munting espasyo sa paligid nito at naalala niya, isang linggo na rin palang naigarahe ang kanyang ari. Nanatiling mahimbing at inosente ang kanyang asawa nang maikasa ni Nando ang kanyang plano. Ihiniga niya ng maayos ang kanyang nakataligid na asawa. At pumosisyon siya sa ibabaw nito, sa may bandang ulo at dahan dahan niyang binuka ang bibig nito, kasabay ng mabagal at tantiyado niyang pagpasok ng kanyang ari sa bibig ng asawa. Nang maibaon niya ang kanyang ari, muli niya itong hinugot at muling pinasok, hinugot. Paulit-ulit. Pablis nang pabilis. Hanggang sa makaramdam ng bigat sa puson si Nando. Malapit na siyang sumabog alam niya. Namilipit ang daliri niya sa paa at iniluwal niya ang mga naipong tamod sa may unan sa tabi ng kanyang asawa. Punong puno siya ng pawis. Saglit siyang nahiga para humugot ng lakas sa kama at saka lumabas ng kwarto para maghugas ng kanyang ari. Naiwan ang tamod sa unan na dahan dahang tumitigas kasama ang ilang patak ng luha mula kay Karen. Matagal nang nagising si Karen. Matagal nang
nagpanggap na tulog. Tiniis ang pangangawit ng panga at ang makailang ulit na kamuntikang pagkabilaok. Pakiramdam niya’y muli siyang ginahasa at minolestiya. Ihinele siya ngayon ng kanyang mga pambatang ungol. Sa isip niya ay nakatindig ang isang papag na may mga naiukit na tama na po papa!-maawa na po kayo sa akin papa!-Masakit po, tama na po papa! Nagpatuloy ang pagsasalo ng luha at tamod. At dito isisilang ang nakaraang matagal nang tinakasan ni Karen. Kapiling niya ito sa pagtulog ngayong madaling araw. At kung minsan, mamagitan ito sa pagtulog nila nang mahmbing ng kanyang asawa. Kinumutan siya ng muhi at pagtitimpi. ILANG ARAW AT GABI pa ang lumipas, “Naisip ko lang, hindi ka ba natatakot sa magiging itsura ng anak natin?” Nakatingala lang si Nando habang si Karen naman ay pilit na binubuhay ang bagong putok na alaga ng kanyang asawa. Iniaangat niya ito pero kusa naman itong nangunguluntoy. “Kalaro niya ‘yung mga anak ni Felipe at Nestor, Isang maputla at isang tustadong bata.” Kinuha ni Karen ang gunting para gupitin ang humahaba nang bulbol ng kanyang asawa. Tinatabas niya ito at pinapagpag. “Tapos, aasarin pa siya ng mga kaklase niya sa eskwela, sasabihin anak siya ng PACKER! Packer ang kanyang ama. Dakilang PACKER ang kanyang ama! Hindi ka ba natatakot dun?” dugtong ni Nando na may kasamang buntong hininga. Natigilan si Karen sa huling sinabi ni Nando. Muling sumulpot sa kama ang kanyang nakaraan. Yumayakap sa kanya kasabay ng mga salitang lumabas sa bibig ng asawa niya.TatayAma-Tatay-Ama-Packer ang tatay mo. Ama-Ama-Tatay-Packer-Packer. Nawalan ng kontrol sa sarili si Karen at tumugon sa tanong ng asawa. “HINDI!” sagot ni Karen sabay gupit sa katawan ng ari ng kanyang asawa. “Aaaaaaaaaaaaaahhhhhhhhhhhh!” Hindi na muling malulungkot ang prinsesa Wala na ang hari— ‘Pagkat patay na ang hari *** “Sige pa, unting push pa misis! malapit na!” “Aaaaaahhhhh!”
Umiral ang katahimikan. At ang iyak ng bata ang nagpasimuno ng bagong ingay ng pagdiriwang. “Congratulations mommy! It’s a boy!” Bumaling ang doktor kay Nando. “Daddy! May junior na kayo! Congrats po!” Napayuko si Nando. Pilit na hinahanap ang kanyang nawawalang pagkalalaki. Natatakot siya at iika-ikang lumapit sa kanyang mag-ina. Nang makita niya ang kanyang una at huling anak, dumaloy ang isang piraso ng luha, mula sa kanyang mata, pisngi, hanggang sa maabot ang dulo ng kanyang mga labi.
View more...
Comments