Greta Garbo

November 21, 2017 | Author: Christelle Africa | Category: N/A
Share Embed Donate


Short Description

reaction paper...

Description

Ang likha ni Deogracias Rosario na pinamagatang Greta Garbo ay isang maikling kwentong isinulat sa konstekto ng panahon ng Amerikanong imperyalismo sa Pilipinas. Kinatatampukan ng pangunahing tauhan na si Monina Vargas, makikita sa pamamagitan ng maigting na pagsuri ang mensahe ng may-akda ukol sa epekto ng mga Amerikano sa kulturang Pilipino. Si Monina Vargas ay isang personalidad na may malaking pagkakahawig kay Greta Grabo, isang batikang aktres sa Hollywood. Bukod dito ay mahihinuhang nahumaling na rin si Monina sa pagsubok na igaya kay Greta ang kanyang buhay. "Si Greta Garbo ang kanyang ideal (Rosario 62)." Siya ay isang representasyon ng mga Pilipinong tumitingala sa mga Kanluranin at nagnanais na maging katulad ng mga puti sa bayan ng mga kayumanggi. Bagamat hindi masamang magtatag ng inspirasyon sa mundo-mga bagay na nagsisilbing bantayog ng kung paano natin ihuhulma ang ating mga buhay, kapansin-pansin na ang gawaing ito ni Monina ay lagpas na sa kung ano man ang katanggap-tanggap. Siya ay tila isang biktima ng kanyang ginawang hyperreality. Ang kanyang pagtingala kay Greta ay nagtulak sa kanya na gamitin ang mga inisyal nito na GG sa paglagda ng kanyang mga liham at larawan (Rosario 63). Makikita rin na maging ang kanyang buhay pag-ibig ay higit na naimpluwensyahan ng dayuhang aktres. Ang kanyang iniibig na si Octavio Razon, ayon sa teksto, ay may pagkakahawig rin kay John Gilbert na siya namang interes ni Garbo sa totong buhay (Rosario 67). Ito ay lalong patunay lamang sa obsesyon ni Monina na gayahin si Greta. Sa dinami-dami ng mga nanligaw rito ay si Octavio ang kanyang nagustuhan pagkat mayroon itong mga katangian na tinataglay rin ni John Gilbert. Ang hilig ni Garbo ay siya ring pinaparisan ni Monina (Rosario 64). Katulad ng kanyang paggamit sa pangalang GG, binigyan rin niya si Octavio ng palayaw na John Gilbert.

Nagtuluy-tuloy ang kwento sa eksena sa tren kung saan dapat magtatagpo ang dalawang tauhan upang lihim na magtungo sa Bagyo at simulan ang kanilang luna de miel. Habang naghihintay ay nagmunimuni si Monina ukol sa kanilang relasyon. Makalipas ang ilang sandali at may isang minuto na lamang ang nalalabi bago umalis ang Express sa istasyon ay hindi pa rin sumisipot si Octavio. Laking gulat ni Monina ng mapukaw ng usang artikulo sa pahayagan ang kanyang pansin. Naglalahad ito ng isang anunsyo ukol sa mag-asawang magdiriwang ng kanilang unang anibersaryo. Ang mag-asawa ay napag-alaman niyang sina Octavio Razon at Magdalena Reyes (Rosario 67). Labis na kabiguan ang kanyang natamo nang bumungad sa kanya ang katotohanang siya'y niloko lamang. Tila tuliro sa mga pangyayari, dali-dali siyang bumaba mula sa noo'y umaandar ng tren. Nangudngod sa lupa ang kanyang muka at ang koloreteng kanyang suot ay natanggal. Tila pinawi ng kanyang kasawian ang taglay niyang kagandahan at siya'y naiwang lumuluha. Ipinapakita ng kwentong ito ang masamang dulot ng imperyalismo sa kultura ng bansa. Ang pagdating ng mga Amerikano ay nagdulot ng malawakang pagpabor sa kolonyalismo at pagtingala sa kulturang dayuhan bilang superyor laban sa mga bagay na lokal. Kagaya na lamang ng pagpabor ni Monina sa musikang jazz at hindi sa awiting tagalog na inihaharana sa kanya ng isa sa kanyang mga manliligaw, naitanim sa utak ng mga Pilipino ang kagalingan ng puti laban sa kayumanggi, ang kagandahan ng matangos na ilong at ang negatibong konotasyon sa salitang "pango." At dahil sa hindi katanggap-tanggap na pananaw na ito, si Monina ay naiwang sawi. Siya ay naging biktima ng realidad na ipinalibot niya sa kanyang sarili. Dahil sa kanyang pagkahumaling sa paggaya sa kanyang dayuhang idolo, siya'y nabulag at naging hangal. Nais iparating ng may-akda ang parehong mensahe. Tila kanyang ipinakita sa sinulat niyang ito na ang mentalidad ng mga Pilipinong pumapabor sa kolonyalismo ay hindi makabubuti sa ating lipunan. Tulad ni Monina, wala tayong niloloko kundi ang ating mga sarili sa tuwing inaakala nating ang pagparis sa mga Amerikano ay nakatutulong sa pagpapataas ng ating estado at pagpapabuti ng impresyon ng ibang tao.

View more...

Comments

Copyright ©2017 KUPDF Inc.
SUPPORT KUPDF