Buod ng Daluyong Ni Lazaro Francisco

January 11, 2018 | Author: alvinringgoreyes | Category: N/A
Share Embed Donate


Short Description

Kuwento ng isang binatang amang si Lino Rivera at ng hindi niya matumbasang pag-ibig ng dalagang punonggurong si Bb. Lor...

Description

Daluyong ni Lazaro Francisco Kabanata 1 – May Bagong Umaga 

Pinagkalooban si Lino Rivera ng masaganang lupang-sakahan ni Pari Amando Echevaria sa kondisyong babayaran niya ito ng maliit na bahagi ng kanyang inaani sa loob ng dalawampung taon. Mamanahin ito ng kanyang anak na si Ernesto sakaling siya ay mamatay nang wala nang anumang utang na papasanin.



Isang palaisipan kay Lino kung bakit pinagkalooban siya ni Pari Amando ng lupa at kung bakit nagkusa si Bb. Loreto Sanchez, ang pamangkin ng pari at punongguro sa Pinyahan, na ariing parang tunay na anak si Ernesto. Isa pang pinagkakautangan niya ng loob si Koronel Roda na nang sukuan niya ay naging dahilan ng pagpapawalang-sala sa kanya ng korte sa salang pagpatay sa isang kapatas sa Piyer X ng Maynila.



Naisip ni Lino na ang pinakamabisang paraan upang magantihan niya ang utang na loob kay Koronel Roda ay ang tulungan itong mapaibig si Bb. Sanchez. Sa pamamagitan nito’y mapapasalamatan din niya sina Pari Amando at kapatid nitong si Aling Basilia (ina ni Bb. Sanchez) na gusto ang batang koronel para sa kanilang anak.

Kabanata 2 – Ilang Alaala 

Inihatid ni Bidong si Ernesto upang makapiling ng ama niyang si Lino, kahit sa weekend lang. Sakay sila ng kabayong kastanyo na padala raw ni Pari Amando at marami rin silang dalang kung anu-anong mapapakinabangan para kay Lino.



Nagtungo si Bidong kay Huli upang tulungan ito sa mga gawain sa lupa. Nirarayuma kasi si Aling Barang, ang ina ng dalaga, samantalang maysakit naman ang ama nitong si Mang Abeng. Pero ayaw kay Bidong ng mga magulang ni Huli dahil isa raw siyang “hampaslupa”.



Ibinilin ni Lino kay Ernesto na tawaging “Ka Bidong” si Bidong dahil itinuturing na niya itong kapatid. Ulila na kasi si Bidong at tumutulong-tulong lang dati kung saan may magpapakain. Naabutan siya noon ni Lino na binubugbog ng kalalakihan. Umawat lang siya noong una ngunit nang hindi mapigil, nakisuntok na rin siya. Nang mailigtas, nakiusap si Bidong na kupkupin na siya ni Lino at mula noon, itinuring na siyang kapatid.



Ayon kay Ernesto, nagpahiwatig na siya kina Pari Amando at Bb. Sanchez na babalik na siya sa kanyang ama ngunit malulungkot daw ang mga ito. Natutuwa si Lino dahil natatanaw niya ang utang na loob sa pari at punongguro sa pamamagitan ng pagpapahiram ng kanyang anak ngunit nakakalungkot ding hindi niya maipadama rito ang kanyang pagmamahal bilang ama.



Nakiusap si Bidong kung maaaring kausapin ni Lino ang mga magulang ni Huli upang siya’y matanggap. May pinag-aralan daw kasi si Lino at maayos managalog.

Kabanata 3 – Bigong Kawanggawa 

Matindi ang tama ni Bidong kay Huli at ito raw ang dahilan kung bakit gusto na niyang “magpakabuti”. Gayunpaman, dumating si Aling Barang at isinauli kay Lino ang bayong ng mga padala nito. Naging dahilan daw ito ng “pagsasampal” niya sa anak na si Huli.



Naisalaysay ni Bidong ang kasaysayan ng buhay ng mag-anak ni Huli. Dati raw “mayroon” sa Maruhat ang pamilya nito ngunit naghirap dahil sa pagpapaaral sa panganay na anak na si Tirso na kumuha ng pagsasaka sa Los Banyos. Nang makatapos si Tirso ng kolehiyo, nagpakasal ito sa isang anak ng may-ari ng tubuhan sa Nergos at ginamit ang natutunan upang magturo ng pagsasaka. Lalong naghirap ang pamilya nina Mang Abeng at Aling Barang nang magpakasal ang kanilang anak sa laki ng ginastos sa handaan.



Nagsaka na lamang si Mang Abeng, sa kabila ng tumututol niyang kalooban, sa lupain ni Don Tito, ang mayamang lalaking nagmamay-ari ng malaking bahagi ng Maruhat. Isa ang lupain nila sa nailit ng don na maraming alagang agrimensor o tagasukat ng lupa.



Nakita nina Lino at Bidong si Huli habang umiigib ito ng tubig. Nasabi ng unang ito’y maganda ngunit marami palang kaagaw si Bidong dito. Una na sa mga iyon ang isang lalaking nakapasa sa serbisyo sibil at nagtatrabahong bodyguard ng isang pulitiko na pinapaboran daw ni Aling Barang.

Kabanata 4 – Si Don Tito



Pinakiusapan ni Pari Amando si Don Tito Sityar na buwagin na ang tenancy system na malaon na nilang sinusunod na sistema sa kanilang mga pagaaring lupa, gayunpaman hindi pumayag ang don sa paniniwalang “nasanay na rin naman ang mga magsasaka na sila’y nagtitiis.” Ibinunyag din ng pari na nasimulan na niyang ipamahagi ang kanyang mga lupa at pabayaran sa paraang hulugan. Isa sa mga nakinabang dito si Lino na siya niyang pinagbigyan ng kapirasong lupa sa Maruhat. Laking-gulat naman ni Don Tito dahil matagal na raw niyang gustong bilhin ang lupang iyon dahil mainam pagdaanan ng patubig mula sa saluysoy.



Ibinunyag ni Pari Amando na wala talaga siyang balak pabayaran ang lupa kay Lino dahil nakita niyang isa itong matuwid na lalaki na mapagbigay sa ibang nangangailangan.



Tinalakay ni Don Tito ang pag-uwi ng anak niyang si Benigno na nagtapos ng medisina sa Amerika. Pinalabas ni Don Tito na ayaw niyang pasukin ng anak ang pulitika dahil masikip na raw ang dalawang pulitiko sa pamilya ngunit marami raw itong gustong ituwid sa sistema sa Pilipinas. Kinatigan din daw ng Presidente ang pagpalaot ni Benigno sa lokal na pulitika. Para kay Benigno, lahat ng maka-Amerika ay tama, matuwid at maganda ngunit kapag nagsasalita naman siya’y Tagalog ang kanyang gamit bagamat mali-mali.

Kabanata 5 – Isang Mungkahi 

Tuturuan daw nina Pari Amando si Lino ng iba’t ibang karunungan, gaya ng kasaysayan ng Pilipinas na nagsisimula sa pagdating nina Magallanes, relihiyon kung saan susukatin kung hanggang saan ang naaabot ng pananampalataya ni Lino at batas sa tulong ng abogadong si Ginoong Ligon.



May mga nagreklamo sa Arsobispo laban kay Pari Amando dahil mahilig daw siyang makialam sa mga usaping labas na sa relihiyon, gaya na lamang ng isyu sa lupa. Binigyang-diin ng pari na mahal niya ang Simbahan at dito na siya mamamatay ngunit una sa lahat ay alagad siya ng Diyos. Naniniwala rin siya sa talino ng pagpapasya ng kanyang arsobispo.



Ipinahayag ni Bb. Sanchez na may balak daw ang ina niyang si Aling Basilia na kunin si Lino bilang katiwala ng isa nilang lupain. Tumutol naman dito si Pari Amando dahil baka tumaliwas ito sa mga pagbabagong ipinapakilala niya. Baka rin lumikha ito ng ibang impresyon kay Ernesto pag nakitang katulong lamang ng “Nanay Luring” niya ang kanyang ama.



Dumating na sina Lino upang ihatid ang kanyang anak na si Ernesto. Nagdulot naman ito ng pighati sa kanya dahil parang siya mismo ang naghihiwalay sa kanyang anak sa kanya.

Kabanata 6 – Hamog na Nakalalanta 

Ibinahagi ni Ernesto kay Ernestina ang mga pasalubong niyang bayabas na siya pa mismo ang kumuha sa puno nila sa Maruhat. Nagdala naman si Lino ng sariwang gatas ng kalabaw para sa ina ni Bb. Sanchez na si Aling Basilia.



Si Lino ang naging kauna-unahang pag-ibig ni Bb. Sanchez. May nararamdaman din para sa kanya ang binata ngunit pinipigil nito ang kanyang damdamin sa paniniwalang mas may ibang lalaking nababagay sa dalaga, gaya ni Koronel Roda o Benigno Sityar.



Nahihiya si Lino sa tahanan nina Bb. Sanchez ngunit sinabi ni Aling Basilia na dapat daw siyang pumanatag at ituring ang sarili niyang isang “kapamilya”.

Kabanata 7 – May Dilim sa Langit 

Sa tahanan nina Don Tito nagpulong ang anak niyang si Benigno at mga bataan nitong sina Pedrito na itinalaga niyang Press and Public Relations Officer, Abundio na magsisilbing tagahanda ng kanyang mga talumpati at Estoy. Pinagplanuhan nila ang mga pagkilos na gagawin kaugnay ng pagtakbo ni Benigno na gobernador ng kanilang bayan.



Lagi raw nilang pag-uukulan ng pagkilala ang matatanda (gaya ng kanyang tatay na si Don Tito). Kapag nagtagumpay ang isang pagkilos, sasabihing ito’y dahil sa matatanda samantalang kapag nabigo naman ay sasabihing dahil hindi sumunod sa kanila.



Binago rin ang imahen ni Benigno na dapat maging “makamasa”. Sa halip na tawagin siyang senyorito o Benny tulad ng palayaw niya sa Amerika o Igno na negatibo ang konotasyon (ignorance, ignore, ignobility, etc.) o Manong Benog, tatawaging siyang Benog na walang ibig sabihin. Hindi rin siya talagang nagtapos ng medisina sa Amerika dahil nagpapabagu-bago ang ibig sabihin ng pagkadoktor depense sa kausap.



Kinaiinisan ni Benog si Pari Amando dahil may pagka-komunista raw ito at masyadong pumapapel sa mahihirap. Hindi rin niya nagustuhan ang pagtanggi ni Linong maging katiwala ng lupa nila sa Maruhat at maging pinuno ng kanyang mga badigard. (Ayaw ni Linong maging tau-tauhan lamang ng kanyang kapwa.) “Maysakit” daw si Lino kaya dapat turukan ng anesthesia upang mamanhid na ang tinutukoy ay “salapi” upang mawalan ito ng paninindigan.



Dapat din daw busugin ang press upang i-build up ng mga ito si Benigno. Hindi rin daw dapat makalimutan ang mga potograpo na siyang kukuha ng mga kawanggawa ni Benog sa mahihirap at ng pangit na anggulo sa kanilang mga kalaban.

Kabanata 8 – Sigwa ng Simbuyo



Hindi natuloy ang pananatili ni Lino sa tahanan nina Bb. Sanchez sa maghapon at magdamag na iyon dahil ipinatawag daw ng Arsobispo ng Maynila si Pari Amando at hindi matutuloy ang pagpapangalan sa kanya ng kabayong kastanyo. Nagpaalam siyang uuwi na sa Maruhat, bagay na nagdulot ng kalungkutan kay Bb. Sanchez.



Napagtanto ni Lino na nais niyang magkaroon ng asawa ngunit isang asawang kauri lamang niya at hindi mas mataas sa kanya upang hindi masagasaan ang kanyang pagkalalaki. Napagpasyahan din niyang tulungan si Koronel Roda sa panliligaw kay Bb. Sanchez ngunit kung hindi sila magkakatuluyan, nais niyang manatili na lamang malinis na dalaga si Loreto sa panghabampanahon.



Nag-usisa sina Aling Basilia at Bb. Sanchez tungkol sa pamilya nina Huli na nakatira rin sa Maruhat. Mababakas sa tinig ni Bb. Sanchez na hinuhuli niya si Lino kung may ugnayan na sila ni Huli.



Binanggit ni Bb. Sanchez na iminungkahi niya sa kanyang Tiyo Amando na ipagbili na lamang ang lupa sa Maruhat at bigyan na lamang si Lino ng lupang mas malapit sa Pinyahan upang mapalapit sa anak niyang si Ernesto (at marahil ay pati sa kanya) ngunit tumanggi si Lino dahil nasa Maruhat daw ang mga karaniwang taong naaapi at nais niyang matulungan ang mga ito. Nasabi rin ni Bb. Sanchez ang pagbuwag ng tiyo niya sa tenancy system at ang pagpapatibay umano ng Kongreso ng isang batas na nagtataguyod ng Land Tenure Administration na siyang mangangasiwa sa mga usapin sa pamamahagi ng mga lupa sa mga karaniwang magsasaka.

Kabanata 9 – Ginto o Tanso



Napagtanto ni Lino na iniibig siya ni Bb. Sanchez at gayundin naman siya sa dalaga ngunit hindi sila magkauri. Ang tingin sa kanya ni Bb. Sanchez ay taong kapantay at mamahalin; ang tingin naman niya sa dalaga’y isang diyosang sasambahin. Natatakot siyang kung maging sila man ni Bb. Sanchez ay dumating ang panahong mapahiya ito kapag hinamak na ng ibang tao si Loreto dahil sa pag-aasawa ng “mahirap at kung sino lamang”.



May mga nakaaway si Bidong dahil sa kanyang pagpapakabayani, gaya ng kaso ng isang magbabalot na pinagsasampal ng dalawang lalaki nang wala siyang maibigay na pera nang hingan nila ng pambili ng alak. Binigyan ni Lino si Bidong ng di-lisensyadong baril habang siya nama’y may lisensyado para maipagtanggol nila ang kanilang mga sarili. Ngunit di raw maaaring gamitin ni Bidong ang kanya kung wala si Lino.



Pinag-usapan nina Lino at Bidong kung tanso o ginto ba si Didang, isang babaeng maalindog galing Maynila na nakatira kina Aling Huwanang balo. Ayon kay Bidong, “kapag malinis ang tanso ay para na ring ginto at kapag marumi naman ang ginto ay para na ring tanso.”

Kabanata 10 – Balisa si Bidong 

Itinuloy ni Lino ang tangkang panliligaw kay Didang. Ikinumpisal ng dalaga na noong una silang magkita, gabi-gabi na niyang ipinalangin bago matulog na magkita uli sila ni Lino. Inamin naman ni Lino na noong mismong sandaling iyon ay may hinahanap siyang tao…isang kapilas ng buhay na natagpuan niya kay Didang.



Inihain ni Lino ang pag-ibig niya kay Didang ngunit hindi niya ito minadaling gumawa ng pasya dahil kailangan daw muna nilang makilala nang lubos ang isa’t isa, lalo na ang kanilang kahapon. Ayon naman sa dalaga, “may nakaraan” siyang dapat malaman ni Lino ngunit ayon kay Lino, para sa kanya, isinilang lamang si Didang noong hapong una silang magkita.



Nakita nina Lino at Bidong na namumugto ang mga mata ni Huli. Para makabalita sila, dumalaw si Lino kina Aling Barang at doon niya nalamang may kanser pala sa bituka si Mang Abel. Nagpatingin sila sa tatlong doktor at tatlong iba’t ibang sakit din ang nasumpungan sa matandang lalaki.



Kaarawan ni Bb. Sanchez sa darating na Sabado at bilang handog, magdadala sina Lino at Bidong ng mga itlog, gatas at iba pang matatagpuan sa kanilang paligid.

Kabanata 11 – Nauyot sa Pag-ibig



Napag-usapan nina Lino at Bidong kung gawin din nilang gulayan ang ilang bahagi ng kanilang lupang-sakahan. Sumang-ayon dito si Bidong at nagkusa pang siya raw ang magpapatubo ng gulayan ngunit nangamba ring kapag nakapagbunga sila ng masaganang taniman ay lagyan ng karatula ng gobyerno at ariing kanila o sila ang nagsikap. Sinabi ni Lino na ipapakita nila sa mga kababayan nila sa Pinyahan na ang magsasakang nagsisikap ay nakakapagbunga ng masaganang taniman na makabubuhay sa kanila.



Hiningi ni Lino ang opinyon ni Bidong kaugnay ni Didang. Sinabi ng ampon ni Lino na maganda si Didang ngunit si Bb. Sanchez pa rin ang gusto niya para sa kinikilalang nakakatandang kapatid dahil mabait ito, maganda at inaaring para na talagang anak si Ernesto. Naranasan kasi niyang magkaroon ng malupit na madrasta noong maulila siya sa ina. Nahiling tuloy ni Bidong sana’y abogado na lang si Lino o agreminsor di kaya, para maging bagay sila ng dalagang punongguro.



Dumalaw si Lino kina Aling Huwana. Naikuwento ng matanda na ang asawa niya’y dinukot ng mga kasapi ng Hukbalahap. Napagkamalan daw ito o nagmatigas sa pagsagot sa mga tinatanong sa kanya o nagtangkang tumakas kaya pinatay. Wala na raw balak si Aling Huwana na mag-asawa pa.



Nauyot ng pag-ibig si Didang na nangangahulugang naitulak siya ng pag-ibig na muling magmahal kahit nangako siyang hindi na iibig. Hindi muna niya ibinigay ang matamis niyang “oo” kay Lino dahil kailangan muna raw nitong malaman ang kanyang kasaysayan ngunit sinabi ng binatang hindi naman ito mahalaga sa kanya at nangakong hindi magbabago anuman ang malaman. Sa huli, naguluhan si Didang. Ayaw niyang pakasalan si Lino nang ito’y dinadaya ukol sa totoo niyang pagkatao ngunit nangamba naman si Aling Huwana na baka maging delata siya na makaraang buksan ay di tiyak kung may kakain. Binalaan ng matanda si Didang na kapag ito’y umamin kay Lino, baka mabago ang damdamin nito sa kanya kaya mabuti pang huwag na lalo na’t wala naman pala itong pakialam sa kanyang nakaraan.

Kabanata 12 – Munting Sabwatan 

Kaarawan na ni Bb. Sanchez at dumating si Lino. Habang papasok sa bahay ang binata, palihim na nag-usap-usap ang mga kaibigan ni Bb. Sanchez na sina Gng. Mina Lavadia-Ablaña, Gng. Rosalinda Dolor-Villas at Gng. Genoveva Riegos-Ligon. Magkakatulad na tutol ang tatlong ginang kay Lino dahil wala raw itong pinag-aralan; ang sinusuportahan nila ay si Koronel Roda o sinumang lalaking may sinasabi sa buhay.



Itinuturing ng tatlong ginang na nababaliw na si Bb. Sanchez sa pag-ibig sa isang mahirap na binatang si Lino. Ipinanukala ni Gng. Beba Riegos-Ligon na kakausapin niya ang asawa niyang si Attorney Ligon upang magtalakay kay Lino tungkol sa pag-ibig at pahagingan ito na hindi siya ang lalaking nararapat para kay Bb. Sanchez. Nagbanta naman si Gng. Salina Dolor-Villas na magbibitiw siya sa pagtuturo (punongguro niya si Loreto) sakaling ang mapangasawa lang ni Bb. Sanchez ay si Lino. Sa huli, nagkasundo silang huwag pansinin si Lino at iparamdam sa kanya kung gaano siya kahamak kung ikukumpara sa kanilang mga katayuan.



Nagtagumpay ang tatlong ginang sa kanilang munting sabwatan. Naramdaman ni Lino kung gaano siya kaliit sa kanilang ginawa at palihim siyang umalis sa kaarawan ni Bb. Sanchez. Nakita naman siya nina Pari Amando at Abogado Ligon ngunit nagdahilan siyang naiwan ang kanyang baril sa hindi-ligtas na lugar sa kanilang bahay kaya kailangan niyang makauwi agad.

Kabanata 13 – Iisa ang Landas 

Nagkatotoo ang pananahilan ni Lino sa pag-alis sa kaarawan ni Bb. Sanchez dahil tunay ngang naiwan niya ang baril niya sa ibabaw ng baul. Hinawakan ito ni Bidong at pinag-aralan kung paano isuksok at itutok kahit taliwas ito sa napagkasunduang bawal hawakan ni Bidong ang baril pag wala si Lino. Ayon kay Lino, dahil sa nangyari’y hindi siya mahihiyang bumalik kinabukasan sa Pinyahan.



Kaswal na nagpaumanhin si Lino kay Bb. Sanchez sa pagtalilis kahapon sa kaarawan ng dalaga at umasang nasabi na ni Pari Amando ang dahilan. Ang hindi niya alam, nagsaliksik pala sina Bb. Sanchez at Aling Basilia sa tunay na dahilan ng kanyang pag-alis at natuklasang dahil pala sa panghahamak ng mga kaibigang ginang ng punongguro. Ayaw raw ni Bb. Sanchez sa malalaking pagtitipon dahil iniiwasan niya ang mga tsismisan ngunit di-inaasahang kahit pala sa maliit na salu-salo’y may gayon.



Ipinagtapat ni Bb. Sanchez na lagi niyang itinuring na kapantay si Lino. Ngunit inamin naman ni Lino na isang panginoon ang tingin niya kay Bb. Sanchez. Sinabi ng dalaga na sa mata ng Diyos, lahat ay pantay. Ngunit ayon kay Lino, hindi ganito sa paningin ng tao, gayunpaman, itinuturing niyang napakalaking karangalan ang matatamis na salitang binitiwan ni Loreto. Hihintayin daw ni Bb. Sanchez na dumating ang panahong maniwala si Lino na sila’y magkapantay. Hindi na niya natapos ang nais niyang sabihin at nag-iiyak na sa kanyang silid.



Dumating na sina Aling Basilia at muli na namang inungkat ang nangyari sa nakalipas na araw. Mababakas sa kanya ang labis na pagsuporta kay Lino at binalikan pa ang isa sa mga nanghamak kay Lino na si Gng. Rosalinda Dolor-Villas na kung hindi pa niya alam ay may itinatago ring baho.

Kabanata 14 – Suyuan sa Saluysoy 

Dumating ang kababata ni Lino na si Albino upang bigyan siya ng babala laban sa masamang plano ni Don Tito. Sa saluysoy raw na nasa tabi ng lupa ni Lino kukuha ng patubig si Don Tito para sa kanyang lupain ngunit maaaring dumating ang panahon na tahasan nang agawin sa kanya ng don ang lupa dahil nasa gitna ito ng kanilang kaharian. Maaari raw maglunsad si Don Tito ng masasamang pag-atake laban kay Lino, gaya ng pagwasak sa kanyang mga punla, pagpilay o pagpatay sa kanyang kalabaw at pagsunog sa kanyang mandala.



Balak nang umalis ni Albino kina Don Tito ngunit hindi niya magawa dahil naaawa siya sa mga bakang kanyang maiiwan. Nais din niyang maniktik kina Don Tito upang maihanda si Lino na itinuturing niyang higit pa sa tunay na kapatid.



Ibinunyag din ni Albino na nais kunin nina Don Tito si Lino bilang pinuno ng mga badigard ni Benigno dahil bukod sa walang makakagalaw sa doktordoktorang anak ni Ginoong Sityar, magiging malutong na sampal din daw ito kay Pari Amando. Gagawin daw nina Don Tito ang lahat upang maialis si Pari Amando sa Pinyahan sa bintang na nakikialam ito sa mga usaping labas na sa simbahan. Binibigyan daw ni Pari Amando ng pag-asa ang mga tao at ng ideya na mag-aklas laban sa mayayamang panginoong pinagsasakahan nila sa pamamagitan ng mga pamamaraang isinusulong niya.



Inuri ni Albino sa apat ang mga taong lagi raw magiging biktima nina Don Tito: una, ang mga nakapailalim; ikalawa, ang mga umaasa; ikatlo, ang mga duwag; at ikaapat, ang mga maaaring pinsalain. Sa ikaapat daw nabibilang si Lino. Nangako naman si Lino na hinding-hindi tatalikod kay Pari Amando anuman ang mangyari at ipaglalaban ang lupang ipinagkaloob sa kanya.



Samantala, nakapagkita sina Bidong at Huli sa saluysoy. Ayon sa dalaga, lumuluha raw siya noong nakalipas na araw dahil tinaningan na ng isang doktor ang buhay ng kanyang ama at pinaaalis na sila ni Don Tito sa kanilang lupa na nailit nito. Nalulungkot siya dahil pag namatay ang kanilang ama, mawawalan na raw ng paggalang sa kanila ang kanilang mga kababayan.



Inialok ni Bidong ang lupain nila upang malipatan nina Huli sakaling matapos ang tatlong buwang palugit na ibinigay ni Don Tito. Tiyak daw na papayag si Lino na doon sila tumira dahil may puso ito para sa mahihirap, lalo pa at kapitbahay nila. Nag-alok din siya ng limampung pisong tulong ngunit tinanggihan ito ng dalaga sa takot na malaman ng kanyang ina. Bukod sa pananakit, hindi rin siya kinikibo ng buong araw ng ina kapag nagkakasala siya rito. Bago sila naghiwalay, humirit pa si Bidong kung mahal ba siya ni Huli na sinagot ng dalaga ng “kailangan pa bang i-memorize ‘yan?”

Kabanata 15 – Naligaw ng Landas



Dumating na ang araw ng Huwebes, ang araw na itinalaga ni Didang kung kailan ilalahad niya kay Lino ang kanyang nakaraan. Aniya, dati siyang taga-Malabon, Rizal. Lagi silang pinagbubuhatan ng kamay ng ama niyang sugarol ngunit lagi lamang nila itong tinitiis. Gayunpaman, namatay nang maaga ang kanyang ina.



Nang maulila siya, nagkaroon ng bagong kinakasama ang kanyang ama na tinawag niyang Tiya Nena. Gayundin ang trato ng ama ni Didang sa bago nitong asawa ngunit nanatiling tapat sa kanya ang babae. Sa kasamaang-palad, kapag wala na ang kanyang ama, sa kanya ibinubunton ng madrasta ang lahat ng sama ng loob nito sa asawa kaya sinasaktan siya nito at iniinsulto mula ulo hanggang paa. Hindi na siya nakatiis kaya minsan, tumakas siya at ang isang kasamahan sa trabaho at nagtungo sa Maynila.



Nakitira sina Didang at kanyang kaibigan sa isang kakilalang mananahi ngunit upang hindi makabigat dito, namasukan silang katulong. Kapwa sila hindi naging matagumpay dahil muntik nang maipanregalo si Didang ng kanyang amo sa hepe nito sa opisina samantalang ang kaibigan niya’y pinagseselosan naman ng amo niyang babae. Kalaunan, humanap sila ng bagong mapapasukan at napunta si Didang sa isang ginang na nagngangalang Donya Memay.



Tamang-tama raw si Didang, ayon kay Donya Memay, dahil ganitong dalaga ang hinahanap niya upang maituring na anak. Hindi raw kasi siya nabiyayaan ng supling at hindi naman niya makuha ang kanyang mga pamangking babae dahil pawang maiingay, kaprityosa at magugulo ang mga ito. Nagtataka si Didang dahil kapag may mga bisita si Donya Memay ay sa silid ng matanda siya nakikipag-usap na para bang may iniingatan. Minsan, nagdatingan ang mga pamangkin ni Donya Memay na mistulang mahaharot na dalaga. Inanyayahan nila si Didang na sumama sa kanilang mga lakad at “huwag tumanggi” kapag naimbitahan.

Kabanata 16 – Binyag ng Buhay 

Magdamag na pinag-usapan nina Lino at Didang ang kasaysayan ng buhay ng dalaga. Mala-Cinderella raw ang buhay ni Didang na makaraang dumanas ng matinding hirap ay nakaranas naman ng ginhawa sa piling ni Donya Memay. Sa kabila ng mga kabutihang-loob na ipinapakita ng matanda, may bahagi ng kanyang sarili na hindi nasisiyahan. Ipinagtapat ni Didang sa matanda ang kanyang nadarama at nagpasya siyang umalis pagsapit ng Araw ng mga Patay sa dahilang dadalaw raw siya sa namatay na ama.



Isang gabi, inaya siyang lumabas nina Donya Memay at ng mga “pamangkin” nitong sina Chic, Pinay, Bun at Lot. Nagpunta sila sa isang bapor sa likod ng Manila Hotel, kung saan may nagaganap na kasiyahan. Ipinakilala si Didang sa isang mayamang Amerikanong awtor daw ng mga biyograpiya, si Mr. Bob Evans. Nang mahilo si Didang dahil sa ipinainom na alak sa kanya, nakatulog siya sa isang silid. Kinabukasan, nagising na lamang siya na “hindi na siya dalaga”.



Sa kanilang tahanan, humingi ng paumanhin si Donya Memay kay Didang dahil alipin daw siya ng isang malakas na kapangyarihang hindi niya malalabanan. Gayunpaman, dapat tingnan ni Didang ang nangyari sa kanya sa positibong paraan dahil gagawin daw siya nitong mas kahali-halina, kaakit-akit at kabigha-bighani dahil tinanggap na niya ang “binyag ng buhay”. Sa puntong ito, nadama ni Didang na isa palang malaking pagpapanggap ang lahat ng ipinakitang kabutihan ng kanyang Mommy at isa pala itong bugaw. Hindi rin niya pamangkin ang mga dalagang laging dumadalaw sa kanya kundi mga hostess din na nanggaling sa mga pinagdaanan ni Didang. Hindi naman makapalag si Didang dahil nakakadama na siya ng takot kay Donya Memay, lalo na kapag nakikita niya si Vilma, ang utusan ng ginang na putol ang dila (Sabi’y tinubuan daw ito ng butlig sa dulo ng dila na bago makaabot sa lalamunan ay minabuti nang putulin ngunit sa totoo ay pinutulan ito upang di masabi ang kanyang mga nalalaman.)

Kabanata 17 – Mga Basang Sisiw 

Isa sa mga hostess na nagtatrabaho kay Donya Memay, si Chic, ang kumausap kay Didang nang masinsinan. Ipinagtapat nito ang lahat tungkol kay Donya Memay, na hindi nila ito kamag-anak at tagapamahala ito ng isang night club. Hindi nito mailantad ang kanyang tunay na hanapbuhay dahil kabilang sa prominentang talaan ng mga taga-Maynila at kasapi ng iba’t ibang samahang sosyal at sibiko. Hinikayat din ni Chic si Didang na tanggapin na ang pagiging hostess dahil dito’y maituturing daw silang reyna. Mabubusog na sila sa salapi’y hindi pa gaanong maghihirap at makakaranas ng kaligayahan.



Ipinagpaalam ni Chic si Didang kay Donya Memay upang maisama ito sa kanyang tahanan. Isang taon pang nanatili si Didang sa paghohostess habang nakatirang kasama ni Chic. Nang makaipon na siya ng tatlong libong piso, nagpaalam na siya kay Chic na dadalaw lang sa patay ngunit ang totoo’y tuluyan na siyang umalis at bumalik sa kanila sa Baliwag, Bulacan. Nalaman ni Didang na anim na buwan lang palang nagsama ang tatay niya at madrastang si Tiya Nena. Nabuntis ang babae ngunit ang anak ay kamukha ng isang kakilala nilang kargador. Kalaunan, nilayasan ni Nena ang tatay ni Didang at sumama na nga sa kargador na malamang ay siyang tunay na ama ng isinilang nitong bata. Nasugatan naman sa kaliwang binti ang tatay ni Didang nang makipagsabong na naimpeksyon at pagdaka’y naging dahilan ng kamatayan nito.



Naubos ang ipon ni Didang sa pagpapahiram ng salapi sa mga kapitbahay na natulungan na niya’y itsinismis pa siya. Habang iniisip pa ng mga kapitbahay niya na siya’y mayaman, tumalilis na si Didang at nagbalik sa Maynila, doon sa kaibigan niyang si Miring na kasama niyang tumakas dati. Nagulat siya sapagkat may anak na si Miring sa amo nitong Intsik sa tindahan ng mga alahas sa Abenida. Lalaki ang anak niya kaya gayon na lang ang tuwa ng Intsik na dinoble ang kanyang sahod kada buwan at siyang nagbayad ng buwanan nilang renta.



Ipinasok ni Miring si Didang, sa tulong ng nakabuntis sa kanyang Intsik, sa isang tindahan ng mga alahas sa Ongpin. Sa kalaliman ng pagkukuwentuhan nina Lino at Didang, nakarinig sila ng putok ng baril sa gawing tahanan nina Lino. Dahil doon, napauwi si Lino kahit alanganing oras.

Kabanata 18 – Banaag ng Katubusan 

Ang pinanggalingan ng mga putok ng baril ay ang mga katiwala ni Don Tito. Suspetsa ni Bidong ay siya ang pakay ng dalawa sa mga katiwala ng don na sina Tasyong Bakawan at Binong Kabuyaw samantalang si Lino naman ang target ni Siyanong Bakoko, bagamat hindi sila tiyak sa dahilan.



Ipinaghuli ni Bidong si Lino ng mga pugo na dadalhin daw niya kina Bb. Sanchez upang maisip naman ng mga taga-Pinyahan na naaalala sila ni Lino. Dinala nga ito ni Bidong at sinabing si Lino raw ang nanghuli ng mga pugo na nagdulot ng kasiyahan kina Aling Basilia.



Kinausap ni Lino sina Aling Barang upang kumbinsihin ang mga itong lumipat na sa kanyang lupa kung totoong pinaaalis na sila ni Don Tito. Natuwa naman ang ginang ngunit sinabing pag-uusapan muna nila ng kanyang asawa na hindi pa nakakaalam sa nangyari. Sa daan pauwi ni Lino, nakapulot siya ng kapirasong papel na nagbabanta sa kanyang umalis sa lupain kundi’y mapapahamak siya. Doon natiyak ni Lino na siya ang target ng mga katiwala ni Don Tito at hindi si Bidong.



Ipinagbilin ni Bb. Sanchez na lumuwas sa Pinyahan si Lino sa Linggo upang sila’y makadalo sa misa ni Pari Amando at makakain. Lalagdaan na rin daw ang mga kasunduan sa pamumuwisan na nagdulot ng saya kay Lino sapagkat nangangahulugan ito ng katubusan o kalayaan (mula sa mapangaliping tenancy system) kahit para lamang sa iilan.

Kabanata 19 – Ang Palugit 

Bumalik si Lino sa tahanan nina Didang upang maipagpatuloy ng dalaga ang paglalahad niya ng kanyang kasaysayan. Ispesyal daw ang naging trato ni Chan Lee, ang may-ari ng alahasang pinagtrabahuhan niya noon sa Ongpin, kay Didang. Pinagkalooban siya nito ng isang relong pambisig at tinaasan ang sahod niya ng sampung piso noong sumapit na ang ikaanim na buwan ng kanyang pagtatrabaho sa halip na limampiso lang.



Pinaakyat si Didang sa tanggapan ni Chan Lee sa taas ng tindahan at pinainom ng tsaa. Nahilo siya sa ininom at pinagsamantalahan ni Chan Lee. May dalawang linggo siyang naging bilanggo sa silid ng Intsik. Nakalabas lamang siya nang magpanggap na napatawad na niya si Chan Lee at wala na sa kanya ang pang-aabusong ginawa sa kanya. Ibinunyag ni Didang kina Miring at Mentang (ang may-ari ng kanyang tinutuluyan) ang nangyari sa kanya at ipinahayag na nais daw niyang magsuplong sa mga kinauukulan ngunit pinigilan siya ng dalawa. Nabuntis si Didang. Umalis naman si Chan Lee patungong Amerika at iniwanan lamang siya ng tatlong libong piso. Umalis si Didang kina Mentang at nagtungo sa Hilagang Luzon nang walang tiyak na patutunguhan.



Nakituloy si Didang sa babaeng nagngangalang Flora na nakasakay niya sa bus. Ipinanganak din ang kanyang sanggol ngunit makaraan lamang ng isang buwan, binawian din ito ng buhay. Umalis si Didang sa tirahan ng kapatid ni Flora na si Lumen nang marinig niyang interesado sa kanya ang boss ng asawa ni Lumen.



Nakarating si Didang sa Maruhat mula sa sinakyan niyang bus. Nanatili siya sa simbahan. Nakilala niya si Tiya Huwana na kinupkop siya dahil nagiisa na rin sa buhay. Ito ang nagturo sa kanyang maging madasalin at palasimba. Dumating ang araw na nagkita sila ni Lino nang bumaba siya sa isang dyip.



Makaraang mailahad ni Didang ang kanyang buhay, binigyan niya ng palugit si Lino na hanggang Agosto 20 (kaarawan ni Didang) upang magpasya kung nais pa ring makuha ang kanyang kamay. Kapag hindi raw sumulpot si Lino, mangangahulugan ito na tinatalikuran na niya si Didang at ang dalaga na ang magpapasya sa kanyang sariling kapalaran. Hindi na rin daw kailangang talakayin ni Lino ang kanyang buhay dahil alam na ni Didang ang lahat sa kanya mula sa pagkukuwento ni Aling Ambrosia na labandera nina Pari Amando at kumareng buo naman ni Aling Huwana.

Kabanata 20 – Mga Kasunduan 

Dumating si Aling Barang upang sabihin kay Lino na tinatanggap na nila ang alok nitong palipatin sila sa kanyang lupa. Natutuwa raw si Mang Abeng dahil ayaw niyang mapalayo sa kanyang lupa at ang paglilipatan nila’y malapit lang sa sakahang inilit na ngayon ni Don Tito.



Nagmisa si Pari Amando at pagkaraa’y nagsalita sa pagtitipon sa silong ng kanyang kumbento. Opisyal niyang ipinahayag na pinalalaya na niya ang mga magsasakang nagtatrabaho sa kanilang asyenda. Mapapasakanila na ang mga lupang kanilang inaararo sa pamamagitan ng pagbubuwis sa loob ng tatlong taon. Makaraan ng panahong ito, mahuhulug-hulugan naman nila ang lupa mula sa bahagi ng kanilang inani hanggang tuluyang mapasakanila. At kung mamamatay ang mga magsasaka sanhi ng mga pangyayaring likas, mamanahin ng kanilang mga anak ang lupa nang wala nang anumang pagkakautang at ang pamunuan pa ng asyenda ang mag-aasikaso ng paglilipat ng lupa sa kanilang pangalan nang wala silang ginagastos na anuman. Bilang pagpapatunay ng pagputol ni Pari Amando sa pagkaalipin ng mga magsasaka, pinasunog niya kay Lino sa harap ng mga tao ang tatlong aklat ng talaan nila ng mga utang. Ipinakilala rin niya si Lino bilang siyang nagpamulat sa kanya ng kahirapang dinadanas ng mga magsasaka na naging dahilan upang ituring nila si Linong bayani.



Palihim na nakita ng tatlong ginang na kaibigan ni Bb. Sanchez ang tila ispesyal na ugnayan nina Lino at Didang. Tinawag nila ang binata na isang “traidor”. Lalo pa nilang inobserbahan ang dalawa sa gitna ng pagkakasiyahan at pagkakagulo sa paglagda ng mga kasunduan ukol sa pamamahagi ng mga lupa.

Kabanata 21 – Si Bidong 

Bumalik si Albino, ang katiwala ng bakahan ni Don Tito, sa tahanan ng don upang iulat dito ang mga nangyari sa Pinyahan ngunit hindi nasiyahan si Don Tito sa kanyang mga iniulat. Pinagdudahan din ng mayamang lalaki ang katapatan ni Albino.



Nabahala sina Don Tito at mga kapwa niya mayayamang asyendero sa mga pagkilos ni Pari Amando dahil baka pati ang kanilang mga magsasaka’y mag-aklasan at humiling din na mapasakanila ang kani-kanyang lupang inaararo. Napagplanuhan ng mga don na kung may magtatanong kay Benog kung bakit hindi nila sinusundan ang mga hakbangin ni Pari Amando dapat daw nitong isagot na “inihahanda na ang mga kasunduan at ipapatupad ang nilalaman nito, manalo man siya o matalo” ngunit kapag nanalo nga si Benog ay saka sasabihin ng don na nagkagalit sila ng anak at wala na itong pakialam sa karerang pampulitika nito.



Samantala, nagtaka si Lino dahil sa pag-uwi niya, wala saanman si Bidong at wala rin ang kanyang baril. Bumalik si Bidong ngunit mistulang may mabigat na iniisip, hindi maipinta ang mukha at hindi rin makausap nang matino. Hindi naman nabawasan ang mga bala ng baril ni Lino. Kinabukasan, dumating si Albino na malapit na kaibigan ni Lino at may iniulat ito sa kanya.

Kabanata 22 – Mga Pagtatapat



Sinabi ni Albino kay Lino ang kumakalat na balita sa Pinyahan na binigyan daw siya ng salapi ni Pari Amando na ipinamahagi naman niya sa mahihirap sa pamamagitan ni Bidong. Walang gayong salaping ibinibigay si Pari Amando at lalong hindi niya inutusan si Bidong na mamigay, lalo pa’t ang salaping ipinagkakaloob niya sa kapatid-kapatiran ay sapat lamang para sa mga pangangailangan nito. Nakakatawang ang mas mahirap ay namimigay sa mga kapwa niya mahirap.



Pinaamin ni Lino si Bidong kung ano ba talaga ang nangyari sa mga nakalipas na araw. Inamin naman ni Bidong na nangangailangan ng tatlong daang piso sina Huli na pambayad sa manggagamot na tumingin sa kanyang ama. Para makatulong, nangharang si Bidong ng isang trak mula Cagayan na papuntang Maynila kung saan, nakalikom siya ng dalawang libong piso. Hindi tinanggap ni Huli ang perang ibinigay ni Bidong sa takot na makagalitan ng kanyang ina bukod pa sa katotohanang natulungan na sila ng katiwala ni Don Tito na si Siyanong Bakoko. Hindi na nangahas si Bidong na iuwi ang perang nakuha niya sa pananakot kaya ipinamudmod na lang niya ito sa mahihirap.



Natatakot si Bidong na magkatuluyan sina Siyano at Huli, lalo pa at binata ang lalaki kahit may limang asawa. Sinabi naman ni Lino na dakila ang pagibig ni Bidong at tutulungan niya ito ngunit huwag nang ulitin ang ginawang pagsisinungaling.



Nagtungo si Lino sa Pinyahan. Kinausap siya nang masinsinan ni Attorney Ligon (marahil ay ginagawa niya ngayon ang mungkahi dati ng ginang niyang si Genoveva) upang ipatanto rito na labis siyang iniibig nang palihim ni Bb. Sanchez. Gayunpaman, dapat siyang magsakripisyo at layuan si Bb. Sanchez dahil hindi sila magkabagay. Dapat daw pagselosin ni Lino si Bb. Sanchez habang maaga upang lumayo na ito at matauhan. Isa naman sa mga iminungkahing paraan ni Lingo ang pagkuha sa anak niyang si Ernesto ngunit hindi na raw ito kailangan. Naunawaan naman ni Lino ang sinabi ng abogado at siya’y nagpasalamat, bagamat masakit ang katotohanang kanyang narinig.

Kabanata 23 – Ang Badigard



Ibinalita ni Lino kay Bidong ang naging pag-uusap nila ni Huli. Sumumpa si Huli na mamamatay muna bago tanggapin ang pag-ibig ni Siyanong Bakoko. Gumawa rin ng paraan si Lino upang mabayaran agad nina Aling Barang ang PhP 300.00 na ipinahiram ni Siyano. Natuwa si Bidong sa kanyang narinig, gayundin sa panukala ni Lino na mapasakanya na ang lupa sa Maruhat at hihingi na lamang siya ng sariling lupa sa Pinyahan o ang kabaligtaran.



Ibinalita naman ni Aling Huwana na nilangaw raw ang campaign rally nina Benog at pawang matatandang babae at mga bata lamang ang dumalo. Sinasabing iyon daw ay dahil kina Pari Amando at sa alagad nitong si Lino, bagamat iyon ay bintang lamang ni Siyanong Bakoko.



Maaaring maharap sa kaso si Bidong dahil sa ginawa niyang panghaharang at pangingikil ng pera sa inosenteng trak na napadaan. Dahil dito, minabuti ni Linong papasukin si Bidong na badigard ni Benog upang maproteksyunan siya dahil kakilala nina Don Tito ang mga pulis, hukuman, at iba pa.



Natuwa si Benog kay Bidong dahil tinawag siya nitong Gobernador. Sinubok naman nila ang tatag ni Bidong. Nagawa ni Bidong na patumbahing lahat ang lakas ng mga badigard ni Benog na sumulit sa kanyang pisikal na lakas.

Kabanata 24 – Kahoy at Anay



Nangamba ang mga tauhan ni Benog sa pagkakapasok ni Bidong bilang badigard dahil baka hindi sila nito sundin lalo pa at malakas ito at napatumba silang lahat. Nagdulot naman ng kalungkutan kay Bidong ang nalaman niyang pagkamatay ni Mang Abeng. Gusto niyang maipadama kay Huli ang kanyang pakikisimpatya.



Ayon kay Don Tito, ang katapatan ni Bidong ang pinakamahalagang masubok kaysa anumang pisikal na lakas dahil nag-aalala siyang baka pakawala ito ni Pari Amando upang tiktikan sila. Sumang-ayon naman si Benog dito kaya ipatutumba raw nila kay Bidong si Lino upang makita kung sila talaga ang pinapanigan nito.



Muli na namang nagtipun-tipon ang mga kaibigan ni Bb. Sanchez. Ipinaramdam din nila kay Ernesto na hindi nila tanggap ang bata. Nanghinayang din sila dahil maninirahan na raw si Koronel Roda sa Amerika at malalayo na sa Pinyahan. Ibinunyag naman nila kay Bb. Sanchez na nakita nila si Linong kinausap ng isang kabigha-bighaning babaeng nagngangalang Didang noong nagkakapirmahan ng mga kasunduan sa kumbento ni Pari Amando. Ibinalita rin nila ang pangungutang ni Lino ng salapi sa kahero ni Pari Amando at ang pagpapatira nito kina Aling Barang sa kanyang lupa na parang iminumungkahing pati si Huli ay nakaugnayan ni Lino. Iba’t ibang interpretasyon ang iminungkahi nila sa may pitong linggo nang hindi pagpapakita ni Lino na naglalagi sa Maruhat.

Kabanata 25 – Kamara Negra 

Nakiramay si Bb. Sanchez kina Huli sa pagkamatay ng kanyang ama. Nakibalita rin siya roon tungkol sa mga tulong na naidulot ni Lino sa mag-anak. Sinubukan din niyang malaman kung gaano kadalas nagagawi si Lino kina Huli dahil palaisipan sa kanya kung bakit hindi na pumupunta si Lino sa Pinyahan.



Pinag-usapan din nina Pari Amando, Basilia at Bb. Sanchez ang misteryo ng hindi pagkakadalaw ni Lino. Partikular silang naaawa sa anak nitong si Ernesto na nangungulila sa kanya. Gayunpaman, may mga bagay na tanging si Lino lang daw ang nakakaalam kaya iniiwan na nila rito ang pagkilos. Ang mahalaga’y hindi nababawasan kaunti man ang tiwala nila rito. Naghihinala nga si Pari Amando na may kinalaman si Abogado Ligon sa mga nangyayari dahil kapag nababanggit niya ang pangalang Lino ay parang natataranta ito. Hindi naman daw magugulat si Aling Basilia kung may kinalaman na naman ang mga kaibigang babae ni Loreto na minsan nang pinagtsismisan si Lino.



Bibigkas daw si Ernesto ng talumpati sa Linggo ng Wika sa Agosto 19 at isang magandang ideya kung maanyayahan daw si Lino upang saksihan ito.



Tinukso ni Benog si Bidong na sundin ang kanyang “ipinapagawa” (pagpatay marahil kay Lino, bagamat hindi tahasang binanggit) kapalit ng dalawang libong piso, puwesto sa gobyerno kung palarin siyang manalong Gobernador, libreng pagkain sa araw-araw at magandang sahod. Gayunpaman, hindi pumayag si Bidong at sinabing baka si Benog pa ang unahin niya. Nagbigay si Benigno ng 24 oras upang magpasya si Bidong. Ngunit kung hindi ito papayag, nag-utos na siyang iligpit si Bidong at ipatapon sa bandang Pinyahan. Dapat ding putulin ang anumang komunikasyon nito sa sinuman, lalo na kay Lino, upang walang makaalam sa pinag-usapan nina Benog at Bidong.

Kabanata 26 – Limang Kalayaan



Nagplano si Bidong kung paano makakaalpas sa pagkakabihag nina Benog. Naisip niyang magpanggap na sumasang-ayon na sa balak nina Benog para kapag pinalaya siya’y maisuplong niya kay Lino ang mga nangyari.



Pinagplanuhan naman nina Benog at ng kanyang brain trust kung paano ilulunsad ang kanyang kampanya. Iinog daw ang kanyang plataporma sa limang kalayaan na binanggit sa new deal ni Franklin Roosevelt ng Amerika: una, kalayaan sa pagsasalita; ikalawa, kalayaan sa pamamahayag; ikatlo, kalayaan sa oagkukuro; ikaapat, kalayaan sa pangamba; at ikalima, kalayaan sa pagkagutom. Ipapangako naman nila ang lahat ng mabuti sa mga botante upang makuha nila ang loob ng mga ito.



Pinag-usapan din nila kung paano masasagot ang mga paratang ng kanilang mga kaaway laban sa kanila, gaya ng pagkakaroon daw nila ng mga goon at police characters na pumoprotekta sa kanila, kabilang na ang isang masamang-taong nangharang ng isang trak na mula Cagayan. Ikinatuwa ni Benog nang malamang si Bidong ang tinutukoy dahil kapag iniligpit nila ito’y ang kanilang mga kaaway ang mapagbibintangan.



Naikuwento ni Aling Ambrosia kay Bb. Sanchez ang tungkol kay Didang na malamang daw ay maging tiya na ni Ernesto. Nangamba si Ambrosia na kung magkagayon ay baka hindi mapalaki si Ernesto nang simbuti ng pagpapalaki ni Bb. Sanchez. Nagtanung-tanong naman si Bb. Sanchez tungkol sa pagkakakilanlan ng dalaga at mababakas sa kanya ang pagseselos dito.



Pinagkalooban ni Bb. Sanchez si Aling Barang ng puhunan upang makapagtinda ito. Inampon naman niya si Huli upang maituring na kapatid, yamang hindi siya pinagkalooban ng isa. Inanyayahan ni Bb. Sanchez si Lino na dumalo sa pagtatalumpati ni Ernesto kaugnay ng pagdiriwang ng Linggo ng Wika.



Pinuntahan ni Albino si Lino upang ibalita rito na may ilang araw na niyang hindi nakikita si Bidong at may agam-agam siya kung bakit nagkagayon. Naisip naman ni Lino na baka dapat na niyang palitan si Bidong sa pagka-badigard upang mailigtas ito.

Kabanata 27 – Linggo ng Wika 

Sumapit ang ika-19 ng Agosto. Di-malaman ni Lino kung aling imbitasyon ang uunahin niyang tanggapin – ang paanyaya ni Didang na magmeryenda sa kanila dahil ginugunita niya ang pagpanaw ng kanyang ama o ang imbitasyon ni Bb. Sanchez na saksihan niya ang pagtatalumpati ng kanyang anak. Inuna niyang hanapin si Bidong na ayon kay Albino ay pinalabas na tumakas daw sakay ng kabayo ngunit ang totoo’y palihim na inilabas ng asyenda ni Don Tito.



Nagtalumpati nang buong-husay si Ernesto. Nagdamdam naman at nilagnat si Bb. Sanchez dahil hindi nagpakita si Lino. Inasahan pa naman niyang ito’y darating. Namangha naman ang lahat sa kagandahan at kabutihan ng pag-uugali ni Huli na itinuturing ni Loreto na kanyang kapatid.



Maghapong hinanap ni Lino si Bidong. Laking-gulat niya nang makitang isa na itong bangkay na iniwan ng tatlong lalaking nakasakay ng kabayo, isang kaganapang lagi nang magpapaalala sa kanya ng Linggo ng Wika.

Kabanata 28 – Nalingat si Lino 

Ibinunyag ni Lino kay Pari Amando ang lahat ng nangyari kaugnay ng pagkamatay ni Bidong, pati ang mga taong pinaghihinalaan niyang nasa likod nito. Sinabi na rin niya kung paano nagkaroon ng pera si Bidong na ipinamudmod nito sa mahihirap na taga-Maruhat gamit ang pangalan ni Pari Amando. Sinabi naman ng alagad ng simbahan na hindi niya sinasang-ayunan ang ginawa ni Bidong ngunit ito’y hinahangaan.



Binati ni Lino si Ernesto sa mahusay nitong pagtatalumpati sa Linggo ng Wika. Natuwa rin siya dahil nasa pagtangkilik na ni Bb. Sanchez si Huli. Inanyayahan din siyang magtungo kina Bb. Sanchez upang damayan daw si Huli, ngunit ang totoo’y si Bb. Sanchez ang mas unang gustong makakita sa kanya.



Nagpabida si Benog sa simbahan at sinabing pag-atake raw sa kanya ng mga kalaban ang pagkakapatay sa isa sa magigiting niyang badigard. Tinangka pa niyang bigyan ng tseke si Lino na tinanggihan nito at nangakong kapag nanalong Gobernador ay una niyang gagawin ang bigyan ng hustisya si Bidong. Pinuri naman ni Lino ang kanyang kadakilaan ngunit pinaringgan din si Benog na alam niyang may kinalaman ito sa pagkamatay ni Bidong. Binalaan din niya ang katiwala ni Benog na si Luisito.



Sa simbahan, ibinurol nang maghapon si Bidong bago inilibing noong bandang alas-kuwatro. Binalaan ni Pari Amando si Lino na huwag maghiganti at iwan ang karapatang ito sa Panginoon. Bahagya namang sinisisi ni Lino ang kanyang sarili dahil ayaw naman talagang magtrabaho ni Bidong kay Don Tito kung hindi sa kanyang pang-uudyok. Naisipan ni Linong mamasukan bilang badigard kay Benigno. Sinabi naman ni Albino na umalis na siya kina Don Tito at nagpaalam sa mga dating kasamahan sa pamamagitan ng liham dahil narinig niyang isusunod na siya kay Bidong. Sinabi rin niyang handa niyang ipagkaloob ang taong nagbulong sa kanya ng mga pangyayari bilang saksi ngunit nangambang baka mawalan lamang ito ng saysay sa uri ng hustisyang mayroon sa bansa.



Nakalimutan ni Lino na ito na ang araw na itinakda ni Didang upang magbigay siya ng sagot sa dalaga.

Kabanata 29 – Bukid at Bayan 

Bumisita si Lino kina Bb. Sanchez. Personal niyang ipinaabot ang pakikiramay kay Huli at sinabi ritong hangga’t siya’y nabubuhay ay para na ring nabubuhay si Bidong dahil gagawa siya ng paraan upang mabigyan ito ng katarungan. Laking-tuwa naman nina Aling Basilia na siya’y makita makaraan ng ilang linggo ng kanyang pagtatago.



Ayon kay Aling Basilia, noong Lunes pa raw maysakit si Bb. Sanchez. Hindi raw niya ito pinayagang makipaglamay dahil sa sama ng pakiramdam ngunit pinahintulutan naman niya itong makipaglibing, kaya lang, nahilo noong paalis na. Minabuti nina Aling Basilia at Linong makapasok sa silid ni Loreto.



Nagtatampo si Bb. Sanchez kay Lino at salamat naman daw dahil “naalala” pa sila nito. Matapos ng saglit nilang pagkakasarilinan, dumating naman ang tatlong tsismosang kaibigan ni Loreto na naging dahilan upang magtago si Lino sa ilalim ng kama. Nang makaalis ang mga babae ay saka siya lumabas. Pinalapit siya ni Bb. Sanchez sa kanya at sinampal nang bahagya. Dapat matutunan daw ni Linong dalhin ang kanyang sarili at magtaas ng ulo kahit sa harap ng hari. Naiyak si Loreto dahil hindi raw niya maputul-putol ang malalim na ugnayan ni Lino sa bukid.



Biglang naalala ni Lino ang palugit na itinakda ni Didang. Dali-dali silang bumalik ni Albino sa Maruhat ngunit malayo pa lamang sila’y nakita na nilang tila may sinusunog – ang bahay ni Lino!

Kabanata 30 – Nasaan si Didang



Nagkaputukan sa bukid ni Lino. Napatay nila ang kilabot na magnanakaw ng mga kalabaw na si Crisanto Elvambuena (Santong Bayawak) at napuruhan naman sina Romeo Aguado (Kumander Hantik) at Luisito na katiwala ni Don Tito. Matagal na palang pinaghahanap ng batas si Santong Bayawak dahil sa mga krimeng kinasasangkutan niya samantalang kalalaya lamang ni Kumander Hantik dahil sa ipinagkaloob ditong parol. Sinunog nila ang kubo ni Lino sa pakana marahil ng mga Sityar ngunit nagapi silang lahat.



Nagdatingan ang mga awtoridad sa lugar nina Lino. Ayon sa hepe ng pulisya, isasama raw nila sina Lino upang makibahagi sa pagsisiyasat ngunit sa tantiya niya’y hindi sila makakasuhan dahil nagawa raw nila ang matagal nang pinagsisikapang gawin ng mga alagad ng batas – ang pagsugpo sa mga taong pinaghahanap nila.



Dumating sina Huli at Aling Barang sa kanilang kubo upang ayusin ito at ihatid kay Lino ang sari-saring gamit na padala ni Bb. Sanchez. Ipinagtapat ni Lino kay Huli, nang sila’y magkasarilinan, na nangako si Bidong na magpapakabuti para sa dalaga. Utang din ni Lino kay Bidong kung bakit sumigla ang kanyang bukid kaya kung papaya si Huli ay sa kanya na mapupunta ang kalahati ng aanihin na dati ay kay Bidong. Tumanggi ang dalaga dahil sapat na raw na nanatiling tapat si Bidong hanggang sa huli. Siya naman ang nakiusap at sana’y mas mapadalas daw ang pagdalaw ni Lino kay Bb. Sanchez na halos dalawang linggo nang nakaratay.



Pinuntahan ni Lino si Didang isang linggo makaraan ng ibinigay nitong palugit. Sa kasamaang-palad ay kaaalis lang daw ni Didang noong umagang iyon. Nagbigay na raw si Didang ng hustong ekstensyon at araw-gabing ipinalangin ang kaligtasan ni Lino ngunit nang mabalitaan ng dalaga na payapa na ang lahat ngunit hindi pa rin siya dinadalaw ni Lino, napagpasyahan niyang umalis na. Magdamag daw siyang iniyakan at pinakiusapan ni Aling Huwana ngunit hindi na siya nagpapigil. Nagpunta siya sa bayan ngunit hindi sinabi kung saan eksakto paroroon. Hinabol siya ni Lino!

Kabanata 31 – May Lunas Pa 

Hinanap ni Lino si Didang sa kung saan-saan. Nakarating ang balitang ito hanggang sa Pinyahan. Ikinalungkot ito nina Aling Basilia, Huli at Ignacia, lalo na ni Bb. Sanchez na labis na nayanig ng pangyayari. Lumubha nang lumubha si Bb. Sanchez at upang hindi masaksihan ng mga bata ang panghihina-kamatayan niya, ipinadala niya ang mga ito sa Maynila upang doon mag-aral sa pangunguna ni Pari Amando.



Ipinahanap ni Pari Amando si Lino kay Attorney Ligon. Ikinatuwa naman ito ng abogado sapagkat pagkakataon ito upang maituwid niya ang kanyang pagkakamali. Wala namang mukhang maiharap ang mga tsismosang kaibigan ni Bb. Sanchez na nanghihimasok sa buhay nang may buhay.



Natalo sina Benog sa halalan, hindi lamang sa buong lalawigan kundi sa mismong Maruhat.



Natagpuan ni Ligon si Lino sa isang pagawaan ng mga muwebles sa Grace Park, Caloocan. Agad niya itong sinabihang umuwi sa Pinyahan dahil kritikal na si Bb. Sanchez. Agad namang sumunod si Lino. Binilinan naman ni Pari Amando si Lino na kahit sa unang pagkakataong ito’y ipagtapat niya kay Loreto ang nilalaman ng kanyang puso.



Hinikayat ni Lino si Loreto na magpagaling at ibibigay niya ang buo niyang sarili ngunit huli na dahil mahinang-mahina na ito. Huwag daw mag-alala si Lino dahil may nakalaan na raw para sa pag-aaral ng mga bata; ibinilin na rin daw niya si Lino kay Huli. Isang babaeng dalisay para sa lalaking dalisay rin.



Humingi ng tawad si Bb. Sanchez at nagpasalamat kay Lino dahil nagmalasakit daw ito nang maagawan siya ng pitaka noon sa Quiapo. Nagpasalamat din si Lino dahil labis-labis na raw ang naitulong sa kanya ni Bb. Sanchez. Pumanaw si Bb. Sanchez kasabay ng pagtunog ng kampanang para sa mga namatay nang hindi napagtutugma ang mga damdamin nila ni Lino sa isa’t isa dahil sa paniniwala ng binata na hindi sila magkapantay. 

Inihanda ni:

Alvin Ringgo Reyes

View more...

Comments

Copyright ©2017 KUPDF Inc.
SUPPORT KUPDF