Basketball at Wikang Pilipino

August 25, 2017 | Author: Charles Sarabosing | Category: N/A
Share Embed Donate


Short Description

Fil 40 final paper for Sir Jocson...

Description

Ang Impluwensya ng Wika sa Larangan ng Basketbol sa Pilipinas

Ipinasa bilang kahilingan sa klase sa Filipino 40 nina Charles Angelo Sarabosing, Patrick John Ulanday at Allan Domingo kay Prof. Schedar Jocson ng DFPP, Unibersidad ng Pilipinas Diliman noong ika-12 ng Disyembre, 2014.

Introduksyon

Ang Basketball ay malaking bahagi ng wika at kultura ng Pilipinas. Wala kang mahahanap na lugar o barangay sa Pilipinas na wala man lang ni isang basketball court, kahit na ba ito ay bakal lang na inikot at sinabit sa mataas na lugar para mag mukang ring. Hindi ka rin makakahanap ng Pilipino na walang bakas ng interes sa basketball; kahit ba nakikisali lang sa usapan tuwing playoffs ng NBA, o di kaya’y championship ng PBA basta masabi lang na may alam siya kahit kaunti sa basketball. Bakit nga ba naging malaking parte ng wika at kulturang Pilipino ang basketball? Ang sagot dito ay makikita sa mahabang kasaysayang ng basketball sa Pilipinas. Ang Basketball ay ipinakilala sa Pilipinas ng YMCA o Young Men’s Christian Association noong panahon na sakop ng mga Amerikano ang Pilipinas. Matapos ang Ikalawang digmaang pandaigdig lumunsad na ang tinatawag ngayon na “golden age of Philippine Independent Basketball”, dahil noong 1950s kinilala ang Pilipinas bilang isa sa mga pinakamagaling na manlalaro sa mundo. Sa panahong ito nanalo ang Philippine national team ng dalawang magkasunod na gold medal sa Asian Games noong 1951 at 1954, nanalo din sila ng bronze medal sa FIBA World Championship noong 1954 hangang ngayon ito parin ang pinakamataas na medalyang nakuha ng kahit anong bansa sa Asya, sa mga palarong ito nakilala ang isa sa mga pinakatanyag na manlalaro ng basketball sa Pilipinas na si Carlos Loyzaga. Noong 1970s naman nakita ng mundo ang pagbuo ng PBA o Philippine Basketball Association, ang unang propesyonal na liga ng basketball sa Asya at ang pangalawang liga ng basketball sa mundo ngayon sunod sa NBA ng Amerika. Noong 1980s patuloy padin ang mga panalo ng Pilipinas sa mga internasyonal na laban, nanalos sila ng FIBA Asia Club championship noong 1984 at FIBA Asia Championship noong 1986, nanalo din sila sa Asian Games ng Bronze medal; bagamat medyo matagumpay, hindi parin nila na pantayang ang lebel ng kaunlaran sa Internasyonal baskeball tulad noong 1950s. Noong 1990s ay nagsilabasan ang mga ngayo’y “household names” kumbaga sa Pilipinong basketball gaya lamang nila Robert Jaworski, Samboy Lim, Alvin Patrimonio, Allan Caidic at marami pang iba (Bartholomew, 2010). Kahit di parin napapantayan ang tagumpay na nakamit noong 1950s nila Carlos Loyzaga, nakikita ngayon ang muling paglakas ng nternasyonal na basketball ng Pilipinas, na ngayo’y tinatawag na Gilas Pilipinas, sa nakaraang FIBA Asia Championship noong 2013 ay nakamit ang silver medal ng Pilipinas, at

dahil dito nakapaglaro ang Pilipinas sa FIBA Basketball World Cup sa Spain, iang unang beses na nakabalik ang Pilipinas sa “world stage”, matapos ang halos 40 taon. Dahil sa haba ng panahon na naging bahagi ng Pilipinas at mga Pilipino ang Basketball, ito ay nag-evolve kumbaga, at kasabay nito ay ang wika na ginagamit ng mga manlalaro, ang dating laro ng mga Amerikano na may mga terminong Ingles lamang, ngayon ay nahaluan na rin nang Tagalog o Filipino. Makikita ang mga pagbabagong ito sa iba’t ibang larangan ng paglalaro ng basketball. Pinakalutang ang pagbabagong ito sa mga larong kalye at mga laro sa tabi tabi, dito ang mga manlalaro ay mga “tambay”, karamihan, bagamat marunong kahit papano mag Ingles, ay Filipino ang paggamit kapag naglalaro. Sa mga susunod na pagbanggit ng “larong kalye” tinutukoy din ang mga palaro ng SK o sangguniang kabataan at iba pang mga palaro na bagamat organisado ay hindi kabilang sa mga susunod na larangan ng basketball na babangitin. Sa Amateur na liga naman ay naglalaro ang mga estudyante ng mga kolehiyo, pinakatanyag sa mga liga dito ay ang liga ng basketball sa NCAA o National Collegiate Athletics Association at UAAP o University Atheltics Association of the Philippines. Pinakahuli sa kategorya ng mga larangan ng basketball sa Pilipinas ay ang mga palaro sa propesyonal na lebel. Sa propesyonal na lebel isa lang kinikilala na asosasyon sa Pilipinas ngayon, ito ay ang PBA o Philippine Basketball Association, at mayroon silang tatlong liga, ang Comissioner’s at Governor’s Cup kung saan pwede maglaro ang mga atletang Pilipino, at isang “import” o foreigner kada isang team, at ang Philippine Cup, na All Filipino Cup kung saan ang mga naglalaro ay lahat may dugong Pilipino (Bartholomew, 2010) Esensyal ang komunikasyon sa larong basketball, kinakailangan magusap ng mga magkakampi upang maging maayos ang pagsasagawa nila ng mga “play”, mahalaga ang pagkakaisa dito, kaya naman napakalaking parte ng wika dito, sapagkat ito lang ang paraan ng komunikasyon sa gitna ng isang laro. Ang paggamit ng wika sa paglalaro ng basketball ay may pinagkaiba sa bawat klase ng mga manlalaro, maaring magkaiba ang paggamit ng wika sa basketball base sa antas na pinaglalaruan. Malaki ang pinagkaiba ng komunikasyon, at kaikabit nitong wikang ginagamit, sa mga laro-laro lamang sa tabi-tabi, sa mga amateur na liga tulad ng UAAP at NCAA, at sa mga propesyonal na liga tulad ng PBA. Ang tinutukoy na mga lebel o antas ng paglalaro ng basketball; larong kalye, laro sa mga amateur na liga, at laro sa propesyonal na liga, ay mga spesipikong klase ng paglalaro ng basketball na may kanikanilang paraan ng pakiipag usap. Ngunit bago talakayin ito, ano nga ba ang klase ng paglalarong tinutuko sa papel na ito, kapag sinasabing larong kalye, laro sa mga amateur, at larong propesyonal?

Sa larong kalye, o laro-laro lang na basketball, tinutukoy ang mga klase ng laro na hindi opisyal na inorganisa. Ito yung mga tipong laro ng basketball na makikita sa tabi-tabi lang. Ito rin ang tipong laro ng basketball na handing-handang mapanood ng kahit sino, sapagkat sa halos bawat sulok ng Pilipinas ay may isang basketball court. Sa larong kalye karaniwang ang mga opisyal o “referee” ng laro ay ang mga manlalaro mismo, Dito nagkakainitan ng ulo, sapagkat ang panggugulang o pandaraya ay pinaka umiiral tungkol sa tawagan ng mga Gawain sa laro na labag sa mga tuntunin ng basketball. Uso rin dito ang “no blood, no foul”, na ideolohiya sa paglalaro ng basketball, dahil ang mga manlalaro mismo ang mga opisyal, mahirap itawag ang mga fouls o mga nakakasakit na mga play sa basketball, kaya naman kinukupkop ang ideolohiya na iyon upang magkaroon ng pruweba na mayroon talgang naganap na foul sa paglalaro. Tinutukoy din sa terminong “larong kalye”, ay ang mga palarong liga, na bagamat maaring tawagin na amateur ito at organisado, ay malaki ang pinagkaiba sa mga amateur na ligang tatalakayin mamaya, ito ay dahil wala ganong kohesyon sa mga manlalaro, di tulad ng makikita sa ibang lebel, ito ay ang mga liga na inoorganisa ng mga asosasyon na hindi kinikilala ng karamihan ng mga Pilipino. Ang tinutukoy sa larong amateur na lebel ng paglalaro ng basketball, ay iyong mga larong organisado, ngunit hindi sumasahod ang mga atletang manlalaro. Halimbawa dito ay ang mga liga ng mga varsity ng mga eskwelahan sa grade school at high school, kung saan makikita na organisado ang palaro, at organisado ang mga manlalaro dahil mayroong coach o trainer ang mga manlalaro. Bagamat maraming amateur na liga sa Pilipinas, ang pinaka tutukuyin dito sa papel na ito ay ang dalawang ligang amateur na pinakasikat sa bansa. Ito ay ang palaro ng basketball ng University Athletics Association of the Philippines o UAAP, at ang palaro ng basketball ng National Collegiate Athletics Association o NCAA. Ito ang gagamitin sapagkat, bukod sa ito ang pinakasikat, kitang kita ang pagkakaorganisa sa mga palaro at ang kohesyon ng mga manlalaro, at pagusnod nila sa kanilang mga coach. Ito ay ang tinuturing na premier na liga ng amateur na basketball sa bansa at ang kwalipikasyon na hindi sumasahod, o hindi binibigyan ng sweldo, ang mga atletang manlalaro ay nasusunod. Ang propesyonal na liga naman na tinutukoy sa papel na ito ay nagiisa lamang, ito ang Philippine Basketball Association, bagamat mayroon ding mga Asosasyon ng basketball na maituturing propesyonal dahil pinapasahod ang mga atletang manlalaro, hindi sila kasing sikat ng PBA, na nasyonal ang lebel ng sikat, bukod pa dito madali lang mapanood ang mga laro ng PBA kumpara doon sa ibang mga maituturing na propesyonal na liga.Gaya ng sinabi kanina ang PBA ay ang pinakaunang asosasyong ng basketball sa Asya, at sa ngayon ay ang

pangalawang pinakamatandang asosasyon ng basketball sa mundo sunod na lamang sa NBA ng Amerika. Ang pinakamalaking pinagkaiba ng propesyonal sa amateur ay ang sweldo ng mga propesyonal, bagamat mayroong scholarship na nagbibigay ng pera sa mga manlalaro ng mga amateur na liga, hindi ito katulad ng sweldong binibigay sa mga propesyonal na manlalaro ng basketball. Sa PBA ang pag-aliw sa mga tao gamit ang kanilang mga talent sa basketball ang binebenta nila upang makamit ang kanilang sweldo. Ang malaking pinagkaiba sa sweldo at scholarship ay ang kalakihan ng sweldo sa mga propesyonal na manlalaro ng PBA, na hindi bababa sa anim na pigura kada taon. Ang sweldo ay ang kwalipikasyon para tukuyin na propesyonal na lebel ang pnaglalaruan ng isang atleta. Ngunit ang propesyonal na lebel, tulad noong dalawang lebel na larong kalye, at amateur na lebel, ay may sari-sariling paraan ng pagusap at sari-sriling lebel ng kohesyon o pagka organisa. Ang paraang ng paggamit ng wika netong tatlong lebel na ito ang tatalakayin sa papel na ito.

Wika ng basketbol

Wika ng mga manlalaro Mahalaga ang wika sa paglalaro ng kahit anong palakasan, hindi lamang sa basketbol, sapagkat dito naipapahayag ang galaw ng mga manlalaro at daloy ng sistema na nais ng tagapayo o coach ng koponan. Kung wala ang wika, hindi magkakaintindihan ang mga manlalaro kung paano ang gagawin nila sa loob ng court. Bilang pinakilala sa atin ng mga Amerikano ang larong ito noong panahon ng kanilang kolonisasyon sa bansa, hindi kataka- taka na may impluwensya pa rin ng Ingles ang mga terminolohiya na ginagamit sa paglalaro ng basketbol. Halimbawa ay ang mga tinatawag na posisyon sa basketball kung saan ang bawat manlalaro ay may kanya-kanyang gawain at responsibilidad. Ang tagadala ng bola at nagpapadaloy ng opensa ng koponan ay tinatawag nating point guard. Ang pinaka-inaasahan naman na taga-buslo ng bola ay tinatawag nating shooting guard. Ang maliliksi at medyo may katangkaran naman ay tinatawag nating small forward. Ang mga naatasan naman upang kumuha ng bolang hindi naibuslo ay tinatawag na power forward at center. Sa iba naman, ang paraan ng paglalagay ng posisyon ay sa paggamit ng mga bilang na nakabase sa wikang Españyol. Ang point guard, shooting guard, small forward, power forward at center ay tinatawag

na uno, dos, tres, kwatro (Filipinong pagkakabaybay ng salitang quarto) at singko, ayon sa pagkakasunod-sunod. Dito mapapansin natin na hindi nakasulat sa Filipino ang mga posisyon sa paglalaro ng basketbol Sa mundo ng basketbol, ang coach ng koponan ang nagdidikta ng daloy ng laro at kung paano ito gagawin. Tinatawag ito ang mga ito na basketball strategy. Sa atin karamihan mga playbook ay nakabase sa uri ng laro sa Amerika at nakasulat sa Ingles. Isang magandang halimbawa nito ay ang tinatawag na Triangle Offense na isa sa mga pinakagamit, pinakapopular at pinaka-epektibo na basketball strategy. Ayon sa Wikipedia ito ay inimbento ng Sam Barry at ito ang ginamit ng mga koponan ng Chicago Bulls noong dekada ’90 at Los Angeles Lakers nitong nakalipas na dekada ,na parehas na nasa paggabay ni Phil Jackson, na nagbigay sa kanila ng ilang kampeonato sa NBA. Sa atin sa Pilipinas ang coach na tanyag sa paggamit nito ay si Tim Cone ng mga koponan ng Alaska mula 1989 hanggang 2011 at B-Meg/San Mig Coffee/Purefoods mula 2011 hanggang sa kasalukuyan (“Triangle Offense”). Pero hindi lahat ng basketball strategy sa atin ay nakasulat sa Ingles. Isa sa halimbawa nito ay ang man-to-man defense na kilala sa atin sa tawag na “tao-tao”, isang literal na translasyon ng Ingles na katumbas nito. Pero hindi lahat ng stratehiya sa basketbol ay nakabase sa wikang naipapahayag gamit ang pagsasalita. Uso rin sa basketball ang mga sign language. Ginagamit ito upang hindi malaman ng kalaban ang stratehiya ng koponan. Kadalasang mga gumagawa nito ang mga guard ng koponan. Halimbawa ng ginagamit na mga sign language ang pagsasabi ng bilang gamit ang kanilang kamay bilang pantukoy kung anong uri ng stratehiya ang kanilang gagamitin. Isa pa dito ay ang pagtapik sa ulo ng nagdadala ng bola (madalas ay point guard) upang pagsabi na naka “tao-tao” na depensa ang kanilang kalaban. Pero ang mga naunang nabanggit ay kadalasan nagagamit sa mga ligang amateur at propesyonal. Sa mga kalye may mga natatanging lenggwahe na ginagamit sa kanilang paraan ng paglalaro. Karamihan dito ay mga salitang Ingles at Espanyol na ginawang Filipino o di kaya’y mga salitang Filipino talaga. Isang halimbawa nito ang salitang miss na tawag sa free throw na ginagamit bilang pantukoy kung kaninong koponan mapupunta ang bola. Isa pang halimbawa ang salitang “baba” na ang ibig sabihin ay mabilis na pagpalit mula sa opensa papunta sa depensa upang mapigilan ang fast break ng kalaban. Ang mga iba pang halimbawa ay ang “loob” na tumutukoy sa lugar na malapit sa buslo at nakapintura; tres na ang ibig sabihin

ay mga nagawang buslo na may bilang na tatlong puntos; counted na tumutukoy sa mga buslong nagawa habang may foul na ginawa sa iyo ng kalaban; at iba pa

Wika ng mga opisyal Isa sa mga bumubuo ng mundo ng basketball ang mga opisyal. Ayon sa Wikipedia, ang isang opisyal ng basketbol ang may “responsibilidad na patuparin ang mga panuntunan at panatilihin ang kaayusan sa laro” (“Official (basketball)”) (malayang salin ng may-akda). Bilang ang mga panuntunan ng Philippine Basketball Association ay nakabase sa mga panuntunan ng National Basketball Association ng Amerika at ang governing body ng basketball sa buong mundo na FIBA, ayon pa rin sa Wikipedia (“Philippine Basketball Association”), hindi rin katakataka na ang ginagamit na wika sa pagpapatnubay ng larong basketball ay Ingles. Ang mga terminolohiya katulad ng foul, travelling, three second violation at iba pa ang ilang halimbawa nito. Kung inyong mapapansin ang mga salitang ito ay hindi masasalin sa Filipino. Sa antas naman ng amateur katulad ng mga laro sa University Athletic Association of the Philippines at National Collegiate Athletic Association, ang sinusunod na mga panuntunan ay ang mga tinakda ng FIBA. Dahil dito karamihan din ng mga terminolohiya na ginagamit ng mga opisyal sa ganitong mga torneo ay nakasulat at ipinapahayag sa Ingles. Gumagamit din ng sign language ang mga opisyal upang masabi sa mga manlalaro kung anong paglabag ang kanilang nagawa habang naglalaro. Halimbawa nito ay ang pagpapahayag na may isang manlalaro na nagtangkang tumira ng tres sa pamamagitan ng paggawa sa mga kamay ng bilang na tatlo habang ang mga ito ay nakataas. Isa pa ay ang pagsasabi kung kaninong koponan mapupunta ang bola sa pamamagitan ng pagturo ng direksyon kung saan papunta ang koponang kanyang pinaboran. Ang isa pa ay ang pagturo ng nakasaradong kamao sa sahig na nagsasabi na nakagawa ng foul ang isang manlalarong nasa depensa.

Wika ng manonood Sa isang bansang giliw na giliw sa basketbol, hindi kataka-taka na malaki ang papel ng wika na ginagamit ng mga manunuod nito. Sa propesyonal na antas, ang nagpapahayag ng saloobin ng mga manunuod ang mga commentator na napapanood sa telebisyon at

napapakinggan sa radio. Ang midyum na nagbibigay ng komentaryo sa Philippine Basketball Assocation ay ang Sports 360 (dating kilala bilang Sports5 Center) ng TV5, AksyonTV at Fox Sports Philippines. Ayon sa Wikipedia, ito ay nagsimula noong 2011 sa pangalan na AKTV Center. Karamihan ng laman nito ay tungkol sa mga nakalipas na laro, sa mga usapin sa kalagayan ng basketball sa Pilipinas at tinatalakay din dito ang malinaw na detalye ng larong nangyayari habang sila ay nagbibigay ng komentaryo. Ang ginagamit na wika sa Sports 360 sa TV5 at AksyonTV ay magkahalong Filipino at Ingles samantalang ang sa Fox Sports Philippines ay nakabase sa Ingles (“PBA on Sports5”) Dahil na rin sa kasikatan ng basketbol sa mga Pilipino, may mga salitang naimbento o ginawan ng bagong kahulugan dahil dito. Isa na dito ang salitang ending, isang sugal na uso kapag may laro sa PBA. Ang patakaran nito ay nakadepende sa kalalabasan ng laro, lalo na sa mga huling numero ng mga huling tala ng iskor. Isa pang terminolohiya na ginagamit madalas ng mga commentator tuwing naglalaban ang Barangay Ginebra Gin Kings at Purefoods Star Hotshots ng Philippine Basketball Assocation ang Manila Clasico dahil ang mga laban ng dalawang koponang nabanggit ay isa sa mga pinaka-dokumentado at pinakasikat na tunggalian sa kasaysayan ng liga. Ang mga manonood din ay may kaugalian na bigyan ng palayaw ang mga sikat na manlalaro sa bansa at makikita dito ang antas ng kanilang paglalaro. Ang mga halimbawa nito ayon sa Wikipedia ay Living Legend kay Robert Jaworski Jr. dahil sa paglalaro hanggang sa edad na 50 (“Robert Jaworski”); The Tower of Power kay Venancio “Benjie” Paras Jr. dahil sa katangkaran (“Benjie Paras”); Dynamite Danny Seigle dahil sa galling sa pagbuslo (“Danny Seigle”) at iba pa. Kung ating mapapansin, karamihan sa mga palayaw ay nakasulat sa Ingles. Sa mga larong kalye may mga natatanging mga salita din na ginagamit sa kontekstong ito. Ang mga halimbawa nito ay “banse” na ang ibig sabihin ay muli pang maglalaban ang mga koponan na kasalukuyang pang naglalaro. Ang larong ito ay magaganap pagkatapos na pagkatapos ng laban na nabanggit. Ang iba pang mga salitang ginagamit ay “palpal” o “huli” na ang ibig sabihin ay pinigilan ng isang manlalaro ang tangkang pagbubuslo ng kalaban; “arsiarsi” na ang ibig sabihin ay may taya o pusta na inumin (karamihan ay softdrinks) ang nasabing laro at “pa-sub” na ang ibig sabihin ay magpapalit ng kakampi habang naglalaro. Mapapansin natin na karamihan dito ay mga salitang Filipino na slang o di kaya ay mga Ingles na ginawang Filipino tulad ng “pa-sub” na mula sa salitang substitute.

Bilang konklusyon, masasabi na hindi pa rin nabibigyan ng Pilipinong identidad ang larangan ng basketbol ng Pilipinas sapagkat mababanaag natin ito sa wikang ginagamit dito. Masyado pa ring nakadepende ang wikang Ingles ang paraan ng pagsasabi ng istratehiyang gagagamitin at ang wika ng mga opisyal at mga manunuod lalo na sa propesyonal at amateur na antas. Ngunit sa larong kalye naman makikita mo ang Pilipinong bersyon ng paglalaro ng basketbol kahit na may mga impuwensya pa rin ito ng wikang Ingles. Wika ng Panunukso at Pagmumura sa Basketbol

Ano nga ba ang pagmumura at panunukso? Itong dalawang salitang ito ay karaniwang ginagamit upang mapababa ang loob ng taong nakadirekta rito o kaya naman ang layunin na mag-asar o mag-inis ng tao para sa iba’t ibang dahilan tulad ng inggit, galit, lungkot, at para rin sa katuwaan ng nagtutukso o nagmumura. Isa itong konsepto na hindi na mawawala sa ating kultura dahil ang pagmumura at panunukso ay naging normal na. Itong konsepto ay maiuugnay din sa larangan ng paglalaro lalong lalo na sa larong basketbol. Hinati namin ito sa dalawa, mga tukso at murang Ingles na ginawang Filipino, at mga tukso at mura na mula naman sa wikang Filipino. Isa sa nakasanayang gawain na ng mga Pilipino ay ang paggamit ng mga salitang Ingles sa kontekstong Filipino. Kung baga, nababago ang pagbigkas at pagbabaybay nito ngunit pareho pa rin ang kahulugan, dahil ito ang isa sa mga ugali ng mga kapwa nating mga Pilipino, mayroong katigasan ang pagbibigkas ng mga salita sa ibang wika at pati rin sa sariling wika. Ang mga halimbawa nito ay ang “Pakyu.” na mula sa “Fuck you.” ng wikang Ingles at “Shet” o di naman kaya’y “Shiyet” mula sa “Shit”. Itong mga halimbawa na ito ay kaunti lamang sa mga salitang ginagamit sa mga larong kalye at sa mga larong may mga taya o pusta. Sa larong kalye, ang wikang ginagamit ng mga manlalaro ay ang wikang nakasanayan na nila mula sa paglalaro ng basketbol at puwedeng gumamit ang isang manglalaro ng kung anumang salita, bulgar man o hindi, dahil walang limitasyon ang wika nila. Hinahayaan lamang nila ang pananalita ng isa’t isa dahil nasanay na sila at para sa kanila isa na itong normal na gawain. Para naman sa larong may kinalaman sa mga tayaan o pustahan, kapareho lamang nito ang wikang ginagamit sa larong kalye dahil karamihan naman ng mga larong kalye ay mayroong pustahan or tayaan. Sa mga larong kalye o sa mga larong mayroong tayaan or pustahan, masasabi natin na ‘walang limitasyon’ ang kanilang paggamit ng wika dahil wala ang mga opisyal na tagapamahala sa paglalaro, walang mga rules patungkol sa paggamit ng wika, at dahil hindi naman nila kailangan ang mga ito sa kanilang paglalaro.

Para naman sa mga larong organisado, sa Amateur at Propesyonal na lebel, kung ikukumpara sa mga larong kalye at sa mga larong may tayaan or pusatahan, strikto ang mga rules sa paggamit ng wika dahil ang layunin sa larong organisado ay magkaroon ng paglalaro ng basketbol na maayos at walang daya, at pati ang pagkakaroon ng respeto sa iba’t ibang mga koponan at mga manlalaro na kasama rito. Sa parehong lebel, di naman gaanong ginagamit pero mayroong mga pagkakataon ng kung saan nagagamit nga ang mga panunukso o pagmumura na hinango mula sa Ingles, ilang mga karaniwang halimbawa nito ay ang mga imports para sa Propesyonal na lebel, at ang mga Filipino-Americans naman para Amateur na lebel ng basketbol. Sa Amateur na lebel, ang paglalaro ng basketbol sa hayskul at sa kolehiyo, bibigyang importansya ang kabuuang laro ng basketbol, mga rules, ang pagrespeto sa isa’t isa, ang paggamit ng wika at iba pa, dahil dito nabububo ang pundasyon ng paglalaro; sa konteksto ng wika, dito sinasanay ang mga manlalaro para malaman nila na may limitasyon ang wika sa basketbol, dahil may mga kahihinatnan kung may masabi silang di-angkop habang naglalaro, at dahil mayroon ng mga opsiyal na namamahala sa laro. Kahit na mayroon ngang nabuong pundasyon hindi pa rin nasisigurado na may hindi gagamit ng di-angkop na pananalita habang naglalaro, nakadepende na sa manlalaro ang kanyang paggamit ng wika. Sa paglalaro ng basketbol sa Propesyonal na lebel, tulad na lamang sa Philippine Basketball Association o PBA, mas malalim na ang konteksto ng respeto at at paggamit ng wika pero Halos magkapareho ang paggamit ng di-angkop na wika sa Amateur na lebel ng paglalaro, nagkaiba lamang sa kung gaano katindi ang mga salitang nagagamit, siyempre iba pa rin ang pamamaraan ng panunukso ng mga Amerikano o mga Fil-Am na mga manlalaro, dahil iba nga ang kanilang wika at iba rin ang kanilang paunawa. Ang mga manunuod ng mga laro ng basketbol ay karaniwang hindi gaanong marunong sa mga panunukso or pagmumura na hinango sa wikang Ingles, pero magkapareho pa rin sa karaniwang ginagamit na wika ng mga manlalaro mismo, na bilang panunukso at pagmumura habang naglalaro. Sa konteksto ng limitasyon, ang mga manunuod ng mga laro ng basketbo ay mayroong maluwag na paggamit ng wika, kung baga walang limitasyon at kaya nilang sabihin ang kung ano man ang nais nilang sabihin, ipahayag o ipakita sa kani-kanilang mga lugar. Walang nagbabantay sa kanila upang magbigay ng foul sa kanila at hindi naman sila naglalaro kaya ang paggamit nila ng wika ay masasabing malaya. Sa kabuuan, ang panunukso at pagmumura sa hango mula sa Ingles ay di gaanong ginagamit sa larong kalye, mga larong may pusta o taya, at mga larong organisado, dahil di naman talaga karaniwan na ginagamit ang wikang Ingles sa pagtukso o sa pagmumura dahil iba ang wika natin, at ang ginagamit na wika

karamihan ng tao ay ang wikang nakasanayan nila at ang wika na kung saan sila malaya sa pagpahayag ng dinaramdam. Susunod naman ang mga tukso at mura mula sa wikang Filipino. Mahahanap ang mga salitang: Bobo, Laos, Walang alam, Tanga, P.I., at iba pa, sa kontekstong ito. Sa isang tiyak na lebel masasabing marunong at magaling ang mga Pilipino sa paggamit ng ganitong pananalita. Malawak ang sakop nito, mula sa pamamahay hanggang sa pinagtatrabahuan, mula sa paglilinis ng kwarto hanggang sa pagsagot ng exam; lalong na rin sa larangan ng basketbol. Sa larong kalye, lahat ng nasa itaas at pati iba pang salita ang naririnig kapag may laro dahil, ang nagiging layunin ng isang koponan bukod sa manalo sa laro ay ang manukso para mainis ang kanilang kalaban na koponan at mawala ang kanilang maayos na paglalaro o makipagmurahan sa kanila para mabawasan o mawala ang pokus. Sa kontekstong ito masasabing ginagamit ng mga manlalaro ang wika para magkaroon ng kalamangan sa kalaban, kung baga nakakatulong ang panunukso o pagmumura sa pagkakapanalo ng isang koponan, ito and nangyayari sa basketbol sa karaniwang larong kalye. Sa mga karaniwang laro na mayroong pustahan o tayaan, masasabing magkapareho ang panunukso at pagmumura, or di naman kaya’y mas matindi pa dahil nga may pustahan, at dahil doon, mas lalaki pa lalo ang kahihinatnan ng matatalong kopanan. Ang karaniwang natatalong koponan or manlalaro sa pustahan ay masasabing may galit kaya naman mayroon at mayroon na masasabi na masama o magmumura o manunukso para mawala at mailabas ang galit. Ang nananalo naman ay mayroon masasabi rin na masama, para lamang ipagyabang ang panalo. Sa konteksong ito, ginamit ang wika para mailabas ang nararamdaman at kahit na pagmumura or panunukso ang ginamit pinapakita pa rin nito ang naging layunin ng natalong koponan. Ang mga panunukso at pagmumurang mula sa ating sariling wika ay kitang-kita rin sa Amateur at Propesyonal na lebel ng basketbol. Kahit hindi naman gaanong ginagamit ang diangkop na salita, mayroon pa ring pagkakataon na ‘di sinasadyang may nasasabi ang mga manlalaro dahil saor kahit ang mga tagasanay kapag minsan ay hindi rin nila napipigilan ang magamit ang di-angkop na pananalita. Pumapasok pa rin dito ang konsepto ng mga kahihinatnan or mga foul dahil mabibigyan ang kalabang koponan ng kalamangan, kaya iniiwasan talaga ang paggamit ng di-angkop na pananalita. Iba pa rin pero ang pananaw ng mga nanunuod ng mga laro kaysa sa mga naglalaro mismo, ngunit magkapareho pa rin ang ginagamit na panunukso at pagmumura. Sa larong

kalye at sa mga larong ay pustahan or tayaan, ang mga nanunuod mayroong kinakampihan na manlalaro o koponan. Kaya kapag ang isang koponan ay natatalo o nananalo diyan na naguumpisa ang panunukso at pagmumura ng mga manlalarong natatalo at pati rin ang mga nanunuod ng laro. Kung talunan, siyempre mapapamura dahil nga natalo, kapag panalo, manunukso dahil hindi nakayanan ang galing. Ganito ang pag-iisip ng karamihan ng mga manlalaro at manunuod nga mga ganitong klase na larong basketbol. Kaunti na lamang, ay baka magkaroon pa ng away dahil sa kanilang paggamit ng wika. Pero kung ikukumpara ang mga larong kalye at larong may pusta at mga taya, sa mga larong organisado, tulad ng mga laro sa hayskuil, sa kolehiyo, at sa mga propesyonal na liga, mas malawak ang sakop ng wikang ginagamit dahil sa dami ng tao na nanunuod sa mga laro. Mayroon at mayroon na masasabi ang mga tao tungkol sa larong oraganisado, at karamihan sa mga ito at mga tukso at mga mura na nakadirekta sa mga manlalaro, sa mga opsiyal ng laro, sa mga tagasanay o kahit sa mga kapwa nila na nanunuod din ng laro. Sinasabi ng karamihang mga mamamayan ng iba’t ibang lugar sa mundo na ibang-iba ang mga manunuod ng larong basketbol dito sa Pilipinas dahil sa kanilang pagmamahal rito at dahil rin sa kanilang pagpapakita ng kanilang walang sawang suporta sa mga koponan sa PBA at sa mga koponan naman sa kolehiyo, sa UAAP at NCAA. Siyempre kung mabuti aspeto ang isang bagay o grupo ng tao, mayroon ding di-mabuti, isang halimbawa nito ay ang pagmumura at panunukso, o trash talk. Pinapakita nga rito ang suport ng mga manunuod pero sa di-angkop na pamamaraan, sa katunayan palagi na lamang naririnig ang trash talk sa karamihang laro ng basketbol, at mas lalo pa kung Finals pa ng isang season at marami ang nakikipagpustahan kung sino ang mananalo o magwawagi bilang kampeon. Dahil naging bahagi na panunukso at pagmumura sa isang tiyak na lawak, karamihan sa mga manunuod ay nakakaimbento na ng sariling nilang mga salita para gamitin bulang mura o panukso. Napansin ni Jerome Ascano, isang manunulat at awtor sa Spin.ph, isang website na ang layunin ay magbigay ng impormasyon tungkol sa mga nangyayari sa mundo ng isports, na nagkaroon na ng kakaibang mga salitang ginamit sa mga laro sa basketbol. Ika nga niya: “No thanks to online trash talk that has given it a new spin, kangkong has literally found its way to the Big Dome during a PBA game.” Pati ang karaniwang mga bagay, tulad na lamang ng kangkong ay nabigyan ng panibagong kahulugan sa konteksto ng pagmumura at panunukso. Noong May 25, 2014, gumawa ng isang artikulo ang kapwa manunulat at awtor ni Ascano, na si Rhoel V. Fernandez na mula sa kanyang pahayag. Ang titulo ng artikulo ay: Kangkong, Bora,

nganga and other trash talk Pinoy hoops fans throw around online. Know their meaning and origin. Sa artikulo na ‘to namigay si Fernandez ng listahan na may apat na salitang pang trash talk na ginagamit ng mga manunuod. Kabilang dito ang kangkong, bora, boom panes at nganga. Unahin natin ang kangkong, ito ay isang sangkap na ginagamit sa pagluluto ng mga pagkain, naihahalintulad ito noong panahon sa pariralang “sa kangkungan ka pupulutin”, kung saan ang kahulugan ay ang mapunta ang sinabihan nito sa isang hindi magandang lugar. Ngunit napaikli ito nga mga manunuod ngayon bilang isang salita lamang, “kangkong”, na ang ibig sabihin ay “talunan”. Susunod naman ay ang bora, ito naman ay masasabing lokal na bersyon ng pariralang ginagamit ng mga naunang NBA players tulad nila Charles Barkley, Kenny Smith at Shaquille O’Neal. Ang “bora” o “gone fishing” ay tumutukoy sa mga koponan na natanggal na sa mga grupo ng koponan na maglalaban laban para makuha ang pagkakampeon, kung baga nakabakasyon na ang mga na natanggal. Ikatlo ay ang boom panes, na pamliyar kapag nabanggit si Vice Ganda sa palabas na “Showtime” ng ABS-CBN. Para sa mga manunuod ang “boom panes” ay nangangahulugang pag-drive sa basket para makapuntos. At huling salita sa listahan ay ang salitang nganga na mayroong ilang mga kahulugan, isa na rito ang pariralang “kinakain ang kompetisyon”, at isa pa ang aktwal na kahulugan ng “nganga” na nakaiwang nakabukas ang bibig dahil sa kapanipaniwalang nangyari sa isang laro ng basketbol. Iilan lamang ito sa dinami-raming salita na nabago ang kahulugan sa konteksto ng basketbol, at patuloy lamang ito na rarami dahil hanggang mayroong naglalaro ng basketball mayroon at mayroong gagamit ng panunukso o pagmumura. Pinapakita rin nito ang lawak ng sakop ng wika sa larangan ng basketbol, at pati rin ang lawak ng kaisipan ng mga manunuod para makagawa ng ganitong mga salita na tinuturing kakaiba ng karamihan ng tao. Pinapalakas lamang nito ang nabanggit sa itaas na walang sawang suporta ng mga manunuod sa mga manlalaro sa iba’t ibang bersyon ng paglalaro ng basketball at pinapalakas rin nito ang kahusayan din ng mga Pilipino sa sarili nating wika. Ang mga mura at tukso sa hinango mula sa wikang Ingles at ang mga nagmula naman sa wikang Filipino, sa konteksto ng larong basketbol ay mayroong iisang layunin, ito ang pagpapahayag ng nararamdaman sa mga manlalaro, mga nanunuod, mga opisyal, o kahit sa mismong laro ng basketbol. Sa iba’t ibang mga laro ng basketbol tulad ng mga larong kalye, larong may pusta o taya, at mga larong organisado, binigyang importansya ang wika, dahil ito ang nagsisilbing koneksyon ng bawat isa, mga kapwa manlalaro man o mga nanunuod. Kahit

na panunukso ang ginagamit o di naman kaya’y ang pagmumura, hinahayaan nalang ito sa karaniwang pagunawa dahil naging normal na ang tingin ng mga tao rito at dahil bahagi na rin ito ng paglalaro sa mga iba’t ibang mga bersyon ng paglaro ng basketbol. Sa kabuuan, ano nga ba ang importansya ng panunukso at pagmumura sa basketbol? Ang sagot ay para mailabas ang nadarama at maipakita ito, mabuti man o hindi, dahil isa nga itong koneksyon, at kapareho lamang nito ang kahulugan ng wika sa pangkaraniwang pagunawa, na ang wika ay ginagamit para ipahayag ang nararamdaman at para magkaroon ng pagkaintindi at pagunawa sa isang grupo ng tao o kahit sa isang komunidad. Ano naman ang kahalagahan ng wika sa larangan ng basketbol? Kung iisipin ang kontradiksyon ng lagay ng laro ng basketbol ngayon, ang mangyayari ay walang maguusapusap, magkakaroon lamang ng kanya kanyang pamamaraan, pagkakaintindi, pagunawa sa basketbol. Iyon ang mangyayari kapag wala ang wika. Walang komunikasyon, at naging kontradiksyon ng layunin ng wika, na may pagkakaisa at may pagunawa ng lahat. Pinapakita lamang nito ang importansya o ang kahalagahan ng wika sa larong basketbol sa Pilipinas .Matapos ang pagpapakita ng iba’t ibang mga koneksyon ng wika sa konteksto ng larong basketbol at ang mga bersyon nito, at mula rin sa karaniwang paggamit nito hanggang sa diangkop na paggamit nito, ang pagmumura at panunukso, masasabing isang mahalaga at malaking bahagi ang wika sa basketbol. Di lamang para ipakita o ipahayag ang nararamdamang galit, bigo, talo, panalo, saya, tuwa, at mga iba pang mga pakiramdam sa larong basketbol, kundi para rin ipakita ang respeto ng bawat manlalaro, sa kani-kanilang mga kapatid sa court, sa mga kalaban na manlalaro, sa mga tagasanay at sa basketbol mismo. Ang paggamit ng wika sa basketbol ay masasabing isang simbolo ng pagkakaintindihan, pagkakaunawaan at pagkakaisa ng mga manlalaro, opisyal, tagasanay, at lahat ng mga manunuod.

Bibliograpiya: Bartholomew, Rafe. Pacific Rims: Beermen Ballin' in Flip-Flops and the Philippines’ Unlikely Love Affair with Basketball. Penguin Books Inc. June 1 2010. Web. December 12, 2014. < https://books.google.com.ph/books?isbn=1101187913> “Triangle Offense.” Wikipedia: The Free Encyclopedia. Wikimedia Foundation Inc. December 3, 2014. Web. December 12, 2014.

“Robert Jaworski.” Wikipedia: The Free Encyclopedia. Wikimedia Foundation Inc. December 3, 2014. Web. December 12, 2014. “Benjie Paras.” Wikipedia: The Free Encyclopedia. Wikimedia Foundation Inc. December 3, 2014. Web. December 12, 2014. “Danny Seigle.” Wikipedia: The Free Encyclopedia. Wikimedia Foundation Inc. December 3, 2014. Web. December 12, 2014. Fernandez, Rhoel. Kangkong, Bora, nganga and other trash talk Pinoy hoops fans throw around online. Know their meaning and origin. Spin.ph, May 25, 2014. Web. December 12, 2014. < http://www.spin.ph/sports/basketball/special-reports/kangkong-bora-nganga-and-other-trashtalk-pinoy-hoops-fans-throw-around-online.-know-their-meaning-and-origin>

View more...

Comments

Copyright ©2017 KUPDF Inc.
SUPPORT KUPDF