Ang Mukha Ni Medusa
October 14, 2017 | Author: Mark Christopher | Category: N/A
Short Description
Iskrip ng Dulang Mukha ni Medusa...
Description
IKATLONG GANTIMPALA 1962-63
ANG MUKHA NI MEDUSA Ni
MAR V. PUATU
MGA TAUHAN: HORACIO, ang panganay, 40 TONYA, kapatid, 37 LUCIA, kapatid, 30 ALEJO, kapatid, 34 ERNESTO, pinaka batang kapatid, 25 FELICIA, pangalawang ina, 45 ATTY. TORRES, 60
ANG TAGPO: Isang malaking sala. May mga diban , mamahaling silya at mga kagamitan, na nagpapakilala na ang bahay na iyon ay pagaari ng isang mayaman. Sa bandang itaas ng entablado ay may limang antigong salamin ns kasinglaki ng tao. Subali’t ,hindi na kailangang may tunay na salamin ang mga nililok na kuwadro ng mga salaming ito. Ang pintuang patungo sa labas ng bahay ay nasa gawing kanan ng entablado, at may isa pang pintuang patungo naman sa itaas ng bahay, sag awing kaliwa.
ANG PANAHON: Alas sais ng hapon, nag-aagaw-dilim sa labas ng bahay , at makikita ito ng mga nagsisipanood sa may bintana sag awing kanan ng entablado.
SA PAGBUBUKAS NG TABING May malalabong ilaw na nakabatbat sa entablado. Malungkot ang tagpo, at parang nakikita pa ng mga nanunuod na ditto sa dulang ito ay may naganap na pangyayaring siyang gumimbal sa mga tauhang gagalaw sa ating dula. Naiilawan ng maliit na pulang sinag ang limang nililok na kuwadro ng malalaking salamin, upang ipakita ang kahalagahan ng mga ito sa darating na tagpo. Magmula sa labas ng bahay papasok sa entablado sina Felicia, at Alejo. Nakasuot panluksa si Felicia at mahina siyang humihikbi. Si Alejo naman ay may maliiit na telang itim na nakaimpertible sa bulsa ng kanyang amerikana. Si Felicia ay apatnapu’t limang taong gulang na ,isang dating katulong sa mayamang bahay na ito, mapagkumbaba dahil sa likas na kababaang-loob at sapagka’t alam niya ang tunay na katayuan niya sa bahay. Si Alejo, isa sa mga anak ng yumaong may-ari ng bahay, ay tumutulong sa kanya, umaagapay. . . nguni’t makikita ng mga nanunuod na siya ay hindi likas na matulungin , at kaya lamang siya nagpapakitang-loob ay sapagka’t gusto niyang humingi ng pabor kay Felicia. Lalakad sina Felicia at Alejo patungo sa may gitna ng entablado. Tutulungan ni Alejo na maupo si Felicia sa isang magarang upuan , at kukuha siya ng tubig sa isang lamesita. Paiinumin niya si Felicia. . .
ALEJO: (Nakangiti) pilitin mong lumagok, Felicia. Makakatulong sa iyong paghinga iyan. FELICIA: ( Hihinto ng paghikbi, kukunin ang baso,iinom) Salamat, Alejo. (Isasauli ni Alejo ang baso sa lamesita) FELICIA: ( Bubuntunghininga nang malalim) Alejo, hindi ako makapaniwala ang Papa mo ay patay na! ALEJO: (Aaliwin si Felicia) Huwag mo nang isipin iyan. Sinabi ko na nga bang huwag na tayong magpunta sa libingan upang dalawin ang puntod niya, e! Pero, mapilit ka. . . FELICIA: (Maluluha) Gusto kong alayan siya ng mga bulaklak. Hindi ako nagkaroon ng pagkakataon na makalapit man lamang sa kanya nang husto noon libing niya ALEJO: (Ngingiti upang mapawi ang kalungkutan ng kausap) .Pigilin mo na ang iyong mga luha. Ang pag-ukulan mo ng pansin ngayon ay ang apat mong mga anak. ( Dudukot ng panyolito si Felicia at papahirin ang kanyang luha, tatango. Malulungkot din at mapapabuntunghininga.) Talagang nkakapagtataka . . . sa isang kisap-mata’y biglang napupugto ang hininga ng isang nilikha, samantalang kani-kanina lamang ay kay lakas niya , at . . . ( Hindi niya maitutuloy ang sasabihin, mangangalit ang kanyang damdamin, kaya’t muli siyang bubuntunghininga)
FELICIA: ( Pagkaraan ng ilang sandaling katahimikan) Alejo. . . natatakot ako! ( Titingin si Alejo sa kanya, nagugulumihanan.) Ang ibig kong sabihin ay . . .ano ang mangyayari sa amin ngayon ng aking mga anak? Maliliit pa an gaming supling ng iyong Papa, samantalang kayo naman ay malalaki na at may kanya-kanyang hanapbuhay! ALEJO: ( Lalapit sa kanya na nakangiti , at waring nagsasabing “ako ang bahala sa iyo”) Ano ang ikinababahala mo, Felicia? Hindi ka naming pababayaang magkakapatid! FELICIA: Natatakot ako kay Lucia! Alam kong malaki ang galit niya sa akin . Naghihintay lamang siya ng pagkakataon upang palayasin kami ng aking mga anak ditto sa bahay ng iyong Papa! Ngayong patay na siya ay. . O, Alejo, marahas ang kapatid mong iyan! ALEJO: Huwag kang maga-alala kay Lucia. Malakas lamang ang kanyang kahol, kaysa kagat! FELICIA: ( Balisa ) Nang buhay pa ang iyong Papa ay naramdaman ko na ang pagsasangga nina Lucia at ng Kuya Horacio mo. Magkakampi silang dalawa, Gusto nilang sila ang mamahala sa kayamanan ng iyong Papa. ALEJO: Iyan ang hindi maari! Kahit na hindi ako panganay , ay ako ang siyang nagging pinakamalapit kay Papa. Ako ang kailangang mamahala sa kanyang kayamanan! (Ngingiti) Kaya nga kailangang sumanib ka sa akin, Felicia. Kumampi ka sa akin at ipangangako ko sa iyong hindi kita pababayaan, sampo ng iyong mga anak! FELICIA: (Takot) Bale apat na ang magkakamping kapatid mo, Alejo. Si Horacio, si Lucia at ang alaga niyang si Tonya, at si Ernesto! Sila ang makakalaban mo! ALEJO: ( Nakangiti pa rin) Hindi ako natatakot sa kanila. Kung sasang-ayon ka sa aking mungkahi, ay maaalagaan ko ang iyong mga anak. Sa paghirang ng tagapamahala ng kayamanan ni Papa ay may tig-isang boto ang bawa’t anak niya. Kaya apat na boto ang hawak mo, sapagka’t ikaw ang tagapag-alagang ng mga anak ni Papa sa iyo, Felicia. Kung sa akin mo ibibigay ang botong iyan ay tiyak na mananalo tayo! FELICIA: (Hindi malaman ang kanyang gagawin). Hi. . .hindi mo kami pababayaan , Alejo? ALEJO: Hindi, Felicia. Tinitiyak ko sa iyong hindi kita pababayaan. Pero, kailangan ako ang maging administrador ng kayamanan ni Papa, upang magawa ko ang pagtulong na iyan sa iyong mga anak! ( Magmula sa kaliwa ng entablado, biglang papasok si Lucia, nakasuot itim din, nguni’t nagliliyab ang mga mata sa galit at pagkainis. Siya ay may tatlumpong taong gulang na, maliit nguni’t ang tinig ay napalakas, kaya’t umaalingaw-ngaw. Ito ang nagbibigay sa kanya ng mabalasik na kaanyuan. Haharapin niya ang dalawang nag-uusap) LUCIA: ( Naghihinala) Dumating na pala kayo! Hindi man lamang kayo nagsabi: kanina pa ako naghihintay ditto sa inyong dalawa!
ALEJO: (Nakangiti, magkukunwaring wala silang pinag-uusapang lihim ni Felicia) Lucia. . . LUCIA: Alam mo namang may pulong tayong magkakapatid ngayong gabi, Kuya Alejo. Tinawag ni Ernesto si Attorney Torres. Tineleponohan ko naman si Kuya Horacio, at tiyak na darating na siya. Mahalaga ang pag-uusapan natin! FELICIA: (Mapakumbaba) Lucia, ako ang may kasalanan. . .Nagpasama ako kay Alejo sa libingan ng iyong Papa. LUCIA: (Tatalikuran si Felicia) Kuya Alejo, ano ang pinag-uusapan ninyo nang lihim ni Felicia? ALEJO: Wala, Lucia. LUCIA: (Pasaring) Wala? E, bakit paanas lamang ang pag-uusap ninyo ditto kanina? ALEJO: ( Mapapakunot ang noo) Lucia, huwag mong sabihin na nakikinig ka sa kabilang kuwarto. LUCIA: ( Mabibigla) Ha? A. . e. . . (Ang pintong patungo sa labas ng bahay ay bubukas , at papasok sa loob ng entablado si Horacio, ang panganay. Siya ay nakaamerikanang puti, may itim na tela ding katulad ng kay Alejo. Masaya ang mukha ni Heracio, nguni’t alam ng mga manunuod na ito ay pilit lamang. Siya ay may apatnapung taong gulang na hindi gaanong mataas, nguni’t siksik ang katawan at animo’y puno ng lakas na hindi matarok. Malapit nang maubos ang buhok sa kanyang ulo, at ito ang nagpapatanda sa kanya ng higit sa kanyang tunay na edad. Mapupurok ang kanyang pisngi, at ito ang nagpapatingkad sa malulungkot niyang mga mata, na parang nakasaksi ng isang maitim na pangitaing hindi niya lubos na mapaniwalaan. Pagpasok niya sa entabladoay may huwad na katuwaang ipamamalas sa mga kapatid) HORACIO: ( Patawa nang kaunti) A, naririto na pala ang aking magigiting na mga kapatid. . . (Titingin sa paligid) Nasaan si Ernesto? LUCIA: (Nakangiti,biglang sasaya sa pagdating ni Horacio) Kuya Horacio. . .salamat at dumating ka na! Sinundo ni Ernesto si Attorney Torres. Dadalhin nila ang testamento ni Papa! Malalaman natin ngayong gabi ang tungkol sa ating mana! HORACIO: Mabuti . . . mabuti, Lucia! (Lalapit kay Alejo, nguni’t biglang magpapalit ng himig . Malamig ito, kahit na siya ay nakangiti.) Kumusta si Laly, Alejo? Bakit hindi mo kasama ang napakagandang asawa mo ngayon? ALEJO: (Pilit na ngingiti) Iniwan ko siya sa bahay, Kuya Horacio. Masama ang kanyang pakiramdam. Masyado niyang dinibdib ang pagkamatay ni Papa. Alam mo namang malapit siyang lubha kay Papa, nuong buhay pa siya.
HORACIO: (Nanunuya, nakangiti) May dinaramdam pala si Laly. . . kawawa naman siya. Nguni’t alam mo, Alejo. . .talagang napakaswerte mo. . .Kung ako ang nagkaroon ng kasinggandang asawang katulad ni Laly, talagang magdadala ako ng baril, para lipulin ang lahat ng mga lalaking hahabol sa kanya. ( Patawa nang kaunti, tatapikin ang katawan ni Alejo) Uhm. . . may sukbit ka nga palang rebolber. . . ALEJO: (Lalayo ng kaunti, hindi makatiis sa biro, malamig) Kumusta si Ate Celia? HORACIO: (Magkikibit ng balikat) Katulad ng dati. Hindi pa rin makalakad, magmula nang mapilay ang kanyang mga paa, dahil sa pagkakabunggo ng aming kotse! LUCIA: Higit kang nakakaawa, Kuya Horacio. Isa kang duktor pero wala kang magawa para mapagaling sa sarili mong asawa. HORACIO: Talagang ganyan ang buhay, Lucia. Kung sino ang gusto mong tulungan, ay siya mong hindi matulungan! ( Lalakad siya patungo kay Felicia) O, Felicia, hindi ka umiimik? Kumusta ang mga bata? Ang iyong mga anak? FELICIA: (Ngingiti, nguni’t takot) Mabuti. . .mabuti sila, Horacio. Salamat. HORACIO: Huwag mong pakadibdibin ang mga pangyayari, Felicia. Talagang matanda na si Papa. Biruin mo, siya ay kontemporaryo pa ng mga bayani ng ating bayan. Nakasalamuha niya sa Europa sina Rizal at Luna. Isa rin siyang patriota, Felicia. . .at isa pa siyang pinaka mayaman sa grupong iyon! Sa palagay ko naman ay hindi ka niya nakalimutan sa kanyang testamento! LUCIA: (Pagalit na nanunuya) Maari bang malimutan ni Papa ang pangalawa niyang asawa, na dati lamang alila?! FELICIA: (Biglang mauudlot) Ha! ALEJO: ( Mamamagitan) Lucia, ano bang pinagpuputok ng butse mo? Kung katulong lamang si Felicia nuong araw , huwag mong kalimutan na an gating ina ay katulad din niya. Wala tayong kaibhan sa mga anak ni Felicia. . .tayo’y mga niños de bastardos din! HORACIO: ( Tiwalang-tiwala sa sarili) Kailangan pa bang pag-usapan ang mga bagay na iyan? Bilang kahero ng angkan, alam mo na malaki ang naiwang kayamanan ni Papa. At alam mo rin na kailangang humirang tayo ng isa sa atin, upang maging tagapamahala o administrador ng kayamanang iyan. ALEJO: Mabuti at nabanggit mo iyan. Kuya Horacio. Iyan nga ang imumungkahi ko. LUCIA: Ano ang masasabi mo Kuya Horacio? HORACIO: Buweno. . .ganito ang dapat nating gawin. . .Bawa’t isang anak ni Papa ay magkakaroon ng isang boto!
LUCIA: (Mag-iisip) Bawa’t anak ni Papa. . .( Magsisiklab) Kung ganoon, pati mga anak ni Papa kay Felicia ay magkakaroon din ng boto?( Galit na galit.) Kuya Horacio, apat na boto rin ang hinahawakan ni Felicia! Siya ang taga-pagalaga ng mga anak ni Papa sakanya! Mga menor de edad pa ang mga sutil na iyon! ALEJO: (Makahulugan ang ngiti) Tama, Lucia. Apat nga ang boto na hinahawakan ni Felicia. Pero, hindi ka dapat maghinanakit. Bale dalawa rin ang boto mo dahil hawak mo ang boto ni Tonya. . .ang kapatid nating sintu-sinto. LUCIA: (Pakutya) Huh. . . sintu-sinto? Luka-luka ang ibig mong sabihin! ALEJO: (Mamumuhi kay Lucia, at magkikibit balikat.) LUCIA: (Nakalabi) Ngayon ko lamang mapapakinabangan ang luka-lukang iyan! Siya ang sumunod kay Kuya Horacio, pero ako pang nakakabata ang nag-aalaga sa kanya! HORACIO: Sapagka’t ikaw lamang ang mapagkakatiwalaan ng tungkuling iyan, Lucia. LUCIA: (Maghihinanakit) Talagang itinapon ninyo sa akin si Tonya. Nakakaabala siya sa buhay ninyo! ALEJO: (Hindi mapalagay) Hindi tutoo iyan, Lucia. Alam mong mahal din naming si Tonya. Pero, tumanda siyang batang-isip! LUCIA: Pareho na rin iyon, Kuya Alejo! Ang luka-lukang si Tonya ay ayaw nating alagaan, sapagka’t siya’y kalabisan sa ating angkan! Isa siyang dumi na nakahambalang sa lapag , ayaw ninyong walisin, kaya’t ipinailalim na lamang ninyo sa alpombra! Pero tuwing lalakad kaso sa sala ay hindi ninyo maiwasang tapakan,kaya’t ako ang inatasan ninyo. HORACIO: ( Biglang sisingit) Lucia, huwag kang magsalita ng ganyan laban sa sarili nating kapatid. LUCIA: (Haharapin siya) Kapatid? May kapatid ba tayong nanlilimahid at umaalingasaw dahil sa ayaw niyang maligo? Takot na takot siya sa tubig, kaya’t hindi ka man lamang makalapit sa kanyang kuwarto, sapagka’t parang labangan ito ng baboy! ALEJO: Takot si Tonya sa tubig Lucia. Alam mong noong maliit pa siya ay nahulog siya sa balon. Kamuntik na siyang namatay kung hindi siya nasagip ni Felicia. LUCIA: (Pakutya) Si Felicia. . . Hu. . isang alila lamang siya. . .at kaya lamang napalapit ang damdamin ni Papa sakanya ,ay dahil sa pagkakasagip kay Tonya. HORACIO: Lucia, tama na iyan! LUCIA: Ang lakas ng loob niyang mahiga sa kama ni Papa!
FELICIA: (Nagtitimpi) Lucia utang na loob. LUCIA: (Pagalit) Bakit hindi siya ang inutusan nating magalaga kay Tonya? Pareho silang sukal. . .parehong yagit! Suyang-suya na ako sa pag-aalaga kay Tonya, baka akala ninyo! Suyang-suya na ako! FELICIA: (Halos maiyak) Kaya ba lagi mong pinarurusahan si Tonya? LUCIA: ( Pataas ang tinig ,kay Felicia) Huwag kang sumabad sa aming usapan! Tandaan mo ang iyong posisyon sa bahay na ito! Isa kang utusan, katulong, alila! Hindi ka karapat-dapat na makasama ko sa loob ng isang kuwarto , sapagka’t Makita lamang kita ay inaalibadbaran na ako! ALEJO: (Ipagtatanggol si Felicia) Lucia, maari bang?. . . LUCIA: (Pagalit) Bakit mo ba ipinagtatanggol ang babaing ito, ha , Kuya Alejo? May gusto ka ba sakanya? Gusto mo bang palitan si Papa sa kanyang makasalanang kandungan? ALEJO: (Pinipigilan ang kanyang sarili, mangangatal sa galit) Lucia, nagtitimpi ako. . .Huwag mo akong piloting magalit. . . LUCIA: ( Lalong nagsisiklab) Kung ganoon ay sabihin mo sa kanya na huwag siyang makialam sa aking pag-aalaga kay Tonya! Maski na ano ang gawin ko sa kargo ko ay wala siyang pakialam! Ang anak niyang dungisin ang siyang asikasuhin niya. HORACIO: ( Mamamagitan, nakangiti) Buweno. . .huminahon tayong lahat. Huwag tayong magtalo, Lucia, Alejo. Para kayong mga baling nadarang sa apoy na sumasambuhat. LUCIA: ( Nanginginig sa galit) Siya kasi, Kuya Horacio! HORACIO: ( Haharapin siya, pangiti) Tama na, Lucia. Akong kuya mo ang siyang nakikiusap sa iyo. Magpalamig ka ng ulo. ( Mauupo sa silya si Lucia, at magmumukmok) Ano, Alejo. . . nakahanda na ba tayong maghalal ng isang administrador? Habang maaga ay dapat tayong humirang ng namamahala sa kayamanan ng Papa. Hindi na tayo dapat magaksaya ng panahon. ALEJO: Paano si Ernesto? Wala pa siya. HORACIO: Wala tayong dapat na alalahanin sa kanya. Isang masunuring kapatid si Ernesto, at sapagka’t ako ang panganay, sa akin niya ibibigay ang kanyang boto! ( Tiwalang-tiwala na nakangiti) ALEJO: ( Mag-iisip ng malalim) Mukhang nakasisiguro ka na, Kuya Horacio?
HORACIO: Siyemre naman, hombre! ALEJO: (Pasaring) Kung ganoon ay wala na akong pag-asang maging administrador, ha, Kuya? HORACIO: (Kunwa’y magugulat,pangiti) Bakit mo naman hahangarin na agawin sa akin ang tungkuling iyan? ALEJO: ( Biglang sisigaw, magsisiklab) Sapagka’t ako ang tumulong kay Papa upang palaguin ang kayamanang iyan! Dahil sa aking pagtitiyaga ay hindi tayo nalugi sa negosyo, kahit na pinabayaan na ni Papa ang lahat ng ito, sapagka’t siya ay nagumon sa alak! Ako ang namahala ng lahat ng negosyo niya, at hindi ako makapapayag na ibang tao ang magpapasa sa bunga ng pagpapawis ko! HORACIO: ( Masasaktan, nguni’t nakangiti pa rin. . .ngiting magbabanta ng humihiyaw nag alit) Kung iyan ang niloloob mo, Alejo, nakahanda akong idaan sa botohan ang bagay na ito! Ngayon ay maaring malutas natin ang problemang ito. . .Magbotohan tayo! LUCIA: (Tatayo , lalapit kay Horacio) Nakahanda na kami, Kuya Alejo. . . HORACIO: (Nakangiti) Lucia, kanino ka panig? Sino ang gusto mong maging administrador ng kayamanan ng Papa? LUCIA: (Lubos na nagtitiwala) Ikaw, Kuya Horacio. Isa rin akong masunuring kapatid, tulad ni Ernesto, at hindi ako taksil na magtatarak ng balaraw sa iyong likod! Alam kong hindi mo kami dadayain ni Tonya! ALEJO: ( Galit) Ano ang ibigmong ipahiwatig, Lucia, na isa akong traidor? Walang utang na loob! Pagkatapos kitang pahiramin ng malalaking halaga para mapagbigyan lamang ang iyong kapritso, ay ito ang isusukli mo sa akin? Isa kang masamang pera. . dalawa ang iyong mukha! LUCIA: ikaw ang taksil, Kuya Alejo! Hindi pa man lumalamig ang bangkay ni Papa sa kanyang libingan ay kumakarinyo ka na sa kanyang querida! (Lalapit na nakamba si Alejo kay Lucia. Pagigitnaan sila ni Horacio) HORACIO: (Patawa) Huwag mong daanin sa init ng ulo ang bagay na ito, Alejo. Pag-usapan natin ito nang mahinusay. . .tulad ng mga taong may pinag-aralan, at nakakaintindi ng kabutihang-asal. ( Tatalikod si Alejo upang magpalipas ng galit) Apat na kami nila Lucia, Tonya at Ernesto, Alejo.
(Lalapit siya kay, Felicia, nakangiti) Felicia, alam mo naman siguro na ako ay kaibigan mo rin. Isang taong nakakaunawa sa kalagayan ng iyong mga anak. Ngayong wala na si Papa, ako naman ang siyang mag-aalaga sa inyo. LUCIA: (Halos pasigaw, galit) Kuya Horacio! HORACIO: (Titingin sa kanya nang makahulugan, paimpit na galit) Alam ko ang ginagawa, Lucia. (Haharap uli kay Felicia, banayad na nakangiti.) Sino ang hinihirang mo bilang tagapamahala ng naiwang kayamanan ni Papa? FELICIA: (Hindi makasagot, nangangamba, nag-aalala) HORACIO: (Hahawakan ang kamay ni Felicia, pangiti na arang nagsasalita sa isang musmos) Huwag kang matakot, Felicia. Hindi kita sasakmalin. Hindi ako mabangis na pating na nakahandang sumila sa iyo, kapag inabot sa akin ang iyong mapagpalang kamay. Sagutin mo ako, Felicia. Magsalita ka. FELICIA: (Nagugulumihanan, kiming kukuning muli ang kanyang kamay sa pagkakahawak ni Horacio, tatayo at lalapit sa nakatalikod na si Alejo) Alejo, tungkol sa sinabi mo kanina. . . talaga bang hindi mo kami pababayaan ng aking mga anak? Papag-aralin mo ba silang lahat, at. . ALEJO: (Haharap kay Felicia, tatango) Kilala mo ako, Felicia. . . ni minsan ay hindi ako nagbaligtad ng nabitawan kong pangungusap! LUCIA: (Pagalit na lalait kay Felicia; pagalit, pautos) Felicia, kailangang pumanig ka sa amin ni Kuya Horacio! Siya ang dapat na maging administrador natin! Huwag kang maniwala sa matamis na dila ni Kuya Alejo! Talagang masarap siyang mangako, pero lilinlangin ka niya pagdating ng panahon! FELICIA: (Banayad, nguni’t paismid na haharap kay Lucia; sa unang pagkakataon ay ngayon lamang siya magkakaroon ng lakas ng loob na tumingin kayb Lucia nang mata sa mata) Ikinalulungkot ko, Lucia. Nanganganib ako sa inyong pangkat. (Lalapit kay Alejo) Kay Alejo ako. Naniniwala ako sa kanyang ipinangako sa akin! Siya ang ibinoboto ko bilang tagapamahala! (Hahawak kay Alejona parang hindi makatitiyak kung tama ang ginawang pagpapasiya. Ngingitian naman siya ni Alejo, na parang nagsasabing “Hindi ka nagkakamali sa ginawa mo, Felicia!”) HORACIO: (Hindi makapaniwala) Hi. . . hindi maaari iyan, Felicia. Nalalaman mob a ang ginawa mo? Kailangan ko ang boto ng mga anak mo. (Nagsusumamo) Felicia, nabigla ka
lamang. Bawiin mo ang sinabi mo. Huwag si Alejo ang piliin mo. Ako ang ihalal mo bilang administrador! ALEJO: (Tatawa nang malutong) Nakapagpasiya na siya, Kuya Horacio. Ayaw ni Felicia sa inyo ni Lucia. Alam niyang pangkat kayo ng mga sakim! HORACIO: Sakim? ALEJO: (Nagpupumiglas) Agh. . . (Mananaig si Horacio, sapagka’t higit itong malakas. Halos hindi na siya makahinga. Tatakbo si Felicia upang awatin sila.) FELICIA: Alejo. . . Horacio. . . utang na loob. . . . itigil ninyo ito! Huwag kayong magpatayang magkapatid! HORACIO: (Pasigaw) Ulupong! Ginapang mo ang pagtitiwala sa iyo ni Papa para mapalapit ka sa kanyang kayamanan!Pinagtaksilan mo kami na iyong mga tunay na kapatid! (Biglang uundayan ng suntok si Alejo. Mapapatumba ang huli. Bigla namang hahawakan ni Lucia si Horacio,nguni’t magpupumiglas ito. Magkakaroon na ng pagkakataing makabangon si Alejo.) ALEJO: (Nangangatal sa galit) Pasalamat ka at marunong pa rin akong gumalang sa iyong pagkapanganay, Kuya Horacio. Nagtitimpi ako, sapagka’t alam kong mga labi ngayon ay hindi sa iyo, kundi kay Celia, ang asawa mong lumpo! HORACIO: (Magpupumiglas) Huwag mong isangkot ang asawa ko sa usapang ito! ALEJO: Siya ang nagtutulak sa iyo upang maging ambisyoso, hindi ba, Kuya Horacio? Wala ka namang hangad noong araw na maging administrador ng kayamanan ni Papa. Ngayon na lamang, sapagka’t naging sunud-sunuran ka sa iyong asawa! Isa kang tulalang manika na lumulundag sa bawa’t sigaw ng iyong kabiyak! Hindi mo siya mapahindian, sapagka’t ikaw ang may kasalanan ng pagkalumpo niya! Lasing ka nang gabing ibangga mo ang inyong kotse! At sapagka’t siya ang nalumpo, samantalang ikaw na may kasalanan ay nakaligtas nang wala man lang galos, sinusurot ka ng makasalanan mong budhi. Sinusunod mo ang maniniil mong asawa, sapagka’t isa kang mahinang lalaki! Wala kang gulugod! Isa ka lamang malambot at humuhulas na dikya! HORACIO: (Halos mabaliw sa galit) Magtigil ka, Alejo! ALEJO: (Tatawa nang pauyam) Si Celia ang nakapantalon sa inyong pamilya, at ikaw ang nakasaya! Kawawa ka naman, Kuya Horacio! Isa kang tanga!
HORACIO: (Magpupumiglas) Bitiwan mo ako, Lucia! Isasara ko ang matabil na bibig ng taksil na ito! LUCIA: (Mahigpit na hahawakan si Horacio) Tama na, Kuya Horacio! Tama na! HORACIO: (Kumukulo sa galit) Napakagaling mong magsalita, Alejo! Ikaw rin ay biktima ng iyong asawa! Dahil sa siya ay maganda at alta-sosyedad, sapagka’t siya ay dating reyna ng kagandahan sa isang pambansang timpalak, dahil sa labis mo siyang minamahal, ay naging sakim ka na sa salapi at kapangyarihan! ALEJO: (Biglang magsisiklab) Huwag mong idawit dito si Laly. Wala siyang kinalaman dito! FELICIA: (Takot na pipigilin si Alejo) Alejo! . . . . HORACIO: (Biglang tatawa) Wala pala, ha? (Susurutin ang mukha ni Alejo) Aminin mo ang katotohanan, Alejo. . . Na ang asawa mo ang siyang nagsulsol sa iyo upang maging ambisyoso ka! Siya ang nagturo sa iyo upang maging magnanakaw ka! ALEJO: (Pagdidimlan ng pag-iisip) Kuya Horacio, huwag mong piloting kalimutan ko na nakakatanda ka sa akin! HORACIO: (Nakatawa) Nagkukunwari ka pa na mahal na mahal mo si Papa noong buhay pa siya! Nguni’t ang totoo ay wala kang ginawa kundi hintayin lamang na isuko niya ang kanyang kaluluwa, bago ka lumusob at sagpangin ang kanyang ari-arian! Ni minsan ay hindi ka lumapit sa kuwarto ni Papa noong kasalukuyang naghihingalo siya! Narinig mo lamang ang kanyang paghihirap ay tinatakpan mo na ang iyong tenga! ALEJO: Sapagka’t ayaw kong Makita o marinig siya’y naghihirap! Kayong mga buwitre ay nakabantay sa kanyang kama nguni’t ako ay hindi makatiis na makita siyang nagdurusa! Kung maaari nga lamang sana, noong mga pagkakataong iyon, ay ako na ang bumalikat sa krus ng kanyang paghihirap! HORACIO: (Paismid) Kalokohan! ALEJO: (Pasigaw) Huwag na nating ungkatin pa ang tungkol kay Papa! Patay na siya at namamahinga sa kanyang libingan! Huwag mo na siyang hukayin para kaladkarin sa putik ng iyong pagbibintang! HORACIO: Kung ganoon ay si Lay ang ating pag-usapan, Alejo. Ang maganda at animo’y bathalumang asawa mo, na siyang dahilan ng iyong pagkaganid. Siya ang pag-usapan natin, mahal kong kapatid!
ALEJO: (Astang susunggaban si Horacio) Kuya. . .! FELICIA: (Pipigilan si Alejo, subali’t nagpupumiglas ito. Mabubuka ang suot na amerikana ni Alejo at matatambad sa kanilang lahat ang rebolber na dala-dala nito.) Alejo, huwag!..!..! HORACIO: (Pakutyang tatawa nang malakas) Oo, Alejo. . . si Laly na mukhang anghel. . . na ang kutis ay malagatas at malasutla. . . na ang buhok ay singyumi ng malabot na ulang bumabagsak sa tigang na lupa. . . na ang mayamang dibdib ay namumurok na parang busog na bulubundukin. . . na ang kabanguhan ay nabibili sa halagang isang daang piso isang gabi! ALEJO: (Pasigaw na bubunutin ang reblber sa kanyang lukbutan at nangangatal sag alit na itututok ito sa dibdib ni Horacio) Kuya. . . binabalaan kita!. . . HORACIO: (Patuya) Sa akala mo ba’y natatakot ako sa punglo ng baril na iyan? Hindi mo ako mapipigil sa pagsigaw ng maitim mong lihim, Alejo. Ang babaing pinaglaanan mo ng iyong pagmamahal at pagsuyo, ang santitang ipinagtutulos mo ng kandila gabi-gabi, ang sinasamba mong kabiyak ng dibdib. . . ay isang masamang babae! ALEJO: (Magbabaga sag alit na ikakasa ang baril) Kuya! ! ! HORACIO: (Naghahamon) Oo, Alejo. . . Si Laly ay isang mamahaling ibon na mababa ang lipad! Alam mo iyan! Ikaw mismo ang nakatuklas ng mapait na katotohanang iyan, nang magkatuwaan tayo isang gabi at nagtungo tayo sa isang motel! Nagpatelepono ka ng isang marangya at mamahaling babae. . . at sino ang dumating sa motel na iyon, Alejo? Si Laly. . . ang sarili mong kabiyak ng dibdib! (Tatawa nang nakalilibak) (Hindi makapagpigil sa sarili si Alejo, ipapalo ang baril sa bibig ni Horacio. Matutumba an gang huli sa lapag. Nguni’t makahahawak siya ng isang maliit na silya na maaari niyang ipanlaban o ipanangga sa nahihibang na kapatid. Ang akala ni Alejo ay susugurin siya ni Horacio kayat’t papuputukan niya ito.) FELICIA: (Dadaluhungin si Alejo) Huwagggg! (Aalingawngaw ang putok, subalit matatabig ni Felicia ang kamay ni Alejo, kaya’t di tatamaan si Horacio, Mapapatigagal ang lahat ng tauhan sa entablado. Parang tulala si Alejo at matitigil siya. . . nakalungayngay ang ulo, at mabibitawan ang baril sa lapag. Parang matatauhan si Lucia kaya’t bigla niyang pupulutin ang baril at itatago sa isang kahon. Pagkatapos ay tutulungan niya si Horacio na tumayo at iuupo niya ito sa isang silyon. Ganap na katahimikan. Samantala, ang sinag na nakatuon sa mga nililok na kuwadro ng mga salamin ay tila nagbabaga at nagbibigay ng hindi pangkaraniwang epekto sa eksenang ito. Sa bintana, sa kanan ng entablado, ay makikita ng publiko na umuulan na pala. Hindi mapapansin ng mga tauhan sa entablado. Biglang magugulantang ang mga tauhang ito sa
pagbukas ng pintuang patungo sa labas. Papasok si Ernesto, ang pinakabata sa mga magkakapatid at si Attorney Torres, isang matanda na at nakasalaming manananggol, na may dalang “briefcase”. Kapuwa basa sila ng ulan, at pinapagpag nila ang kanilang damit. Isasara ni Ernesto ang pintuan upang huwag pumasok ang hangin. Mapapatingin sila sa lahat ng daratnan at maghihinalang may naganap na dapat nilang malaman. Subali’t mga mata lamang nila ang magsasalita.) LUCIA: (Babasag sa katahimikan, lalapit na nakangiti sa abogado) Attorney Torres, kanina pa naming kayo hinihintay. Salamat at pumayag kayong sumama kay Ernesto, kahit na gabi na at tila malakas pa ang ulan! ATTORNEY: Talaga sanang magpapabukas na ako, nguni’t bilang pagbibigay ko kay Ernesto, ay sumama na rin ako sa kanya. (Uubo nang kaunti, parang nag-uusisa.) Hindi ba putok ng baril ang narinig naming kanina na nanggaling ditto sa bahay? LUCIA: (Patawa) Putok? A, hindi. . . hindi, Attorney. ERNESTO: (Naghihinala, nguni’t kikimkimin na lamang sa sarili ang pag-aalinlangan) Wala nga siguro tayong narinig, Attorney. Baka malakas na kulog lamang iyon. Biglang sumama ang panahon nang dumating tayo ditto sa bahay, e. ATTORNEY: (Hindi kumbinsido, nguni’t magkikibit na lamang ng balikat) Siguro nga. . . ALEJO: (Mabubuhay na muli ang kanyang katawan) Dala mob a ang testament ni Papa, Attorney? ATTORNEY: (Tatango, ituturo ang “briefcase”) Naririto. . .nakahanda akong basahin ito kung lahat kayong magkakapatid ay naririto na. (Pagagalain ang tingin.) LUCIA: (Nakangiti; makikita sa kanyang mga kilos na nais niyang magpakitang-gilas sa abugado) Naririto na kaming lahat, Attorney. Ang mga anak ni Papa kay Felicia ay nasa kanilang kuwarto, at hindi na sila kailangang humarap pa ditto, sapagka’t hindi nila maiintindihan ang pag-uusapan natin. Naririto naman si Felicia upang siyang kumatawan sa kanila. ATTORNEY: (Sang-ayon, nguni’t maghahanap pa din) Si Tonya? HORACIO: (Titindig) Kailangan pa ba natin siya? Si Lucia ay naririto at ibang tagapag-alaga ng kulangpalad n gaming kapatid, siya ang kakatawan kay Tonya. ATTORNEY: (Makahulugan) Hindi makasasama kung tatawagin natin siya, Horacio.
LUCIA: (Nakangiting pagbibigyan ang abugado) Sandali lang, Attorney. . . (Pupunta sa kaliwa ng entablado malapit sa pintong patungo sa ibang kuwarto ng bahay at sisigaw nang ubod-lakas) Tonyaaaaa!. . . Tonya, halika ditto sa ibaba! (Pagalit) Tonya, bilisan moooo!. . . .(Lalapit na muli kay Attorney Torres; nakangiti.) Darating na siya, Attorney. Kapag narinig niya ang boses ko, mabilis pa siya sa daga sa pagkarimot papalapit sa akin! ATTORNEY: (Masisiyahan) Salamat, Lucia. Sa inyong lahat na magkakapatid, ikaw ang may pinakamagiliwing disposisyon. LUCIA: (Mamumula nang kaunti, patawa) Attorney. . . ATTORNEY: (Pormal) Kapag kaharap na natin si Tonya ay mababasa ko na ang testamentong ito. (Bubuksan ang kanyang “briefcase” at ilalabas ang dokumentong nasa loob.) (Mula sa pinto sa kaliwa ng entablado ay lalabas si Tonya at papasok sa entablado. Siya ay tatlumpu’t pitong gulang na, nakalugay ang buhok na parang hindi nasusuklay ng sampung taon, marumi at gusgusin ang damit na maraming punit at mukhang hindi nalalabhan ng maraming lingo, nanlilimahid ang kaanyuan, subali’t. . . may anyong bata ang kanyang mukha at mga mata. . . mga matang buhay at puno ng apoy ng kawalang-malay. Lalapit siya nang patakot kay Lucia, nakangising parang hindi nauunawaan ang pangyayari, at uutal-utal ang kanyang pananalita.) TONYA: (Pautal-utal, nakangisi) Lucia. . . tawag ikaw. . . Tonya? LUCIA: (Pagalit) Oo. . . Bakit hindi ka sumagot sa unang tawag ko pa lamang? TONYA: E. . . e. . . . LUCIA: (Susunggaban si Tonya at kakaladkarin palapit kay Attorney) Huwag kang tatangatanga! Humarap ka kay Attorney! Magbigay galang ka sa kanya! TONYA: (Hindi nakauunawa, nakangisi) At. . . torney. . . ikaw? ATTORNEY: Ako nga, Tonya. TONYA:: (Biglang babangis, magsisiklab) Ikaw! Ikaw patay aking Papa! Ikaw lagay Papa ko sa lupa! (Susunggaban si Attornye at kakalmutin sa mukha.) ATTORNEY: (Magsasanggalang sa sarili, magugulumihanan) A. . . tulungan ninyo ako. . . Ilayo ninyo ako sa kanya! LUCIA: (Pagalit, na hahaltakin si Tonya) Bitiwan mo si Attorney, Tonya! (Titilapon si Tonya sa lapag.)
TONYA: (Parang batang inagawan ng kendi) Siya patay aking Papa! (Humihikbi) Lagay niya Papa sa semento! Ayaw niya ako kausap sa Papa! LUCIA: (Hiyang-hiya at galit na galit) Walanghiya kang luka-luka! Nakapandidiri ka na, hiniya mo pa ako kay Attorney! (Tatanggalin niya ang malapad niyang sinturon at uundayan nang sunud-sunod na hagupit ang kapatid.) TONYA: (Masisigaw sa sakit, nguni’t hindi makalaban) Lucia. . . aw aka akin. . . ayoko na. . . tawad mo ako! FELICIA: (Patakbong hahawakan si Lucia) Tama na, Lucia! Hindi siya hayop! Tao rin siyang katulad mo! LUCIA: (Pagalit na iwawaksi si Felicia; sisigawan si Tonya) Sige, bumalik ka na sa kuwarto mo! Magkulong ka duon! Huwag kang lalabas hanggang hindi kita tinatawag! (Itutulak si Tonya.) TONYA: (Patungo sa pinto sa bandang kaliwa, patungo sa kanyang kuwarto) Oo, Lucia. . . sunod ako gusto mo! LUCIA: Butwisit ka lang sa buhay ko! Mabuti pang magbigti ka na sa kuwarto mo! TONYA: (Aalis, pahikbi) Oo. . . sunod ako lahat gusto mo, Lucia. . . sunod ako! ATTORNEY: (Bubuntunghininga, aayusin ang nagusot na damit) Hindi mo n asana siya hinagupit, Lucia! LUCIA: (Pasinghal) Ako ang bahala sa kanya, Attorney! (Maaalala na kailangan pa nga pala niyang magpakita ng giliw sa abugado.) Naku, pasensya na kayo, Attorney. . . nakakahiya sa inyo ang inasal ng luka-lukang iyan. Alam ninyo, talagang kapag nag-uuulang tulad ngayon, parang nasisiraan siya ng bait. Ewan ko ba, ipinaglihi yata sa kidlat, e! ATTORNEY: (Magkakamot ng ulo) Bakit kaya niya ako sinisisi sa pagkamatay ng inyong Papa? FELICIA: (mapakumbaba) Siya lamang ang hindi nakakita sa kanyang Papa nang ito ay ilibing, Attorney. Hindi siya makalapit sa kabaong sapagka’t pinigilan siya ni. . . LUCIA: (Pagalit na sasabad) Kalimutan na natin si Tonya, Attorney. (Pilit na ngingiti.) Ang tungkol sa testament ni Papa ang pag-usapan natin, maaari ba? ALEJO: (Nasasabik) Siya nga, Attorney. Basahin na ninyo ang kasulatang iyan.
HORACIO: Nasasabik na kaming lahat na malaman ang tungkol sa aming mana, Attorney. LUCIA: (Mangangarap ng gising) Kung pare-pareho ang ating mamanahin, malaki pa rin ang aking tatanggapin. Alam ko na kung saan ko gagastahin ang pera. . . magpapagawa ako ng isang bagong mansion, ang pinakamalaki at pinakamagarang bahay na kaiinggitan ng lahat ng tao. . . ERNESTO: (Sasabad) Ate Lucia, pabayaan nating basahin ni Attorney ang testamento ni Papa, para malaman natin kung ano an gating tatanggapin. HORACIO: (Pamamayanihin ang kanyang pagka-panganay) Tumahimik na kayong lahat. . . (Nakangiti, nguni’t aasam-asam.) Attorney, maaari ba? ATTORNEY: (Babasahinang kasulatan) Naririto ang testament. Mahaba at puno ng legalidad ang kasulatang ito. Kaya kung gusto ninyo ay sasabihin ko na lang ang buod ng kanyang huling habilin. (Titingin sa lahat.) ALEJO: (Tatango) Kanino napunta ang pinakamalaking parte ng kanyang kayamanan, Attorney? Sino ang mamamahala ng kanyang naiwang negosyo? Ako ba? ATTORNEY: Hmm. . . (Uubo nang kaunti, bago muling magsasalita) Sa kanyang mga musmus na anak kay Felicia ay nagpamana siyang ng tiglilimang libong piso, upang magamit sa pag-aaral ng mga bata! FELICIA: (Mapapabuntunghininga) Salamat sa Diyos at hindi niya kami nakalimutan! LUCIA: (Paismid) Tiglilimang libo. . . Isang patak lamang iyan sa balde, Attorney! Ang tungkol sa aming magkakapatid na matatanda. . . ano ang. . . ATTORNEY: (Makahulugan ang tinig) Huwag kayong mabibiga, ngunit babasahin ko na ang nakasulat ditto. . . (Ang lahat ay kinakabahan) “Nang magsimula ako sa aking negosyo ay iisang piso lamang ang laman ng aking bulsa. Ang isang pisong iyan na pinuhunan ko ay napalago ko hanggang sa magkamal ako ng malaking salapi, na siya ko ngayong maiiwan sa aking mga anak. Subali’t ayaw kong ibigay sa mga matitino kong anak ang lahat kong kayamanan, sapagka’t nais kong matuto silang magbanat ng buto, at magpatulo ng pawis, bago sila makatanggap sa akin ng kahit na isang kusing.” (Samantalang binabasa ni Attorney Torres ang testament, lalamlam ang ilaw sa kasulatan. Ang mga sinag naman na nakatuon sa mga kuwadrong nililok ay higit na titingkad na parang apoy na nagbabaga. . . nagbabadya ng kanilang kaibang kahulugan sa tagpo.) HORACIO: (Painis) Ipagpatuloy mo ang pagbasa, Attorney!
ATTORNEY: “Sa apat kong mga anak na sina Horacio, Lucia, Alejo, at Ernesto. . . ay ipinamamana ko ang. . . tig-isang piso!” LUCIA: (Palundag, mabibigla) Ha? Tig-isang piso? ALEJO: (Hindi makapaniwala) Attorney, baka nagkamali ka! HORACIO: Attorney, basahin mo uli iyon! ATTORNEY: “. . . Ipinamamana ko ang tig-isang piso sa kanilang apat, at ang lahat ng aking kayamanan ay iniiwan ko sa aking kapus-palad na anak na si Tonya.” LUCIA: (Mapapaupo sa pagkagitla) Kay Tonya ipinamana ang lahat ng kanyang kayamanan. . . ALEJO: (Halos maiyak sa pagkagimbal) Kay Tonya. . .! LUCIA: (Tatayong bigla, masigla at tuwang-tuwa) Ako ang tagapag-alaga ni Tonya! Kung sa kanya mapupunta ang kayamanan ay parang akin na rin, sapagka’t ako ang kanyang tagapagalaga! (Masayang-masayang tatakbo patungo sa pinto sa kaliwa ng entablado.) Tonya. . . Tonya! . . . (Lalabas sa entablado na tinatawag ang pangalan ni Tonya.) ATTORNEY: (Akmang pipigilin si Lucia, nguni’t magkikibit lamang ng balikat, may bubuntunghininga) Hindi hinintay ni Lucia ang kabuuan ng testament. HORACIO: (Nag-aalumpihit sa panlulumo) A. . . ano pa ang nakalagay sa kasulatang iyan? ATTORNEY: Kay Tonya nga ipinamana ang kayamanan ng inyong Papa, nguni’t kailangang maipagamot si Tonya sa isang pribadong ospital. Ngayon, kung sakaling may mangyari kay Tonya. . . huwag nawang pahintulutan ng Maykapal. . . ang kayamanan ay mauuwing lahat sa pamahalaan!
View more...
Comments