Ang Juvenile Delinquency Ay Ang Ilegal

May 31, 2016 | Author: nizabangx | Category: N/A
Share Embed Donate


Short Description

Download Ang Juvenile Delinquency Ay Ang Ilegal...

Description

Ang juvenile delinquency ay ang ilegal, kriminal o di maka-sosyal na pag-uugali ng mga menor de edad. Ito ay patungkol sa paglabag sa batas ng batang labing-walong taong gulang at pababa. Ano ang patakaraan ng pamahalaang Pilipino upang mapangalagaan ang mga kabataan na napatunayang lumabag sa batas? Sa ilalim ng batas ng Pilipinas, itinatag ang Presidential Decree No. 603 o ang Children and Youth Welfare Code. Ang kautusang ito ay nagawa noong ika-10 ng Disyembre 1974 sa ilalim ng pamahalaang Marcos at naipatupad anim na buwan mula sa petsang ito. Sa kasalukuyan, nariyan na ang Republic Act (RA) 8369 o ang Family Courts Act at ang Rule of Examination of Child Witness. Pangunahin sa layunin ng mga ito ang pangalagaan ang kapakanan at karapatan ng mga batang Pilipino Sa mga artikulo 189 hanggang 204 ng PD 603 isinasaad na ang mga kabataan, sa edad na siyam pababa, kung nagkasala sa batas ay hindi papatawan ng kaukulang parusa. Bagkus, siya ay ilalagay sa pangangalaga ng kanyang mga magulang. Kabilang din dito ang mga nasa edad siyam hanggang labing-lima, subalit kung napatunayan ang pagkasala sa kondisyong alam ito ng bata ay ilalagay siya sa pangangalaga ng Departament of Social Welfare and Development. Mananatili siya dito hanggang sa umabot sa edad na dalawampu’t isa o kung may rekomendasyon na ang kagawaran. Dagdag pa sa nabanggit, ang mga kabataang nagkasala sa batas ay binibigyan ng espesyal na pagtrato sa pagharap sa korte kasama na ang pagkakaroon ng pisikal at mental na eksaminasyon. Inihahanda din ang mga rehabilitation o detention centers na tutulong sa paghubog ng mga bata at pagtuturo ng mga tamang kaugalian sa komunidad. Ang lahat o parte gastusin sa pagpapa-rehabilitate ng kabataan ay ipinapatong sa mga magulang subalit kung wala o kulang kakayahan ng mga ito ay nararapat na tumulong ang munisipalidad na kinabibilangan ng batang nagkasala. Sa pangkalahatan, ang mga batang menor de edad, bagama’t nagkasala, ay binibigyan ng partikular na pangangalaga sa batas. Ano ang kasalukuyang kalagayan o pagtrato sa mga juvenile delinquents sa Pilipinas? Ang mga kabataang lumabag sa batas sa mga panahong ito ay madalas nang inuukulan ng pagtrato na tulad ng mga taong nasa legal na edad. Sa maraming pagkakataon, ang kanilang mga karapatan ay nayuyurakan. Maging sa mga korte ay napapabayaan kung minsan ang pagtingin sa karapatang-pambata. Madalas pa, walang regular na Family Court na dapat na hahawak ng mga kaso ng mga batang menor de edad. Nagkakaroon din ng mga sitwasyon kung saan ang mga batang nagkasala ay nakukulong kasama ng mga taong nasa legal na edad at naisasantabi ang konsiderasyon ng paglalagay sa kanila sa mga sentro ng rehabilitasyon. Sa mga rehabilitasyon naman ay nagkakaroon din ng mga suliranin. Dahil sa kakulangan ng pondo para sa pagsustento sa mga sentrong ito ay may malaki ring kakulangan sa mga pasilidad. Kung minsan pa nga ay pondo kulang pa sa pagpapatayo ng isang rehabilitation center. Ang kondisyon din ng mga bata sa mga institusyong ay hindi rin gaanong maayos. Marami ang nagsisiksikan, hindi mainam ang pagtuturo ng edukasyon. Sa kasalukuyan, may sampung rehabilitation centers sa bansa at ilang mga youth homes sa iba’t ibang siyudad at munisipalidad. Ang midya rin ay nagiging pabaya kung minsan sa paghawak ng mga pangyayaring kinasasangkutan ng mga kabataan. Marami sa mga ipinapalabas sa telebisyon, mga naririnig sa radyo at mga inilalathala sa mga pahayagan ay nagpapakita ng impresyon na ang batang nagkasala ay tulad din ng mga nakakatandang kriminal. Kung minsan, lalo na sa telebisyon, ay lantad ang pagpapakita ng mga mukha ng batang nakagawa ng krimen ng walang permisyon mula sa mga ito.

Paano nakaka-apekto sa buong bansa ang kalagayan ng mga juvenile delinquents? Palasak na kasabihan “Ang kabataan ang pag-asa ng bayan”, subalit sa ating makikita sa panahon natin ngayon, unti-unti nang napapabayaan ang kapakanan ng maraming kabataan. Ang juvenile delinquency ay masasabing epekto ng hindi mainam na pagpapalaki ng mga magulang sa kanilang mga anak at ang kakulangan ng atensyon ng mga komunidad sa mga kabataan lalo na sa edukasyon. Marami na ang mga batang pakalat-kalat sa daan o mga street children na nasasangkot sa mga sindikato, ilegal na gawain at drug addiction. Nagiging palasak na rin ang mga pang-aabuso at child labor. Sa pagsulpot ng ganitong mga pangyayari, hindi na nasisiguro ang mabuting kinabukasan ng karamihan sa ating mga kabataan. Dala pa ito ng matinding kahirapan na dinaranas ng bansa ngayon. Dahil sa hirap, maraming mga magulang ang nawawalan ng kakayahang pag-aralin at buhayin ang kanilang mga anak. Ang iba nama’y pinagtatrabaho ang mga bata upang makatulong sa pagtustos ng kakainin sa isang araw. Ang kinabukasan ng isang bansa ay nakasalalay sa mga kabataan na magiging hinaharap na mga pinuno ng bansa. Ang Pilipinas ay unti-unting babagsak kung ang pundasyon nito ay hindi matatag. Ano ang maaaring gawin upang maibsan ang pagdami ng juvenile delinquency sa bansa? Unang dapat bigyan ng atensyon ay ang pagpapatatag ng pamilya. Mainam na bigyang-pansin ang pagpaplano ng magulang kung ilang anak ang kayang tustusan at buhayin. Responsableng pagpapalaki sa mga anak ay importante. Ang edukasyon din ng bansa ay dapat na pagtibayin at pag-igtingin dahil ito ang pangalawang tahanan na huhubog sa mga kabataan tungo sa masaganang kinabukasan. Dapat ding maging aktibo ang pamahalaan sa pagpapatupad ng mga kautusan na nagbibigayhalaga sa kapakanan at karapatan ng mga kabataan. Makabubuti kung magsisimula ang mga ito sa maliliit na institusyon sa isang munisipalidad o barangay. Ang pagpapatibay ng juvenile justice system ay makakatulong din. Ang mga barangay ay dapat na magsagawa ng mga proyekto na tutulong sa mga kabataan na maging aktibong mamamayan at hindi malulong sa masamang bisyo o gawain tulad ng droga. Ang mga Sangguniang Kabataan din sa mga baranggay ay dapat na sumailalim sa mga training programs nang sa ganoon ay matuto silang mamuno nang tama sa batang edad pa lamang. Kung magiging mainam ang sanggunian, ang mga kabataan ng kanilang lugar ay magiging aktibo rin sa pakikisalo sa mga gawaing pambayan at mabubuksan ang kanilang isipan sa kalagayan ng kapaligiran. Ayon nga sa kasabihan, “Great things start from small beginnings.” Kung ang pagbabago ay magsisimula sa bawat isa sa mga Pilipino, lalago ito at kakalat. Kaya kung nais nating tulungan ang ating bayan, simulan natin sa ating mga munting komunidad.

View more...

Comments

Copyright ©2017 KUPDF Inc.
SUPPORT KUPDF