Anak Ng Lupa -- Pagsusuri
July 23, 2017 | Author: kaguraYATO | Category: N/A
Short Description
Download Anak Ng Lupa -- Pagsusuri...
Description
PANIMULA Sa nayon, ang buong parang ay isang walang-bayad na gulayan, nahihingi ang anumang tanim na pagkain at sinumang makapagbibigay ay hindi magkakait pagkat ang hihingi ngayon ay magbibigay sa ibang panahon. Sa kadahilanang ito, walang halaga sa kanila ang anumang salapi. Ngunit dahil sa mga pagbabagong nagaganap sa panahon ngayon, ang mga nayon ay tuluyan na ding nakakaramdam ng pagbabagong ito. Sa nobelang ito, Anak ng Lupa ni Domingo G. Landicho, inilalarawaan ang kinagisnang buhay at pananaw ng nayon at mga naninirahan doon sa harap ng patuloy na pagbabagong nagaganap sa ating bansa. . Sinulat ang nobela bilang bahagi ng dalawang bolyum na disertasyon na may pamagat na Anak ng Lupa: Antropohikal na Pag-aaral sa Buhay at Pananaw Nayon sa Pilipinas. Kakaiba ang nasabing disertasyon sapagkat ngayon lamang nagkaroon ng tisis na nag-anyong nobela. Nasasalamin sa akda ang pagbabanghay-buhay ng paglago ng kaisipang-nayon na naglalagos patungo sa ideolohiya ng lungsod. Binubuhay sa nobela ang mga karakter na sina Toryo, Oden, Oyo, Bining at Ligaya, pawang mga kabataang namulat sa buhay-magsasaka, anak ng lupa ika nga. Kasabay ng mga pagbabagong kinaharap ng bawat karakter, pinalitaw ng may-akda, bukod sa kani-kanilang katatagan at pagpapanday-pananaw, ang mga sinasaklaw na pagbabago ng kanayunang kanilang kinamulatan at ng lungsod na di nila gaanong nakikilala. Inihayag at ipinakita sa nobela kung gaano kasukat ang buhay ng mga anak ng lupa, simula kapanganakan hanggang sa mamatay ang mga ito. Ipinakitang lahat ng naninirahan sa Makulong ay tumatalima sa batas ng nayon kahit na hindi ito nasusulat. Ipinakita kung gaano kasagrado ang mga tradisyon at kaugaliang kinamulatan. Higit na pinahahalagahan ng mga taganayon ang paniniwalang ang bawat isa sa kanila’y nag-aangkin ng iisang ugat at pinagmulan kung kaya bawat isa’y namumuhay para sa kanyang kapwa. TALAMBUHAY NG MAY AKDA DOMINGO G. LANDICHO Si Domingo Goan Landicho isang premyadong manunulat. Nakamit niya ang kanyang Bachelor of Arts at BS in Journalism degrees sa Lyceum of the
Philippines. Nakuha din niya ang Masteral Degree sa edukasyon sa National Teachers College. Pagkatapos nito ay nakakuha din siya ng nagkaroon din siya ng degree sa Bachelos of Law sa Lyceum of the Philippines. Noong 1994 naman, natamo niya ang Ph.D sa Filipinology sa Pamantasan ng Pilipinas kung saan nagsilbi siya bilang Writer-inResidence at bilang propesor sa Departamento ng Filipino at Panitikang Pilipino. Siya din ang Associate Director for Criticism sa institute of Creative Writing. Kinilala naman siya bilang Professor Emeritus stature ng Pamantasan ng Pilipinas noong 2005. Si Domingo Goan Landicho ay makata, kuwentista, mananaysay, editor, kolumnista, nobelista at dramatista na nakapaglathala na ng mahigit na 30 aklat sa lahat ng anyo ng literatura, pedagogiya at literaturang pambata. Nakatanggap sila ng madaming parangal sa Carlos Palanca Memorial Awards, CCP Balagtas Awards, KADIPAN Literary Contest, Catholic Mass Media Awards at Institute of National Language Awards. Ang kanyang tula ay naging bahagi ng programa ng Cultural Center of the Philippines sa maraming lugal sa Pilipinas noong dekada otsenta. Ang kanyang sarsuwela ay itinanghal sa USA, Canada at Australia ng UP Concert Chorus. Ang isa niyang nobela “Bulaklak ng Maynila” na nagkamit ng Dakilang Gantimpala sa Carlos Palanca Memorial Awards for Literature ay ginawang isang premyadong pelikula. Sa pelikulang ³The Year of Living Dangerously² na idinirihe ni Peter Weir sa MGM Pictures, gumanap siya ng mahalagang papel kasama nina Mel Gibson at Sigourney Weaver. Si Landicho ay isang aktor sa teatro, TV at pelikula at isang aktibista sa larangan ng kultura. Pangulo siya ng 16th World Congress of Poets na nagdaos noong Agosto 2000 ng pandaigdigang kongreso ng mga makata sa Pilipinas sa pagtataguyod ng United Poets Laureate International. Pinili siya ng International Biographical Centre Cambridge sa England na isa sa 2000 Outstanding Writers of the 20th Century. Isa siyang international fellow ng International Writing Program ng US noong 1987 at naging keynote speaker ng Asian Writers Conference sa Seoul, Korea noong 1993. Naging kinatawan siya ng Pilipinas sa mga pandaigdigang komperensiya sa Germany (1981), Vietnam (1983), Cambodia (1983), Russia (1986), US (1992) at United Kingdom (1997). Isa siyang Examiner Responsible sa Filipino ng International Baccalaureate Organization sa England. Noong 2003, si Dr. Landicho ay tinanghal bilang S.E.A.
Write Awardee ng bansang Thailand bilang pagkilala sa kanyang kontribusyon sa literatura sa Asya. Sa edad na 68, si Landicho ay ginawaran ng titulong Propesor Emeritus, pinakamataas na pagpapakilala sa Unibersidad ng Pilipinas. Si Landicho ay kasalukuyan ding Editor-In-Chief ng Tanod Publication at Grand Knight ng Knights of Columbus sa Quezon City at isang special minister of the Holy Communion ng kanyang parokya sa Novaliches ng Quezon City. Isa siyang lifetime member ng National Press Club of the Philippines; isang execom member ng National Commission for Culture and the Arts at isang Associate for Fiction ng UP Creative Writing Center. Si Landicho ay kasal kay Edna May Menez Obien, may apat silang anak at apat na apo. Isinilang siya sa Taal, Batangas noong 4 Agosto, 1939, anak ng magsasaka. BUOD Ang akda ay nagsimula sa pagtutulungan ng mga taga-Makulong sa paggagamas ng damo nga kanilang lupang sakahan para sa paghahanda para sa sunod na ani. Ito ay para na din sa pagdating ng bgaong may ari ng lupa na si Senyor Martin. Ang pagsasaka ang pangunahing buhay ng mga taga-Makulong. Ito ang kanilang buhay. Habang naggagamas ng damo ang mga lalaki ay sinasabayan ito ng mga kasiyahan ng ibang magsasaka tulad ng kantahan, sayawan at kantyawan. Kasabay na din nito ang paligsahan ng mga kabinataan sa paggagamas ng damo para lamang mapahanga nila ang kanilang mga babaeng nagugustuhan. Sa Makulong kasi, kung sino ang binatang sanay na sa mga gawaing bukid ang siyang handa na magasawa. Syempre, kapag may mga ganitong gawain sa Makulong, hindi nawawala ang mga tagapaghanda ng pagkain at maiinom para sa mga nagpapakahirap sa bukid. Ang mga kadalagahan naman ang siyang bahala sa ganitong bagay. Habang kumakain ang mga binata at ibang magsasaka, napagusapan naman ng ilang katandaan at kabataan si Toryo, ang tanging tagaMakulong na nakapagtapos ng hayskul at may pagkakataong makapagaral sa Maynila sa tulong ni Senyor Martin. Hanga sila sa binata sapagkat kahit matagal itong nawala sa Makulong ay marunong pa ri ito maggamas at hindi talaga nakakalimutan nito ang pinagmulang pamumuhay. Pati ang mga kadalagahan ay napapahanga sa kanya at hindi naiiwasang ipareha kay Bining, ang anak ni Ka Sabel at Ka Anane na siyang pinakamaganda at pinakamahinhin sa lahat ng mga dalaga sa nayon. Kinagabihan matapos ang araw na iyon ay napag-usapan nina Ka Anane at Ka Antang ang tungkol sa pag-aasawa ng anak niang si Bining.
Halos umiiwas si Bining na pag-usapan ang ganoong bagay pero nasa tama na siyang edad para lumagay sa tahimik. Nang matutulog na ang pamilya ay biglang dumating si Toryo kasama ang iba pang kabinataan ng nayon. Nangharana ang mga iyon upang makuha ang pagtingin ni Bining. Ito ay isang tradisyon sa Makulong upang makuha ang matamis na oo ng isang babae. Binigyan naman ng pagkakataon ng mga magulang ni Bining na magkausap sila ni Toryo. Tulad ng inaasahan ay namutawi sa mga labi ni Toryo ang mga salitang makakapagpa-ibig sa dalaga. Ngunit biglang naiba ang ihip ng hangin ng mapag-usapan ng dalawa ang tungkol sa pagalis ni Toryo papuntang Maynila upang mag-aral. Natahimik ang dalawa. Alam kasi ni Bining na aalis din si Toryo para ipagpatuloy ang pag-aaral nito. Gustuhin man daw ni Toryo na hindi na tumuloy ng Maynila, ay hindi na iyon magagawa sa kadahilanang iyon ang pangarap ng nayon para sa kanya. Nagpaalam na sina Toryo at iba pang kasamahan nitong tumulong sa panghaharana. Kinabukasan ay nagkatumpukan na naman ang magkakaibigan, sina Toryo, Oyo, Emong at Oden kasama si Ka Baleryo. Usapang lalaki ang apat na pawang paninilong, panghaharana at pag-aasawa ang napapagusapan. Hindi pa ganap na lalaki si Oden kaya’t napagpasiyahan niyang magpatuli kay Ka Baleryo. Tulad ng inaasahan, ang pagsasagawa ng bagay na ito ay sa paraang naaayon sa tradisyon ng Makulong - ang paraang pukpok habang nanguya ng dahon ng bayabas. Sa simula ay natatakot pa si Oden pero nalampasan din naman niya ito. Sa ngayon ay masasabi na siya ay isang tunay na lalaki. Pinaalalahanan ni Ka Baleryo at ng ibang kasama si Oden na huwag muna magbabayo, maggagamas at dapat ay langgasin nya iyon ng dahon ng bayabas tuwing umaga. Napag-usapan naman ng ilang katandaan ang pagdating ni Senyor Martin bilang may-ari ng lupa na kanilang sinasaka. Iniisip nila kung papaano ang magiging bagong buhay nila sa bagong may-ari ng lupa. Naungkat din ang pagpapapista ng senyor sa kanilang nayon. Pakiramdam ng madaming katandaan na nag-uusap-usap na may isang malaking pagbabagong magaganap sa Makulong. Pagkauwi naman ni Oden ay agad siyang pinagpahinga ng kanyang ama na si Ka Bisyong at pinaalalahanan na matulog sa lugar na hindi siya malalakdawan ng kanyang ate na si Ligaya. Ngunit bago matulog ang magkapatid ay nakapag-usap sila ng ilang mga bagay – mga bagay tungkol sa paghihirap na buhayin sila ng kanilang ama, pag-aasawa ng kapatid na si Ligaya, pangarap ni Oden na makapag-aral din sa Maynila at matulungan ang kanilang ama. Nagkaasaran lang ang magkapatid nang sabihin ni Oden sa kapatid na gusto nito si Toryo, ngunit tinakot na lamang ni Ligaya si Oden na lalakdawan kapag hindi nagtigil sa pangaasar. Sabay na silang natulog nang unti-unti ng dumata ang gabi.
Nang sumunod na araw ay hindi pa nagsisimulang sumikat ang araw ay nagsisimula ng mag-araro ang ilang magsasaka sa ilang ektaryang lupain ni Senyor Martin. Lahat ng mga inusap ni Ka Sepa ay nakadating, isang tanda ng pagbabayanihan sa Makulong. Ngunit tinangahali ng dating si Toryo. Halos nagsisimula na ang ibang binata ay siya ay wala pang nasisimulan. Walang kibo naman si Oyo ng malaman niyang nangharana na si Toryo kina Bining. Animo’y nag-iiwasan ang dalawa dahil sa iisang babae lamang ang kanilang iniibig. Nagpapagalingan ang dalawa sa pag-aararo sa bukid, sinusubukan na mapahanga ang kanilang mga iniibig. Hindi naman bulag ang mga dalaga at kita nilang nagpapabango ng pangalan ang mga lalaki para sa kanila, lalo na si Toryo at Oyo para kay Bining. Nagkatuksuhan tuloy ang mga dalaga at sinabihan ng iba na dapat ay nalabas din si Ligaya ng kanilang bahay upang mapansin ng mga binata. Nagkatuksuhan, nagtawanan at nagkantahan na naman ang mga taga-Makulong. Mabilis namang natapos ang mga magsasaka sa kanilang gawain. At nang pauw na ay sumabay si Toryo sa paglalakad ni Bining upang sabihin na dadalaw siya mamayang gabi at biglang nauna na kay Bining. Sinundan na lamang ng tingin ni Bining ang anino ni Toryo habang naglalakad ito papalayo sa kanya. Kinagabihan, si Oyo naman ay napatambay sa tindahan ni Ka Saning at napainom ng kaunti kasama ang ibang kanayon. Nang naglalakad ito pauwi, napadaan siya sa bahay nina Bining, sumilip siya sa nakakawang na bintana ng bahay at nakita niyang magkatabi, masayang nag-uusap sina Bining at Toryo. Para siyang binagsakan ng langit at lupa sa kanyang nakita. Pakiramdam niya ay wala na siyang pag-asa sa dalaga. Ngunit kahit na ganoon ang kanyang nararamdaman, hindi siya umalis sa kinatatayuan nito kahit na unti-unti ng bumabagsak ang kanyang mg luha. Ilang araw ang makaraan ay ipinagdiwang ang pista sa Makulong. Sa unang pagkakataon ay nailawan ang madidilim na kalsada ng Makulong, nagkaroon ng makukulay na banderitas sa daan, ipinarada ang ilang mga santo at patron na gumagabay sa Makulong, kasabay ang pagparada ng ilang magagandang dalaga kasama ang kanilang mga kapareha. Kitang kita naman ng mga katandaan ng Makulong na ibang-iba ang ganda ng mga dalagang taganayon sa mga tagalungsod. Kahit sa pag-uugali ay napaghambing agad ito ng iba at lumalabas na napakayumi ng bawat kilos nga mga taga nayon kumpara sa mga tagalungsod. Sa pista ding ito ay naghanda nga malaki si Senyor Martin para sa mga tagaMakulong. Samu’t saring putahe ang naroon at lahat ng bisita ay nasiyahan sa pagkaing inihanda. Kasabay na din ng gabing ito ang pagtanggap ni Senyor Martin sa bago nitong lupain, at ang mainit na pagsalubong ng mga magsasaka sa bagong may-ari ng lupa. Ipinaliwanag
ni Senyor Martin ang mga batas na kanyang bagong ipapatupad sa Makulong. Kasama na rito ang hatian sa ani ng mga magsasaka at ng may ari. Sinabi din ni senyor ang na habang wala siya ay babantayan ang mga magsasaka ni Kabesang Ote, ang kanang kamay ni Senyor Martin. Madaling pinabulaanan naman ito ng ibang magsasaka sapagkat ayaw nilang sila ay binabantayan, dating kasi nito ay nag-aalinlangan ang may ari nga lupa na siya’y dadayain ng mga magsasaka. Ngunit sang-ayon naman ang iba sa bagong panuntunang pinatupad sa Makulong. Ngunit nasiyahan din ang marami lalo na si Ka Bisyong dahil sa pag-aaralin din ni Senyor Martin ang anak nitong si Oden. Dahil sa ito ay isang gabi ng pagsasaya, hindi mawawala ang sayawan. Kakaiba ang galaw ng mga dalagang tagalungsod sa mga mahihinhing taganayon. Si Karen, na anak ni Senyor Martin ay nakadikit agad kay Toryo, at niyaya itong sumayaw. Hanggang sa ang sayaw nito ay yung para sa mga magsing-irog. Nagkadikit ang katawan ng dalawa, ngunit kahit ganoon ay kay Bining pa rin napapasulyap si Toryo. Sa gabing iyon ay kasayaw ni Bining si Oyo, at kitang kita ang mga luha ni Bining na nasa gld ng mga mata nito, tanda ng pagseselos. Ilang beses naulit ang pagsasayaw at ilang beses din nakasayaw ni Karen si Toryo, hindi naman makatanggi si Toryo sa dalaga. Kaya’t nang magka-usap sina Toryo at Bining ay labis ang pag-iwas ng dalaga. Isinumbat na naman nito ang pagalis ng binata. Nagpaalam sina Bining at iba pang dalaga at umuwi na pagkatapos. Kinabukasan ay nagyaya si Karen kasama ang dalawang kaibigang tagalungsod kasama si Marko at ibang taganayon. Nagkakatuwaan ang mga kabataan nang makasakay sila sa bangkang de motor habang nilalasap ang simoy ng hangin. Nang makadating na sila sa pupuntahan ay halos nagkakahiyaan pa ang mga taganayon na maligo dahil sa ang mga kasama nila ay mga tagalungsod. Ngunit nawala din ang pagkamahiyain nina Bining at iba pang taganayon kina Karen ng mismong si Karen ang nag-abot ng prutas sa kanila. Napagtanto nilang iba si Karen sa ibang mga anak mayaman. Ngunit nasira ang masayang tagpo nang biglang binastos si Ligaya ni Marko na pawang lulong sa alak nang mga panahon iyon. Kaagad namang nasuntok ni Toryo si Marko at pinauwi na ni Karen ang kaibigang tagalungsod. Kitang-kita tuloy kung papaano tratuhin na isang tagalungsod ang isang dalaga. Sa kabilang dako naman, si Oyo at ama nitong si Ka Garse ay nagbabayo ng palay habang pinapanood sila ni Ka Antang. Pinatigil na ni Ka Garse ang anak at pinapunta na ito sa may bulusan para makatulong sa pagpapalawak ng daan. Tutol si Ka Garse sa pagpapalawak ng daan dahil sa mahahagip nito ang kanilang puno ng balete na mas matanda pa sa kanya. Mahalaga ang puno para sa matanda kaya ayaw nitong ipaputol
ito. Ipinaliwanag naman ni Ka Antang ang kahalagahan ng pagpapalawak ng daan. Ito ay para makarating na din sa Makulong ang mga jip na dati ay hindi nakakarating sa kanilang nayon. Maaari din itong maging gabay para sa kanilang para sa anak nilang si Oyo. Napagpasyahan naman ni Ka Garse na siya na ang pumutol sa puno nang biglang dumating si Ka Tulume at binalaan na magagalit ang mga lamang lupa sa gagawin nito. Hindi naman natinag si Ka Garse sa mga pananakot ng matandang albularyo. Nagpatuloy ito hanggang sa nasira ang palakol nito at tumama ang talim sa kanyang paa. Naging matindi ang sugat ng matanda na ipinag-aala naman ni Ka Antang. Dali-daling umuwi si Oyo kasama ang tatlo pang kaibigan na siya nang puputol ng puno. Nakatitig lamang si Ka Garse sa kulimlim na langit. Kinagabihan naman ay bumuhos ang napakalakas na ulan. Basangbasa si Oyo ng umuwi at pinagpalit siya ng dait bago pumunta sa bukid upang ayusin ang kanal ng tubig para hindi malunod ang mga pananim nila. Nang makabalik ito sa bahay ay inayos naman niya ang lubid na nakatali sa silangan ng bahay, upang hindi ito masira ng hangin. Bigalng sumunod si Ka Garse, walang alinlangan kung may suat man o wala. Nagawa naman ng mag-ama ang paghigpit sa lubid. Pagkatapos ay nagbihis ang dalawa. Pagkabihis ni Ka Garse ay tumulog na ito habang naglilitanya pa ang asawa dahil sa pagsugod nito sa ulan. Nang hindi na nakaimik si Ka Garse, biglang kinabahan si Ka Antang at nilapitan ang asawa. Nag-aapoy ito sa lagnat. Dali-daling tinawag ni Oyo si Ka Tulume. Malala na daw ang kalagayan ng matanda na siyang nagdala sa kamatayan ng matanda. Nagkwekwentuhan ang mga taga-Makulong sa bulusan tungkol sa pagpapalawak ng daan. Maswerte daw ang kasal nina Emong at Elay, dahil sila ang unang ikakasal na nakajip. Para sa mga matatanda, ang pagpapalawak ng daan ay bagong simula sa dalawang paglalakbay – paglalakbay ng dalawang bagong kasal patungo sa pagkakaroon ng buhay pamilya at ang paglalakbay ng isang magsasaka patungo sa kanyang dapat puntahan. Nang pangalawang araw, noong ay sa baysanan nagsipunta ang mga taganayon, at noong hapon naman ay sa libing ni Ka Garse. Pagkatapos ng libing ni Ka Garse ang panahon nga pag-alis ni Toryo papuntang Maynila. Nagkausap naman ang dalawang magsing-irog, at nagpaalam sa isa’t isa na may pangakong iintayin ni Bining ang pagbabalik ni Toryo. Pagkaalis ni Toryo ay biglang nagbukas naman ang patahian ni Nyora Tinay. Madaming dalaga sa nayon ang nagtatrabaho doon sa loob ng anim hanggang walong oras sa isang araw para makakuha ng sahod. Dahil sa nagtatrabaho na ang mga dalaga kay Nyora Tinay, natuto ang mga dalaga na magpaganda ng sarili at natuto mamustura. Hanggang
ngayon ay tutol pa rin si Ka Tulume sa mga nangyayari sa Makulong. Ito ay dahil ang pagbabagong ito ay napapasama sa kanila. Mali ang bagong patakaran na susweldo na lamang ang mga magsasaka sa kanilang paghihirapan at wala man lang makukuhang bahagi sa kanilang ani. Gustuhin man nila na doblehin ang ani nila para sa kanilang pamilya ay hindi nila magawa. Hanggang sa dumating ang balita na sa kabisera ay may itatayong sentral ng asukal. Dahil dito ay maapektuhan ng lubos si Ka Bisyong na siyang gumagawa ng asukal na sa Makulong. Hindi iyon pulbos na asukal kundi ayung matigas-tigas na asukal na kayang tumagal ng halos isang taon. Hindi naman payag ang mga magsasaka sa pulong na nangyari noong araw din iyong dahil sa ang tanging itatanim na lamang daw sa lupa ni Senyor Martin ay puro tubo na siyang dadalhin sa kabisera at doon gagawing pulbos na asukal. Wala namang nagawa ang mga magsasaka dahil sa iyon ang desisyon ng may-ari ng lupa. Samantalang sa lungsod na namumuhay si Toryo. Nagtatrabaho siya sa isang gasolinahan kasama sina Ado, Tino at Anyong – pawang galing din sa iba’t-ibang probinsya at halos pare-pareho sila ng kwento. Isang araw, pagkakatapos magkatuwaan dahil sa kaarawan ni Ado, biglang dumating si Karen at niyaya siyang sumama sa isang aktiviti ng kanilang grupo. Habang kasama ang dalaga, biglang nakakaramdam si Toryo ng kakaibang init sa kanyang katawan. Ito ay dahilan na din ng mga nakapaligid sa kanila na puro naglalampungan sa gitna ng dilim. Dahil sa nagbigay ng motibo si Karen, naging mapusok si Toryo at nagsama sila buong gabi. Sa probinsya naman, dinala ni Ka Tales ang kanyang mga ani sa bahay ni Senyor Martin upang ipakita na hindi niya dinadaya ang may-ari ng lupa tungkol sa kanyang ani. Maaga siyang umalis ng kanyang bahay at sa kanyang pag-iisip habang nakasakay sa kariton na hila-hila ng kalabaw. Naisip niya ang patron na gumagabay sa Makulong at ang pangarap niya para sa kanyang anak. Nang makadating siya sa bahay ni Senyor Martin, ikinamusta na lamang niya ang anak ni Toryo sa amo. Pagka-alis ni Senyor martin, si Ka Tales na lamang ang nagdala nga mga sako ng palay sa bodega. Hindi na kinaya ng matanda ang pagbubuhat ng mga sako na siyang naging sanhi ng kamatayan nito. Sa naging libing ni Ka Tales, umuwi si Toryo galing Maynila. Madami ang nakiramay sa kanya lalo na si Bining. Ngunit biglang umalis ang dalaga nang sinabi ni Toryo na di na siya nararapat para sa dalaga. Masakit ito para kay Bining kaya’t umalis na siya sa bahay ni Ka Tales at halos pansin na pansin ito ng lahat ng tao doon . Dahil sa nangyaring ito, parang napapakiramdaman ni Ka Antang na may pag-asa na ang kanyang anak na si Oyo para kay Bining. Ito ay parang pagsasakatuparan ng pangarap ni Ka Garse na maipakasal
si Oyo kay Bining kaya’t alam na ni Oyo ang dapat niyang gawin sa ngayon. Dumating din a ng araw ng siyaman ni Ka Tales, buong nayon ay nagtutulong-tulong para sa siyaman ni Ka Tales. Ngunit napansin ng madami ang hindi pagdating ni Bining sa siyaman ni Ka Tales na siyang naging usap-usapan sa nayon. Ngunit kahit ganoon may kanya-kanyang gawain ang bawat tao sa okasyon na iyon. At sina Toryo ang naatasan para magsibak ng kahoy. Sinibak ng mga kabinataan ang isang puno ng duhat. Sabi ni Ka Tulume ang punong ito ay itinanim pa ni Ka Tales, noong araw ng kapanganakan ni Toryo. Kaya’t nasabi niyang ito ang kakambal ni Toryo sa Makulong, na kailanman ay hindi umalis. Ngunit nawala lang ito sa isang iglap, at naging abo. Kinagabihan na biglang natapos ang padasal sa siyaman, naiwang nag-iisa si Toryo sa bahay. Nang biglang nakatulog ang binata, nagkaroon siya ng isang panaginip na halos nakikita nya ang iba’t-ibang nangyayari sa kanyang buhay lalo na ang pagtatapos niya sa ugnayan niya kay Bining. Malaki ang kagustuhan niyang sumigaw ngunit hindi nya ito magawa hanggang sa nagising na lamang siya sa unang tilaok ng manok sa umaga. Pagbalik ni Toryo sa Maynila, nalipat na siya sa pabrika na pagmamay-ari din ng pamilya ni Karen. Dahil sa ugnayan nila ni Karen, kilala siya doon, at naging masama ang tingin ng ibang manggagawa sa kanya. Isang hapon ay nag-usap muli sina Karen at Toryo. Sinabi ng dalaga na alam na ng pamilya ang tungkol sa kanila ni Toryo. Nabanggit pa nito na pinaglalaban nya si Toryo sa pamilya nya. Ngunit nakiayon si Toryo kay Senyor Martin na hindi naman talaga sila bagay sa isa’t isa. Nasaktan dito si Karen at umalis na agad sila. Sa huling sulyap ni Toryo sa dalaga ay nagpaalam siya at humingi ng tawad. Nagbago na ang buhay ni Toryo. Bilang isang manggagawa sa pabrikang piangtatrabahuhan nito, siya ay sumali sa unyon ng ibang manggagawa na naglalayon na lumaban kay Senyor Martin para mapagbigyan sila na gawin ang mga karapatan nila bilang manggagawa. Dahil dito, biglang kinausap si Toryo ni Senyor Martin. Animo’y nagpupuyos sa galit ang senyor dahil pakiramdam niya ay tinatraydor siya ng taong tinulungan niya. Iginiit din ni Senyor Martin ang pagpatol ni Toryo sa anak nitong si Karen. Dinepensahan naman ni Toryo ang kanyang sarili at wala siyang pakialam kung matanggal siya sa trabaho hangga’t hindi nya iiwan ang unyon kanyang pinangakuan. Kahit na natanggal siya sa trabaho ay nagkaroon pa rin siya ng trabaho sa isang pederasyon. Sa kabilang dako naman, nagsisimula na ng bagong buhay si Bining. Unti-unti na niyang nakakalimutan si Toryo at nagsimula na din ang pamamanhikan ni Oyo sa kanya. Napagtanto ni Bining na kailangan na
niyang ibalik ang singsing na binigay ni Toryo sa kanya. Ipinadala ito ni Bining kay Oden na dadalaw kay Toryo kamakalawa. Umalis si Oden pauntang Maynila dala ang singsing ni Bining. Nagpagala-gala siya sa buong lungsod bago pumunta sa tinutuluyan ni Toryo. Nakita ni Oden ang bawat pasikut-sikot ng Maynila. Sari-saring panganorin ang kanyang nakita at napagtanto niyang iyon din ang kanyang makakasanayang lugar kpag nag-aral na siya sa Maynila. Hanggang gumabi na at inintay niya si Toryo sa labas ng tinutuluyan nito noong sumapit na ang gabi. Nagkakwentuhan naman ang dalawang magkaibigan. Ikinuwento ni Toryo ang kanyang buhay sa Maynila, kasama na ang mga pagbabagong na nangyayari sa buhay nya doon. Pagkatapos magkwentuhan ay natulog na sila sa masikip na kwarto ni Toryo. Sumapit na ang kasal nina Oyo at Bining. Abalang-abala ang lahat sa kasiyahang nangyayari doon. Kahit na hindi ganon kasaya si Bining, alam ni Oyo na dadating din sa punto na matutuhan siyang mahalin ng buong puso ni Bining. Kailangan lamang niyang maghintay. Nakaugalian na din ng mga taga-Makulong ang magbigay ng sabog sa bagong kasal upang makapagsimula sila ng kanilang buhay. Kanya-kanyang sabog ang ibinigay ng mga taganayon sa mag-asawa. Malaki ang ibinigay ng inangkasal at amangkasal sa mag-asawa. Ipinamana naman halos ng dalawang magbiyenan ang kanilang ari-arian para sa mga anak nila. Inihabol naman agad ni Oden ang sobrang galing kay Toryo at ibinigay ito kay Bining. Naging maayos naman ang araw na iyon para sa dalawang pamilya na siyang hudyat ng bagong buhay para kina Oyo at Bining. Samantalang habang nagsasaya sa Makulong ay tumitindi naman ang mga takbo ng pangyayari sa lungsod. Nag-rally ang mga mangagawa ng pabrika ni Senyor Martin kasabay na din ng rally na pinaglalaban ng ibang tao ukol sa masamang pamamalakad ng kasalukuyang pamahalan. Naging marahas naman ang pakikitungo ng mga pulis at sundalo sa rally. Kitang-kita kung paano pinaghahampas ng batuta ang mga nagrarali at kung paano nakikipaglaban ang mga raliyista. Nakita mismo ni Toryo ang karahasahan na nangyayari sa lungsod. Pagkauwi ni Toryo ay nagpahinga na lamang ito at umaasa siya na babalik siya sa lupang sinilangan. S babang-luksa ni Ka Tales, muling bumalik si Toryo sa Makulong. Nagpasalamat naman ang binata sa lahat ng ginagawa ng kanyang tiyahin sa lahat ng ginagawa nito para sa kanyang ama. Nagsimula ang mga padasal at naging maayos at makabuluhan ang araw na iyon para kay Toryo, ngunit nanaginipi ulit siya tungkol sa kanila ng kanyang ama – mula sa araw na siya ay isilang pati din sa mga araw na siya ay untiunting natututo sa buhay hanggang sa biglang namaalam ang kanyang ama. Inamin niya na isang malaking kawalan ang pagkamatay ng
kanyang ama, ngunit nananatili pa rin ang liwanag ng pag-asa para sa kanyang buhay. Sa kabilang dako naman ay pinayagan ni Ka Bisyong si Ligaya na magtrabaho sa patahian ni Nyora Tinay. Nagpasya si Ligaya na gawin ito para matulungan pag-aralin si Oden sa Maynila. Sa simula ay iginagalang ni Ka Bisyong ang desisyon nga anak na anak. Ngunit bigla itong kinabahan nang balitaan siya ni Ka Tulume tungkol sa mga nangyayari sa patahian ni Nyora Tinay hangga’t naroon si Marko na siyang nambastos kay Ligaya noon. Hanggang sa dumating ang dalawang dalaga na nagtatrabaho sa patahian, umiiyak, dala-dala ang isang balita. Dali-daling umalis si Ka Bisyong sa kanilang bahay dala ang gulok nito. Pagdating sa patahian ay nagdilim ang paningin ng matanda at nataga nito si Marko. Nag-iiyak si Ligaya habang si Ka Bisyong naman ay tumakas. Dahil sa sugat na natamo ng binata, binawian ito nga buhay. Halos walang mukhang ihaharap si Ligaya sa buong bayan, iyak ito ng iyak at panandalian siyang tumira muna kina Bining, at si Oden naman ay nanatili sa bahay nila. Dumating si Toryo, kaagad niyang nalaman ang balita at dinamayan ang kaibigan. Binisita din nila si Ligaya, at nakita ni Toryo na malaki na ang tiyan ni Bining. Nagngitian naman ang dalawa, at alam ni Toryo sa sarili nya na masaya na siya ngayong masaya si Bining sa piling ni Oyo at wala siyang pinagsisisihan kahit kaunti s kanyang nagawang desisyon. Dinamayan din ni Toryo ang kaibigang di Ligaya at sinabing isasama nya si Ligaya sa Maynila at doon siya magtatrabaho kasama ang ilang kababaihan na inaalagaan ng isang pederasyon. Nabuhayan naman ng loob kahit papaano si Ligaya sa mga naging payo ni Toryo, ngunit hindi pa rin talaga ito handa na harapin ang buong nayon ngayong siya ang nakikitang may dahilan kaya napasama si Ka Bisyong. Nang kinagabihan ay nagpasya si Toryo na bumalik ng Maynila para tapusin na ang kanyang pag-aaral at pinangako niyang babalik siya para kunin si Ligaya at para na din maipagmalaking kahit na may mga pagbabagong nangyari sa buhay nya ay kahit kailan ay hindi niya nakakalimutan ang lupang sinilangan. Buo na ang isip niya sa desisyong ito. Ngunit nanaginip na naman siya tungkol sa lungsod. Nakita niya ang apoy na bumabalot sa lungsod, ang karahasan, ang kalupitan at iba pang bagay na nagpapakita ng kasamaan sa lungsod. Hanggang sa nagising siya sa unang tilaok ng manok at sinalubong niya ang pagsapit ng bukang-liwayway.
PAGSUSURI TAUHAN Toryo Si Toryo ay isang binatang nagbigay pangarap at pag-asa sa mga kapwa taga-Makulong. Siya ay nakapag-aral at nakapagtapos ng hayskul at siyaay nabigyan pa ng pagkakataon makapag-aral sa Maynila sa tulong ni Senyor Martin. Dahil sa kanyang sariling pangarap ay nabigyan nya ng pag-asa ang mga kababayan na makakaahon din sila sa kanilang buhay bilang magsasaka at mararanasan din nila ang buhay na may bahid ng pag-unlad. Sa paunang bahagi ng kwento, siya ay kilala na bilang tagatupad ng pangarap ng buong Makulong, kaya’t ipinagmamalaki at hinahangaan siya ng marami. Lalong hinangaan pa siya ng ibang magsasaka nang makita nilang hindi pa nakakalimutan ni Toryo kung papaano maggamas ng damo at kung paano mag-araro. Hindi din siya nagpapahuli sa mga inuman ng mga magkakanayon. Patuloy pa rin siyang tumutungga ng tuba at nakikipaginuman ng lambanog kasama ang mga kapwa magsasaka at kaibigan nang hindi man lang nasusuka at pinanghihinaan ng loob. Ito ay isang patunay na talagang minamahal ni Toryo ang kanyang lupang tinubuan kahit na ilang taon siyang nawala dahil sa pagaaral ng hayskul sa paaralan sa kabilang nayon. Siya ay tunay na mapagmahal sa lupang tinubuan at hindi din maipagkakaila na siya ay isang tunay na mangingibig din. Naging bahagi ng kwento ang kanyang panghaharana, panliligaw, at panunuyo kay Bining. Naging matapat si Toryo sa dalaga. Kahit na aalis na siya papuntang Maynila ay siya pa rin ang iniibig nito. Naisip pa din nga niya na hindi na lamang siya mag-aral sa Maynila para lamang makasama ang iniibig ngunit pinigilan lamang siya ni Bining kaya hindi ito natuloy. Lubusan naman ang saya ni Toryo nung mga panahong nagkaka-usap sila ng dalaga. Mahinahon ang binata sa tuwing magkakausap sila at kahit na nagkakatampuhan ang dalawa dahil sa kanyang pag-alis ay patuloy na pa rin siyang mapagkumbaba at mahinahon. Nagpapatunay ito ng kanyang pagmamahal para kay Bining, kaya nyang magtiis para lamang sa kanyang minamahal. At kahit na nagkakamabutihan na ang dalawa, naging kalmado pa rin si Toryo, patuloy pa rin niyang inirerespeto ang dalaga at kailanman ay wala siyang ginawang makakasama sa kanilang pag-iibigan. May pagkamaginoo din itong si Toryo. Noong panahon na binastos ni Marko si Ligaya, kaagad na ipinagtanggol niya ang dalaga da tagalungsod.
Nasubukan din ang kanyang nararamdaman ng makilala niya si Karen na siyang umakit sa kanya mula pa noong nagkita sila sa pista ng Makulong hanggang sa nagkasama sila sa Maynila. Naging mapusok si Toryo sa mga panahong kasama niya si Karen. Dahil sa pagiging liberated ni Karen ay nadala na din niya si Toryo. Nagawa nitong makipagsayaw at makipaghalikan sa dalaga kahit na alam niyang may masasaktan kapag may nakaalam niyon. Sa mga panahong ito ay parang namamangka si Toryo sa dalawang ilog. Ngunit dahil sa mga nangyayari sa kanila ni Karen, napagtanto ni Toryo sa kanyang sarili na hindi na siya nararapat kay Bining. Kaya’t pinagkatiwala na ng binata si Bining kay Oyo, isa sa kanyang mga kaibigan. Kahit na karibal niya ang kaibigang si Oyo ay nangingibabaw pa rin ang kanilang pagkakaibigan na mas pinapahalahan niya ng lubusan. Hindi naman niya pinagsisihan ang desisyong ito dahil sa alam niyang ito ang ikabubuti ng minamahal at pati na din ng kanyang kaibigan. Patunay lamang ito na isang mabuting tao si Toryo na iniisip ang kapakanan ng iba. Si Toryo ay nag-iisang anak ni Ka Tales. Lumaki siya nang wala man lang kalinga ng isang ina sa kadahilanang namatay ito noong ipinanganak siya. Ngunit kahit na sila lamang dalawa ng kanilang ang magkasama sa buhay ay nagawa nilang lampasan ang lahat ng suliranin nila at nagawang tupadin ang kanilang mga pangarap. Mapagmahal na anak si Toryo at malaki ang paghanga niya sa kanyang ama. Noong nawala ang kanyang ama ay parang nawala sa kanya ang isang mahalagang bagay sa buhay nya. Ngunit naging matatag si Toryo sa panahon na nawala ang kanyang ama. Ipinagpatuloy niya ang kanyang pag-aaral sa Maynila at kahit na hindi man nito natupad ang pangarap ng ama na ipakasal siya kay Bining, ay alam naman niya sa sarili niya na uunlad siya sa kagustuhan na din nga kanyang ama. Napakagalang ni Toryo sa lahat ng mga taganayon lalo na sa nakakatanda. Lalo na noong mga panahon na nawala ang kanyang ama, ang kanuyang tiyahin na lamang ang nag-aasikaso sa mga bagay na naiwan ng kanyang ama. Dahil dit ay lubusang nagpapasalamat si Toryo sa kanyang tiyahin. Sa tuwing uuwi nga siya sa makulong galing Maynila ay hindi niya nakakalimutan pasalamatan ang tiyahin. Habang nasa Maynila naman ay nangibabaw pa rin ang kanyang kagandahang-asal at hindi siya gaanong nagpadala sa mga pagbabago nararanasan niya sa lungsod. Madali naman siyang nakasabay sa pamumuhay sa lungsod. Laging sumasagi sa kanyang isipan ang mga alaala ng buhay niya sa Makulong at lagi din niyang sinasabi na babalik din siya sa kanyang lupang sinilangan, patunay lamang na talagang pinapahalagahan at hindi niya ikinakahiya ang Makulong.
Siya ay naging isang working student. Naghanapbuhay siya sa isang pabrika kung saan siya namulat sa kaapihan dinaranas ng mga kung ituring ay lahing alipin. Nagbuo siya kasama ng mga iba pang manggagawang nakararanas ng kaapihan ng unyon laban sa nagmamayari ng pabrika na siya ring nagpapaaral sa kanya. Sa kalsada, kasama siya ng mga demostrador na mga sumigaw ng ibagsak ang piyudalismo, ibagsak ang burukratang kapitalismo, ibagsak ang imperyalismo. Nagpatangay si Toryo ng agos ng santinakpan, sumabay siya sa hakdaw ng hanay ng mga raliyista na kawil-bisig sa pagbibiga ng proteksyon sa kanilang hanay. Dahil sa mga pagbabagong naganap sa kanyang buhay ng dumating sa lungsod, natuto siya ng maraming bagay. Mas lumawig pa ang kanyang pakikisama sa iba’t ibang tao at natuto magtiwala sa mga taong nakapaligid sa kanya lalo na noong siya ay inimbitahan na sumanib sa isang unyon. Naging palaban sa mga bagay na dapat niyang ipaglaban si Toryo nang siya sumali sa unyon ng mga manggagawa na nakakaranas ng pagkaapi kahit kalabanin niya ang taong tumulong sa katuparan ng kanyang pangarap na makapag-aral. Mahirap ang buhay sa lungsod, naging matiisin si Toryo. Kahit na sobrang liit ng kwartong tinutuluyan nito, at kahit na kinakagat siya ng mga surot sa tuwingsiy ay natutulog at kahit na ang masamang amoy ng usok at baho ng estero ang kanyang naamoy tuwing umaga, lahat iyon ay kinaya niya. Si Toryo ang isang taong natutong tumayo sa kanyang mga paa sa simula pa lamang at natutong gumawa ng mga desisyong alam niyang makakabuti hindi lamang sa kanyang sarili, ngunit pati na din sa mga taong nakapaligid sa kanya. Oyo Siya ay ang nag-iisang anak nina Ka Garse at Ka Antang. Mabait at mabuti siyang anak. Gusto niya laging tinutulungan ang kanyang mga magulang mula sa pagbabayo ng palay hanggang sa pagtingin sa kanilang mga pananim. Tulad na lamang noong panahon na nasugatan ang ama dahil sa pagpapalakol ng puno ng balete. Kaagad siyang umuwi dahil sa nangyari at siya na ang nag-asikaso tungkol sa pagputol ng puno. Noong panahon din ng may bagyo sa Makulong ay siya ang namahala sa kanilang mga pananim at siya ang gumawa ng paraan para hindi malunod ang mga pananim nila. Hindi na niya inabala ang kanyang ama sa paggawa ng bagay na ito. Lubos niyang iginagalang ang bawat desisyon at utos ng magulang niya sa kanya. Gusto niyang matupad lahat ng pangarap ng kanyang mga magulang para sa kanya. Kaya nga ginagawa niya ang lahat ng paraan
para magustuhan siya ni Bining. Kahit minsan ay nawawalan na siya ng pag-asa sa kanyang iniibig. Minamaliit kasi ni Oyo ang sarili nya. Iniisip niyang wala na siyang pag-asa dahil sa matindi ang karibal nitong si Toryo na nakapag-aral, samantalang siya ay hindi man lang nakatuntong ng paaralan. Pero kahit na gusto nyang siya ang ibigin ni Bining, nanatili pa rin siyang mabuting kaibigan kay Toryo. Nagkakasundo naman silang dalawa at kailanman ay hindi nag-away ng dahil sa babae. Ito ay dahil na din sa pagiging mabuting kaibigan ni Oyo. Ayos lang sa kanya na mapapunta si Bining kay Toryo kahit na alam niyang hindi matutupad ang pangarap nina Ka Garse at Ka Antang para sa kanya. Matiisin din siya o pwede na ding tawaging martir. Hinayaan niyang magkagustuhan sina Bining at Toryo ahit na masakit iyon para sa kanya basta walang away o gulong nangyayari. Pero nadating din sa punto na naiipakita ni Toryo ang katangian ng isang tunay na kaibigan. Kapag alam niyang may mga problema ang kanyang kaibigan ay kaagad niya itong dinadamayan at sinusubukan magbigay ng tulong sa kanila. Mahalga sa kanya ang kanyang mga kaibigan, wala siyang pakialam kung karibal man nya ang isang tao sa kanyang iniibig. Napatotoo ito nang namatay si Ka Tales. Kahit na alam niyang karibal nya si Toryo ay patuloy pa rin itong nakiramay dito. At kahit na umalis na si Toryo sa Makulong, hindi niya ginamit ang panahong iyon para agawin si Bining sa kaibigan. Ang ginawa na lamang niya ay maghintay sa araw na mamahalin din siya ng dalaga. Naipakita din niya ang pagrespeto sa desisyon ni Bining nang sila ay nagpakasal. Alam kasi niya na kahit kasal na sila ay hindi dapat minamadali ang mga bagay-bagay lalo’t ginawa lamang iyon dahil sa tradisyon sa Makulong. Pero masasabi pa din naman na maswerte si Oyo dahil sa naging asawa niya si Bining sa huli. Mas pinapaburan ni Oyo ang mga bagay na alam niyang madaming makikinabang. Tulad na lamang noong ang papalitan ang sistema ng pagsasaka sa Makulong. Umapela siya na dapat ay hindi palitan ang kanilang ani mula sa palay na gagawing tubo. Umapela din siya sa bagay na magiging upahan na lamang ang mga magsasaka at wala na silang karapatan na dagdagan ang kanilang ani para sa kanilang pamilya. Ipinakita dito ni Oyo ang paglaban sa alam niyang tama. Ngunit kahit na wala siyang nagawa noong mga panahong iyon dahil sa malakas ang kapangyarihan ng may-ari ng lupa laban sa kanila, iginalang na lamang niya ang patakarang iyon. Kahit na minaliit niya ang sarili sa simula ay napatunayan niyang may nagagawa siyang mabuting bagay para sa kanyang mga mahal sa buhay sa mga simpleng paraan na alam niya. Bining
Siya ang kaiisa-isang anak nina Ka Anane at Ka Sabel. Mapalad ang kanyang mga magulang sa pagkakaroon ng anak na tulad niya, hindi lang maganda ang panlabas na anyo, maganda din ang kanyang kalooban. Mabuti siyang anak. Sa simula ng kwento ay gusto nya na makatulong muna sa kanyang mga magulang bago siya lumagay sa tahimik. Isa siya sa pinakamagandang dalaga sa Makulong. Magaling din siya magburda ng barong tagalog pati sa mga gawain sa kusina ay magaling din siya. Lagi siyang isa sa mga naghahanda ng pagkain para sa mga magsasaka. Pati sa mga okasyon ay lagi siyang naroon paramakatulong. Ito ay isa ng tradisyon sa Makulong na tumulong sa isang bahay kapag may okasyon. Sa pagdaloy ng kwento ay nakikita kung gaano niya pinakaiingatan ang kanyang puso. Hindi man nya magawang sabihin kay Toryo ang kanyang nararamdaman ay alam niya sa sarili niya na mahal nya iyon. Kaya noong panahon na pinalaya ni Toryo si Bining, labis siyang nasaktan noon. Pero hindi din naman nagtagal ang kanyang pagkalumbay dahil mabilis siyang naka-move on ika nga. Hindi dahil sa nariyan si Oyo, kundi dahil sa wala na siyang magagawa sa desisyon ni Toryo kaya kailangan niyang irespeto iyon. Sa kagustuhan na din ng kanyang mga magulang ay nagpakasal siya kay Oyo. Hindi naman niya pinagsisihan ang ginawa niyang desisyon. Ito pa nga ang tumulong sa kanya para makapagsimula muli. Hindi siya nakulong sa nakaraan at nagpatuloy siya sa kasalukuyan ng kanyang buhay kasama si Oyo, bilang asawa nito. Sa simula pa lamang ng kwento ay kitang-kita kung gaano kabuti ni Bining. Isa siyang imahe ng tunay na dalagang Pilipina - Maganda, mahinhin, mabait, magalang, at masipag. Dahil sa kanyang natural na ganda ay nagawa nyang lampasan ang ganda ng mga tagalungsod noong nagkaroon ng sagala sa Makulong. Kitang-kita kung papaano niya ilugar ang sarili. Hindi porke mas maganda siya sa mga tagalungsod ay nagyabang na siya. Alam pa rin niya kung paano magpakumbaba. Noong lumabas sila kasama ang ilang tagalungsod, hindi siya gaanong nalapit kay Karen dahil sa alam niyang hindi niya kauri ang dalaga. Pero inaming nagkamali siya sa pag-iwas kay Karen noong nalaman niyang mabait naman ito at hindi siya katulad ng mga anak ng may-ari ng lupa na sobrang arte at mayabang. Si Bining ay isang tunay na kaibigan. Lagi niyang dinadamayan ang mga kaibigan niya. Noong namatay nga si Ka Tales ay isa siya sa mga nag-intindi sa mga nakikiramay. Ito ay tanda ng kanyang pakikiramay at pagrespeto sa ama ni Toryo. Dinamayan din niya si Ligaya noong panahon na may problema ito.
Ligaya Isa siya sa mga anak ni Ka Bisyong. Maganda din si Ligaya tulad ni Bining ngunit hindi siya gaanong lumalabas ng kanilang bahay. Wala tuloy nanliligaw sa kanya. Wala pa din kasi sa isip niya ang lumagay sa tahimik. Napakasipag ni Ligaya. Sa tuwing may okasyon ay hindi siya nawawala para tumulong. Pero makikita sa kanya ang isang mapagmahal na anak at kapatid. Tumatanggap siya ng mga paburda para makakita ng pera para matulungan ang kanyang ama sa pagpapa-aral sa kapatid. Kahit na labag sa kagustuhan ng kanyang ama ay namasukan pa rin siya sa patahian ni Nyora Tinay. Ginawa nya ito para makatulong sa ama nang mabalitaan niyang hindi na sila gaano kikita sa mga asukal na ginagawa ng kanyang ama dahil sa pagkakaroon ng sentral na asukarera sa kabisera. Malakas at buo ang kanyang loob ng ginawa nya ang desisyong ito. nakita din ang katapangan ni Ligaya ng binastos siya ni Marko.kahit na pinipilit siya ni Marko ay hindi pa rin siya nagpadala at hindi siya naging mapusok. Pinangalagaan nya ang sarili niyang dangal. Ngunit sa kabila ng kanyang katapangan ay nakukubli ang takot niya. Ito ay nakita nang tagain ni Ka Bisyong si Marko at napatay ito. sinisisi niya ang kanyang sarili dahil sa pakiramdam niya ay siya ang nagpahamak sa kanyang ama kaya ito ay hinahanap na ng mga maykapangyarihan sa ngayon. Pero nabuhayan siuya ng loob at pinipilit bumangon sa pagkakabagsak dahil sa tulong ng kanyang kapatid at mga kaibigan. Oden Siya ay nakababatang kapatid ni Ligaya. Siya ang anak ni Ka Bisyong na nangangarap ding makapag-aral sa Maynila. Sa simula ng kwento ay hindi pa siya ganap na lalaki ika nga. Kaya nagpatuli siya kay Ka Baleryo. Dahil dito ay nagkaroon siya ng mas malaking tiwala sa sarili. Ito ang nagbigay tanda sa kanya na isa na siyang tunay na lalaki at hindi na siya maituturing na bata. Masipag din siyang anak. Gusto niya lagi tulungan ang ama sa mga gawain sa bukid pati ang sa paggawa ng asukal ay natulong na din siya. Kahit na siya ay palabiro kung minsan, kapag pinag-usapan naman ang kanyang pangarap, nagiging seryoso siya. Gusto din kasi niyang makaalis sa Makulong at makatulong sa ikagaganda ng buhay ng kanyang ama at kapatid. Gusto din niyang maipagmalaki siya ng kanilang pamilya. Siya ay isa din sa malalapit na kaibigan nina Toryo. Siya nga ang nagdala ng pahabiling singsing ni Bining sa Maynila para ibalik kay Toryo.
Dahil sa siya ay nakapag-aral, namulat siya sa katotohanan ng buhay. Nangarap siyang maging isang sundalo kahit sinasabi ng madaming matatanda na wala ng pag-asang makaalis sa buhay sa Makulong. Umaasa siya na matutupad lahat ng pangarap niya. Ka Tulume Si Ka Tulume ang isang mga matatanda sa Makulong. Siya din ang tumatayong doktor sa lugar na iyon. Matalinhaga ang bawat sinasabi ni Ka Tulume. Ito ay dahil sa nayon na siya lumaki at nagkaisip. Tutol siya sa mga pagbabagong nagaganap sa kanilang nayon. Simula daw ng nag-iba ang may-ari ng lupa ay animo’y kinokontrol na daw sila lalo na sa mga itatanim nila, na mula sa palay ay magiging tubo na lamang. Pakiramdam ni Ka Tulume na ang pagbabagong ito ang nagpapasama sa kanilang buhay. Mas maayos pa daw noong lahat ay nagpapakapagod para sa kanilang kagustuhan at kitang-kita lahat ng paghihirap mo. Ngunit sa bagong sistema, lahat ay magtatanim ng tubo at bibigyan na lamang sila ng sahod kapalit ng kanilang pagtatrabaho. Dahil dito, sobra ang galit ni Ka Tulume sa mga pagbabagong nagaganap sa Makulong. Kapag napapag-usapan ang mga pagbabagong ito, nakikipagdebate pa ang matanda na hindi daw iyon nararapat. Dahil sa mga pinapakita ni Ka Tulume, lubos niyang pinapahalagahan ang mga kinamulatan sa Makulong – simula sa tradisyong kanilang kinamulatan doon, pamumuhay na meron sila hanggang sa kamatayan na kanilang kahahantungan sa lupang kanilang sinilangan din. Ka Garse, Ka Tales, Ka Bisyong Silang tatlo ay pare-prehong ama. Sila ay laging umaalalay sa kanilang mga anak. ang bawat sa kanila ay may mga pangrap sa kanilang mga anak. iba-iba man sila ng anak, iisa lang ang gusto nila, ang mabigyan ng nararapat na buhay ang kanilang mga anak. Senyor Martin Siya ang ang bagong may-ari ng lupa ng Makulong. Noong una, inakala ng lahat na magiging ayos ang pamamahala ni Senyor Martin dahil sa maganda simula nito ng bigyan niya ng pagkakataon si Toryo na mag-aral sa Maynila. Siya din ang gumastos sa bonggang pistahan sa Makulong. Lahat ng mga taga Makulong ay tuwang-wuwa sa pagbili ni Senyor Martin ng lupa, ngunit nagkamali sila. Dahil sa pagiging gahaman niya sa pera, kinontrol nya ang kinabubuhay ng mga magsasaka. Iniutos
nya kay Kabesang Ote na ibahin ang kanilang itatanim at wala ng hatiang mangayayri kundi lahat ng magsasaka ay babayaran na lamang ayon sa kanilang sahod. Madaming umapela sa sistemang ito ngunit hindi natinag si Senyor Martin. Iginiit niya ang ikabubuti niyon para sa mga magsasaka. Kitang-kita dito ang kapangyarihan ni Senyor Martin na kaya nyang kontrolin ang bawat galaw at buhay ng mga magsasaka dahil siya ang may hawak ng kanilang pinagkukunan ng pangkabuhayan. Nakita din na ang pang-aapi ni Senyor Martin sa mga manggagawa niya sa kanyang pabrika. Sabi ng mga manggagawa ay hindi sila nabibigyan ng sapat na sweldo at minsan naman ay pinipigilan ng may-ari na gawin ang karapatan nila. Kaya nga noong sa oras na nalaman ni Senyor Martin na sumanib si Toryo sa unyon ng mga manggagawa laban sa kanya, nagalit agad siya kay Toryo at isinumbat ang mga kabutihang ginawa nya sa kanya, pati tinakot nya si Toryo na tatanggalin siya sa trabaho nito. Hindi lang kay Toryo nangyari ang mga bagay na iyon, halos sa lahat na din ng mga manggagawa. Inaakala kasi ni Senyor Martin na dahil sa siya ay mayaman, kaya na nyang kontrolin ang buhay ng ibang tao. Karen Siya ang anak ni Senyor Martin. Maganda si Karen at anakmayaman pa. Kaya nga ba, kayang-kaya nya makuha ang lahat ng gusto nya. Kaiba sa mga dalaga sa nayon, si Karen ay liberated na. Ibang-iba ang kilos nya sa mga dalagang taga nayon. magaslaw siya masyado at wari ay siya pa mismo ang nang-aakit sa mga lalaki para lapitan siya. Ito ang ginawa nya kay Toryo noong nagkaroon ng sayawan sa Makulong. Siya din ang halos gumagawa ng isang galaw para madala si Toryo. Ngunit kahit na ganoon si Karen ay lubos din naman siyang palakaibigan. Siya din ang unang gumawa ng paraan para mapalapit kina Bining. Ipinakita niya na kahit na siya ay anak-mayaman, kaya pa rin nyang makihalubilo sa ibang tao. Wala siyang pakialam kung magkaiba man sila ng katayuan ng sa buhay, basta ang alam nya ay nakikipagkaibigan siya kahit kanino. Nakita din sa nobela na kahit na magkaiba sila ng estado ng buhay ni Toryo, totoo siya sa nararamdaman nya pa sa binata. ipinaglaban pa nya si Toryo sa kanyang pamilya pero natapos lamang ito sa wala.
TAGPUAN Makulong
Pinaghanguan ng materyal na-nobela ang isang liblib na pook sa Barangay Luntal, Taal, Batangas. Masagana ang lupa sa Makulong. Ang lupa rito’y mangitim-ngitim, hindi buhanginin, kaya’t ang mga lupain ay hiyang sa anumang pananim, lalo na sa namumungang punongkahoy. Ang pagsasaka dito ay ginagamitan lamang ng tradisyunal na araro at hinihila ng baka o kalabaw. Ito lamang ang ikinabubuhay ng marami sa nayon. Sa paunang bahagi ng nobela, ang mga pangunahing produktong agrikultural ay mais, tapilan, palay, at iba’t-ibang gulayin at tubo. Samantalang nang magbago ang sistema ng pamamalakad sa Makulong, naging tubo na lamang ang pangunahing produkto dito. Ito ay bunga ng pagluluwas ng asukal sa ibang bansa na naging dahilan ng pagtatayo ng isa pang bagong asukarera. Dahil sa pagsasaka ang pangunahing hanapbuhay sa Makulong, hindi na nakapagtataka kung bakit kahit bata pa ay marunong na ng mga gawain sa bukid. Kubo lamang ang bahay ng mga taganayon. Ngunit kakikitaan mo sila nga mga halaman sa harap ng kanilang bahay na nagsisilbing hardin nila. Hindi naman halos dikit-dikit ang mga bahay dito. Ito ay dahil sa ginawang panununog ng mga Hapones noong dumating sila sa nayon nila. Hindi pa sila masyadong nahahagip ng mga pagbabagong nagganap sa ating bansa kaya parang nakakulong pa rin sila sa nakaraan. Ngunit kahit na magkakaiba ang lugar ng mga bahay dito, lahat ng mamamayan ay nagkakasundo at nagtutulungan. Walang paaralan sa Makulong. Kailangan pa nilang maglakad ng ilang kilometro bago makarating sa paaralan ng katabing nayon. Dahil dito, kakaunti lamang ang nabibigyan ng pagkakataon na makatapos ng elementarya. Bihira din sa kanila ang makatapos ngb hayskul ngunit minsan, kapag nakapagtatapos ka ng hayskul, may pag-asa na itong makatuntong at makatapos ng kolehiyo. Kaya nga isa nang malaking katuparan para sa mga taga-Makulong ang makapag-aral si Toryo at Oden dahil sa alam nilang ang eduksayon ang magiging sandata nila upang umunlad ang kanilang pamumuhay. Bahay Madaming pangyayari ang nangyari sa mga bahay ng mga tauhan. Ito ay nagpapakita na ang mga usapang pampamilya ay nangyayari sa loob ng bahay. Sa Makulong kasi maaga pa lamang ay nagsisiuwi na ang mga tao. At pagsapit ng gabi, dapat ang miyembro ng pamilya ay dapat nasa loob na ng bahay. Sa bahay nina Bining nanligaw si Toryo. Ito ay bahagi na ng tradisyon ng panghaharana na dapat ay sa bahay ng dalaga manligaw. Isang masayang gabi ang nangyari noon – puno ng kantahan at kasiyahan
ang nangibabaw sa oras na iyon. Sa labas naman ng bahay nina Bining sa may bintana, nakita ni Oyo na nag-uusap sina Toryo at Bining na siya ng ikinaiyak nya. Pagkatapos ng harana ni Toryo, ang pamamanhikan naman ni Oyo ang dito nangyari. Ang lahat ng pagpaplano para sa kasal nina Oyo at ni Bining at dito nangyari. Sa bahay naman nina Ka Bisyong, nagkausap ang dalawang magkapatid tungkol sa kanilang ama. Parang noong mga panahon na nakatingin sila sa kanilang ama, sinasabi nilang maswerte sila dahil si Ka Bisyong ang ama nila na siyang nag-alaga sa kanila simula pa noong namatay ang kanilang ina. Sa bahay naman nina Ka Garse nagkausap sina Ka Antang, Ka Garseat Oyo tungkol sa pagpapalawak ng daan sa Makulong. itong bahay ding ito ang inayos ng mag-ama noong panahon ng bagyo para maging ligtas itong tirhan kahit may ulan. Ngunit sa kasamaang-palad, ito na din ang nagdala sa kamatayan ni Ka Garse. Nang maikasal sina Bining at Oyo, dito sila tumira. Ito ay dahil sa inilipat na sa pangalan ni Oyo ang lahat ng ari-arian ni Ka Antang. Dito din pansamantalang tumuloy si Ligaya noong panahon na siya ay pinanghihinaan ng loob dahil sa krimeng nagawa ng kanyang ama. Simula naman ng nawala si Ka Tales, ang bahay niya ay iniilawan nga tiyahin ni Toryo. Diyto isinagawaang ritwal sa siyaman at babangluksa ni Ka Tales. Dito din natutulog si Toryo tuwing siya ay uuwi ng Makulong galing sa Makulong. Dito din siya nagkakaroon ng mga nakakapagtakang panaginip na animo’y may nais iparating sa kanya. Sa Bukid Sa simula pa lamang ng kwento ay makikita na ang bukid na naging tagpuan sa kwento. Sa bukid na ito nagkakasama-sama ang mga magsasaka at tulung-tulong sila sa paggawa ng kanilang mga gawain. Sa tuwing may gawaing bukid ang mga taga-Makulong, hindi na maiiwasan ang kwentuhan, kantahan, tuksuhan, tawanan, kantyawan, at higit sa lahat ang inuman. Sa kabila ng hirap at pagod ng trabaho sa bukid ay nagagawa pa ng mga magsasaka na magsaya. Sa Tindahan ni Ka Saning Ito ang pangunahing lugar na pinagkukuhanan ng mga tagaMakulong ng pang-araw-araw na kailangan sa buhay-nayon gaya ng mantika, gas, posporo, sigarilyo tuyo, suka at iba pang maliliit na bagay. May tinda din ditong alak tulad ng kwatro kantos at ilang mani na pwedeng gawing pulutan. Dahil sa alak na ito, ang tindahan ni Ka Saning
ay nagiging tambayan ng mga kabataan at ilang magsasaka sa tuwing gusto nilang mag-inom. Dito sila nagkakausap-usap tungkol sa mga ilang bagay na bumabagabag sa kanila. Sa Bahay ni Senyor Martin Sa bahay nina Senyor Martin nagkaroon ng isang malaking salu-salo noong pista sa Makulong. Noong gabing iyon, nailawan ang buong Makulong, nagkaroon ng prusisyon ng mga patron sa nayon, pumarada ang ilan sa mga dalagang taganayon kasama ang kanilang mga kapareha at ilang tagalungsod, at nagkaroon ng sayawan pagkatapos kumain. Sa bahay na ito naianunsyo ni Senyor Martin ang mga pagbabagong magaganap sa Makulong. Sa Lawa ng San Diego Dito nagkaroon nga pagsasama-sama sina Toryo, Oyo, Bining, Ligaya, Karen, Marko at dalawang bisita ni Karen na tagalungsod. Sa may pampang ay naroroon ang mga bahay na paupahan, yari sa kawayan at pawid, ngunit may mga pahingahang kamang de kotson, mga natatanging kubeta’t paliguang nalalatagn ng marmol. May tulay sa may dibdib ng ilog na malapit sa sugpungan ng ilog at lawa, na siyang nasasahigan ng kawayang nabubungan ng nipa. Sa lugar na ito nagkaayos sina Bining kasama ang mga dalagang taganayon at si Karen. Pagkatapos maligo nina Bining at Ligaya ay biglang lumapit si Marko at binastos si Ligaya. Kaagad namang nasuntok ni Toryo si Marko kaya’t natauhan na agad ito ng maaga. Sa Patahian ni Nyora Tinay Ito ang patahiang pinapasukan ng ilan sa mga dalaga sa nayon. Ang pagkakatayo nito ay isang pangyayari na kaakibat na umano daw ang pagsulong ng Makulong. Dahil sa patahiang ito, nagtatrabaho ang mga dalaga ng nayon sa loob ng anim hanggang walong oras bawat araw. Dahil sa pagkakatayo nito ay hindi na malayang nadadalahan ng mga dalaga ang kanilang mga ama ng maiinom sa gitna ng bukid, o kaya’y hindi na nila nagagampanan ang mga gawain sa bahay dahil sa sobrang pagod galing sa trabaho. Dahil din sa pagbubukas nito, natuto ang mga dalagang mag-ayos ng kanilang sarili tulad ng pagme-make-up. Sa Hardin ni Kabesang Ote
Dito nagpatawag ng pagpupulong si Kabesang Ote sa mga magsasaka ukol sa bagong balitang ipapahati ni Senyor Martin para sa mga magsasaka ng Makulong. Dito inanunsyo ang pagpapalit ng tanim na palay sa pagiging tubo dahil ang lugar na daw nila ang mag-aangkat ng tubo papunta sa itatayong sentral na asukarera sa kabisera. Sa Lungsod Dito nanirahan si Toryo nang siya ay nag-aral na sa Maynila. Ibangiba ito sa Makulong. Dito ay sari-saring tindahan ang iyong makikita, malalaking gusali at dikit-dikit na bahay ang nagsisiksikan sa isang lugar. Napakaabala ng bawat lugar sa lungsod tuwing umaga. Makikita mo ang iba’t-ibang sasakyan ang pumapasaba sa umaga’t gabi at madaming tao ang naglalagi sa bawat kalye lalo na kung hapon. Kapag gabi naman, kapag pumunta ka sa mga lugar tulad ng Intramuros may makikita kang magkasintahang naglalampungan sa gitna ng dilim. Animo’y wala silang pakialam kung makita man ng iba ang kanilang paglalambingan sa isa’tisa. May mga babae ding nakaabang sa labas ng bawat bar. Hindi din mawawala ang mga batang lansangan na sa gabi ay natutulog na lang sa kung saan o kaya’y naghahalungkat ng anumang bagay sa mga basurahan. Sa Gasolinahan Dito unang nagtrabaho si Toryo pagkadating sa Maynila. Nakasama nya rito sina Ado, Anyong at Tino na pawang galing din sa probinsya pero nasanay na din sa buhay sa lungsod Sa Pabrika Dito pinalipat ni Karen si Toryo ng pinagtatrabahuhan dahil sa hindi daw siya nararapat magtrabaho sa gasolinahan. Dito siya natuto magtiwala sa madaming tao at dito din siya nakasali sa isang unyon. Ang kanyang pagtatrabaho sa pabrika ay natigil lamang nang biglang alisin siya sa trabaho ni Senyor Martin. Sa Dalampasigan Dito nagpalipas ng buong gabi sina Toryo at Karen. Saan ka man lumingon noong mga panahong iyon sa dalampasigan, may makikita kang mga magkakapareha na kung anu-ano ang ginagawa. Sa una ay nahiga lamang si Toryo sa buhanginan katabi si Karen, ngunit nang magsimula ng gumawa ng motibo si Karen, hindi na napigilan ni Toryo ang kanyang sarili. Ang dalampasigang ito ang lugar na kung saan sinulit nina Toryo at Karen ang bawat oras at sandali. Sa Opisina ni Senyor Martin
Sa opisina ni Senyor Martin nagkausap sina Toryo at ang nagpa-aral sa kanya. Magaganda ang bawat mwebles na nasa loob ng opisina. Dito ipinakita ni Senyor Martin ang galit niya kay Toryo dahil sa dalawang dahilan, una ay dahil sa pinatulan ni Toryo ang kanyang anak na si Karen at pangalawa ay dahil sa pagsanib ni Toryo sa unyon ng mga manggagawang kumakalaban sa kanya. Sa Labas ng Pabrika Dito nagwelga ang mga kasamahan ni Toryo sa unyon at ilan pang kasamahan na nagtatrabaho sa pederasyon. Nagwelga sila upang mapakinggan ang kanilang mga hinaing at upang mapagbigyan sila na gawin nila ang kanilang mga karapatan bilang mga anakpawis. Ngunit naging marahas lamang ang kinalabasan ng welga dahil sa naging malupit ang mga pulis na humarang sa mga raliyista. Sa Labas ng Kongreso Dito nasaksihan ni Toryo ang pagwewelga ng ilang tao ukol sa piyudalismo, burukratang kapitalismo at imperyalismo. Naging marahas din ang mga pangyayaring naganap sa welgang ito.
PAGPAPAHALAGANG PANGKATAUHAN Sa pamamagitan ng tauhang si Toryo, nabigyan ng pag-asa ang mga taga-Makulong at napawi sa kanilang mga isipan ang paniniwalang hanggang sa pagiging magsasaka na lamang sila. Dahil dito, si Toryo ay naging isang kasangkapan para sa mga taga-Makulong na mangarap para sa kanilang mga sarili. Kina Toryo at Oyo, nakita ang imahe ng isang tunay na nagmamahal. Pareho nilang gagawin ang lahat para sa kanilang minamahal. Ngunit kahit na ganoon ay hindi nila ito ginagawang dahilan para magka-away sila. Sa katauhan ni Oyo, nakita ang pagpapahalaga sa pagtanggap ng katotohanan sa iyong sarili. Naging mabuti pa ring magkaibigan ang dalawa kahit na alam ni Oyo na nagkakamabutihan na sina Toryo at Bining. Ipinapakita lamang nito na ang isang tao ay dapat maging bukas ang kanyang kaisipan sa lahat ng nangyayari sa kanyang paligid. Hindi niya ipinagsisiksikan ang kanyang sarili kay Bining kung alam niyang ang gusto nga dalaga ay si Toryo. Sa tulong naman ng karakter nina Ligaya at Oden, pinapahalagahan ang pagkakaroon ng isang matatag na personalidad at ang paggawa ng desisyon para sa kanilang mga sarili. Gumawa din si Oden ng desisyon na gusto niyang mag-aral at maging sundalo balang araw kahit na sinasabi ng iba na wala daw pag-asa ang mga taga-Makulong na umunlad. Nagdesisyon si Ligaya na mamasukan sa patahian ni Nyora Tinay dahil sa alam niyang makakatulong ito sa kanyang ama sa pagpapa-aral kay Oden. Naging matatag sila sa pagtanggap ng mga hamon sa kanilang buhay at kahit na may mga problemang dumating, handa silang harapin ito. Sa pagitan naman nina Toryo at Marko, nakita ang pagkakaiba ng isang maginoo sa hindi. Sa pagtatanggol ni Toryo kay Ligaya noong ito ay binastos ni Marko nakita ang pagpapahalaga ng pagrespeto sa isang babae. Noong binigyan ni Karen sina Bining at ilang dalaga ng isang basket ng prutas, ipinapakita nito ang pagpapahalaga sa pakikipagkaibigan. Magkaiba man ang mundo nila, hindi iyon hadlang para maging magkaibigan ang mga dalaga. Naipakita din ang pagpapahalaga sa pakikipagkaibigan sa mga panahon nagtutulungan ang mga magkakaibigan sa paglutas sa kanilang problema. Sila-sila ang nagdadamayan at sila-sila din ang nagpapalakas ng loob ng bawat isa. Halimbawa na nito ay noong dinamayan nina Bining, Toryo at Oyo si Ligaya noong panahon na siya ay may malaking dagok sa kanyang buhay.
Kay Toryo nakita ang pagpapahalaga sa kanyang pangrap. Siya ay ng isang tao na sa kabila ng mga paghihirap sa Maynila ay nagagawa pa rin niya itong pagtiisan at lampasan para lamang sa kanyang pangarap para sa kanyang sarili at para sa kanyang pinagmulan. Sa kanyang katauhan makikita ng isang mambabasa kung paano pinapahalagahan ng isang working student ang kanyang pag-aaral. Kahit na naghihirap siya sa kanyang maliit na kwartong tinutuluyan at kahit na namimis na niya ang buhay niya sa Makulong, lahat ay ginagawa nya upang may maipagmalaki sa kanyang pagbabalik. Sa tulong naman nina Ado, Anyong at Tino na siyang mga kasama ni Toryo sa gasolinahan, nakita sa kanila ang pagpapahalaga ng kanilang mga alaala sa kanilang buhay na siyang napapatibay sa kanila sa bawat araw. Silang tatlo ay may mga sari-sariling kwento ng karanasan kung papano napunta sa Maynila at hindi nila iyon kinakalimutan dahil iyon na lamang ang mayroon sila na galing sa dati nilang buhay sa probinsya. Pinakita naman ni Toryo ang pagpapahalaga sa isang desisyong alam niyang makakabuti sa ibang tao. Sa nobela ay nabanggit ang pagbibigay kalayaan ni Toryo kay Bining. Hindi ito nangangahulugang pinili nya si Karen kaysa kay Bining. Hindi din ito nangangahulugang nakonsensiya siya sa mga nagawa niyang labag kay Bining. Ginawa nya ito dahil sa alam niya kung ano ang mas ikabubuti ni Bining. Alam niya sa sarili niyang hindi niya mapapaligaya si Bining kung sa Maynila siya mananatili. Alam din ni Toryo na may kakulangan siya at ayaw na niya itong madagdagan pa dahil baka mas masaktan lang si Bining pag nagkataon. PAGPAPAHALAGANG PAMPAMILYA Lahat ng mga magulang ay naghahangad ng mga bagay na alam nilang makakabuti sa kanilang mga anak. Hindi sila nagdedesisyong nga mga bagay na ikapapahamak ng kanilang mga anak. Sa nobelang ito ay lubusang binigyan ng halaga ang layunin ng isang magulang na maibigay sa anak ang lahat ng kinakailangan nito. Sina Ka Sabel at Ka Anane ay ang mga magulang ni Bining. Sila ay nakipag-usap sa kanilang anak at hinahangad na nilang lumagay sa tahimik si Bining. Ito daw ay para makilala at masigurado ng mga magulang ni Bining na mabuting lalaki ang mangangalaga sa kanilang anak. Nakikita dito na sa maagang panahon ay gusto nang malaman ng mga magulang ni Bining kung sino iyong dapat niyang pakasalan upang sa panahon na sila man daw ay kunin na ng Diyos, kahit papano ay makakapagpahinga sila ng maayos hangga’t alam nilang nasa mabuting kamay ang kanilang anak.
Isa na lamang ay si Ka Tales, ang ama ni Toryo. Napakabuti niyang ama. Lahat ay ginawa niya para mapag-aral si Toryo. Habang siya ay nabubuhay ay naging masipag siyang magsasaka at natulungan ang iba niyang mga kanayon. Sa pagtulong niyang ito ay nabibigyan nya ng isang magandang ehemplo para sa kanyang anak. Kahit na mag-isa niyang itinaguyod ang anak, hindi siya nagkulang sa mga bagay na dapat niyang ibigay at ipamana sa anak. Ginawa niya ang lahat hanggang sa huli nyang hininga ang paggiging isang ama na nangangarap ng mga bagay na gusto niyang mangyari sa kanyang anak. Hindi naman nabigo si Ka Tales dahil sa lumaking mabuting tao ang kanyang anak na si Toryo. Si Ka Garse naman na siyang namatay nga dahil sa matinding lagnat na natamo sa pag-aayos nga kanilang bahay noong kasagsagan ng bagyo. Alam niyang may sugat siya noon at alam niyang matanda na siya para sumulong pa sa lakas ng hangin at ulan. Nagawa pa nga nitong mkipag-away sa asawa dahil sa hindi naman daw siya pinayagan ni Ka Antang na sumunod kay Oyo ay nagpatuloy pa din ito. Noong mga panahong iyon, iginiit ni Ka Garse na wala siyang pakialam kung magkasakit siya, ang mahalaga ay maging ligtas ang mga tao sa loob ng bahay. Ang mga taong tinutukoy ni Ka Garse na tao sa loob ng bahay ay ang kanyang sariling pamilya. Hanggang sa huli ay hindi niya inisip ang kanyang sariling kapakanan para lamang sa kanyang pamilya. Si Ka Antang naman, asawa ni Ka Garse na siyang naging gabay ni Oyo nang namatay ang asawa niya. Noong nawala ang kanyang asawa ay kinausap niya si Oyo tungkol sa isang bagay na gustong mangyari ng kanyang ama. Ito ay ang magpakasal si Oyo kay Bining. Kaagad naman iyong tinupad ni Oyo alang-alang sa kanyang ama. Ipinakita dito na kahit na namatay na ang isang kapamilya, nananatili pa rin ang kanyang diwa sa kanyang pamilya. Dahil din naman sa katandaan na ni Ka Antang ay ipinamana na niya lahat ng kanyang ari-arian sa kanyang anak na si Oyo. Ito ay ginawa niya para sa ikabubuti ng anak – para magkaroon sila ni Bining ng isang magandang simulain sa pagkakaroon ng pamilya. Si Ka Bisyong naman ay mag-isang pinalaki ang kanyang dalawang anak na sina Ligaya at Oden. Nagpapakahirap siyang magtrabaho para mabigyan ng nararapat na edukasyon ang kanyang anak na si Oden, at naghahanda na din ito sa pagpapakasal ni Ligaya. Mula ng namatay ang kanyang asawa ay ibinuhos na ni Ka Bisyong ang kanyang atensyon sa kanyang mga anak. Walang oras na hindi niya sila inalala. Mahal na mahal niya ang kanyang mga anak. Kaya noong nalaman niya na may kakaibang nangyayari sa patahian ni Nyora Tinay, kaagad siyang umalis ng bahay dala ang gulok. Hindi niya sinasadyang masaksak at mapatay si Marko. Nagawa lang naman niya iyon upang ipagtanggol ang kanyang anak sa
bastos na si Marko na iyon. Kahit mali ang paraan, naipakita pa rin ni Ka Bisyong ang kanyang dedikasyon para sa kanyang mga anak. Si Senyor Martin naman ay isang ama din kay Karen. Hindi man nito nigustuhan ang ninanais ng kanyang anak na si Toryo, ay naipaliwanag naman niya ng ayos sa anak na hindi talaga sila nararapat para sa isa’tisa. Isa sa mga dahilan ang pagkakaiba ng kanilang mundo. Langit si Karen, lupa si Toryo ika nga. Alam din naman kasi ni Senyor Martin na hindi maiibigay ni Toryo ang nararapat na buhay para sa kanyang anak kaya’t hindi niya hinayaan na magkatuluyan ang dalawa. PAGPAPAHALAGANG PANLIPUNAN Sa nobelang ito, magkatambal ang realismo ng nayon at lungsod. Kitang-kita ang pagkaka-iba ng dalawang lugar na ito. Sa nayon, isinasabuhay pa din ang mga kinamulatang tradisyon hanggang sa kasalukuyang panahon. Ang pagtatanim ay itinuturing na isa sa pinakasagradong gawain na kinamulatan ng bawat taga-Makulong. Samu’t saring mga pagpapahalaga ang mababakas sa gawaing ito. Nangingibabaw sa listahan ang diwa ng bayanihan, na sumasaklaw na rin sa pagtutulungan, pagkakaisa at pakikipagkapwa. Sa pagtatanim na rin umiinog ang iba pang mga kaugalian katulad ng pagbibigayan ng mga ani sa mga may gustong mangailangan. Sa pagtatanim din makikita ang bawat kasiyahan ng mga magsasaka. Dito nalilinang ang kanilang kasiyahan sa tuwing may saliw ng kantahan, kwentuhan at tuksuhan. Sa mga gawaing ito, hindi nila iniintindi kung sila ay napapagod sa kanilang ginagawa, ang tanging natitira sa kanila buong araw ay ang kasiyahan dala ng pagsasama-sama sa bukid ng mga magkakanayon. Ang panghaharana sa tuwing manliligaw sa isang dalaga si binata ay nabanggit din sa nobela. Ito ay isang tradisyong talaga namang bahagi na ng kultura ng mga Pilipino. Ang pagkanta para sa babaeng iniibig ay isang magandang paraan ng pagpapahayag ng iyong nararamdaman para sa iyong minamahal. Sa ganitong paraan ay makikita din ng mga magulang ng babae kung papaano nanliligaw ang lalaki sa kanilang mga anak na babae. Dahil din sa harana, nasusubukan ang tatag ng loob ng isang lalaki na harapin ang magulang ng babae at hingin sa personal ang kamay ng kanyang minamahal. Ang pagtutulungan sa tuwing may okasyon sa Makulong ay isa na ding tradisyon para sa kanila. Ang lahat ng mga kababaihan ang siyang mamamahala sa kusina at sa paghahanda ng pagkain, samantalang ang mag binata naman ang siyang bahala sa mga panggatong na gagamitin sa pagluluto. Sa ganitong kaugalian ay nalilinang ang pagtutulungan ng bawat isa sa isang lugar.
Ang pagpapatuli sa tradisyonal na paraan ay hindi pa rin nangungupas sa Makulong. Ito pa ring ang paraan upang maging isang tunay na lalaki. Kahit na sa lungsod ay hindi pinapaburan ang ganitong gawain, sa Makulong naman ay ito ang tanging paraan. Ang pakikipag-inuman sa mga kaibigan at nakakatanda ay bahagi na ng isang tradisyon sa Makulong. Kung sino man ang tumanggi ay maipagkakailang sa Makulong nanggaling. Kapag nakikipag-inuman kasi ang mga taga-Makulong, nakakapagkwentuhan pa sila at nalilinang ng lubusan ang kanilang pakikipagkapwa-tao sa isa’t isa. Ang pamamanhikan ay isang paraan upang makuha ang kamay ng isang dalaga upang magpakasal ito sa lalaki. Sa ganitong paraan ay susuyuin ng pamilya nga lalaki ang pamilya ng babae sa pamamagitan ng pagpapadala ng mga regalo tulad ng pagkain. Ito ay isang handog ng pamilya ng lalaki sa pamilya ng babae na siya ding patunay na sigurado na ang lalaki na gusto na niyang pakasalan ang dalaga. Ito ay isinasagawa upang ipakita sa pamilya ng babae na tunay at dalisay ang pagmamahal ng lalaki sa isang dalaga. Ang pagkakaroon ng sabog sa tuwing may kasalan ay nabanggit din sa nobela. ito ay isinasagawa upang makalikom ng salapi ang mga ikinasal upang magkapagsimula sila ng isang pamilya. Pati ang ritwal noong namatay si Ka Tales hanggang sa magbabangluksa ito, ay isa pa ding kaugalian sa Makulong na pilit nilang isinasabuhay. Lahat ay nagtulungan at sabay-sabay na nanalangin para sa kaluluwa ng namatay na sana ay maihatid ito sa langit ng maayos. Sa napakahabang panahon, kinasanayan na ng bawat taganayon ang mga kaugalian at ritwal. Kinapanganakan na nila ang mga ito, kung kaya inaasahan na rin nilang kamamatayan na rin nila ang mga kinamulatang gawain. Nakakatuwang isipin na napakasimple lamang ng buhay ng bawat taganayon. Sukat na sukat at nahuhulaan nila ang kahihinatnan ng bawat ginagawa. Ngunit sa kabilang dako naman sa lungsod, ibang-iba ang buhay. Iba’t-ibang tao kasi ang naninirahan sa lungsod lalo na sa Maynila. Hindi lahat sa mga taga-Maynila ay magkakakilala. Kaiba ang Maynila sa kanyang kinamulatang nayon. Pawang mga bato ang bahay kung kaya ang mga kaugaliang-Makulong gaya ng paninilong (ng mga binatilyo sa kadalagahan) at panunubok (sa mga bagong kasal) ay hindi na naging posible. Sa halip na pagsanghaya ng bulaklak ang gumigising sa kanya tuwing umaga, samyo ng burak at estero ang palagian niyang naaamoy. Ibang-iba ang mga tagalungsod sa mga taganayon. Sa lungsod kasi ay napakahalaga ng salapi. Lahat ng bagay ay may katumbas na pera para sa mga tagalungsod. Kapag wala kang pera, walang mangyayari sa iyo sa Maynila. Samantalang hindi dati kinakailangan ng mga taga-Makulong ang
pera ngunit simula ng magbago ang pamamalakad sa pagsasaka, naging mahalaga na din ang pera para sa mag magsasaka. Hindi lamang tradisyon ang naipakita sa nobela. Ang pagkakaroon ng edukasyon ay binigyang halaga sa nobelang ito. Dahil sa ang halos lahat ng mga taga-Makulong ay naniniwala na ang eduksayon ang magaahon sa kanila sa kahirapan. Ang isyu din ng mabilis na pagkalat ng mga balita o pwede na din nating sabihin na tsismis ay nakita din sa nobela. Hindi man ito ganoon kahalaga sa lipunan, hindi maipagkakailang ang mabilis na pagkalat ng maling balita ay talagang parte na ng buhay ng bawat tao, mapataganayon man o tagalungsod. Hindi maiiwasan ang pagkakaroon ng mga pagbabago ngunit kinakailangan na ang pagbabagong ito ay makakabuti sa ikabubuhay ng bawat tao. KAISIPAN •
•
•
•
Hindi masama ang mangarap at umalis sa buhay na nakasanayan na dahil hindi naman talaga mawawala ang salitang “pagbabago” sa bawat kaganapan sa buhay ng bawat tao. Ngunit sa pagsasagawa ng pagbabago, kinakailangan na alam natin kung ito ay makakabuti o makakasama sa atin. Ito ay isang bagay na dapat tandaan ng isang tao, kung may nais kang abutin, dapat ay hindi ka sumusuko sa lahat ng bagay. Dapat ay hindi ka nagrereklamo kung may mga problemang dumating dahil ang mga problemang ito ang nagpapatibay sa iyo at siyang magtuturo sa iyo ng ilang aral ng buhay. Kailangang tanggapin ng tao ang bawat pangyayari sa kanilang buhay. Kung may mali man, kailangang itama iyon. Ngunit kapag sa tingin mo ay mali ngunit iyon ay sa iyong pananaw lamang, hindi iyon nararapat. Lalabas na ikaw ay nagpapakasakim sa kung anumang gusto mo ay siyang mangyayari. Hawak natin ang buhay natin, tayo ang gumagawa nga ating mga desisyon sa buhay, ngunit hindi din ito nangangahulugan na kung ano ang gusto natin, iyon ang masusunod. Kailangan ng isang tao na humarap sa isang hamon ng buhay. Kailangan ito upang masubukan ng bawat isa ang kanyang kakayahan. Kung magmumukmok ka lamang sa bahay, walang mangyayari sa buhay mo. Kaya minsan ang tao ay gumagawa ng isang desisyon na hindi niya alam kung makakabuti ba talaga o masama pero alam nyang may matututuhan siya sa desisyon nyang iyon.
•
•
•
•
• •
Pero kahit na minsan mali ang desisyong nagagawa ng tao katulad ng desisyon ni Ligaya na magtrabaho sa patahian na siyang nagdalasa kanyang ama na gawin ang isang bagay na hindi naman nararapat, hindi dapat tayo nawawalan ng pag-asa. Patuloy na umiikot ang mundo. Hindi ito titigil sa panahon na sumuko ka. Kaya kung ang mundo ay nagpapatuloy pa rin sa pag-ikot nito, kailangan mo pa rin mabuhay. Hindi ka naman nag-iisa sa buhay mo, may pamilya ka na siyang gagabay sa iyo at may mga kaibigan kang aakay sa iyo na tiyak ay hindi ka naman pababayaan. Matuto tayong tumanggap ng ating kamalian at kahinaan ngunit hindi nangangahuluga na dapat na tayong sumuko. Patuloy lamang ang buhay, nakagagawa ang tao ng ilang kamalian sa buhay pero lagi namang may paraan para maituwid ang pagkakamaling ito. Sa kahit anong paraan ay gagawin ng isang magulang ang lahat upang matupad ang pangarap ng kanyang anak. gagawin din ng isang magulang ang lahat upang masigurado na magkakaroon ng magandang buhay sa hinaharap ang kaniyang anak. Ang mga tradisyong nagbibigay ng pagkakakilanlan sa atin ay hindi dapat kinakalimutan kahit na may mga pagbabagong nagaganap sa ating buhay. Ang edukasyon ay dapat bigyan ng halaga dahil ito ay isang malaking susi na siyang magbubukas ng pintuan sa iyong tagumpay. Huwag kakalimutan ang lupang sinilangan. Saan ka man makarating mas mabuting bumalik ka din sa iyong pinagmulan. Hindi ka makakarating sa iyong pupuntahan kung hindi ka marunong tumanaw ng utang na loob sa iyong pinagmula. URI NG NOBELA
Ang nobelang pinamagatang “Anak ng Lupa” sa panulat ni Domingo G. Landicho ay isang uri ng nobelang masining. Maganda ang pagkakabalangkas ng mga pangyayari na siyang ikinawiwili ng mga mambabasa. Ang inilarawang pamayanan ay nagsisilbing tipikal na larawan ng ebolusyon ng pananaw-ekonomiya, lipunan, pulitika at ideolohiya. Mahusay ang pagkakagawa ng nobela sapagkat bukod sa nakakaantig ng damdamin, ang akda ay nakapupukaw rin ng isipan ng sinumang nagbabasa. Kitang-kita sa pagkakabuo ng nobela na pinag-isipan ang bawat detaly at sitwasyon na umaayon sa iba’t ibang aspeto gaya ng sosyal, pulitikal at ideolohikal ng pagsulong ng kamalayang-nayon, mula sa pinagbatayang pagpapahalaga ng pinakamatandang komunidadpamayanan hanggang sa pagtaas nito bilang bahagi ng daynamikong ugnayan ng nayon at iba’t ibang pwersang pambansa na nagbibigayhubog at anyo sa pag-unlad at pagtaas ng antas ng kamalayan. Kitang-
kita rin ang buong pagkaunawa ng may akda sa mga taong kanyang pinakilos sa nobela. Ang mga kataga at salitang ginamit sa pangungusap ng mga tauhan ay tunay namang angkop sa lugar na pinaghanguan nito. Bawat binitiwang pangungusap ay may angking talinghaga at ang bawat ginamit na sitwasyon ay may aral na taglay.
View more...
Comments