2011 PnP Advent Module3 PDF
December 29, 2017 | Author: Anthony Aquino Badilla | Category: N/A
Short Description
Download 2011 PnP Advent Module3 PDF...
Description
y-Daan Magbiga Magbigay Maliliit na Sambayanan (BEC) at mga Mag-Anak na Nagninilay sa mga Pagbasa sa Panahon ng Adbiyento kasama ang Pondo ng Pinoy
ARKIDIYOSESIS NG MAYNILA NOBYEMBRE 2011
Pambungad
H amon sa Pilipinong Kristiyano ang pagdiriwang ng Adbyento. Palibhasa sa pagpasok ng panahon na tinatawag nating “ber” na mga buwan; iyon bang mga buwan na nagtatapos sa “ber” sa ingles, simula sa Setyembre hanggang Disyembre, para bagang nagkakaroon na ng lagnat ng pasko ang mga Pilipino. Mistulang agad na nilalaktawan ng mga Pilipino ang Panahon ng Adbyento at tuloy nagmamadaling ipinagdiriwang agad ang panahon ng Pasko. Isinulat ang maliit na booklet na ito upang tulungan ang mga maliliit na grupo ng Basic Ecclesial Community (BEC) sa Arkidiyosesis ng Maynila, gayundin ang mga mag-anak na may mga batang bahagyang may gulang na, upang makapagdiwang ng Panahon ng Adbyento nang mas makahulugan. Mithiin ng sulating ito na makapagbigay daan sa isang panahon na mainam ngang kawilihan at panahanan nating mga Pilipino. Yamang ang gawaing pastoral ng Pondo ng Pinoy sa Arkidiyosesis ng Maynila at iba pang mga kaagapay na mga Diyosesis ay tinuturuan ang mga Katolikong Pilipino sa pagiging mapagpasensiya sa pagluluwal ng buhay na ganap at kasiya-siya sa tulong ng biyaya ng Diyos, sakay na sakay din ang pagtatabi ng kusing sa pagbibigay daan at pananabik na dulot ng Panahong ng Adbyento. Upang mas mabigyang linaw din ang karakter na paghahanda ng Panahon ng Adbyento, niyakap ng sulating ito pati ang mga pagdiriwang ng Imaculada Concepcion (Disyembre 8) at ang siyam na araw ng simbang gabi hanggang sa pagdiriwang ng Pasko (Disyembre 25) at Bagong Taon (Enero 1). May mga gawaing nakapaloob sa sulating ito at bawat isa ay nakabase sa mga pagbasa para sa tanging araw ng pagdiriwang; bagamat isang pagbasa lamang ay sasapat na sa bawat pagpupulong-panalangin makabubuti pa ring paghandaan ng bawat kasapi ang lahat ng mga pagbasa bago ang pagpupulong / gawain. Iminumungkahi na isagawa ang gawain na nakapaloob sa 1
booklet na ito bago ang pakikilahok o pagsisimba sa pangkalahatang misa sa bawat parokya, nakadisensyo kasi ang bawat panalangin dito upang mas lalong maging makahulugan para sa bawat kasapi ng pamilya at/o BEC ang pagmimisa. Ang itinuturong pangkalahatan ng booklet ay paghahanda ang Adbyento para sa Pasko; sa ganang gayun din paghahanda para sa komunal na misa ang mga gawain / panalangin na nakapaloob dito. Narito po ang mungkahing pamamaraan upang maisagawa ang gawain na nakapaloob ng booklet na ito: humanap ng isang angkop na lugar na maaring pagdasalan; maghanda ng advent wreath at isang bibliya. Pumili ng isang maghahanda ng lahat ng kakailanganin pa bago ang gawain (katulad ng paglalagay ng kandila, papel, lapis atbp.). Ang Pambungad na Panalangin at Pangwakas na Panalangin ay iminumungkahing gawin ng buong grupo o mag-anak na magkakatipon. Para magkaroon ng partisipasyon ang mas maraming kasapi ng mag-anak, pumili ng isang mambabasa ng Salita ng Diyos at isa pa sa pagbabasa ng pagninilay. Tulong sa pagpapadaloy ng bahaginan ng pamilya o grupo ang mga tanong na tinaguriang pangbahaginan. Bagamat binabasa ang mga mungkahing gampanin sa mismong oras ng bahaginan, bawat kasapi ay pipili lamang ng isa sa mga mungkahing gampanin na ito at maaaring isagawa ang gampanin sa mga araw na siyang pagitan ng mga pagkikita-kita o pagpupulong. Ang panalangin para sa buong linggo ay dapat basahin ng sama-sama sa panahon ng pagpupulong o gawain, gayunman iminumungkahi din na basahin ito araw-araw ng bawat kasapi ng mag-anak o grupo sa kani-kanilang personal na oras ng pananalangin. [Simula sa Ikalawang Linggo ng Adbyento, bahagi na ng bawat pagkikita sa pagpupulong at pagdarasal ang konting panahon ng kumustahan para mapag-usapan ang mungkahing gampanin at ang panalanging pang-araw-araw na ginawa nila matapos ang huling pagkikita.] Bagamat may mungkahing pamamaraan ng gawain ng pagpupulong at panalangin, tandaang sumasagrupo pa rin ang 2
paggamit at pagpili ng aangkop at wastong timpla ng pagdiriwang para sa kanilang mag-anak o BEC. Ang mga mungkahi ay tulong lamang, nasa grupo mismo ang pagsasagawa at pagpapasya ng anumang babagay sa kanila mula sa booklet na ito. Ang Adbyento ay panahon ng pananahan sa puso, ng kapayapaan at pamamahinga sa piling ng Diyos. Makabubuting tandaan iyon sa gitna ng mga pinagkakaabalahang bibilhin bago magpasko, pagbabalot ng mga regalo, ingay ng mga pangangaroling at punung-punong mga iskedyul. Nawa ay makatulong ang pang-grupong pagninilay na ito sa paglalaan ng panahon ng pananahan at pananatili sa panahon ng paghahanda sa Pasko. Maligayang Adbyento.
Unang Linggo ng Adbyento Isaias 63, 16-17; 64, 2-7 1Korinto 1, 3-9 Markos 13, 33-37 Paghahanda Maupo nang nakapalibot sa isang advent wreath na hindi pa nasisindihan. Maglaan ng kahit limang minuto o higit pa sa pananatili sa kadiliman. Sisindihan ang unang kandilang kulay ube ng pinakabatang kasapi ng grupo o mag-anak. Pambungad na Panalangin Halina, Diyos ng , ilawan ang aming mga puso ng pag-asa’t kagalakang mula sa iyo. Ihanda mo sa aming kalooban ang isang lugar upang isilang ang iyong pagmamahal. Sapagkat ikaw ay butihin at mapagmahal na Diyos. Amen.
3
Salita ng Diyos [Markos 13, 33-37] Noong panahong iyon, sinabi ni Hesus: “Mag-ingat kayo at maging handa dahil hindi ninyo alam kung kailan ito mangyayari. Ang katulad nito ay isang taong maglalakbay sa malayo. Iniwan niya ang kanyang tahanan sa pamamahala ng kanyang mga utusan. Binigyan niya ang bawat isa ng kani-kaniyang gawain, at inutusan niya ang tanod na magbantay. Gayundin naman, magbantay kayong lagi dahil hindi ninyo alam kung kailan darating ang panginoon ng sambahayan. Ito’y maaaring sa takipsilim, sa hatinggabi, sa madaling-araw, o kaya’y sa umaga. Baka siya’y biglang dumating at maratnan kayong natutulog. Ang sinasabi ko sa inyo’y sinasabi ko sa lahat. Maging handa kayo!” Pagninilay Habang naghihintay sa kadiliman kanina bago natin sinindihan ang kandila, ano ang iyong ginagawa? Ano ang iyong iniisip? Parang hindi na tayo sanay sa paghihintay sa panahong kasalukuyan: “instant,” “automatic,” “remote control,” “isang pindot lang” ito ang mga salitang mas nais nating makasalubong. Nakaalala ka ba ng panahong kailangan mong maghintay? Naalala mo ba iyong talagang sobrang halaga para sa iyo pero kailangan mong hintayin? Habang naghihintay ano ang ginawa mo? Anong nakatulong para mapagtiisan mo ang paghihintay? Anong nakatulong sa iyo para umasa? Anong tukso ang sumagi sa iyo para sumuko o magwalang-bahala na lang? Sa pagsisimula ng Adbyento, inaanyayahan tayo ng Diyos na matutong maghintay. Gayunman ang kanyang pinagagawa sa atin, hindi naman tayo basta pinaghihintay niya lamang sa wala o sa kabiguan. Sa halip na gayun nga ang atas sa atin ng Panginoon ay maghintay nang “may pag-asang nagagalak.” Maaari nga ba na ang paghihintay ay may galak? Opo, sapagkat alam natin na
4
ang pinakahihintay natin sa ating puso at buhay ang siyang darating. Sa katotohanan nga kahit pa hinihintay natin siya, sinasamahan niya rin tayo sa gawain natin ng paghihintay. Ngunit naghihintay pa rin tayo sa kadiliman; sa tahimik at walang ingay na lugar kung saan marahil hindi tayo makakita nang maliwanag o makadama sa ating puso ng makasasagot sa ating ninanais. Maaaring mangyari na para bagang may madilim na lugar sa loob ng iyong puso, bahagi mo na nakakaramdam na nagsasabing hindi mo kailanman matatanggap ang hinihintay mo, kung saan parang hindi ka nakatatanggap ng pagmamahal, kung saan nag-iisa ka, nahihiya, sumusuko, nawawala, nalilito, nagagalit o nasasaktan. Totoo ngang may mga kabiguan ka sa iyong sarili, sa ibang tao, at sa buhay; masakit itong dalahin na kasa-kasama mo. Mayroon din marahil na bahagi mo na hindi makahanap ng pag-asa, o mistulang sugat na hindi gumagaling. O maaaring mangyari din naman na may kadiliman sa mundo sa paligid mo. Sa sulatin ni Propeta Isaias ay inilarawan niya ang kadiliman ng mundo: “walang tumatawag sa iyong pangalan;” sinasabi niya iyon habang kausap ang Diyos. Halos walang pananampalataya sa mundong gayon; halos walang pag-ibig, lahat ay nagsasadyaan sa pagsasakitan sa isa’t isa at paggawa ng mga makasalanang gawi, kumikilos na para bagang kay layu-layo ng Diyos. May nakikita ka bang mga lugar sa mundo na parang gayon? May mga lugar bang ang mga tao ay lumalayo sa Diyos o nakalilimot na tumawag sa pangalan niya? Hindi ba parang nalilimutan ng Diyos ang gayong mundo? Totoo kayang nililisan ng Diyos ang ganoong mundo? Maglakas-loob kang pumasok sa madidilim na bahagi ng iyong puso at kahit pa sa madidilim na lugar ng mundo. Pinapaalalahanan tayo ni Propeta Isaias na kahit pa sa gayong mga sitwasyon mahahanap mo ang Diyos. Naroon siya sa isang espesyal na pananahan. Si Hesus na hinihintay natin ang araw ng pagsilang ay 5
nagkatawang-tao din at ipinanganak sa isang madilim, mahirap, at mababang lugar. Si Hesus din piniling maging mahina at alagaing sanggol. Huwag kang matakot kung gayon sapagkat sinasamahan niya tayo. Hayaan mong akayin ka ni Hesus para makapamuhay ka ng kasama siya. “Mag-ingat kayo at maghanda!” Iyon ang mensahe kanina ng Mabuting Balita. Hintayin ang presensiya ng Diyos sa lahat ng mga lugar kung saan nais ng Diyos na manahan. Manatiling maliksi kahit pa sa kadiliman ng buhay, hanapin ang liwanag na darating nang tunay sa sangkatauhan kahit pa minsan para tayong nabubulagan at hindi maaninag iyon. Sa ganang ganito din natin ipaaalala sa isa’t isa ang paghihintay sa liwanag na itinuturo ng Pondo ng Pinoy. Maaaring sa pagtatabi ng kusing ay may katagalan ang pagkapuno ng iyong sisidlan o kaya naman ay kapansin-pansing nagtatagal din ang mga epektibong proyekto na dapat sana ay mailuwal ng kilusang Pondo ng Pinoy. Ngunit ang pagsilang nga ng “bagong langit at bagong lupa” [2 Pedro 3, 13] ay may sangkap na paghihintay nang may pag-asa. Mabuting paalala sa atin na ang bawat isang kusing na iniipon natin ay simbolo rin ng pag-asa nating sa kalawakan ng dilim at kawalang pakialam, sa ating mga nakikilahok sa kilusang Pondo ng Pinoy, ang pag-iipon ay pagsilang na nga ng pag-asa. Sa pagkalansing ng bawat inilalagay natin sa ating sisidlan, sinasambit natin ang dalangin ng mananampalatayang nagpapasensiya at naghihintay sa tulong ng Diyos. Sa Pondo ng Pinoy sinasabi natin sa Diyos, “maaaring may katagalan pa o baka mabilis lang, pero hinhintay namin ang tulong mo. Ginaganap namin ang aming maliit na bahagi gaano man kahamak, panalangin namin ito sa iyo, ‘Liwanag ng aming puso sa amin manahan ka na nga.’” (pagninilay ni Tess Basas)
6
Bahaginan Anong ibig sabihin ng maging handa at maging maingat? Anong kahulugan nito sa buhay ko? Sa BEC? Sa Parokya? Sa pangkalahatang simbahan? Saan-saan ba sa buhay ko o sa mundo may kadiliman? Ano itong pag-asa na kung saan tayo ay tinatawagan? Nakikita ba natin ito sa tulong ng Pondo ng Pinoy? Panalangin para sa buong Linggo Diyos kong makapangyarihan at mapagmahal, pinasasalamatan kita (pangalanan ang isang mahal mo sa buhay o kasama sa grupo). Nagpapasalamat din ako sa binigay mo sa aking (sabihin ang isang biyayang tinanggap) at sa iyong katapatan sa pagmamahal sa akin. Manahan ka kahit sa aking mga kadiliman. Samahan mo akong maghintay sa pagsilang ng liwanag sa buhay ko, kung saan hinhintay din kita. Amen. Mungkahing Gampanin Pagmasdan ang isang taong tumatawag sa pangalan ng Diyos. Gayundin tularan siya at sikaping tawagin ang Diyos sa isang beses sa isang araw. Sa isang umaga, gumising nang maaga at panuorin ang pagsikat ng araw. Manalangin sa Diyos na tulungan kang maging tapat ngayong Panahon ng Adbyento. Hilingin mo sa Diyos na ipakita sa iyo ang isang biyayang espiritwal na bigay niya sa iyo. Silipin ang mga biyaya niya na nakalista sa Galata 5, 22-23. Kapag nalaman mo na kung anong bigay niyang biyayang espiritwal iyon, humanap ka ng isang simbolo para duon, 7
ibalot mo ang simbolo na tuald ng isang regalo at isulat mo ang pangalan ng Diyos. Sabihin mo sa Panginoon kung bakit nais mong ibigay din sa kanya muli ang biyayang kaloob niya sa iyo. Makilahok sa gawaing Pondo ng Pinoy bilang pagbabalik-kaloob sa biyaya ng Diyos. Pangwakas na Panalangin Diyos na makapangyarihan, pinasasalamatan ka namin sa panahong ito na sama-sama kaming nakikinig sa yong mga salita ng pagmamahal. Turuan mo kaming maghintay sa iyo. Tulungan mo kaming maging mulat sa pagsama mo sa amin. Buksan mo ang aming mga mata upang makita namin ang presensiya mo; buksan ang aming mga bibig upang tumawag sa pangalan; buksan ang aming mga bisig upang yumakap sa iyo. Liwanagan ang aming kadiliman at dalhin kami sa lugar kung saan makikipagkita kami sa iyo ngayong Pasko. Amen.
Ikala wang Linggo ng Adbyento Ikalaw Isaias 40, 1-5; 9-11 2Pedro 3, 8-14 Markos 1, 1-8 Paghahanda Sa katahimikan, magsindi ng dalawang kandilang pang-adbyento (kulay ube). Hilingin sa mga kasapi na alalahanin ang isang natatanging pangangailangan. Matapos ang tatlong minuto ng pananahimik, ang nakatokang bibigkas ay sasabihin: “Sa ilang ihahanda ninyo ang daraanan ng Panginoon. Sa oras na ito, sama sama nating tahimik na ialay ang hindi mabigkas na pangangailangan ng kapwa natin sa ating Diyos.” 8
Pambungad na Panalangin Masintahin naming Diyos, narito kaming nananabik at naghihintay sa iyo. Sa kadiliman ng aming buhay at sa katahimikan ng lugar na ito, iniaalay namin ang aming mga sarili sa iyo. Manahan ka sa aming naghihintay sa iyo, sapagkat kailangan ka namin at ang iyong pagliligtas. Amen. Salita ng Diyos [Isaias 40, 1-5; 10-11] “Aliwin ninyo ang aking bayan,” sabi ng Diyos. “Aliwin ninyo sila. Inyong ibalita sa bayang Jerusalem, na hinango ko na sila sa pagkaalipin; sapagkat nagbayad na sila nang ibayo sa pagkakasalang ginawa sa akin. May tinig na sumisigaw: “Ipaghanda ang Panginoon ng daan sa ilang; isang patag at matuwid na lansangan para sa ating Diyos. Tambakan ang mga lambak, patagin ang mga burol at bundok at pantayin ang mga baku-bakong daan. Mahahayag ang kaningningan ng Panginoon at makikita ng lahat. Siya mismo ang nagsabi nito.” Dumarating ang Panginoong Makapangyarihan taglay ang gantimpala sa mga hinirang; at tulad ng pastol, yaong kawan niya ay kakalingain, sa sariling bisig yaong mga tupa’y kanyang titipunin; sa kanyang kandungan ay pagyayamanin. At papatnubayan ang tupang may mga supling. Pagninilay Palasak na payo nuon ng mga nakatatandang lalaking natuto na sa pag-ibig sa sinumang binatilyong nagsisimulang mangligaw ang “maglaan ng mg a sor presang regalo sa sinisinta kahit walang okasyon.” May espesyal nga namang natutuhan ang mga nakatatandang kalalakihan. Pagbibigay 9
halaga kasi ang mga kaloob na sadyang bigay kahit hindi man pasko, valentines o kaarawan ng minamahal. Sa kabilang dako naman nakapagbabago ng araw ang pagtanggap ng sorpresa. Palibhasa naibigay iyon nang hindi dahil sa kinakailangan o bilang pagbibigay-ganti sa tamang nagawa; alam ng tumanggap na binibigay ang regalo dahil sa dalisay na pag-apaw ng pagbibigay halaga, pagmamahalaga, pagmamahal… Sa pagbasa sa araw na ito natin narinig ang panaghoy ng mga taong nangangailangan. Hindi natin narinig ang isang matalinong pagsusuri ng kanilang sitwasyon, o talaan man n g m a b u t i o m a s a m a n i l a n g m g a g i n aw a ; wa l a d i n g paghahanap ng ugat ng kanilang pagdurusa. Basta ipinabatid ng pagbasa mula sa Aklat ni Propeta Isaias na nang ang ailang an ang mg a taong ito at naghahanap ng kaaliwan, kapahingahan at tulong na maaasahan. Alalahanin ang pangangailangan sa iyong buhay; isang natatanging kagipitan, maliit man o malaki; isang konkretong suliranin, katulad ng paghahanap ng trabaho, matinding pangungulila o alitang hindi mapagkasunduan. Hindi nga ba maihahalintulad ito sa sinasabi ng Propeta Isaias na lugar ng ilang; nakakailang, alanganin sa ilang ng ating buhay! Sa kaniyang bahagi naman, parang magiting na mangingibig ang Panginoong Diyos. Bag o mo pa hingin ang kanyang tulong, nakikita na niya, batid niya at nais niyang b i g y a n g h a l a g a a n g k a p a h i n g a h a n , k a a l i wa n a t pangangailangan mo. Hindi siya tumitigil upang tanungin muna kung karapat-dapat ka sa kanyang tulong. Hindi rin nangyayaring pinapanuod ka niya muna habang sinusubukan mong gawin ang lahat sa iyong sarili nang nag-iisa, at sa pagkakataon lang na kailang an mo na siya ay saka siya darating. Alam na alam ng Diyos ang iyong pangangailangan, kahit pa nga hindi mo pa mismo alam iyon! Ibinibigay niya 10
ang purong kaloob niya malaon na bago ka pa man humingi; itinataas niya ang kanyang magiting na bisig alang-alang sa iyo, nang dahil sa pag-ibig niya para sa iyo. Nananabik ang ating Diyos para sa atin, dumarating siya nang may hinahon at pangangalaga tulad ng isang pastol sa kaniyang mga tupa. Tinutulungan niya tayong patagin ang mga baku-bakong daan ng buhay natin; itinatayo niya tayo saanman tayo nadadapa. Bisig niya mismo ang pumapatag sa mga naglalakihang bato at bundok na nagbabanta sa atin. Hindi siya nahuhuli. Dumarating siya sa tamang oras na kailangan natin siya, saanmang kinakailangan natin siya. Sa katotohanan, mas alam niya ang pangangailangan natin. Maaaring sorpresang nakabibigla ang kanyang pagdating; nangyayaring naiiba din ang una niyang paglapit kaysa sa inaakala nating dapat sana ay dating niya para sa atin. Gayunman, dumarating siya sa nababagay na pamamaraang pumupuno sa tunay na pangangailangan natin. Tugon naman ng pag-ibig ang pananatili nating kaisa at nakikilahok sa gawaing pastoral ng Pondo ng Pinoy. Kung nararanasan nating tunay ang galak ng sorpresang paglapit ng tulong ng Panginoon natin sa anyong nababagay at napapanahon para sa atin, hindi nag-aalinlangan ang napaibig na sa gawain ng pagsisiwalat ng gawain ng pag-ibig. Purong kaloob ang bawat kusing na iniipon natin alang-alang sa nangangailangan. Hindi man natin nakikilala ang nakapiit na natutulungan, ang walang damit na nasusuotan o ang uhaw at gutom na napapakai’t napapawian ng uhaw; alam ng kalahok ng Pondo ng Pinoy ang kilos ng purong pagmamahal sa walang pamimilit na pagbibigay. Lakas ng bawat isang nag-iipon para sa kapwa nila ang Diyos na malayang nakapagbibigay tulong at laging napapanahon sa pagbibigay kaaliwan, kapahingahan at tulong. (pagninilay ni Jem Avelgas)
11
Bahaginan Kailan ko naranasan sa buhay ko ang malayang tulong at pangangalaga para sa akin ng Diyos? Saan ko damang-dama ang pag-ibig ng Diyos na nag-uumapaw, magiting at makapangyarihan para sa akin? Paano ko maibabahagi din sa iba ang katotohanang maka-Diyos at ligaya ng pakikiisa sa kanya sa purong pagbibigay? Panalangin para sa buong Linggo Panginoon, ihanda mo po ang aking puso upang tanggapin lahat ng ninanais mong ipagkaloob sa akin. Patagin mo po ang bakubakong bahagi ng aking buhay; ilapit po ninyo ang inyong pag-ibig lalo na sa mga panahong nakakaligtaan ko ang tindi, lawak, lalim at lawig ng iyong pagmamahal. Amen. Mungkahing Gampanin Magbigay ng purong regalo o sorpresa sa linggong ito. Maaari itong maging material na kaloob o akto ng kabutihan o pagpuri sa ating kapwa. Maging alisto din sa pagtanggap ng mga ginagawang kabutihan para sa atin ng Diyos at kapwa natin. Kapag nahalata nating dumarating ang mga iyon sa linggong ito, magpasalamat nang taos sa puso. Subuking magsalita nang may hinahon at ingat, lalo pa kung alam nating tayo din ay nakararamdam ng pangangailangan sa mga pananalitang gayon. Ipagpatuloy ang pag-iipon at malayang pagbibigay para sa hindi man nakikilalang nakikinabang sa gawaing Pondo ng Pinoy.
12
Pangwakas na Panalangin Panginoon naming Diyos, ikaw ang tunay at pinakauna naming mangi-ngibig. Itinatayo mo kami sa aming pagkadapa; pinapatag mo din ang mga baku-bakong nagawa namin sa aming buhay. Ihanda mo kaming tanggaping lubos ang iyong pagmamahal. Turuan mo kaming maging mapag-alaga, mabait at mahinahong tulad mo. Amen.
Kalinis-linisang Paglilihi sa Mahal na Birhen Henesis 3, 9-15; 20 Efeso 1, 3-6 Lukas 1, 26-38 Paghahanda Sindihan ang dalawang kulay ubeng mga kandila ng adbyento. Sa sinag ng may sinding mga kandila, iminumungkahing isulat ng bawat kasapi ng grupo o mag-anak ang kanilang pangalan sa maliit na piraso ng papel. Ipunin ang mga papel at pabunutin ang bawat kasapi ng papel na hindi kanila. Basahin ang pangalang nabunot at hipan ang kandila matapos ang ilang sandali. Sa kadiliman, ipagdasal ang bawat taong nabunot ang pangalan. Matapos ang tahimik na pananalangin, ilapit sa advent wreath ang mga papel na may pangalan. Sindihang muli ang mga kandila. Pambungad na Panalangin Mapagmahal na Diyos, naririnig namin ang pagtawag mo sa amin. Ninanais namin ang iyong pagmamahal. Tulungan mo kaming kilanlin ang pinakadalisay naming ninanais sa aming mga puso at makatugon nang “Oo” sa iyong paanyaya sa amin, sapagkat ikaw ang aming tahanan. Amen. 13
Salita ng Diyos [Henesis 3, 9-15; 20] Tinawag ng Panginoong Diyos ang lalaki at tinanong, “Saan ka naroon?” “Natakot po ako nang marinig ko kayong nasa hardin; nagtago po ako sapagkat ako’y hubad,” tugon ng lalaki. “Sinong may sabi sa iyong hubad ka? Bakit kumain ka ba ng bungang ipinagbabawal ko?” tanong ng Diyos. “Kasi pinakain po ako ng babaing ibinigay niyo sa akin,” tugon ng lalaki. “Bakit mo naman ginawa iyon?” tanong ng Diyos sa babae. “Mangyari po’y nilinlang ako ng ahas kaya ako natuksong kumain,” tugon naman niya. At sinabi ng Panginoong Diyos sa ahas, “Sa iyong ginawa’y may parusang dapat. Na tanging ikaw lang yaong daranas; ikaw ay gagapang, ang hatol kong gawad, at alikabok ang pagkaing dapat. Kayo ng babae’y laging mag-aaway. Binhi mo at binhi niya’y laging maglalaban. Siya ang dudurog ng ulo mong iyan, at ang sakong niya’y ikaw ang tutuklaw”… Eba ang itinawag ni Adan sa kanyang asawa sapagkat siya ang ina ng sangkatauhan. Pagninilay Nauusong pangitain sa mga araw na ito ang mga taong may kani-kaniyang lakad nang may nakasuksok na earphone sa kanikanilang mga tainga at nakikinig sa kani-kaniyang musika. Kalat ang mga tao; nakalulungkot ngang ang mga may pangangailangan kahit pa ang nag-aagaw-buhay ay nagagawang dinadaan-daanan lang! Ano nga bang hinahanap natin? Anong musika ang pinakikinggan natin at saan nga ba tayo nagmamadaling patungo? Ang dami-daming nakakaligaw, hindi na rin natin maiwasang tayo mismo ay naliligaw, kani-kaniyang pagkaligaw. Ayaw mang aminin, hinahanap at pinakikinggan natin ang awit ng pakikipagkasundo, pagtanggap sa sarili at kapwa, habang ninanais ang pagtahan sa Diyos. Nilikha ng Diyos ang bawat isa sa atin nang may pagmamahal [Karunungan 11, 24]; ginawa tayong kawangis at kalarawan niyang 14
may kalayaang makapagpasya at magmahal din [Henesis 1, 27]. Sa kadahilanang ito hindi mapalagay ang sinumang namamanglaw at nangungulila sa kawalan ng pagmamahal. Kaya nga salat na salat din ang buhay ng taong hindi kayang magmahal, walang pakialam at manhid sa pangangailangan ng kanyang kapwa. Gayundin ito ang dahilan kung bakit palalim lang ng palalim ang ating pagnanais habang tinatakasan natin ang tawag na magmahal sa pamamagitan ng gadgets, panuorin, pinapakinggan o pananalapi. Ang Diyos ay pag-ibig [1Juan 4, 8] ayon sa isang awit na madalas nating marinig sa simbahan, ngunit dapat alalahaning ang kahulugan ng kasulatang iyon ay, “hindi sa tayo ang unang umiibig sa Diyos kundi tayo ang iniibig niya at sinugo niya ang kanyang anak upang maging handog sa ikapagpapatawad ng ating mga kasalanan.” Napalayo man tayo mula sa pag-ibig ng Diyos at inaani man natin ang bunga ng pag-ayon natin sa pagkamasuwaying iyon dala ng ating personal at panglipunang mga kasalanan, gumawa pa rin ang Diyos ng pamamaraang mabatid natin ang pagmamahal niya. Sa kasaysayan ng pagliligtas, pagpapatawad at pagpapabatid sa atin ng Diyos ng kanyang hindi matawarang pagmamahal nakapaloob ang papel ng ating Mahal na Inang Birhen na si Maria. Ipinakita niya sa atin na kayang tumugon ng tao sa Diyos upang mapanumbalik ang karanasan ng pagmamahal at pananahan sa Diyos. Ipinaaalam sa atin ni Maria bilang ating modelo at ina na nilikha ang tao sa purong pag-ibig at malayang pagtatangi ng Diyos. Ang mensahe ng Kalinislinisang Paglilihi sa Mahal na Birheng Maria ay ito: “makapangyarihan ang pag-ibig ng Diyos upang humirang, panatilihing malinis mula sa kasalanan at iligtas sa katangi-tanging paraan ang nakatakdang maging ina ng Anak ng Diyos.” Ngunit malaya rin ang tugon ni Maria sa Diyos, sapagkat ang tunay na kalayaan ay ang desisyong tugunan ang pag-ibig ng pagibig din. Mapagpalaya ang pananahan sa pag-ibig ng Diyos; doon mahahanap ang pamamahinga at pananahan ng mga taong nangungulila sa pagmamahal. Mas tao tayo sa pagtugon natin sa 15
Diyos; mas tao tayo sa desisyon nating magbigay at tumanggap ng wagas na pagmamahal. Tulong sa atin ang halimbawa ng Mahal na Inang Birhen upang maalala natin ang napakadakilang tawag na iyon para sa atin ng Diyos. Tulong naman sa pag-eehersisyo ng sarili upang maging handa sa pag-ibig ang araw araw na gawain ng Pondo ng Pinoy. Palibhasa kahit pa sa halagang napakaliit na beinte singko sentimos ay nagaganap ng bawat isang kasapi sa kilusang Pondo ng Pinoy ang pagbibigay sa iba, unti-unti at bawat araw ay nahuhubog niya ang kanyang sarili upang matuto sa pakikiramay sa kapwa at mas maging mapagmahal. Maya-maya sa kamulatan ng malayang pagbibigay ng pagmamahal ng Diyos sa kanya sa kasaysayan ng pagliligtas mas natututo ang tao na ang tunay na pagmamahal sa Diyos ay may kinalaman sa pagmamahal lalo na sa kapwa nating nangangailangan, naghihikahos at salat na salat sa pag-ibig na pwedeng konkretong ipadanas [Mt 25, 40; 45; 1Juan 4, 20]. Bahaginan Sumasampalataya ba ako at naniniwalang nilikha akong kawangis at kalarawan ng Diyos? Anong ibig sabihin nito para sa akin? Anong pumipigil sa akin upang magbalik-loob sa Diyos? Paano sinasagisag para sa akin ng Pondo ng Pinoy ang konkretong tugon na hinihingi ng pagmamahal ng Diyos? Panalangin para sa buong Linggo Panginoong Diyos, tulungan mo akong marinig ang pangalan na ipinangtatawag mo sa akin. Palakasin mo ang loob ko upang tumugon sa iyong pag-ibig at konkretong mahalin din ang kapwa kong nangangailanan ng pagkalinga, tulong at pagmamahal. Amen. 16
Mungkahing Gampanin Sa papel kung saan nakasulat ang iyong pangalan, isulat ang maliliit na kabaitang magiging konkretong tugon mo sa pag-ibig ng Diyos para sa linggong ito. Maging mulat din sa isang paraan kung paanong lumalayo ka sa Diyos at kapwa tao. Manalangin sa Diyos upang maamin mo nang may lakas loob ang katotohanang ito tungkol sa iyong sarili. Kaisa ni Maria, manalangin habang naglalagay ng kusing sa sisidlang pinangtutulong mo sa kapwa para sa Pondo ng Pinoy. Pangwakas na Panalangin O aking Diyos, ikaw ang mapagmahal naming Panginoong tumatawag sa amin upang magmahal din. Maganap din nawa sa amin ang iyong salita. Kaisa ng panalangin para sa amin ng Mahal na Inang Birheng Maria, palakasin mo kami upang araw-araw kaming mapalapit sa iyo at mahubog nawa ang puso namin tulad ng puso ng Panginoong Hesus na siyang pag-asa namin. Amen.
Ika tlong Linggo ng Adbyento Ikatlong Isaias 61, 1-2; 10-11 1Tessalonika 5, 16-24 Juan 1, 6-8; 19-28 Paghahanda Maghanda ng maliliit na kandila para sa bawat isang kasapi ng grupo o mag-anak. Sindihan ang tatlong kandilang pang-adbyento
17
sa advent wreath (dalawang ube at isang kulay rosas) at ang bawat kandilang dala-dala ng mga kasapi ay sindihan mula sa liwanag ng mga iyon. Hawakang nakasindi ang mga kandila habang dinadasal ang pambungad na panalangin, hipan ang mga ito matapos ang dasal. Pambungad na Panalangin Nawa ang Diyos ng kapayapaan ay gawin tayong banal at panatilihing masigla ang ating kaluluwa at katawan hanggang sa panahon ng pagdating ng Panginoong Hesus Nazareno natin… Amen. Salita ng Diyos [1Tessalonika 5, 16-24] Magalak kayong lagi. Maging matiyaga sa pananalangin. Ipagpasalamat ninyo sa pangalan ni Kristo Hesus ang lahat ng pangyayari, sapagkat yaon ang ibig ng Diyos. Huwag ninyong hadlangan ang Espiritu Santo. Huwag ninyong hamakin ang anumang pahayag mula sa Diyos. Suriin ninyo ang lahat ng bagay at pulutin ang mabuti. Lumayo kayo sa lahat ng uri ng kasamaan. Nawa’y lubusan kayong pabanalin ng Diyos na siyang nagbibigay ng kapayapaan. At nawa’y panatilihin niyang walang kapintasan ang buo ninyong katauhan – ang espiritu, kaluluwa at katawan – hanggang sa pagparito ng ating Panginoong HesuKristo. Tapat ang tumawag sa inyo at gagawin niya ang mga bagay na ito. Pagninilay Sa mga nakaraang linggo ng pagpupulong, sama-sama tayong naghihintay sa kadiliman ng ating buhay nananabik na isilang ang Diyos sa kaibuturan ng ating mga sarili. Nabatid na natin ang maamo at taimtim na kapangyarihan ng pagmamahal ng Diyos para sa atin. Nuong kapistahan ng Kalinis-linisang Paglilihi sa Mahal na Birheng Maria naipakilala sa atin ang kagandahan ng mapagmahal na paglikha 18
sa atin ng Ama sabay ang katapatan niya sa paggawa ng pamamaraan upang muli tayong makauwi sa pag-ibig na iyon. Inaanyayahan tayo ng panahon ng Adbyento upang isailalim ang mga personal na kwentong buhay natin sa mapagpagaling at matapat na kwento ng pagliligtas ng Diyos. Sama-sama bilang bayang tinawag ng Ama, sagisag tayo at panawagan sa katotohanang iyon. Tayong lahat ay marapat manindigan bilang mga saksi ng pag-ibig ng Diyos sa katangitanging paraan ng pamumuhay ng bawat isa sa atin. May katangi-tanging panawagan ang bawat isa sa atin upang mamuhay sa kagalakan. Tinagurian ang ikatlong linggo ng Adbyento bilang Linggo ng Gaudete sapagkat iyon ang buod ng pagdiriwang kaya nga narinig natin sa pagbasa ang paanyaya at utos ni San Pablo Apostol sa bawat isa sa atin, “magalak kayong lagi” [1Tessalonika 5, 16]. Sa unang pangdinig, mistulang napakalaking hamon para sa bawat Katoliko ang pagsasabuhay ng paanyaya ni San Pablo Apostol. Paano nga naman tayong laging magagalak kung kasing-normal ng pagsikat at paglubog ng araw ang pagdating ng suliranin at mga karanasang nakakapagpalungkot sa ating buhay? Ngunit maagap din si San Pablo sa pagtugon sa ating pagrereklamo, “magdasal at sa anumang pagkakataon magpasalamat sapagkat ito ang kalooban ng Diyos para sa iyo sa ngalan ng Panginoong Hesus Nazareno” [1Tessalonica 5, 17-18]. Ipinaaalala ng mga salitang ito ni San Pablo ang sinabi na natin kaninang inaanyayahan tayo ng Diyos upang isailalim ang istorya ng buhay natin sa kasaysayan ng pagliligtas ng Panginoong Hesus. Sapagkat kung alam natin ang kwento ng kaligtasan, napagdadasalan natin ang pagsasatotoo ng pagliligtas sa ating personal na mga buhay. Mangyari pa, kung nakakapagpasalamat tayo kahit pa sa mga karanasan ng kagipitan at kalungkutan, mas nauunawaan natin kung mula saan tayo inililigtas ng Panginoong Hesus Nazareno. Mismong sa gulong ng palad, nababatid din natin sa pananampalatayang hindi kabiguan ang huling masasabi sapagkat ang Diyos ay tunay na sinasamahan tayo; “at Emmanuel ang kanyang pangalan, ibig sabihin ay sumasaatin ang Diyos!”[Matteo 1, 23]. 19
Ang kahulugan ng “magalak lagi” ni San Pablo Apostol ay lumilinaw sa Mabuting Balita na nagtatanghal kay San Juan Bautista bilang saksi ng liwanag. Kagalakan ng saksi ang magbigay patotoo siya sa liwanag; kahit pa ang ibig sabihin niyon ay pag-aming hindi siya ang makapangyarihang tagapagligtas. Palibhasa, sa kabila ng kababaang loob ng saksi upang sabihing “ni hindi ako karapat-dapat magkalag ng kanyang panyapak” [Juan 1, 27], ay ang kagalakang sumampalataya sa isang pagmumulan ng totoong kaligtasan, ang tunay na liwanag na si Kristo Hesus. Baka pa sabihin nating hindi tayo karapat-dapat sa karangalang ito. Maaaring mangyari ding maduwag tayo sa bigat ng gawaing ito. Napakalaking tukso ang magturo ng iba na sasabihin nating mas magaling o karapat dapat kaysa sa ating mga sarili! Paano nga ba ang magbigay saksi? Tularan ang landas na ipinakita ni San Juan Bautista, hindi tayo ang malakas, ang Panginoong Hesus Nazareno ang tagapagligtas. Tayo ay mga tagasunod, deboto at disipulo lamang. Alam ng ating Panginoon na kailangan nga natin ang tunay na tagapagligtas kaya maagap naman siya sa paglapit lalung-lalo na ngayong Panahon ng Adbyento. Maaring mangyari na hindi natin pakiramdam ang pagiging nagagalak at masayahin. Ngunit wala sa damdamin ang pagbibigay saksi sa kagalakan na siyang hinihingi ni Apostol San Pablo. Naroon iyon sa ipinakita sa atin din ni San Juan Bautista: sa pananahan at pananampalataya sa Diyos na dumarating ngayong Adbyento. Siyang tagapagligtas na ibig lamang tumugon tayo at makipagtulungan sa kanyang kasaysayan ng gawain ng pagliligtas upang mapalawig pa at magtuluy-tuloy ang kagalakan ng arawaraw at konkretong pagliligtas. Nasa pagkilos nang may pakikiramay ang kagalakan; sapagkat alam nating hindi matatalo ng kahirapan ang taos na kaligayahan ng pagtulong kahit pa sa napakaliit na kusing ng beinte singko sentimos. Nasa pakikilahok na masigla upang magawa kahit ang maliit nating bahagi sa pagdadala ng kaligtasan sa mga nagugutom, nauuhaw, walang damit at tahanan, sa mga nangangailangan ng edukasyon pagdalaw at pagpapagaan ng buhay sa pamamagitan man ng napakahamak na gawain ng Pondo ng Pinoy. (pagninilay ni Mhai Llanto)
20
Bahaginan Ano ang ipinagpapasalamat mo at pinagmumulan ng kagalakan sa buhay? Saan natin nakikita ang kalungkutan, paniniil at pagkabihag na nangangailangan ng pagdadala ng kagalakan ng pagliligtas mula sa Diyos? Paano nga ba natin konkretong nadadala ang Ebanghelyo ng kagalakan sa mga lugar na gayon? Panalangin para sa buong Linggo Panginoon ikaw ay matapat at maaasahan. Turuan mo akong manalangin nang walang pananawa upang makapagpasalamat at magalak sa anumang kaganapan at pangyayari sa aking buhay. Amen. Mungkahing Gampanin Isulat at gumawa ng listahan ng mga ipagpapasalamat mo sa iyong buhay. Magsadya sa isang lugar o taong nangangailangan ng pag-aaliw o kagalakan. Kung hindi magagawa ang pagdalaw sa kanila, gawin ang pananalangin para sa mga taong iyon. Sa paglalagay ng kusing sa iyong sisidlan ng Pondo ng Pinoy, huminga ng malalim at sabihin nang taimtim sa iyong puso, “Emmanuel ang pangalan ng Tagapagligtas, sumasaatin ang Diyos.” Pangwakas na Panalangin Panginoong Diyos, pinasasalamatan kita sa bawat hininga ng aking buhay. Nawa’y maging masigla akong saksi ng iyong pagmamahal. Maraming Salamat. Amen.
21
Ikaap at na Linggo ng Adbyento Ikaapa 2Samuel 7, 1-5; 8-12 Roma 16, 25-27 Lukas 1, 26-38 Paghahanda at Pambungad na Panalangin Sindihan ang apat na kandila ng Adbyento (tatlong ube at isang rosas). Maglaan ng oras upang manatili sa katahimikan at pananahan sa piling ng Diyos. Matapos ang ilang minuto ng katahimikan, atasan ang isang magsindi ng baon niyang kandila mula sa advent wreath at basahin ang Magnificat ng Mahal na Bireheng Maria. Tapusin ang panalangin sa pamamagitan ng pagdarasal ng Luwalhati sa Ama at sa Anak at sa Espiritu Santo… Salita ngDiyos [Lukas 1, 26-38] Nang ikaanim na buwan na ng pagdadalantao ni Elizabeth, ang anghel Gabriel ay sinugo ng Diyos sa Nazaret, Galilea, sa isang dalaga na ang pangalan ay Maria. Siya’y nakatakdang ikasal kay Jose, isang lalaki buhat sa lipi ni Haring David. Paglapit ng anghel sa kinaroroonan ng dalaga, binati niya ito, “Magalak ka! Ikaw ay kalugod-lugod sa Diyos,” wika niya. “Sumasaiyo ang Panginoon!” Nagulumihanan si Maria sa gayong pangungusap, at inisip niyang mabuti kung ano ang kahulugan niyon. Kaya’t sinabi sa kanya ng anghel, “Huwag kang matakot, Maria, sapagkat kinalulugdan ka ng Diyos. Makinig ka. Ikaw ay maglilihi at manganganak ng isang lalaki, at siya’y tatawagin mong Hesus. Magiging dakila siya at tatawaging Anak ng kataas-taasan. Ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang amang si David. Maghahari siya sa angkan ni
22
Jacob magpakailanman, at ang kanyang paghahari ay walang hanggan.” “Paanong mangyayari ito, gayong wala akong asawa?” tanong ni Maria. Sumagot ang anghel, “Bababa sa iyo ang Espiritu Santo at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasan. Kaya’t banal ang ipanganganak mo at tatawaging Anak ng Diyos. Natatandaan mo ang iyong kamag-anak na si Elizabeth? Alam ng lahat na siya’y baog, ngunit naglihi siya sa kabila ng kanyang katandaan. At ngayo’y ikaanim na buwan na ng kanyang pagdadalangtao: sapagkat walang hindi mapangyayari ang Diyos.” Sumagot si Maria, “narito ang alipin ng Panginoon. Maganap nawa sa akin ang iyong salita,” at nilisan siya ng anghel. Pagninilay Bumabaling tayo sa Bethlehem ngayong mga huling araw ng Adbyento. Naghahanda tayo sa pamamagitan ng pananatiling tahimik at nananahan sa piling ng Diyos. Sa kadiliman man, ipinapabatid sa atin ng Diyos ang kanyang pag-ibig, katapatan at layuning iligtas tayo. Ang Panahon ng Adbyento ay dinadaanan ng Simbahang Katoliko upang bawat isa sa atin ay mabigyang pagkakataong maging saksi ng liwanag ng Diyos lalung-lalo na para sa mga taong nangangailangan nito. Sa araw na ito din ay naghahanda tayo upang gawin ang paglalakbay patungo sa isang lugar na simple, hamak at natatago, bagamat inihanda ng Diyos para sa atin: “naghanda ang Diyos ng tahanan para sa inyo,” ani pa ng propeta sa kanyang mga kababayan. Nakabibigla namang sa kilos ng Diyos ng paghahanda ng tahanang mauuwian natin, nag pasya siyang “magkatawang-tao at makipamayan sa atin.” Isinasakatawan naman ng Mahal na Birheng Maria ang pagiging unang tahanan ng Panginoong Diyos na nagkatawang-tao para sa atin. Nakahahanga at nakasosorpresang misteryo ng paglapit ng Diyos, hindi niya winasak ang pagiging tao 23
upang patunayang siya ay Makapangyarihan at makapangyayari sa lahat. Ginanap niya ang pagiging tao mismo sa pakikiisa at pakikipamayan sa atin. Siya na ngayon ang dapat maging huwaran ng pagiging tunay na tao; taong may kaganapan sapagkat kaisa at katuwang ng Diyos! Sapagkat nais ng Diyos na makauwi tayo sa kanya, isinugo niya ang bugtong niyang anak upang mapasaatin din ang kanyang masintahing pagtingin. Sa maliliit mang paraan ng ating pananahan at pagtugon sa intensyon na ito ng Diyos para sa atin nagiging ganap araw-araw sa buhay natin ang kwento ng pagliligtas. Sa mahinahon at simpleng paraan man din, sa pagtulong natin sa ating kapwa na nangangailangan lalo ngayong panahon ng Adbyento, nasasama sila at nagiging kabilang din sa kwento ng konkretong pagliligtas ng Diyos. Sa bawat pagkain, inumin, damit, matutuluyan at mabuting gawain na ibinabahagi natin sa iba, nakalalapit tayong lalo at nakakapagpalapit pa ng kapwa tao natin sa belen ng pagliligtas ng nagkatawang-taong anak ng Diyos. Huwag kalimutang ang maliit na kilos man ay pakikibahagi na din sa gawain ng pagliligtas na arawaraw ay ginaganap ng Diyos para sa atin. (pagninilay ni Ed de Mesa)
Bahaginan Sa paghahanda sa Paskong naririto na nga para sa atin, saan nga ba natin itinutuon ang ating lakas at atensyon? Kung pakikinggan natin ang nais ng Diyos para sa atin at sa bawat taong kapwa natin, saan nga ba tunay na nababagay at tamang ilaan ang ating lakas at atensyon? Ano ang kahulugan ng Belen at Pondo ng Pinoy para sa iyo?
24
Panalangin para sa buong Linggo Panginoong Diyos, bigyang lakas mo kaming lumapit sa Bethlehem ng aming buhay. Pauwiin mo kami sa tahanang inihanda mo para sa amin, sa dambanang pinili mong unang tahanan, sa piling ng Mahal na Birheng Maria. Tulungan mo kaming maging bukas loob at bukas palad sa paghihintay sa iyo at paglilingkod sa aming kapwa. Amen. Mungkahing Gampanin Maghanda ng isang pamaskong handog para sa taong mahalaga sa iyo. ngunit siguraduhing hindi materyal ang iyong ibibigay na regalo (panalangin, paglilingkod o pakikiramay). Maghanda din ng materyal namang tulong sa isang hindi mo kaanak o kaibigan ngunit nangangailangan. Gumuhit ng isang larawan na nagpapakilala ng gawaing pastoral na Pondo ng Pinoy at ang mga natutuhan mo habang dumadaan ngayon sa Panahon ng Adbyento.
Pangwakas na Panalangin Pinasasalamatan ka namin o Diyos sa iyong walang hanggang awa at pagmamahal. Samahan mo kami sa mga huling araw na ito ng paglalakbay sa panahon ng Adbyento. Manahan ka sa amin, ikaw na aming uwian. Amen.
25
Bisperas ng Pasko Isaias 9, 1-6 Tito 2, 11-14 Lukas 2, 1-14 Paghahanda Tumayo nang nakapalibot sa advent wreath. Maglagay nang puting kandila sa gitna nito at talian ng makukulay na mga tali ang iba pang mga kandila. Sindihan ang limang kandila. Pambungad na Panalangin Nagkakatipon po kami aming Diyos sa gitna man ng dilim, habang nananabik sa iyong liwanag. Payapain ang aming mga puso at kalooban. Palayain kami sa mga pag-aalala at anumang makagagambala sa amin upang maging lubos kaming handa na makita, marinig at mapakinabangan ang iyong inihandang pagliligtas para sa amin. Amen. Salita ngDiyos [Lukas 2, 1-14] Noong panahong iyon, iniutos ng Emperador Augusto na magpatala ang lahat ng nasasakupan ng Imperyo ng Roma. Ang unang pagpapatalang ito’y ginawa nang si Cirenio ang gobernador ng Siria. Kaya’t umuwi ang bawat isa sa sariling bayan upang magpatala. Mula sa Nazareth, Galilea, si Jose’y pumunta sa Bethlehem, Judea, ang bayang sinilangan ni Haring David, sapagkat siya’y mula sa angkan at lahi ni David. Kasama niyang umuwi upang magpatala rin si Maria na kanyang magiging asawa na noo’y kagampan. Samantalang naroroon sila, dumating ang oras ng panganganak ni Maria, at isinilang 26
niya ang kanyang panganay at ito ay lalaki. Binalot niya ng lampin ang sanggol at inihiga sa isang sabsaban, sapagkat wala nang lugar para sa kanila sa bahay-panuluyan. Sa lupain ding yaon ay may mga pastol na nasa parang, nagpupuyat sa pagbabantay ng kanilang mga tupa. Biglang lumitaw sa harapan nila ang isang anghel ng Panginoon at lumaganap sa paligid nila ang nakasisilaw na kaningningan ng Panginoon. Natakot sila nang gayon na lamang, nguni sinabi sa kanila ng anghel, “Huwag kayong matakot! Ako’y may dalang mabuting balita para sa iyo na magdudulot ng malaking kagalakan sa lahat ng tao. Sapagkat isinilang ngayon sa bayan ni David ang inyong Tagapagligtas, ang Kristong Panginoon. Ito ang palatandaan: matatagpuan ninyo ang isang sanggol na nababalot ng lampin at nakahiga sa sabsaban.” Biglang lumitaw sa tabi ng anghel ang isang malaking hukbo ng kalangitan na nagpupuri sa Diyos: “Papuri sa Diyos sa kaitaasan, at sa lupa’y kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya!” Pagninilay Madalas nakaliligtaan na natin ang karanasan ng pagpupuyat para sa isang bagong silang na sanggol. Hindi natin alam pero karamay natin sa puyatang gayon ang mga nagsisilbing mga nars sa ospital, mga tagapag-alaga ng maysakit na kamag-anak, mga empleyado ng graveyard shift, mga volunteer sa pagtulong sa sunog at pagbabantay sa anumang sakuna. Nagpapagal ang mga taong ganito sa gitna ng kadiliman, nahihiwalay sila sa karamihang nahihimbing at nakahiga sa kani-kanilang himlayan, madalas hindi natin sila pansin at nakaliligtaang pasalamatan. Alalahanin natin ang mga tahimik na bayaning ito at dinggin din natin ang mabubuting panalangin nila na kaisa ng ating intensyong magdiwang ngayong gabi. Manahan tayo sa katahimikan ng gabi at tandaan ang napakaraming mga tao na ito na kasing dami ng mga bituin sa langit. Ano nga bang nasa puso nila at puso mo ngayong gabi na ito ng Kadakilaan at Pagdamay ng Diyos? Ano ba ang lubos 27
na ninanais nating lahat na nais ding tugunan ng nagkatawang-taong Diyos? Paano nga ba tayo pinananatili ng Diyos sa kanyang pag-asa? “Ang mga taong lumalakad sa dilim ay nakakita ng isang napakadakilang liwanag! Sa lupain ng sadyang kalungkutan, suminag ang liwanag!” Isang malaking sorpresa, mula sa dilim, suminag at nagsabog ang liwanag sa atin. Luwalhati at ningning, isang tinig ang bumulong sa iyong puso: “Huwag matakot! Mabuting Balita ito – kagalakang ganap – para sa sangkatauhan!” Ngayon nga sa unang pagkakataon, habang inaakala mong namamayani na at matagumpay ang dilim, napuno ng liwanag at awit ng mga anghel ang sanglibutan. “Luwalhati sa Diyos sa kaitaasan, at kapayapaan sa mga taong may mabuting kalooban!” Para sa mga naghihikahos, silang mga lupaypay sa dilim at kadustaan ng buhay, unang dumadalaw ang Diyos! Sa pagkikitang ito ng mga pastol at anghel, napupunit at napapag-iwanan ang kadiliman. Nabubuksan ang mga puso’t kalooban upang makitang ganap ang totoo magpakailanman, ang sangnilikha ay sinisinagan ng luwalhati ng Diyos. Nagkatawang-tao ang Diyos, nakipamayan siya sa atin. Isinilang siya bilang isang maliit at alagaing sanggol, nananawagan sa mga taong lumapit at umuwi sa kanya. Pinagkaisa niya ang langit at lupa, espiritu at laman, mga dukha at anghel. Lumapit tayong kaisa ng mga pastol patungo sa Belen. Buksang ganap ang iyong puso upang makita ang Diyos na piniling maging sanggol, nakabalot sa lampin, nakahiga sa sabsaban. Manahan tayo sa kanyang ating Diyos, siyang piniling makaisa tayo sa ating pagiging hamak bilang tao: marupok, maaaring masugat at darating ang pagpanaw. Siyang piniling ipabatid sa atin ang lakas sa kahinaang iyon ng pagiging tao, kapang yarihan sa desisyong makiramay sa pagmamahal, pagliligtas sa pamamagitan ng pakikiisa sa abang kalagayan. (pagninilay ni Mhai Llanto) 28
Bahaginan Handa ka na nga ba para sa araw ng Pasko? Bakit? Ano ang kahulugan ng Mabuting Balita ng mga anghel para sa iyo? Saan ang ating Belen sa taong ito, saan nga ba at paano natin makakasalubong at mapaglilingkuran ang Diyos? Panalangin para sa buong Linggo Salamat sa iyo aming Diyos sa iyong pagdating at pagkakatawang tao upang makaisa kami sa aming abang kalagayan. Pinupuno mo ng iyong mapagmahal na kapangyarihan ang katotohanan namin bilang tao, tinutupok mo ang aming mga kasalanan at inaakay kami sa kabutihan. Amen. Mungkahing Gampanin Isulat sa isang papel kung paanong kumikilos ang Diyos sa iyong buhay. Tapusin ang iyong isinulat sa pamamagitan ng isang panalangin ng pasasalamat sa Diyos. Pangwakas na Panalangin Luwalhati sa Diyos sa kaitaasan. At sa lupa ay kapayapaan sa mga taong kinalulugdan niya! Sumasaamin ka o Diyos at niluluwalhati ka namin. Salamat sa panahong nagkasama-sama kami sa paghihintay sa araw ng iyong pagsilang. Punuin mo kami ngayong Pasko ng pagibig na aabot at tutulong sa iba. Amen.
29
“Anumang magaling kahit maliit basta’t malimit ay patungong langit.”
View more...
Comments